Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay
Kapag pinadidilim ng personal na mga paghihirap o mga sitwasyon sa mundo ang ating landas, ang mga alaala na espirituwal na nagpapatibay ay parang kumikinang na mga bato na pinagliliwanag ang ating daan.
Labingwalong taon pagkaraan ng Unang Pangitain, sumulat si Propetang Joseph Smith ng isang detalyadong salaysay tungkol sa kanyang karanasan. Naharap siya sa oposisyon, pag-uusig, pananakot, pagbabanta, at malulupit na pag-atake.1 Subalit buong tapang na patuloy niyang pinatotohanan ang kanyang Unang Pangitain: “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo. … Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”2
Sa mga oras ng kanyang paghihirap, naalala ni Joseph ang halos dalawang dekada ng katiyakan ng pagmamahal ng Diyos para sa kanya at ng mga pangyayaring nagpasimula sa matagal nang ipinropesiyang Pagpapanumbalik. Habang pinagninilayan ang kanyang espirituwal na paglalakbay, sinabi ni Joseph: “Hindi ko masisisi ang sinuman kung hindi paniwalaan ang aking kasaysayan. Kung hindi ko ito naranasan, ako mismo ay hindi maniniwala rito.”3
Ngunit ang mga karanasan ay totoo, at hindi niya kailanman kinalimutan o ikinaila ang mga iyon, na tahimik na pinagtitibay ang kanyang patotoo hanggang sa humantong siya sa piitan ng Carthage. “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan,” wika niya, “subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao.”4
Ang Inyong mga Karanasan na Espirituwal na Nagpapatibay
May aral para sa atin sa halimbawa ni Propetang Joseph. Kasama ng mapayapang patnubay na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo, paminsan-minsan, makapangyarihan at napakapersonal na tinitiyak ng Diyos sa ating lahat na kilala at mahal Niya tayo at na pinagpapala Niya tayo nang personal at hayagan. Sa gayon, sa mga sandali ng ating paghihirap, ipinaaalala ng Tagapaglitas ang mga karanasang ito sa ating isipan.
Isipin ang sarili ninyong buhay. Sa paglipas ng mga taon, libu-libong malalalim na espirituwal na karanasan ang napakinggan ko na mula sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang dako ng daigdig, na pinagtitibay sa akin nang walang anumang pagdududa na kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin at na sabik Siyang ihayag ang Kanyang Sarili sa atin. Ang mga karanasang ito ay maaaring dumating sa mahahalagang panahon ng ating buhay o sa mga pangyayaring maaaring tila hindi makabuluhan sa simula, ngunit palagi itong nalalakipan ng isang napakalakas na espirituwal na pagpapatibay ng pagmamahal ng Diyos.
Ang pag-alala sa mga karanasang ito na espirituwal na nagpapatibay ay umaakay sa atin na lumuhod at manalangin, na sinasambit ang tulad sa ipinahayag ni Propetang Joseph: “Ang natanggap ko ay mula sa langit. Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos.”5
Apat na Halimbawa
Pagnilayan ang inyong sariling mga alaala na espirituwal na nagpapatibay habang ibinabahagi ko ang ilang halimbawa mula sa iba.
Ilang taon na ang nakararaan, isang matandang stake patriarch na may dalawang mahina nang balbula sa puso ang nagmakaawa noon kay Dr. Russell M. Nelson na tumulong, bagama’t noong panahong iyon ay wala pang operasyon na makakalunas para sa pangalawang mahina nang balbula. Sa huli ay pumayag si Dr. Nelson na gawin ang operasyon. Ganito ang sabi ni Pangulong Nelson:
“Matapos bawasan ang bara ng unang balbula, tiningnan namin ang pangalawang balbula. Nakita naming buo naman ito, pero masyadong maluwang kaya hindi na ito maaaring [gumana nang maayos]. Habang sinusuri ang balbulang ito, may malinaw na mensaheng pumasok sa isipan ko: Bawasan mo ang luwang. Sinabi ko ito sa aking assistant. ‘Maaayos natin ang balbula kung mababawasan natin ang luwang nito at maibalik ito sa normal na sukat.’
“Ngunit paano? … Malinaw na nailarawan sa aking isipan ang paraan para magawa ito, ipinakikita kung paano ito tatahiin—itutupi rito at isusuksok doon. … Naaalala ko pa ang paglalarawang iyon sa aking isipan—kasama ang mga putul-putol na linya kung saan dapat tahiin. Natapos ang pagtatahi ayon sa nakalarawan sa aking isipan. Sinubukan namin ang balbula at malaki ang nabawas sa dugong tumatagas dito. Sabi ng assistant ko, ‘Himala ito.’”6 Nabuhay pa nang maraming taon ang patriarch.
Pinatnubayan si Dr. Nelson. At alam niya na alam ng Diyos na alam niya na pinatnubayan siya.
Una naming nakilala ni Kathy si Beatrice Magré sa France 30 taon na ang nakararaan. Kamakailan ay ikinuwento sa akin ni Beatrice ang isang karanasan na nakaapekto nang malaki sa kanyang espirituwal na buhay matapos ang kanyang binyag noong tinedyer pa siya. Ganito ang kuwento niya:
“Ang mga youth ng aming branch ay naglakbay kasama ang kanilang mga lider sa Lacanau Beach, isang oras at kalahati mula sa Bordeaux.
“Bago umuwi, isa sa mga lider ang nagpasiyang lumangoy sa huling pagkakataon at tumalon sa mga alon na suot ang kanyang salamin sa mata. Nang umahon siya, wala na ang salamin niya. … Nawala iyon sa dagat.
“Dahil nawala ang salamin niya, hindi niya maimamaneho ang kanyang sasakyan. Hindi kami makakauwi at malayo kami sa aming tahanan.
“Iminungkahi ng isang sister na puspos ng pananampalataya na magdasal kami.
“Bumulung-bulong ako na walang maitutulong sa amin ang pagdarasal, at asiwang sumali ako sa grupo sa pagdarasal nang hayagan habang nakatayo kami hanggang baywang sa malabong tubig.
“Nang matapos ang panalangin, iniunat ko ang aking mga kamay para patilamsikan ang lahat. Habang kumakampay-kampay ako sa dagat, napunta sa kamay ko ang salamin niya. Isang makapangyarihang damdamin ang nanuot sa aking kaluluwa na talagang pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang aming mga panalangin.”7
Pagkaraan ng apatnapu’t limang taon, naalala niya iyon na para bang kahapon lang iyon nangyari. Napagpala si Beatrice, at alam niya na alam ng Diyos na alam niya na napagpala siya.
Magkaibang-magkaiba ang mga karanasan nina Pangulong Nelson at Sister Magré, subalit para sa dalawa, isang di-malilimutang alaala ng pagmamahal ng Diyos na espirituwal na nagpapatibay ang tumimo sa kanilang puso.
Ang mga pangyayaring iyon na nagpapatibay ay kadalasang dumarating sa pag-aaral tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo o sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.
Ang retratong ito ay kinunan sa São Paulo, Brazil, noong 2004. Si Floripes Luzia Damasio ng Ipatinga Brazil Stake ay 114 taong gulang. Patungkol sa kanyang pagbabalik-loob, ikinuwento sa akin ni Sister Damasio na nagbigay ang mga missionary sa kanyang nayon ng priesthood blessing sa isang sanggol na malubha ang sakit na mahimalang gumaling. Gusto pa niyang matuto pa. Habang nagdarasal siya tungkol sa kanilang mensahe, isang di-maikakailang pagpapapatibay ng Espiritu ang nagpatunay sa kanya na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Sa edad na 103, nabinyagan siya, at, sa edad na 104, na-endow siya. Taun-taon pagkaraan nito, 14-na-oras siyang nagbibiyahe sakay ng bus para gumugol ng isang linggo sa templo. Nakatanggap si Sister Damasio ng isang pagpapatibay mula sa langit, at alam niya na alam ng Diyos na alam niya na totoo ang pagpapatibay na iyon.
Narito ang isang espirituwal na alaala mula sa una kong misyon sa France 48 taon na ang nakararaan.
Habang nagbabahay-bahay, nag-iwan kaming magkompanyon ng isang Aklat ni Mormon sa isang matandang babae. Pagbalik namin sa apartment ng babae pagkaraan ng mga isang linggo, binuksan niya ang pinto. Bago pa nakapagsalita ang sinuman, nakadama ako ng isang tiyak na espirituwal na kapangyarihan. Nagpatuloy ang marubdob na damdamin nang papasukin kami ni Madame Alice Audubert at sabihin sa amin na nabasa na niya ang Aklat ni Mormon at na alam niyang ito ay totoo. Nang paalis na kami sa apartment niya noong araw na iyon, nanalangin ako, “Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyo akong hindi malimutan ang nadama ko.” Hindi ko iyon nalimutan kailanman.
Sa isang tila karaniwang sandali, sa isang pinto na katulad ng daan-daang iba pang pinto, nadama ko ang kapangyarihan ng langit. At alam ko na alam ng Diyos na alam ko na nabuksan ang isang dungawan sa langit.
Personal at Hindi Maikakaila
Ang mga sandaling ito na espirituwal na nagpapatibay ay dumarating sa iba’t ibang pagkakataon at sa iba’t ibang paraan, na personal para sa bawat isa sa atin.
Isipin ang inyong mga paboritong halimbawa sa mga banal na kasulatan. Yaong mga nakikinig kay Apostol Pedro ay “nangasaktan ang kanilang puso.”8 Ang Lamanitang babae na is Abish ay naniwala sa “kahanga-hangang pangitain ng kanyang ama.”9 At pumasok sa isipan ni Enos ang isang tinig.10
Ganito inilarawan ng kaibigan ko na si Clayton Christensen ang isang karanasan habang binabasa nang may taimtim na panalangin ang Aklat ni Mormon: “Isang kalugud-lugod, masigla, magiliw na [Diwa ang] pumalibot sa akin at pinuspos ang aking kaluluwa, at nilukob ako ng damdamin ng pagmamahal na di ko akalaing madarama ko, [at nagpatuloy ang damdaming iyon gabi-gabi].”11
May mga pagkakataon na may mga espirituwal na damdamin sa ating puso na parang apoy, na nagbibigay ng kaliwanagan sa ating kaluluwa. Ipinaliwanag ni Joseph Smith na kung minsan ay “may bigla [t]ayong [n]aiisip” at paminsan-minsa’y dumadaloy ang dalisay na talino.12
Ipinayo ni Pangulong Dallin H. Oaks, bilang tugon sa isang matapat na lalaki na nagsabing hindi pa siya kailanman nakaranas ng gayon, “Marahil ay paulit-ulit nang nasagot ang iyong mga dalangin, ngunit nakatuon ang iyong mga inaasahan sa isang palatandaang napakaringal o isang tinig na napakalakas kaya iniisip mo na hindi ka pa nasasagot.”13 Ang Tagapagligtas mismo ang nagsalita sa mga taong may malaking pananampalataya na “[nabasbasan] ng apoy at ng Espiritu Santo, [ngunit] hindi nila nalalaman ito.”14
Paano Ninyo Siya Maririnig?
Narinig natin kamakailan na sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Inaanyayahan ko kayo na isiping mabuti at madalas ang mahalagang tanong na ito: Paano ninyo Siya maririnig? Inaanyayahan ko rin kayong gumawa ng mga hakbang upang marinig Siya nang mas maigi at mas madalas.”15 Inulit niya ang paanyayang iyan ngayong umaga.
Naririnig natin Siya sa ating mga dalangin, sa ating mga tahanan, sa mga banal na kasulatan, sa ating mga himno, sa marapat na pagtanggap natin ng sakramento, sa pagpapahayag ng ating pananampalataya, sa paglilingkod natin sa iba, at sa pagdalo natin sa templo kasama ng mga kapwa nananampalataya. Ang mga sandali na espirituwal na nagpapatibay ay dumarating habang mapanalangin tayong nakikinig sa pangkalahatang kumperensya at habang mas sinusunod natin ang mga kautusan. At mga bata, para din sa inyo ang mga karanasang ito. Tandaan, si Jesus ay “nagturo at naglingkod sa mga [bata] … at [ang mga bata] ay nangusap … ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay.”16 Sabi ng Panginoon:
“[Ang kaalamang ito] ay ibinigay sa pamamagitan ng aking Espiritu sa inyo, … at maliban sa aking kapangyarihan hindi ninyo matatanggap [ito];
“Dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita.”17
Magagawa nating “pakinggan Siya” dahil sa pagpapala ng walang-katumbas na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Bagama’t hindi natin mapipili ang takdang-panahon ng pagtanggap sa mga sandaling ito na nagpapatibay, ibinigay ni Pangulong Henry B. Eyring ang payong ito sa ating paghahanda: “Mamayang gabi, at bukas ng gabi, maaari kayong magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking [pamilya]?”18 Binubuksan ng pananampalataya, pagsunod, pagpapakumbaba, at tunay na hangarin ang mga dungawan sa langit.19
Isang Paglalarawan
Maaari ninyong isipin ang inyong mga espirituwal na alaala sa ganitong paraan. Lakip ang patuloy na panalangin, determinasyong tuparin ang ating mga tipan, at kaloob na Espiritu Santo, tumatahak tayo sa landas ng ating buhay. Kapag pinadidilim ng personal na paghihirap, pagdududa, o panghihina ng loob ang ating landas, o kapag ang mga sitwasyon sa mundo na hindi natin kontrolado ay nagiging dahilan para mag-alala tayo tungkol sa hinaharap, ang mga alaala na espirituwal na nagpapatibay mula sa ating aklat ng buhay ay parang kumikinang na mga bato na nililiwanagan ang daang tinatahak natin, na tinitiyak sa atin na kilala tayo ng Diyos, mahal Niya tayo, at isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong makauwi. At kapag isinantabi ng tao ang kanilang mga alaala na nagpapatibay at sila ay naliligaw o nalilito, ibinabaling natin sila sa Tagapagligtas habang ibinabahagi natin ang ating pananampalataya at mga alaala sa kanila, at tinutulungan silang matuklasang muli yaong mahahalagang espirituwal na sandali na minsan nilang pinahalagahan.
Ang ilang karanasan ay napakasagrado kaya binabantayan natin ang mga ito sa ating espirituwal na alaala at hindi natin ibinabahagi ang mga iyon20
“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo.”21
“Ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.
“Sapagkat masdan, sila ay nasasakop [ni Cristo], upang maglingkod alinsunod sa … kanyang utos, ipinakikita ang kanilang sarili sa kanila na may matibay na pananampalataya at may matatag na isipan sa bawat anyo ng kabanalan.”22
At “ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.”23
Masayang alalahanin ang inyong mga sagradong alaala. Paniwalaan ang mga ito. Isulat ang mga ito. Ibahagi ang mga ito sa inyong pamilya. Magtiwala na dumarating ang mga ito sa inyo mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.24 Hayaan silang maghatid ng pagtitiis sa inyong mga pagdududa at pag-unawa sa inyong mga paghihirap.25 Ipinapangako ko sa inyo na kapag malugod ninyong kinilala at maingat na pinahalagahan ang mga pangyayari na espirituwal na nagpapatibay sa inyong buhay, mas marami pang darating sa inyo. Kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit!
Si Jesus ang Cristo, ang Kanyang ebanghelyo ay naipanumbalik, at kapag nanatili tayong matapat, pinatototohanan ko na makakasama Niya tayo magpakailanman, sa pangalan ni Jesucristo, amen.