Mananagana sa Pagpapala
Karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, nais ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagpalain ang bawat isa sa atin.1 Ang tanong tungkol sa kung paano tayo makatatanggap at makatatamo ng mga pagpapala ay paksang pangrelihiyon na pinagdebatehan at pinag-usapan na sa loob ng maraming siglo.2 Sinasabi ng ilan na ang mga pagpapala ay lubos na natatamo; na natatanggap natin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng ating mga gawa. Sinasabi naman ng iba na napili na ng Diyos kung sino ang Kanyang pagpapalain at kung paano—at ang mga pasiyang ito ay hindi mababago. Ang dalawang opinyong ito ay mali. Ang mga pagpapala mula sa langit ay hindi natatamo dahil lamang sa masilakbong pag-iipon ng “mga gantimpala para sa mabubuting gawa,” ni sa paghihintay lamang kung tayo ay suswertehin na makatanggap ng mga pagpapala. Ang totoo, bagama’t iba ang kahulugan ay mas higit na angkop para sa ugnayan ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang magiging mga tagapagmana—tayo. Inihayag ng ipinanumbalik na katotohanan na ang mga pagpapala ay hindi basta basta natatamo, ngunit ang mga ginawa natin na nabigyang-inspirasyon ng pananampalataya, sa simula at nang palagian, ay mahalaga.3
Habang pinag-iisipan natin kung paano tayo makatatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, ihalintulad natin ang mga pagpapala ng langit sa malaking salansan ng mga kahoy. Ipagpalagay na makikita sa gitna nito ang isang maliit na tumpok ng maliliit at maninipis na patpat, at nasa ibabaw nito ang salansan ng maliliit hanggang katamtamang laki na mga kahoy. Mga patpat muna, kasunod ang maliliit na kahoy, at sa huli ang malalaking kahoy. Ang salansan na ito ng mga kahoy na panggatong ay magbibigay ng matinding liwanag at init nang maraming araw. Isunod na ilarawan sa isipan ang isang posporo na katabi ng salansan ng mga kahoy, iyong uri na ikinakaskas ang dulo.4
Para makapagbigay ng liwanag at init ang salansan ng mga kahoy na panggatong, ang posporo ay kailangang ikiskis at sindihan ang mga patpat. Ang mga patpat ay kaagad na magniningas at susunugin ang mas malalaking piraso ng mga kahoy. Kapag nagsimula na ang combustion reaction o pagsunog, magpapatuloy ito hanggang sa ang lahat ng kahoy ay matupok o mawalan ng oxygen ang apoy.
Ang pagkiskis ng posporo at pagsindi sa mga patpat ay maliliit na gawain na nagpalabas sa kakayahang magbigay ng liwanag at init ng mga kahoy na panggatong.5 Hangga’t hindi ikinikiskis ang posporo, walang mangyayari, gaano man kalaki ang salansan ng mga kahoy. Kung ikiniskis ang posporo pero hindi ginamit para sindihan ang mga patpat, ang liwanag at init na nagmula lamang sa posporo ay napakaliit at ang combustion energy sa kahoy ay hindi mailalabas. Kung walang oxygen sa kahit anumang oras, ang combustion reaction ay tumitigil.
Sa ganito ring paraan, karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan.6 Una tayo ay kumikilos nang may pananampalataya; pagkatapos ay darating ang kapangyarihan—ayon sa kalooban at panahon ng Diyos. Ang pagkakasunud-sunod ay napakahalaga.7 Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli.8
Isipin ang nangyari noong dumating ang nagliliyab na mga ahas na lumilipad sa mga sinaunang Israelita habang papunta sila sa lupang pangako. Nakamamatay ang tuklaw ng makamandag na ahas. Ngunit ang natuklaw ay mapapagaling sa pamamagitan ng pagtingin sa ahas na tanso na ginawa ni Moises at ipinatong sa isang tikin.9 Gaano karaming enerhiya ang magagamit sa pagtingin sa isang bagay? Lahat ng tumingin ay nakatanggap ng lakas mula sa langit at napagaling. Ang ibang natuklaw na mga Israelita ay hindi tumingin sa ahas na tanso at nangamatay. Marahil ay wala silang pananampalataya para tumingin.10 Marahil ay hindi sila naniwala na ang simpleng pagkilos na iyon ay magdudulot ng paggaling. O marahil ay kusa nilang pinatigas ang kanilang mga puso at hindi tinanggap ang payo ng propeta ng Diyos.11
Ang alituntunin ng pagtatamo ng mga pagpapala na nagmumula sa Diyos ay walang hanggan. Tulad ng mga sinaunang Israelita na iyon, tayo rin ay dapat kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo para mapagpala. Inihayag ng Diyos na “may isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.”12 Gayunpaman, hindi kayo nagtatamo ng mga pagpapala dahil lamang sa mga ginawa ninyo—mali ang ideyang iyan—ngunit kailangang maging marapat kayo para dito. Ang ating kaligtasan ay darating lamang sa pamamagitan ng kabutihan at biyaya ni Jesucristo.13 Ang kadakilaan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay nangangahulugan na ang mga pagpapala ay walang hanggan; ang maliliit nating ginagawa ay walang halaga kung ikukumpara dito. Ngunit ang mga ito ay may halaga, at may kabuluhan; sa dilim ang isang posporo na sinindihan ay makikita sa malayo. Katunayan, nakikita ito ng langit dahil ang maliliit na ginagawa natin nang may pananampalataya ay kinakailangan para matanggap ang mga pangako ng Diyos.14
Upang matanggap ang ninanais na pagpapala mula sa Diyos, kumilos nang may pananampalataya, ikiskis ang metaporikong posporo kung saan nakasalalay ang pagpapala ng langit. Halimbawa, isa sa mga layunin ng panalangin ay matanggap ang mga pagpapala na handang ibigay ng Diyos ngunit kinakailangan nating hingin upang matanggap.15 Si Alma ay nagsumamo na kaawaan siya, at alisin ang nadarama niyang pasakit; at hindi na siya sinaktan pa ng alaala ng kanyang mga kasalanan. Nadaig ng kagalakan ang kanyang pasakit—lahat ng iyan ay dahil nagsumamo siya nang may pananampalataya kay Jesucristo.16 Ang activation energy o kapangyarihang kailangan natin ay magkaroon ng sapat na pananampalataya kay Cristo para taimtim na makapanalangin at makahingi sa Diyos at tanggapin ang Kanyang kalooban at kung kailan Niya ipagkakaloob ito.
Kadalasan, ang kinakailangang gawin para matanggap ang mga pagpapala ay hindi lang basta paghahanap o paghingi; kinakailangan ang patuloy, paulit-ulit, at puno ng pananampalataya na paggawa. Sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, iniutos ni Brigham Young sa isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na galugarin at isaayos ang Arizona, isang disyerto sa North America. Pagkarating sa Arizona, naubos ang tubig ng grupo at natakot na baka mamatay sila. Nanalangin sila sa Diyos na tulungan sila. Di-nagtagal, bumagsak ang ulan at niyebe, kaya napuno nila ng tubig ang mga lalagyan nila at nakapagbigay ng maiinom sa kanilang mga hayop. Nagpasalamat at napalakas, bumalik sila sa Salt Lake City na nagagalak sa kabutihan ng Diyos. Nang makabalik na sila, isinalaysay nila ang mga detalye ng kanilang paglalakbay kay Brigram Young at sinabing hindi maaaring tirhan ang Arizona.
Pagkatapos marinig ang salaysay nila, tinanong ni Brigham Young ang isang lalaki sa silid kung ano ang masasabi niya tungkol sa paglalakbay at sa himala. Ang lalaking iyon, si Daniel W. Jones, ay nagsabi nang buong galak, “Magpapatuloy ako kahit mahirap, at mananalangin muli.” Ipinatong ni Brother Brigham ang kanyang kamay kay Brother Jones at sinabing, “Ito ang taong mamumuno sa susunod na paglalakbay sa Arizona.”17
Maaalala natin ang mga panahon na nagpatuloy tayo kahit mahirap at nanalangin muli—at tumanggap ng mga pagpapala. Makikita sa mga karanasan nina Michael at Marian Holmes ang mga alituntuning ito. Kami ni Michael ay magkasamang naglingkod bilang mga Area Seventy. Lagi akong natutuwa sa tuwing tatawagin siya para manalangin sa aming mga miting dahil kitang-kita ang kanyang malalim na espirituwalidad; alam niya kung paano makipag-usap sa Diyos. Gustung-gusto kong naririnig siyang manalangin. Gayunman, noong mga unang taon nila bilang mag-asawa, hindi nananalangin o nagsisimba sina Michael at Marian. Abala sila sa kanilang tatlong maliliit na anak at sa kanilang maunlad na construction company. Pakiramdam ni Michael ay hindi siya relihiyosong tao. Isang gabi, dumating ang bishop sa kanilang tahanan at hinikayat sila na magsimulang manalangin.
Nang makaalis na ang bishop, nagpasiya sina Michael at Marian na susubukan nilang manalangin. Bago matulog, lumuhod sila sa tabi ng kanilang kama at, tila naaasiwa, sinimulan ni Michael ang pagdarasal. Pagkatapos sumambit ng ilang salita sa panalangin, biglang tumigil si Michael, at sinabing, “Marian, hindi ko kayang gawin ito.” Nang siya ay tumayo at papaalis na, hinawakan ni Marian ang kanyang kamay, hinila siya paluhod, at sinabi, “Mike, kaya mong gawin ito. Subukan mong muli!” Sa panghihikayat na ito, natapos ni Michael ang isang maikling panalangin.
Ang mga Holmes ay nagsimulang manalangin nang regular. Tinanggap nila ang paanyaya ng isang kapit-bahay na magsimba. Habang naglalakad sila papasok sa chapel at narinig ang pambungad na himno, ibinulong sa kanila ng Espiritu, “Ito ay totoo.” Kalaunan, tahimik at kusa, tumulong si Michael sa pag-aalis ng mga basura sa meetinghouse. Nang gawin niya ito, malakas ang impresyong nadama niya, “Ito ay Aking bahay.”
Tumanggap sina Michael at Marian ng mga calling sa Simbahan at naglingkod sa kanilang ward at stake. Sila ay nabuklod sa isa’t isa, at ang kanilang 3 anak ay nabuklod sa kanila. Nagkaroon pa sila ng mga anak, na umabot sa 12. Ang mga Holmes ay naglingkod bilang mission president at kompanyon—nang dalawang beses.
Ang unang asiwang pagdarasal na iyon ay isang maliit na pagkilos ngunit puno ng pananampalataya na nagdulot ng mga pagpapala ng langit. Napanatili ng mga Holmes ang apoy ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagsisimba at paglilingkod. Ang pagiging tapat nilang mga disipulo sa nakalipas na mga taon ay humantong sa patuloy na paglakas ng apoy ng pananampalataya na nagbibigay-inspirasyon hanggang sa panahong ito.
Gayunman, ang apoy ay kailangang patuloy na makatanggap ng oxygen para ang mga panggatong ay magamit nang husto. Tulad ng ipinakita nina Michael at Marian, ang pananampalataya kay Cristo ay nangangailangan ng patuloy na pagkilos para magpatuloy ang paglakas ng apoy ng pananampalataya. Ang maliliit na pagkilos ay susuporta sa kakayahan nating tahakin ang landas ng tipan at makarating sa pinakadakilang mga pagpapala na maibibigay sa atin ng Diyos. At ang pananampalataya ay mapapanatili lamang kung patuloy tayong susulong. Kung minsan kailangan nating gumawa ng pana at palaso bago dumating ang paghahayag kung saan tayo makakahanap ng pagkain.18 Kung minsan kailangan nating gumawa ng mga kagamitan bago dumating ang paghahayag kung paano gagawa ng isang sasakyang-dagat.19 Kung minsan, sa utos ng propeta ng Panginoon, kinakailangan nating magluto ng maliit na tinapay mula sa kaunting langis at harina na mayroon tayo para makatanggap ng langis sa banga at harina sa bariles na hindi makukulangan.20 At kung minsan kinakailangan nating “mapanatag at malaman na [ang Diyos ay] Diyos,” at magtiwala sa Kanyang pasiya.21
Kapag nakatanggap kayo ng anumang pagpapala mula sa Diyos, masasabi ninyo na sinunod ninyo ang walang hanggang batas kung saan nakasalalay ang pagpapalang iyan.22 Ngunit tandaan na ang “hindi mababagong” batas ay may sariling panahon, ibig sabihin dumarating ang mga pagpapala ayon sa itinakdang panahon ng Diyos. Maging ang mga sinaunang propeta sa paghahangad ng tahanan sa langit23 ay “ayon sa pananampalataya ay nangamatay … , na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni’t kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo … [ay nahikayat] … [at tinangggap ang mga ito].”24 Kung ang ninanais na pagpapala mula sa Diyos ay hindi pa natanggap—hindi ninyo kailangang mag-alala, at mag-isip kung ano pa ang dapat ninyong gawin. Sa halip, sundin ang payo ni Joseph Smith na “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng [inyong] makakaya; at pagkatapos … [tumayong] hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang … bisig [ng Diyos] ay maipahayag.”25 Ang ilang mga pagpapala ay ipinagkakaloob kalaunan, maging sa pinakamagigiting na anak ng Diyos.26
Anim na buwan na ang nakararaan, inilahad ang isang planong nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na pag-aaral ng doktrina, pagpapalakas ng pananampalataya, at pagpapatatag ng bawat isa at ng mga pamilya. Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson na ang mga pagbabago ay makatutulong sa atin na espirituwal na makaligtas, mapag-ibayo ang ating kagalakan sa ebanghelyo, at mapalalim ang ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.27 Ngunit tayo ang kikilos para matamo ang mga pagpapalang ito. Responsibilidad ng bawat isa sa atin na buksan at pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, kasama ang mga banal na kasulatan at ibang materyal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.28 Kinakailangan nating talakayin ang mga ito sa ating pamilya at mga kaibigan at isaayos ang ating araw ng Sabbath para mapalakas ang ating pananampalataya at patotoo. O kaya’y hayaan nating nakasalansan lang ang mga materyal na ito sa ating mga tahanan nang hindi nagagamit ang lakas na nakulong sa loob nito.
Inaanyayahan ko kayo na tapat na kamtin ang kapangyarihan ng langit para makatanggap ng mga partikular na pagpapala mula sa Diyos. Gamitin ang pananampalataya na ikiskis ang posporo at pasiklabin ang apoy. Suplayan ito ng kinakailangang oxygen habang matiyaga kayong naghihintay sa Panginoon. Sa mga paanyayang ito, dalangin ko na gabayan at patnubayan kayo ng Espiritu Santo nang sa gayon kayo, tulad ng tapat na tao na inilarawan sa Mga Kawikaan ay “mananagana sa pagpapala.”29 Pinatototohanan ko na buhay ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, na Sila ay nagmamalasakit sa inyong kapakanan, at nalulugod na pagpalain kayo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.