Ang Paglilingkod Bilang Missionary ay Nagpala sa Buhay Ko Magpakailanman
Dalangin ko na makita at malaman ninyong mga binata’t dalaga at ng inyong mga magulang kung paano mapagpapala ng paglilingkod bilang missionary ang inyong buhay magpakailanman.
Salamat, Pangulong Nelson, sa pagbabahaging muli ng payong iyon tungkol sa paglilingkod bilang missionary.
Mga kapatid, ilang taon na ang nakararaan habang nagsasalita ako sa pangkalahatang kumperensya, biglang nanlabo ang kaliwang mata ko dahil sa sakit na tinatawag na macular degeneration, na kalaunan ay lumala at tuluyan na akong nawalan ng paningin sa matang iyon.
Nang maharap ako sa hamong ito, mas pinasalamatan ko ang iba pang mga uri ng pananaw, pati na ang pananaw tungkol sa nakaraan. Sa paggunita ko sa nakaraan sa buhay ko, nakakita ako ng ilang karanasan na nakagawa ng malaking pagbabago. Ang isa sa mga karanasang iyon ay kung paano nagpala sa buhay ko at humubog sa espirituwal na tadhana ko ang aking paglilingkod bilang full-time missionary sa England noong binata ako.
Napagnilayan ko kung paano nagkaroon ng negatibong epekto sa aking mga magulang at sa aming pamilya ang mga hamon sa ekonomiya na nauugnay sa Great Depression noong 1930s. Nagsikap nang husto ang aking ama na isalba ang kanyang automobile dealership at suportahan ang pamilya sa mahirap na panahong ito kaya pansamantalang hindi nakasimba ang mga magulang ko.
Bagama’t hindi kami nakakapagsimba bilang pamilya, hindi iyon nakahadlang sa akin na magsimba paminsan-minsan kasama ng mga kaibigan ko.
Noong panahong iyon, nasa isip ko ang pagpunta sa misyon, ngunit hindi ko ito binanggit sa mga magulang ko.
Habang nag-aaral ako sa kolehiyo, nagdesisyon kami ng ilang kaibigan ko na magmisyon. Sa isang pakikipag-usap sa bishop ko, pinunan ko ang missionary application habang nasa ibang bayan ang mga magulang ko. Pagbalik ng mga magulang ko, sinorpresa ko sila sa balita na natawag akong maglingkod sa Great Britain. Nagpapasalamat ako sa masiglang pagsuporta nila sa desisyong ito at sa mabubuting kaibigang tumulong sa akin na magpasiyang maglingkod.
Ang paglilingkod ko sa misyon ay naghanda sa akin na maging mas mabuting asawa at ama at magtagumpay sa negosyo. Inihanda rin ako nito para sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon sa Kanyang Simbahan.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1985, naatasan akong magsalita sa sesyon ng priesthood. Itinuon ko ang aking mensahe sa mga kabataang lalaki. Nagsalita ako tungkol sa paghahandang maglingkod bilang missionary. Sinabi ko, “Sa lahat ng pagsasanay na natanggap ko sa aking mga tungkulin sa Simbahan, walang naging mas mahalaga sa akin kaysa sa pagsasanay na natanggap ko noong ako’y labingsiyam-na-taong-gulang na elder na naglilingkod sa full-time mission.”1
Kilala kayo ng Panginoon. Habang naglilingkod kayo sa inyong misyon, magkakaroon kayo ng mga karanasang tutulong sa inyo na mas makilala pa Siya. Espirituwal kayong lalago sa paglilingkod sa Kanya. Sa Kanyang pangalan, aatasan kayong maglingkod sa iba. Bibigyan Niya kayo ng mga karanasan sa mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Bibigyan kayo ng Panginoon ng awtoridad na magturo sa Kanyang pangalan. Maipapakita ninyo sa Kanya na mapagkakatitiwalaan Niya kayo at makakaasa Siya sa inyo.
Mahigit limang buwan pa lamang ang nakararaan, sinamahan ako nina Elder Jeffrey R. Holland at Elder Quentin L. Cook, na naglingkod din bilang mga missionary sa British Isles, para kausapin ang mga miyembro at missionary sa magandang lupaing iyon. Habang naroroon, pinagnilayan ko ang aking mga karanasan bilang isang binatang missionary. Pinatototohanan ko na sa misyon ko nalaman na kilala at mahal ako ng Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo.
Nabiyayaan akong magkaroon ng dalawang magagaling na mission president, sina Selvoy J. Boyer at Stainer Richards, kasama ang kanilang matatapat na asawang sina Gladys Boyer at Jane Richards. Sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko nang mas malinaw na pinagkatiwalaan at minahal nila ako. Itinuro nila sa akin ang ebanghelyo. Malaki ang inasahan nila sa akin. Binigyan nila ako ng maraming mahihirap na tungkulin at responsibilidad sa pamumuno upang tulungan akong lumago at maghanda para sa habambuhay na paglilingkod.
Napagnilayan ko rin ang pagtawag sa akin ni Pangulong Spencer W. Kimball na mangulo sa Canada Toronto Mission kasama ang mahal kong asawang si Barbara at aming mga anak. Tinawag kami ni Pangulong Kimball na maglingkod noong Abril 1974, hindi pa natatagalan matapos niyang ibigay ang inspirado niyang mensaheng pinamagatang “When the World Will Be Converted.”2 Sa mensaheng iyon ipinaliwanag ni Pangulong Kimball ang kanyang pananaw kung paano dadalhin ang ebanghelyo sa buong mundo. Nanawagan siya sa marami pang missionary mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ipinaalala niya sa amin ang inaasahan ng Panginoon “na ang bawat tao ay [dapat] … itaas ang tinig ng babala sa mga naninirahan sa mundo.”3 Ang turo ni Pangulong Kimball tungkol sa inaasahan sa mga kabataang lalaki na magmisyon ay naging paksa ng usapan sa mga tahanan sa buong mundo. Hindi pa nagbabago ang inaasahang iyon. Nagpapasalamat ako na muli ring pinagtibay ni Pangulong Russel M. Nelson ang inaasahan ng Panginoon kaninang umaga.
Halos 10 taon na mula nang ipahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagpapababa ng edad sa pagmimisyon para sa mga binata’t dalaga.4 Sa tingin ko, ang pangunahing dahilan sa pagbabagong ito ay para bigyan ang mas marami sa ating mga kabataan ng pagkakataong nagpapabago ng buhay na maglingkod bilang missionary.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, nananawagan ako ngayon sa inyo na mga kabataang lalaki—at sa mga kabataang babae na nagnanais na magmisyon—na magsimula na ngayong kausapin ang inyong mga magulang tungkol sa pagmimisyon. Inaanyahan ko rin kayong kausapin ang inyong mga kaibigan tungkol sa pagmimisyon, at kung hindi sigurado ang isa sa inyong mga kaibigan tungkol sa paglilingkod, hikayatin siyang kausapin ang kanilang bishop.
Ipangako sa sarili ninyo at sa inyong Ama sa Langit na magmimisyon kayo at na mula ngayon ay magsisikap kayong panatilihing malinis at karapat-dapat ang inyong mga puso, kamay, at isipan. Inaanyayahan ko kayong magkaroon ng matibay na patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga ama at ina ng mabubuting kabataang ito, napakahalaga ng inyong papel sa prosesong ito ng paghahanda. Magsimula ngayon na kausapin ang inyong mga anak tungkol sa paglilingkod bilang missionary. Alam natin na ang pamilya ang pinakamalaking impluwensya sa pagtulong sa ating mga binata’t dalaga na maghanda.
Kung pasok pa kayo sa edad na maaaring magmisyon ngunit hindi pa nakapaglingkod dahil sa pandemya o iba pang mga dahilan, inaanyayahan ko kayong maglingkod ngayon. Kausapin ang inyong bishop, at maghandang maglingkod sa Panginoon.
Hinihikayat ko kayong mga bishop na tulungan ang lahat ng kabataang lalaki at kabataang babae na malapit na sa edad ng pagmimisyon na maghandang maglingkod, at hinihikayat ko rin kayong mga bishop na tukuyin ang mga nasa tamang edad na ngunit hindi pa nakapaglingkod. Anyayahan ang bawat kabataang lalaki na maging missionary, gayundin ang bawat kabataang babae na nais maglingkod.
Sa mga missionary na kasalukuyang naglilingkod, nagpapasalamat kami sa inyo. Ang inyong misyon ay nangyayari sa panahon ng isang pandaigdigang pandemya. Dahil dito, ang inyong karanasan sa misyon ay hindi naging katulad ng karanasan ko sa misyon o ng mga karanasan ng sinumang mga missionary na naglingkod bago ang taong 2020. Alam kong hindi ito naging madali. Ngunit kahit sa mahihirap na panahong ito, may gawaing ipinagawa sa inyo ang Panginoon, at nagawa ninyo iyon nang mahusay. Halimbawa, nagamit ninyo ang teknolohiya sa makabagong mga paraan upang mahanap ang mga handa nang matuto tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil nakapaglingkod kayo nang masigasig at ayon sa inyong mga kakayahan, alam ko na nalulugod ang Panginoon sa inyong pagsisikap. Alam ko na ang inyong paglilingkod ay magpapala sa inyong buhay.
Kapag na-release na kayo mula sa inyong misyon, tandaan na hindi kayo ini-release sa pagiging aktibo sa Simbahan. Pagtibayin ang mabubuting gawing natutuhan ninyo sa misyon, patuloy na palakasin ang inyong patotoo, magsipag, magdasal, at maging masunurin sa Panginoon. Igalang ang mga tipan na inyong ginawa. Patuloy na pagpalain at paglingkuran ang iba.
Dalangin ko na makita at malaman ninyong mga binata’t dalaga at ng inyong mga magulang kung paano mapagpapala ng paglilingkod bilang missionary ang inyong buhay magpakailanman. Nawa’y malaman ninyo sa inyong isipan at madama ninyo sa inyong puso ang kapangyarihan ng paanyayang ibinigay ng Panginoon sa magagaling na anak na missionary ni Mosias. Sabi Niya, “Humayo kayo … at pagtibayin ang aking salita; gayon man, kayo ay maging matiyaga sa mahabang pagtitiis at paghihirap, upang kayo ay makapagpakita sa kanila ng mabubuting halimbawa … sa akin, at gagawin ko kayong kasangkapan sa aking mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao.”5
Nawa’y pagpalain ng Diyos ang mga kabataan ng Simbahan na naising maghanda at maglingkod sa Kanya ang aking abang dalangin, na iniaalay ko ngayong umaga sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.