Ngayon ang Panahon
Ngayon ang panahon para matuto tayo. Ngayon ang panahon para makapagsisi tayo. Ngayon ang panahon para mapagpala natin ang iba.
Mahal kong mga kapatid, ang kumperensyang ito ay makasaysayan sa maraming paraan. Napagpala tayo ng mga panalangin, mensahe, at musika. Binigyang inspirasyon tayo ng mga lingkod ng Panginoon.
Nakatanggap tayo ng mahahalagang tagubilin para sa hinaharap. Dalangin ko na ang Espiritu ay direktang nangusap sa inyo tungkol sa mga bagay na nais ng Panginoon na gawin ninyo.
Laging walang katiyakan ang hinaharap. Nagbabago ang klima. Pabagu-bago ang ekonomiya. Ang mga kalamidad, digmaan, aksidente, at karamdaman ay maaaring mabilis na magpabago ng buhay. Ang mga pangyayaring ito ay hindi natin kontrolado. Ngunit may mga bagay na kaya nating kontrolin, kabilang ang paraan kung paano natin ginagamit ang ating oras bawat araw.
Gusto ko ang tula na ito ni Henry Van Dyke na nasa isang sundial sa Wells College sa New York. Nakasaad dito:
Ang aninong likha ng aking daliri
Ang bukas at kahapo’y hinahati:
Sa harap nito’y, ang oras na di pa dumarating,
Wala kang lakas na ito’y pigilin:
Sa likod nito’y ang oras na di mababalikan,
Lumipas na’t di na muling makakamtan:
Ang oras lamang na nasa iyong mga kamay,—
Ay ang NGAYON kung saan ang anino’y nakalagay.1
Oo, dapat tayong matuto mula sa nakaraan, at oo, dapat tayong maghanda para sa hinaharap. Ngunit tanging ngayon lang tayo makakakilos. Ngayon ang panahon para matuto tayo. Ngayon ang panahon para makapagsisi tayo. Ngayon ang panahon para mapagpala natin ang iba at “[mai]taas ang mga kamay na nakababa.”2 Tulad ng ipinayo ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni, “Tayo ay masigasig na magpagal; … sapagkat tayo ay may gawaing nararapat gampanan habang nasa katawang-lupa, upang ating magapi ang kaaway ng lahat ng kabutihan, at ipahinga ang ating mga kaluluwa sa kaharian ng Diyos.”3
Ang kaaway ay hindi natutulog. Laging magkakaroon ng oposisyon sa katotohanan. Inuulit ko ang pakiusap ko kaninang umaga na gawin ang mga bagay na magdaragdag sa inyong positibong espirituwal na pagsulong, ang pag-angat na iyon na tinalakay ni Elder Dieter F. Uchtdorf, na tutulong sa inyo na patuloy na sumulong anuman ang dumating na mga hamon at oportunidad.
Nadaragdagan ang positibong espirituwal na pagsulong kapag sumasamba tayo sa templo at lumalago sa pag-unawa sa kamangha-manghang lawak at lalim ng mga biyayang natatanggap natin doon. Nakikiusap ako sa inyo na labanan ang mga paraan ng mundo sa pamamagitan ng pagtutuon sa walang hanggang mga biyaya ng templo. Ang oras na inilalaan ninyo roon ay may hatid na mga biyaya para sa kawalang-hanggan.
Habang lumalaki ang Simbahan, sinisikap nating masabayan ito ng pagtatayo ng mas maraming templo. Apatnapu’t apat na bagong templo ang kasalukuyang itinatayo. Marami ang kinukumpuni at inaayos. Nagdarasal ako para sa mahuhusay na mga tao na gumagawa sa mga proyektong iyon sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nang may panalangin at pasasalamat, malugod kong ibinabalita ang aming mga plano na magtayo ng isang bagong templo sa bawat isa sa mga sumusunod na lokasyon: Wellington, New Zealand; Brazzaville, Republic of the Congo; Barcelona, Spain; Birmingham, United Kingdom; Cusco, Peru; Maceió, Brazil; Santos, Brazil; San Luis Potosí, Mexico; Mexico City Benemérito, Mexico; Tampa, Florida; Knoxville, Tennessee; Cleveland, Ohio; Wichita, Kansas; Austin, Texas; Missoula, Montana; Montpelier, Idaho; at Modesto, California.
Pagpapalain ng 17 templong ito ang buhay ng napakaraming tao sa magkabilang panig ng tabing. Mahal ko kayo, mga kapatid ko. Higit sa lahat, mahal kayo ng Panginoon. Siya ang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Pinamumunuan at ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan. Nawa’y maging karapat-dapat tayo sa Panginoon, na nagsabing, “Kayo’y magiging aking bayan, at ako’y magiging inyong Diyos.”4
Ito ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.