Pangkalahatang Kumperensya
Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay

Kapag pinadidilim ng personal na mga paghihirap o mga sitwasyon sa mundo ang ating landas, ang mga alaala na espirituwal na nagpapatibay ay parang kumikinang na mga bato na pinagliliwanag ang ating daan.

Labingwalong taon pagkaraan ng Unang Pangitain, sumulat si Propetang Joseph Smith ng isang detalyadong salaysay tungkol sa kanyang karanasan. Naharap siya sa oposisyon, pag-uusig, pananakot, pagbabanta, at malulupit na pag-atake.1 Subalit buong tapang na patuloy niyang pinatotohanan ang kanyang Unang Pangitain: “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo. … Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”2

Sa mga oras ng kanyang paghihirap, naalala ni Joseph ang halos dalawang dekada ng katiyakan ng pagmamahal ng Diyos para sa kanya at ng mga pangyayaring nagpasimula sa matagal nang ipinropesiyang Pagpapanumbalik. Habang pinagninilayan ang kanyang espirituwal na paglalakbay, sinabi ni Joseph: “Hindi ko masisisi ang sinuman kung hindi paniwalaan ang aking kasaysayan. Kung hindi ko ito naranasan, ako mismo ay hindi maniniwala rito.”3

Ngunit ang mga karanasan ay totoo, at hindi niya kailanman kinalimutan o ikinaila ang mga iyon, na tahimik na pinagtitibay ang kanyang patotoo hanggang sa humantong siya sa piitan ng Carthage. “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan,” wika niya, “subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao.”4

Ang Inyong mga Karanasan na Espirituwal na Nagpapatibay

May aral para sa atin sa halimbawa ni Propetang Joseph. Kasama ng mapayapang patnubay na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo, paminsan-minsan, makapangyarihan at napakapersonal na tinitiyak ng Diyos sa ating lahat na kilala at mahal Niya tayo at na pinagpapala Niya tayo nang personal at hayagan. Sa gayon, sa mga sandali ng ating paghihirap, ipinaaalala ng Tagapaglitas ang mga karanasang ito sa ating isipan.

Isipin ang sarili ninyong buhay. Sa paglipas ng mga taon, libu-libong malalalim na espirituwal na karanasan ang napakinggan ko na mula sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng daigdig, na pinagtitibay sa akin nang walang anumang pagdududa na kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin at na sabik Siyang ihayag ang Kanyang Sarili sa atin. Ang mga karanasang ito ay maaaring dumating sa mahahalagang panahon ng ating buhay o sa mga pangyayaring maaaring tila hindi makabuluhan sa simula, ngunit palagi itong nalalakipan ng isang napakalakas na espirituwal na pagpapatibay ng pagmamahal ng Diyos.

Ang pag-alala sa mga karanasang ito na espirituwal na nagpapatibay ay umaakay sa atin na lumuhod at manalangin, na sinasambit ang tulad sa ipinahayag ni Propetang Joseph: “Ang natanggap ko ay mula sa langit. Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos.”5

Apat na Halimbawa

Pagnilayan ang inyong sariling mga alaala na espirituwal na nagpapatibay habang ibinabahagi ko ang ilang halimbawa mula sa iba.

Dr. Russell M. Nelson

Ilang taon na ang nakararaan, isang matandang stake patriarch na may dalawang mahina nang balbula sa puso ang nagmakaawa noon kay Dr. Russell M. Nelson na tumulong, bagama’t noong panahong iyon ay wala pang operasyon na makakalunas para sa pangalawang mahina nang balbula. Sa huli ay pumayag si Dr. Nelson na gawin ang operasyon. Ganito ang sabi ni Pangulong Nelson:

“Matapos bawasan ang bara ng unang balbula, tiningnan namin ang pangalawang balbula. Nakita naming buo naman ito, pero masyadong maluwang kaya hindi na ito maaaring [gumana nang maayos]. Habang sinusuri ang balbulang ito, may malinaw na mensaheng pumasok sa isipan ko: Bawasan mo ang luwang. Sinabi ko ito sa aking assistant. ‘Maaayos natin ang balbula kung mababawasan natin ang luwang nito at maibalik ito sa normal na sukat.’

“Ngunit paano? … Malinaw na nailarawan sa aking isipan ang paraan para magawa ito, ipinakikita kung paano ito tatahiin—itutupi rito at isusuksok doon. … Naaalala ko pa ang paglalarawang iyon sa aking isipan—kasama ang mga putul-putol na linya kung saan dapat tahiin. Natapos ang pagtatahi ayon sa nakalarawan sa aking isipan. Sinubukan namin ang balbula at malaki ang nabawas sa dugong tumatagas dito. Sabi ng assistant ko, ‘Himala ito.’”6 Nabuhay pa nang maraming taon ang patriarch.

Pinatnubayan si Dr. Nelson. At alam niya na alam ng Diyos na alam niya na pinatnubayan siya.

Beatrice Magré

Una naming nakilala ni Kathy si Beatrice Magré sa France 30 taon na ang nakararaan. Kamakailan ay ikinuwento sa akin ni Beatrice ang isang karanasan na nakaapekto nang malaki sa kanyang espirituwal na buhay matapos ang kanyang binyag noong tinedyer pa siya. Ganito ang kuwento niya:

“Ang mga youth ng aming branch ay naglakbay kasama ang kanilang mga lider sa Lacanau Beach, isang oras at kalahati mula sa Bordeaux.

“Bago umuwi, isa sa mga lider ang nagpasiyang lumangoy sa huling pagkakataon at tumalon sa mga alon na suot ang kanyang salamin sa mata. Nang umahon siya, wala na ang salamin niya. … Nawala iyon sa dagat.

“Dahil nawala ang salamin niya, hindi niya maimamaneho ang kanyang sasakyan. Hindi kami makakauwi at malayo kami sa aming tahanan.

“Iminungkahi ng isang sister na puspos ng pananampalataya na magdasal kami.

“Bumulung-bulong ako na walang maitutulong sa amin ang pagdarasal, at asiwang sumali ako sa grupo sa pagdarasal nang hayagan habang nakatayo kami hanggang baywang sa malabong tubig.

“Nang matapos ang panalangin, iniunat ko ang aking mga kamay para patilamsikan ang lahat. Habang kumakampay-kampay ako sa dagat, napunta sa kamay ko ang salamin niya. Isang makapangyarihang damdamin ang nanuot sa aking kaluluwa na talagang pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang aming mga panalangin.”7

Pagkaraan ng apatnapu’t limang taon, naalala niya iyon na para bang kahapon lang iyon nangyari. Napagpala si Beatrice, at alam niya na alam ng Diyos na alam niya na napagpala siya.

Magkaibang-magkaiba ang mga karanasan nina Pangulong Nelson at Sister Magré, subalit para sa dalawa, isang di-malilimutang alaala ng pagmamahal ng Diyos na espirituwal na nagpapatibay ang tumimo sa kanilang puso.

Ang mga pangyayaring iyon na nagpapatibay ay kadalasang dumarating sa pag-aaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo o sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

Floripes Luzia Damasio at Neil L. Andersen

Ang retratong ito ay kinunan sa São Paulo, Brazil, noong 2004. Si Floripes Luzia Damasio ng Ipatinga Brazil Stake ay 114 taong gulang. Patungkol sa kanyang pagbabalik-loob, ikinuwento sa akin ni Sister Damasio na nagbigay ang mga missionary sa kanyang nayon ng priesthood blessing sa isang sanggol na malubha ang sakit na mahimalang gumaling. Gusto pa niyang matuto pa. Habang nagdarasal siya tungkol sa kanilang mensahe, isang di-maikakailang pagpapapatibay ng Espiritu ang nagpatunay sa kanya na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Sa edad na 103, nabinyagan siya, at, sa edad na 104, na-endow siya. Taun-taon pagkaraan nito, 14-na-oras siyang nagbibiyahe sakay ng bus para gumugol ng isang linggo sa templo. Nakatanggap si Sister Damasio ng isang pagpapatibay mula sa langit, at alam niya na alam ng Diyos na alam niya na totoo ang pagpapatibay na iyon.

Narito ang isang espirituwal na alaala mula sa una kong misyon sa France 48 taon na ang nakararaan.

Habang nagbabahay-bahay, nag-iwan kaming magkompanyon ng isang Aklat ni Mormon sa isang matandang babae. Pagbalik namin sa apartment ng babae pagkaraan ng mga isang linggo, binuksan niya ang pinto. Bago pa nakapagsalita ang sinuman, nakadama ako ng isang tiyak na espirituwal na kapangyarihan. Nagpatuloy ang marubdob na damdamin nang papasukin kami ni Madame Alice Audubert at sabihin sa amin na nabasa na niya ang Aklat ni Mormon at na alam niyang ito ay totoo. Nang paalis na kami sa apartment niya noong araw na iyon, nanalangin ako, “Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyo akong hindi malimutan ang nadama ko.” Hindi ko iyon nalimutan kailanman.

Si Elder Andersen bilang missionary

Sa isang tila karaniwang sandali, sa isang pinto na katulad ng daan-daang iba pang pinto, nadama ko ang kapangyarihan ng langit. At alam ko na alam ng Diyos na alam ko na nabuksan ang isang dungawan sa langit.

Personal at Hindi Maikakaila

Ang mga sandaling ito na espirituwal na nagpapatibay ay dumarating sa iba’t ibang pagkakataon at sa iba’t ibang paraan, na personal para sa bawat isa sa atin.

Isipin ang inyong mga paboritong halimbawa sa mga banal na kasulatan. Yaong mga nakikinig kay Apostol Pedro ay “nangasaktan ang kanilang puso.”8 Ang Lamanitang babae na is Abish ay naniwala sa “kahanga-hangang pangitain ng kanyang ama.”9 At pumasok sa isipan ni Enos ang isang tinig.10

Ganito inilarawan ng kaibigan ko na si Clayton Christensen ang isang karanasan habang binabasa nang may taimtim na panalangin ang Aklat ni Mormon: “Isang kalugud-lugod, masigla, magiliw na [Diwa ang] pumalibot sa akin at pinuspos ang aking kaluluwa, at nilukob ako ng damdamin ng pagmamahal na di ko akalaing madarama ko, [at nagpatuloy ang damdaming iyon gabi-gabi].”11

May mga pagkakataon na may mga espirituwal na damdamin sa ating puso na parang apoy, na nagbibigay ng kaliwanagan sa ating kaluluwa. Ipinaliwanag ni Joseph Smith na kung minsan ay “may bigla [t]ayong [n]aiisip” at paminsan-minsa’y dumadaloy ang dalisay na talino.12

Ipinayo ni Pangulong Dallin H. Oaks, bilang tugon sa isang matapat na lalaki na nagsabing hindi pa siya kailanman nakaranas ng gayon, “Marahil ay paulit-ulit nang nasagot ang iyong mga dalangin, ngunit nakatuon ang iyong mga inaasahan sa isang palatandaang napakaringal o isang tinig na napakalakas kaya iniisip mo na hindi ka pa nasasagot.”13 Ang Tagapagligtas mismo ang nagsalita sa mga taong may malaking pananampalataya na “[nabasbasan] ng apoy at ng Espiritu Santo, [ngunit] hindi nila nalalaman ito.”14

Paano Ninyo Siya Maririnig?

Narinig natin kamakailan na sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Inaanyayahan ko kayo na isiping mabuti at madalas ang mahalagang tanong na ito: Paano ninyo Siya maririnig? Inaanyayahan ko rin kayong gumawa ng mga hakbang upang marinig Siya nang mas maigi at mas madalas.”15 Inulit niya ang paanyayang iyan ngayong umaga.

Naririnig natin Siya sa ating mga dalangin, sa ating mga tahanan, sa mga banal na kasulatan, sa ating mga himno, sa marapat na pagtanggap natin ng sakramento, sa pagpapahayag ng ating pananampalataya, sa paglilingkod natin sa iba, at sa pagdalo natin sa templo kasama ng mga kapwa nananampalataya. Ang mga sandali na espirituwal na nagpapatibay ay dumarating habang mapanalangin tayong nakikinig sa pangkalahatang kumperensya at habang mas sinusunod natin ang mga kautusan. At mga bata, para din sa inyo ang mga karanasang ito. Tandaan, si Jesus ay “nagturo at naglingkod sa mga [bata] … at [ang mga bata] ay nangusap … ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay.”16 Sabi ng Panginoon:

“[Ang kaalamang ito] ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo, … at maliban sa aking kapangyarihan hindi ninyo matatanggap [ito];

“Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita.”17

Magagawa nating “pakinggan Siya” dahil sa pagpapala ng walang-katumbas na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Bagama’t hindi natin mapipili ang takdang-panahon ng pagtanggap sa mga sandaling ito na nagpapatibay, ibinigay ni Pangulong Henry B. Eyring ang payong ito sa ating paghahanda: “Mamayang gabi, at bukas ng gabi, maaari kayong magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking [pamilya]?”18 Binubuksan ng pananampalataya, pagsunod, pagpapakumbaba, at tunay na hangarin ang mga dungawan sa langit.19

Isang Paglalarawan

1:19
Pagtahak sa landas ng buhay
Ang espirituwal na mga alaala ay nagbibigay ng liwanag
Pagtulong sa iba na muling matuklasan ang espirituwal na liwanag

Maaari ninyong isipin ang inyong mga espirituwal na alaala sa ganitong paraan. Lakip ang patuloy na panalangin, determinasyong tuparin ang ating mga tipan, at kaloob na Espiritu Santo, tumatahak tayo sa landas ng ating buhay. Kapag pinadidilim ng personal na paghihirap, pagdududa, o panghihina ng loob ang ating landas, o kapag ang mga sitwasyon sa mundo na hindi natin kontrolado ay nagiging dahilan para mag-alala tayo tungkol sa hinaharap, ang mga alaala na espirituwal na nagpapatibay mula sa ating aklat ng buhay ay parang kumikinang na mga bato na nililiwanagan ang daang tinatahak natin, na tinitiyak sa atin na kilala tayo ng Diyos, mahal Niya tayo, at isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong makauwi. At kapag isinantabi ng tao ang kanilang mga alaala na nagpapatibay at sila ay naliligaw o nalilito, ibinabaling natin sila sa Tagapagligtas habang ibinabahagi natin ang ating pananampalataya at mga alaala sa kanila, at tinutulungan silang matuklasang muli yaong mahahalagang espirituwal na sandali na minsan nilang pinahalagahan.

Ang ilang karanasan ay napakasagrado kaya binabantayan natin ang mga ito sa ating espirituwal na alaala at hindi natin ibinabahagi ang mga iyon20

“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo.”21

“Ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.

“Sapagkat masdan, sila ay nasasakop [ni Cristo], upang maglingkod alinsunod sa … kanyang utos, ipinakikita ang kanilang sarili sa kanila na may matibay na pananampalataya at may matatag na isipan sa bawat anyo ng kabanalan.”22

At “ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.”23

Masayang alalahanin ang inyong mga sagradong alaala. Paniwalaan ang mga ito. Isulat ang mga ito. Ibahagi ang mga ito sa inyong pamilya. Magtiwala na dumarating ang mga ito sa inyo mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.24 Hayaan silang maghatid ng pagtitiis sa inyong mga pagdududa at pag-unawa sa inyong mga paghihirap.25 Ipinapangako ko sa inyo na kapag malugod ninyong kinilala at maingat na pinahalagahan ang mga pangyayari na espirituwal na nagpapatibay sa inyong buhay, mas marami pang darating sa inyo. Kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit!

Si Jesus ang Cristo, ang Kanyang ebanghelyo ay naipanumbalik, at kapag nanatili tayong matapat, pinatototohanan ko na makakasama Niya tayo magpakailanman, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), 150–53; tingnan din sa Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 205–9, josephsmithpapers.org; Mga Banal, 1:365–66.

  2. Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 614.

  4. Doktrina at mga Tipan 135:4.

  5. Noon pa man ay namamangha na ako sa mga salita sa Joseph Smith—Kasaysayan na: “Nakakita ako ng pangitain; Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25). Kakailanganin niyang manindigan sa harap ng Diyos at ipahayag na ang mga pangyayaring ito sa Sagradong Kakahuyan ay totoong nangyari sa kanyang buhay at na hindi na magiging katulad ng dati ang kanyang buhay kailanman dahil dito. Mga 25 taon na ang nakararaan, una kong narinig ang ibang bersyon ng pahayag na ito mula kay Elder Neal A. Maxwell. Ibinigay niya ang halimbawang ito: “Matagal na noong Mayo 1945 nagkaroon ako ng gayong sandali sa pulo ng Okinawa sa edad na labingwalo. Tiyak na walang kabayanihan sa akin kundi isang pagpapala para sa akin at sa iba nang bombahin ng kanyon ng mga Hapon ang aming kinaroroonan. Matapos ang paulit-ulit na pambobomba na lumalagpas sa aming kinaroroonan, tumama rin ang pag-asinta ng kanyon ng kaaway. Dapat ay patuloy nila kaming binomba para umepekto iyon, ngunit may isang tugon mula sa langit kahit sa isa man lang na takot at makasariling panalangin. Tumigil ang pambobomba. … Napagpala ako, at alam ko na alam ng Diyos na alam ko” (“Becoming a Disciple,” Ensign, Hunyo 1996, 19).

    Hindi lang idinagdag ni Elder Maxell na alam niya, at hindi lang alam ng Diyos, kundi alam ng Diyos na alam niya na napagpala siya. Simboliko para sa akin na itinataas nito nang isang bahagdan ang pananagutan. Kung minsan, nilalakipan ng ating Ama sa Langit ng pagpapala ang isang matinding espirituwal na pagpapatibay sa atin na tumulong ang kalangitan alang-alang sa atin. Hindi ito maikakaila. Nananatili ito sa atin, at kung tayo ay matapat at nananampalataya, huhubugin nito ang ating buhay sa darating na mga taon. “Napagpala ako, at alam ko na alam ng Diyos na alam ko na napagpala ako.”

  6. Russell M. Nelson, “Ang Magiliw na Kapangyarihan ng Panalangin,” Liahona, Mayo 2003, 8.

  7. Personal na kuwento mula kay Beatrice Magré na ibinahagi kay Elder Andersen noong Okt. 29, 2019; follow-up email noong Ene. 24, 2020.

  8. Mga Gawa 2:37.

  9. Alma 19:16.

  10. Tingnan sa Enos 1:5.

  11. Clayton M. Christensen, “Ang Pinaka-Kapaki-pakinabang na Kaalaman,” Liahona, Ene. 2009, 22.

  12. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 153.

  13. Dallin H. Oaks, Life’s Lessons Learned: Personal Reflections (2011), 116.

  14. 3 Nephi 9:20.

  15. Russell M. Nelson, “‘How Do You #HearHim?’ A Special Invitation,” Peb. 26, 2020, blog.ChurchofJesusChrist.org.

  16. 3 Nephi 26:14.

  17. Doktrina at mga Tipan 18:35–36. Palaging may kalakip na damdamin ang espirituwal na kaalaman. “Kayo ay mabilis sa paggawa ng kasamaan subalit mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon ninyong Diyos. Nakakita kayo ng isang anghel, at nangusap siya sa inyo; oo, manaka-naka ay narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita” (1 Nephi 17:45).

  18. Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 69.

  19. Tingnan sa 2 Nephi 31:13; Moroni 10:4. Binisita ni Pangulong Dallin H. Oaks ang aming mission sa Bordeaux, France, noong 1991. Ipinaliwanag niya sa aming mga missionary na ang ibig sabihin ng tunay na hangarin ay na ang taong nagdarasal ay parang ganito ang sinasabi sa Panginoon: “Hindi po ako nagtatanong para lang mag-usisa, kundi may ganap na katapatang kumilos ayon sa sagot sa aking panalangin. Kung ibibigay po Ninyo sa akin ang sagot na ito, kikilos po ako para baguhin ang buhay ko. Kikilos po ako.”

  20. “Ibinigay sa marami na malaman ang mga hiwaga ng Diyos; gayunpaman, sila ay pinasailalim sa isang mahigpit na pag-uutos na hindi nila ipamamahagi tanging alinsunod lamang sa bahagi ng kanyang salita na ipinagkaloob niya sa mga anak ng tao, alinsunod sa pagtalima at pagsusumikap na kanilang ibinigay sa kanya” (Alma 12:9).

    Sabi ni Elder Neal A. Maxwell: “Kailangan ng inspirasyon upang malaman kung kailan magbabahagi [ng mga espirituwal na karanasan]. Naaalala ko na narinig kong sinabi ni Pangulong Marion G. Romney, sa magkahalong pagpapatawa at karunungan, na ‘Magkakaroon tayo ng mas maraming espirituwal na karanasan kung hindi tayo gaanong magkukuwento tungkol sa mga iyon’” (“Called to Serve” [Brigham Young University devotional, Mar. 27, 1994], 9, speeches.byu.edu).

  21. 2 Nephi 32:3.

  22. Moroni 7:29–30.

  23. Juan 14:26.

  24. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay para sa lahat. Noong buong linggo bago ang kumperensya, nang matapos ko ang aking mensahe, espirituwal akong natuon sa isang aklat na pinamagatang Divine Signatures: The Confirming Hand of God (2010), na isinulat ni Gerald N. Lund, na naglingkod bilang isang General Authority Seventy mula 2002 hanggang 2008. Sa aking katuwaan, ang mga salita ni Brother Lund ay isang magandang pangalawang saksi sa mga alituntuning ibinahagi sa mensaheng ito sa kumperensya at masisiyahan ang sinumang naghahangad na mag-aral pa tungkol sa mga alaala na espirituwal na nagpapatibay.

  25. Ang isa sa mga paboritong sipi ni Pangulong Thomas S. Monson ay mula sa makatang Scottish na si James M. Barrie: “Binigyan tayo ng Diyos ng mga alaala, upang magkaroon tayo ng mga rosas ng Hunyo sa Disyembre ng ating buhay” (sa Thomas S. Monson, “Think to Thank,” Liahona, Ene. 1999, 22). Totoo rin ito sa mga espirituwal na alaala. Maaaring ang mga ito ang pinakamalaking tulong sa malalamig na panahon ng pagsubok sa ating buhay kapag kailangan natin yaong mga espirituwal na alaala ng “Hunyo.”