Pangkalahatang Kumperensya
Ang Pagmamahal ng Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021


13:11

Ang Pagmamahal ng Diyos

Biniyayaan tayo ng ating Ama at ng ating Manunubos ng mga kautusan, at sa pagsunod sa Kanilang mga kautusan, mas lubos at malalim nating nadarama ang Kanilang sakdal na pagmamahal.

Malalim at sakdal ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit.1 Dahil sa Kanyang pagmamahal, gumawa Siya ng plano, isang plano ng pagtubos at kaligayahan upang mapasaatin ang lahat ng oportunidad at kagalakang handa nating tanggapin, hanggang sa at kabilang ang lahat ng mayroon Siya at maging katulad Niya.2 Upang makamit ito, handa pa nga Siyang ialay ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo bilang ating Manunubos. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”3 Taglay Niya ang dalisay na pag-ibig ng isang Ama—para sa lahat ngunit nadarama ng bawat isa.

Taglay rin ni Jesucristo ang gayunding sakdal na pagmamahal ng Ama. Nang unang ipinaliwanag ng Ama ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan, Siya ay tumawag ng isang gaganap na Tagapagligtas na tutubos sa atin—isang mahalagang bahagi ng planong iyon. Nagboluntaryo si Jesus, “Narito ako, isugo ako.”4 Ang Tagapagligtas ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya. Dahil dito, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan.”5

Ang banal na pagmamahal na ito ay nagbibigay sa atin ng labis na kapanatagan at pananalig habang nananalangin tayo sa Ama sa pangalan ni Cristo. Wala ni isa man sa atin ang hindi Nila kilala. Hindi tayo dapat nagdadalawang-isip na manawagan sa Diyos, kahit nadarama nating hindi tayo karapat-dapat. Makapagtitiwala tayo sa awa at kabutihan ni Jesucristo na maririnig tayo.6 Kapag nananatili tayo sa pagmamahal ng Diyos, nababawasan nang nababawasan ang pagdepende natin sa pagsang-ayon ng iba.

Ang Pagmamahal ng Diyos ay Hindi Nagbibigay Katwiran sa Kasalanan; Sa Halip, Alay Nito ay Pagtubos

Sapagkat para sa lahat ang pagmamahal ng Diyos, tinatawag ito ng ilan na “walang kondisyon,” at sa isipan nila, maaaring ipagpalagay nila na ang ibig sabihin nito ay “walang kondisyon” ang mga pagpapala ng Diyos at “walang kondisyon” ang kaligtasan. Hindi ganoon. Madalas na sinasabi ng ilan, “Minamahal ng Tagapagligtas ang kung sinuman ako,” at tiyak na totoo iyon. Ngunit hindi Niya madadala ang sinuman sa atin sa Kanyang kaharian nang hindi tayo nagbabago, “sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan.”7 Dapat munang mabigyan ng solusyon ang ating mga kasalanan.

Sinabing minsan ni Propesor Hugh Nibley na ang kaharian ng Diyos ay hindi tatagal kung pagbibigyan nito maging ang pinakamaliit na kasalanan: “Ang ibig sabihin ng pinakamaliit na bahid ng katiwalian ay mabubulok o hindi walang-hanggan ang ibang daigdig. Ang pinakakatiting na kahinaan sa isang gusali, institusyon, alituntunin, o pagkatao ay hindi maiiwasang maging mapeligro sa napakahabang itatagal ng kawalang-hanggan.”8 Ang mga kautusan ng Diyos ay “[ma]higpit”9 sapagkat mananatili lamang ang Kanyang kaharian at ang mga mamamayan nito kung patuloy nilang tatanggihan ang kasamaan at pipiliin ang tama, nang walang eksepsyon.10

Napansin ni Elder Jeffrey R. Holland na, “Malinaw na naunawaan ni Jesus ang tila nalilimutan ng marami sa ating makabagong kultura: na may malaking pagkakaiba ang utos na patawarin ang kasalanan (na kaya Niyang gawin nang walang katapusan) at ang babala laban sa pagkunsinti [rito] (na ni minsa’y hindi Niya ginawa).”11

Gayunman, sa kabila ng ating mga kahinaan sa ngayon, makakaasa pa rin tayong magkamit ng “pangalan at katayuan,”12 isang lugar, sa Kanyang Simbahan at sa selestiyal na daigdig. Matapos linawin na hindi Niya mabibigyan ng katwiran o maipagsasawalang-kibo ang kasalanan, tinitiyak sa atin ng Panginoon:

“Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin.”13

“At kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.”14

Nilulutas ng pagsisisi at banal na biyaya ang suliranin:

“Tandaan din ang mga salitang sinabi ni Amulek kay Zisrom, sa lunsod ng Ammonihas; sapagkat sinabi niya sa kanya na tiyak na paparito ang Panginoon upang tubusin ang kanyang mga tao, subalit hindi siya darating upang tubusin sila sa kanilang mga kasalanan, kundi upang tubusin sila mula sa kanilang mga kasalanan.

“At may kapangyarihan siya na ibinigay sa kanya ng Ama upang sila ay tubusin mula sa kanilang mga kasalanan dahil sa pagsisisi; kaya nga, isinugo niya ang kanyang mga anghel upang ihayag ang masayang balita na mga itinakda ng pagsisisi, na nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa.”15

Dahil sa kondisyon ng pagsisisi, makapagbibigay ang Panginoon ng awa nang hindi ninanakawan ang katarungan, at “ang Diyos ay hindi titigil sa pagiging Diyos.”16

Ang paraan ng daigdig, tulad ng alam ninyo, ay anti-Cristo, o “kahit ano basta’t hindi si Cristo.” Ang panahon natin ay katulad ng kasaysayan sa Aklat ni Mormon kung saan naghahangad ang mga nakabibighaning katauhan ng ‘di makatwirang pamamahala sa iba, ipinagdiriwang ang kalayaan sa seksuwalidad, at hinihikayat ang pagpapayaman bilang pinakalayunin ng buhay natin. Ang kanilang mga pilosopiya ay “[binibigyang]-katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan”17 o kahit maraming kasalanan, subalit walang nakapag-aalok ng pagtubos. Nanggagaling lamang iyon sa dugo ng Kordero. Ang tanging maiaalok ng mga sumusuporta sa “kahit ano basta’t hindi si Cristo” o “kahit ano basta’t hindi pagsisisi” ay ang walang batayang pahayag na walang kasalanan, o kung mayroon man, wala itong kahihinatnan sa huli. Hindi ko nakikita na magkakaroon ng anumang bisa ang ganitong pangangatwiran sa Huling Paghuhukom.18

Hindi natin kailangang gawin ang imposible sa pagsubok na pangatwiranan ang ating mga kasalanan. At sa kabilang banda, hindi natin kailangang subukang gawin ang imposible sa pagbura sa mga bunga ng kasalanan sa pamamagitan lamang ng ating sariling pagsisikap. Ang atin ay hindi isang relihiyon ng pangangatwiran ni relihiyon ng perpeksiyonismo kundi isang relihiyon ng pagtubos—pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo. Kung tayo ay kabilang sa mga nagsisisi, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang ating mga kasalanan ay nakapako sa Kanyang krus, at “sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.”19

Ang Magiliw na Pagmamahal ng mga Propeta ay Sumasalamin sa Pagmamahal ng Diyos

Matagal ko nang hinahangaan, at nadarama rin, ang magiliw na pagmamahal ng mga propeta ng Diyos sa kanilang mga babala laban sa kasalanan. Hindi sila inuudyukan ng hangarin na magparusa. Ang kanilang totoong hangarin ay sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos; sa katunayan, iyon ang pagmamahal ng Diyos. Minamahal nila ang mga tao kung kanino sila ipinadadala, sinuman sila at anuman ang katangian nila. Tulad ng Panginoon, hindi gusto ng Kanyang mga tagapaglingkod na pagdusahan ninuman ang mga kirot ng kasalanan at mga maling pagpili.20

Isinugo si Alma upang ipahayag ang mensahe ng pagsisisi at pagtubos sa mga taong puno ng galit na handang mang-api, manakit, at pumatay pa nga ng mga naniniwalang Kristiyano, kabilang na si Alma mismo. Gayunman, minahal niya sila at hinangad ang kaligtasan nila. Matapos ipahayag ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa mga mamamayan ng Amonihas, nagsumamo si Alma: “At ngayon, mga kapatid ko, hinihiling ko mula sa kaibuturan ng aking puso, oo, lakip ang labis na pagkabahala maging sa pasakit, na kayo ay makinig sa aking mga salita, at iwaksi ang inyong mga kasalanan, … upang kayo ay dakilain sa huling araw at makapasok sa … kapahingahan [ng Diyos].”21

Sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, “Dahil sa malalim naming minamahal ang lahat ng anak ng Diyos kung kaya’t ipinapahayag namin ang Kanyang katotohanan.”22

Minamahal Kayo ng Diyos; Minamahal Ba Ninyo Siya?

Ang pagmamahal ng Ama at ng Anak ay malayang ibinibigay ngunit may kasama rin itong pag-asa at mga inaasahan. Muli kong sinisipi si Pangulong Nelson, “Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin.”23

Dahil minamahal Nila kayo, hindi Nila nais na manatili kayo “nang ganyan na lamang kayo.” Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na kayo ay magalak at magtagumpay. Dahil minamahal Nila kayo, nais Nila na magsisi kayo dahil iyon ang landas tungo sa kaligayahan. Subalit kayo ang pipili—igagalang Nila ang inyong kalayaang pumili. Dapat piliin ninyo na mahalin Sila, na paglingkuran Sila, na sundin ang Kanilang mga kautusan. Sa gayon, Kanilang higit na masaganang pagpapalain kayo at mamahalin din kayo.

Ang Kanilang pangunahing inaasahan sa atin ay na nagmamahal din tayo. “Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”24 Tulad ng isinulat ni Juan, “Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa’t isa.”25

Naalala ng dating Primary General President na si Joy D. Jones na noong bago pa lang silang mag-asawa, siya at ang asawa niya ay inatasang bumisita at maglingkod sa isang pamilyang marami nang taong hindi nagsisimba. Naging malinaw agad noong una nilang pagbisita na hindi sila tanggap. Matapos mabigo sa ilan pang mga pagbisita, at matapos ang labis na taimtim na panalangin at pagninilay, nakatanggap ng sagot sina Brother at Sister Jones sa kung bakit sila naglilingkod mula sa talatang ito mula sa Doktrina at mga Tipan: “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.26 Sinabi ni Sister Jones:

“Natanto namin na tapat naming sinisikap noon na paglingkuran ang pamilyang ito at ang aming bishop, ngunit kinailangan naming itanong sa aming sarili kung talaga bang naglilingkod kami dahil mahal namin ang Panginoon. …

“… Inasam na naming mabisita ang mahal na pamilyang ito dahil sa pagmamahal namin sa Panginoon [tingnan sa 1 Nephi 11:22]. Ginagawa namin ito para sa Kanya. Pinagaan Niya ang dating mabigat na gawain. Makalipas ang maraming buwan ng pagtayo sa may pintuan, pinapasok na kami ng pamilya sa bahay nila. Sa huli, palagi na kaming magkakasamang nagdarasal at nag-uusap tungkol sa ebanghelyo. Naging matalik kaming magkakaibigan. Sinasamba at minamahal namin Siya sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanyang mga anak.”27

Sa pagkilala na minamahal tayo ng Diyos nang sakdal, maaaring itanong ng bawat isa sa atin, “Gaano ko ba kamahal ang Diyos? Mapagkakatiwalaan ba Niya ang pagmamahal ko tulad ng pagtitiwala ko sa Kanya?” Hindi ba’t karapat-dapat na paghahangad ang mamuhay nang minamahal tayo ng Diyos hindi lamang sa kabila ng ating mga kabiguan kundi dahil na rin sa kung ano ang kinahihinatnan natin? O, kung masasabi Niya tungkol sa inyo at sa akin ang tulad ng sinabi Niya tungkol kay Hyrum Smith, halimbawa, “Ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa katapatan ng kanyang puso.”28 Tandaan natin ang magiliw na paalala ni Juan: “Sapagkat ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.”29

Tunay ngang hindi pabigat ang Kanyang mga kautusan—kundi kabaligtaran ito. Minamarkahan ng mga ito ang landas ng paghilom, kaligayahan, kapayapaan, at kagalakan. Biniyayaan tayo ng ating Ama at ng ating Manunubos ng mga kautusan, at sa pagsunod sa Kanilang mga kautusan, mas lubos at malalim nating nadarama ang Kanilang sakdal na pag-ibig.30

Narito ang solusyon sa ating walang humpay na magugulong panahon—ang pagmamahal ng Diyos. Sa ginintuang panahon sa kasaysaysan ng Aklat ni Mormon pagkatapos ng ministeryo ng Tagapagligtas, iniulat na “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.”31 Habang nagsisikap tayong maabot ang Sion, naaalala natin ang pangako sa Apocalipsis: “Mapapalad ang [mga yaong sumusunod sa kanyang mga kautusan], upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa [banal na] lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.”32

Pinatototohanan ko ang katotohanan ng ating Ama sa Langit at ng ating Manunubos na si Jesucristo, at ang Kanilang walang humpay at walang katapusang pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.