Pangkalahatang Kumperensya
Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


14:11

Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan

Magtiwala kayo kay Jesucristo. Aakayin Niya kayo sa tamang daan. Siya ang inyong lakas.

Sa paghahanda para sa mensaheng ito ngayon, nadama ko ang malalakas na pahiwatig na magsalita sa mga kabataang babae at lalaki.

Nangungusap din ako sa mga nagdaan sa pagkabata, maging sa mga taong hindi na talaga maalala pa iyon.

At nangungusap ako sa lahat ng nagmamahal sa ating mga kabataan at nagnanais na magtagumpay sila sa buhay.

Para sa lumalaking henerasyon, may mensahe ako lalo na para sa inyo mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo

Mahal kong mga kaibigang kabataan, kung naririto mismo ang Panginoon ngayon, ano kaya ang sasabihin Niya sa inyo?

Naniniwala ako na magsisimula Siya sa pagpapahayag ng Kanyang matinding pagmamahal sa inyo. Maaaring bumigkas lamang Siya ng mga salita, ngunit tatagos din ito nang husto—mula lamang sa Kanyang presensya—kaya hindi iyon maipagkakamali, manunuot ito nang malalim sa inyong puso, pupuspos sa inyong buong kaluluwa!

At magkagayunman, dahil lahat tayo ay mahina at hindi perpekto, may ilang alalahaning maaaring pumasok sa inyong isipan. Maaaring maalala ninyo ang mga pagkakamaling nagawa ninyo, mga pagkakataong nagpatangay kayo sa tukso, mga bagay na hindi sana ninyo ginawa—o sana’y naisagawa ninyo nang mas maayos.

Mahihiwatigan iyan ng Tagapagligtas, at naniniwala ako na bibigyan Niya kayo ng katiyakan sa mga salitang sinabi Niya sa mga banal na kasulatan:

“Huwag matakot.”1

“Huwag mag-alinlangan.”2

“Lakasan ninyo ang inyong loob.”3

“Huwag mabagabag ang inyong puso.”4

Sa palagay ko, hindi Siya gagawa ng mga dahilan para sa inyong mga pagkakamali. Hindi Niya babalewalain ang mga iyon. Hindi, hihilingan Niya kayong magsisi—talikuran ang inyong mga kasalanan, magbago, upang mapatawad Niya kayo. Ipapaalala Niya sa inyo na inako Niya ang mga kasalanang iyon 2,000 taon na ang nakararaan upang kayo ay maaaring magsisi. Bahagi iyan ng plano ng kaligayahang ipinagkaloob sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.

Maaaring sabihin ni Jesus na ang inyong mga tipan sa Kanya—na ginawa ninyo nang kayo ay binyagan at pinaninibago tuwing tumatanggap kayo ng sakramento—ay nagbibigay sa inyo ng espesyal na kaugnayan sa Kanya. Ang uri ng kaugnayang inilalarawan sa mga banal na kasulatan bilang pamatok na magkaugnay upang, sa tulong Niya, makaya ninyong dalhin ang anumang pasanin.5

Naniniwala ako na gugustuhin ng Tagapagligtas na si Jesucristo na makita, madama, at malaman ninyo na Siya ang inyong lakas. Na sa tulong Niya, walang limitasyon sa maaari ninyong maisakatuparan. Na walang hangganan ang inyong potensyal. Nais Niyang tingnan ninyo ang inyong sarili tulad ng pagtingin Niya sa inyo. At ibang-iba iyan sa pagtingin sa inyo ng mundo.

Ipapahayag ng Tagapagligtas, nang may katiyakan, na kayo ay anak na babae o lalaki ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Ang inyong Ama sa Langit ang pinakamaluwalhating nilalang sa sansinukob, puno ng pagmamahal, kagalakan, kadalisayan, kabanalan, liwanag, biyaya, at katotohanan. At balang araw nais Niyang manahin ninyo ang lahat ng mayroon Siya.6

Ito ang dahilan kaya kayo nasa lupa—para matuto, lumago, at umunlad at maging katulad ng lahat ng dahilan kaya kayo nilikha ng inyong Ama sa Langit.

Para maging posible ito, isinugo Niya si Jesucristo para maging Tagapagligtas ninyo. Ito ang layunin sa likod ng Kanyang dakilang plano ng kaligayahan, Kanyang Simbahan, Kanyang priesthood, mga banal na kasulatan—lahat ng iyan.

Iyan ang inyong tadhana. Iyan ang inyong kinabukasan. Iyan ang pinili ninyo!

Katotohanan at mga Pagpili

Nasa sentro ng plano ng Diyos para sa inyong kaligayahan ang kakayahan ninyong pumili.7 Mangyari pa, nais ng inyong Ama sa Langit na piliin ninyo ang walang-hanggang kagalakan sa piling Niya, at tutulungan Niya kayong makamit ito, ngunit hindi Niya ito ipipilit sa inyo kailanman.

Kaya hinahayaan Niya kayong pumili: Liwanag o kadiliman? Mabuti o masama? Kagalakan o kalungkutan? Buhay na walang hanggan o espirituwal na kamatayan?8

Parang madali namang pumili, hindi ba? Ngunit kahit paano, dito sa lupa, tila mas kumplikado iyon kaysa nararapat.

Ang problema, hindi natin palaging nakikita ang mga bagay-bagay nang kasinglinaw ng gusto natin. Ikinumpara iyon ni Apostol Pablo sa “malabo nating nakikita sa isang salamin.”9 Maraming bagay na nakalilito sa mundo tungkol sa kung ano ang tama at mali. Nababaluktot ang katotohanan kaya nagmimistulang mabuti ang masama at masama ang mabuti.10

Ngunit kapag masigasig ninyong sinasaliksik ang katotohanan—ang walang hanggan at di-nagbabagong katotohanan—ay nagiging mas malinaw ang inyong mga pagpipilian. Oo, mayroon pa rin kayong mga tukso at pagsubok. Nangyayari pa rin ang masasamang bagay. Mga bagay na nakapagtataka. Mga bagay na kalunus-lunos. Ngunit makakaya ninyo iyan kapag alam ninyo kung sino kayo, bakit kayo narito, at kapag nagtitiwala kayo sa Diyos.

Kaya saan ninyo matatagpuan ang katotohanan?

Nakapaloob iyon sa ebanghelyo ni Jesucristo. At ang kabuuan ng ebanghelyong iyon ay itinuturo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sabi ni Jesucristo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”11

Kapag may mahahalagang pagpili kayong gagawin, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na piliin. Kapag may mga tanong kayo, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na sagot. Kapag nanghihina kayo, si Jesucristo ang inyong lakas.

Nagbibigay Siya ng lakas sa mahihina; at sa mga walang lakas, nagdaragdag Siya ng lakas.

Sila na naghihintay sa Panginoon ay mapapanibago ng Kanyang lakas.12

Para sa Lakas ng mga Kabataan

Para matulungan kayong makita ang Daan at matulungan kayong gawing gumagabay na impluwensya ang doktrina ni Cristo sa inyong buhay, naghanda Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng isang bagong resource, isang binagong bersyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Ang bersyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan para sa 2011

Sa loob ng mahigit 50 taon, ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naging isang gabay sa maraming henerasyon ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Lagi akong may kopya niyon sa bulsa ko, at ibinabahagi ko iyon sa mga taong nag-uusisa tungkol sa ating mga pamantayan. Na-update na iyon at pinasigla para mas umangkop sa mga hamon at tukso ng ating panahon. Ang bagong bersyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay makukuha online sa 50 iba’t ibang wika at makukuha rin nang nakalimbag. Magiging malaking tulong ito sa paggawa ng mga pagpili sa inyong buhay. Lubos sana ninyo itong tanggapin bilang sariling inyo at ibahagi ito sa inyong mga kaibigan.

Ang bersyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan para sa 2022

Ang bagong bersyon na ito ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay may subtitle na Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili.

Para maging napakalinaw, ang pinakamahusay na gabay na posibleng mapasainyo sa paggawa ng mga pagpili ay si Jesucristo. Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan.

Ang layunin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay ibaling kayo sa Kanya. Itinuturo nito sa inyo ang mga walang-hanggang katotohanan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo—mga katotohanan tungkol sa kung sino kayo, kung sino Siya, at ano ang maisasakatuparan ninyo gamit ang Kanyang lakas. Itinuturo nito sa inyo kung paano gumawa ng mabubuting pasiya batay sa mga walang-hanggang katotohanang iyon.13

Mahalaga ring malaman ninyo kung ano ang hindi ginagawa ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. Hindi ito nagpapasiya para sa inyo. Hindi ito nagsasabi sa inyo ng “oo” o “hindi” sa bawat pagpiling kakaharapin ninyo. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagtutuon sa pundasyon ng inyong mga pagpili. Nagtutuon ito sa mga pinahahalagahan, alituntunin, at doktrina sa halip na sa bawat partikular na pag-uugali.

Ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, ay lagi tayong ginagabayan sa direksyong iyon. Nakikiusap Siya sa atin na “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahang tumanggap ng paghahayag.”14 Inaanyayahan Niya tayong “pakinggan Siya.”15 Nananawagan Siya na sundan natin Siya sa mas dakila at mas banal na mga paraan.16 At natututo tayo sa gayon ding paraan linggu-linggo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Sa palagay ko ay mabibigyan kayo ng gabay ng mahahabang listahan ng mga damit na hindi ninyo dapat isuot, mga salitang hindi ninyo dapat sambitin, at mga pelikulang hindi ninyo dapat panoorin. Ngunit makakatulong ba talaga iyan sa isang pandaigdigang simbahan? Tunay bang maihahanda kayo ng gayong pamamaraan sa isang panghabambuhay na pamumuhay na tulad ni Cristo?

Sabi ni Joseph Smith, “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”17

At sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao sa Aklat ni Mormon, “Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.”18

Nagpatuloy si Haring Benjamin sa pagsasabing, “Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, … [bantayan] ang inyong sarili, ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at [sumunod] sa mga kautusan ng Diyos, at [magpatuloy] sa pananampalataya … sa ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong buhay.”19

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo

Mali bang magkaroon ng mga panuntunan? Siyempre hindi. Kailangan nating lahat ang mga iyon araw-araw. Ngunit maling magtuon lamang sa mga panuntunan sa halip na magtuon sa Tagapagligtas. Kailangan ninyong malaman kung bakit at kung paano at pagkatapos ay pag-isipan ang mga kahihinatnan ng inyong mga pagpili. Kailangan ninyong magtiwala kay Jesucristo. Aakayin Niya kayo sa tamang daan. Siya ang inyong lakas.20

Ang Kapangyarihan ng Tunay na Doktrina

Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay matapang sa pagpapahayag ng doktrina ni Jesucristo. Matapang ito sa pag-anyaya sa inyo na pumili batay sa doktrina ni Cristo. At matapang ito sa paglalarawan ng mga pagpapalang ipinapangako ni Jesucristo sa mga sumusunod sa Kanyang Daan.21

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag ang pinakahangarin ninyo ay hayaang manaig ang Diyos [sa inyong buhay], … maraming desisyon ang nagiging mas madali. … Maraming isyu ang nagiging hindi na mahalaga! Alam ninyo kung paano magiging [kaaya-aya]. Alam ninyo ang dapat panoorin at basahin, kung saan dapat mag-ukol ng oras, at sino ang dapat makasama. Alam ninyo kung ano ang gusto ninyong maisakatuparan. Alam ninyo ang uri ng taong talagang nais ninyong kahinatnan.”22

Isang Mas Mataas na Pamantayan

Napakataas ng mga pamantayan ni Jesucristo para sa Kanyang mga tagasunod. At ang paanyaya na masigasig na hangarin ang Kanyang kalooban at mamuhay ayon sa Kanyang mga katotohanan ang posibleng pinakamataas na pamantayan!

Ang mahahalagang temporal at espirituwal na pagpili ay hindi lamang dapat na nakabatay sa personal na kagustuhan o kung ano ang mas madali o popular.23 Hindi sinasabi ng Panginoon na, “Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo.”

Ang sinasabi Niya ay, “Hayaang manaig ang Diyos.”

Ang sinasabi Niya ay, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”24

Ang sinasabi Niya ay, “Mamuhay sa mas banal, mas mataas, mas ganap na paraan.”

Ang sinasabi Niya ay, “Sundin ang aking mga kautusan.”

Si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa, at nagsisikap tayo nang buong lakas ng ating kaluluwa na sundan Siya.

Mahal kong mga kaibigan, hayaan ninyong ulitin ko, kung nakatayo ang Tagapagligtas ngayon dito, ipapahayag Niya ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa inyo, ang Kanyang lubos na tiwala sa inyo. Sasabihin Niya sa inyo na kaya ninyong gawin ito. Kaya ninyong bumuo ng isang kalugud-lugod at masayang buhay dahil si Jesucristo ang inyong lakas. Makakahanap kayo ng tiwala, kapayapaan, kaligtasan, kaligayahan, at pagiging kabahagi ngayon at magpakailanman, dahil matatagpuan ninyo ang lahat ng ito kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan.

Taimtim kong pinatototohanan ito bilang isang Apostol ng Panginoong Jesucristo at iniiwan ko sa inyo ang aking taos-pusong basbas nang may malaking pasasalamat at pagmamahal sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lucas 5:10; 8:50; 12:7; Doktrina at mga Tipan 38:15; 50:41; 98:1.

  2. Doktrina at mga Tipan 6:36.

  3. Mateo 14:27; Juan 16:33; Doktrina at mga Tipan 61:36; 68:6; 78:18.

  4. Juan 14:1, 27.

  5. Tingnan sa Mateo 11:28–30.

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:38.

  7. Maaari ninyong sabihin na nilayon ang plano ng Ama na tulutan kayong ipahayag ang inyong mga hangarin sa pamamagitan ng inyong mga pagpili upang matanggap ninyo ang lahat ng ibubunga ng kagustuhan ninyo. Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin [ng Kanyang mga anak] na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya” (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104).

  8. Tingnan sa 2 Nephi 2:26–27.

  9. 1 Corinto 13:12.

  10. Tingnan sa Isaias 5:20.

  11. Juan 14:6.

  12. Tingnan sa Isaias 40:29–31.

  13. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay kadalasang nakikilala sa ating ginagawa at hindi ginagawa—sa ating mga pag-uugali. Maaaring mabuti ito, ngunit mas mabuting makilala tayo dahil sa ating nalalaman (ang mga katotohanang umiimpluwensya sa ating mga pag-uugali) at dahil sa kung sino ang ating kilala (ang Tagapagligtas—at kung paano binibigyang-inspirasyon ng ating pagmamahal sa Kanya ang ating mga pag-uugali).

  14. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  15. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92.

  16. Ang pamamaraang batay-sa-alituntunin ng bagong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naaayon sa iba pang mga naunang pinasimulan kamakailan ng Simbahan ng Tagapagligtas, kabilang na ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ministering, ang kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na nakasentro sa tahanan, ang programang Mga Bata at Kabataan, Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, at ang bagong Pangkalahatang Hanbuk. Malinaw na pinalalakas ng Panginoon ang ating espirituwal na kakayahan. Nagpapakita Siya ng higit na pagtitiwala sa Kanyang mga tao ng tipan sa mga huling araw.

  17. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 331.

  18. Mosias 4:29. Sa isang banda, ganito ang sinikap gawin ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus. Sa kanilang pagsusumigasig na pigilan ang mga tao sa paglabag sa batas, nagtipon sila ng daan-daang panuntunan batay sa kanilang pagkaunawa sa mga sagradong sulatin. Ang pagkakamaling nagawa ng mga Fariseo ay na inakala nila na maililigtas sila ng kanilang mga panuntunan. Pagkatapos, nang magpakita ang Tagapagligtas, hindi nila Siya nakilala.

  19. Mosias 4:30; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. Ang isa pang dahilan kaya kailangan ngayon ang isang pamamaraang batay sa alituntunin ay ang dumaraming iba-ibang kultura sa Simbahan ng Panginoon. Ang mga alituntunin ay walang hanggan at para sa lahat. May partikular na mga patakaran o pagsasabuhay ng mga alituntuning iyon na maayos na nagagawa sa ilang lugar ngunit hindi sa iba. Pinagkakaisa tayo ni Jesucristo at ng mga walang-hanggang katotohanang itinuro Niya, kahit nag-iiba-iba ang partikular na mga pagsasabuhay sa paglipas ng panahon at sa iba’t ibang kultura. Kaya ang problema sa paglilista ng lahat ng posible at hindi posibleng gawin ay hindi lamang dahil sa hindi ito praktikal at hindi mapapanatili. Ang problema ay inilalayo nito ang ating tuon mula sa tunay na Pinagmumulan ng ating lakas, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

  21. Maraming taon na ang nakararaan, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ang makapangyarihang mga salitang ito: “Ang [totoong] doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali” (“Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, 79).

    Itinuro din ni Pangulong Ezra Taft Benson ang katotohanang iyon: “Binabago ng Panginoon ang puso. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. … Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao” (“Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 6).

    Nang makita ni propetang Alma ang kasamaan ng daigdig sa kanyang paligid, bumaling siya sa salita ng Diyos dahil alam niya na “may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang [na] subukan ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).

  22. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94. Ginamit ni Pangulong Nelson ang pamamaraang ito nang magturo siya sa atin tungkol sa paggalang sa araw ng Sabbath: “Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath” (“Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 130).

  23. Itinuro ni Elder David A. Bednar na “ang mga alituntunin ng kabutihan ay tumutulong … sa atin na huwag magtuon sa pansariling kagustuhan at makasariling hangarin sa pamamagitan ng paglalaan ng mahalagang pananaw ng kawalang-hanggan habang pinagdaraanan natin ang iba’t ibang kalagayan, hamon, desisyon, at karanasan ng mortalidad” (“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2021, 123–24).

  24. Lucas 18:22.