Higit na Paglapit sa Tagapagligtas
Sa paghahangad na kilalanin at mahalin ang Tagapagligtas, inihihiwalay natin ang ating sarili sa mundo sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos, pagiging naiiba, di-pangkaraniwan, at espesyal, nang hindi inilalayo ang ating sarili sa ibang mga tao na iba ang paniniwala.
Mahal kong mga kapatid, magsasalita ako ngayong gabi sa mapagpakumbaba at tapat namga alagad ni Jesucristo. Habang nakikita ko ang kabutihan ng inyong buhay at ang inyong pananampalataya sa ating Tagapagligtas dito sa bansang ito at sa mga bansa sa buong mundo, lalo ko kayong minamahal.
Sa pagwawakas ng Kanyang ministeryo, hiniling ng mga disipulo ni Jesus na sabihin Niya sa kanila “ang tanda ng [Kanyang Ikalawang Pagparito], at ng katapusan ng [mundo].”1
Sinabi sa kanila ni Jesus ang mga mangyayari bago ang Kanyang pagbabalik at nagtapos Siya sa pagsasabing, “Kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, [malalaman] ninyong [ang panahon] ay malapit na.”2
Noong nakaraang pangkalahatang kumperensya, pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring: “Alam ng bawat isa sa atin,” wika niya, “saanman tayo naroon, na nabubuhay tayo sa mga panahong tumitindi ang panganib. … Alam ng sinumang may mga mata para makita ang mga tanda ng panahon at mga tainga para marinig ang mga salita ng mga propeta na iyon ay totoo.”3
Pinuri ng Tagapagligtas ang Kanyang magigiting na disipulo: “Mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito’y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito’y nakakarinig.”4 Mapasaatin nawa ang pagpapalang ito habang nakikinig tayong mabuti sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at ng iba pa sa kumperensyang ito.
Trigo at mga Damo
Ipinaliwanag ng Panginoon na sa huling sandaling ito bago ang Kanyang pagbalik, ang “trigo,” na inilalarawan Niya bilang “mga anak ng kaharian,”5 ay tutubo sa tabi ng “mga damo,” o ng mga taong hindi nagmamahal sa Diyos at hindi sumusunod sa Kanyang mga kautusan. “Magkasama silang [tutubo],”6 nang magkatabi.
Ito ang magiging mundo natin hanggang sa bumalik ang Tagapagligtas, na maraming kabutihan at maraming kasamaan sa bawat panig.7
Maaaring hindi ninyo nadarama kung minsan na isa kayong matibay at hinog na tangkay ng trigo. Pagpasensyahan ang inyong sarili! Sinabi ng Panginoon na ang trigo ay may kasamang mga mura pang dahon na sumisibol.8 Tayong lahat ay Kanyang mga Banal sa mga Huling Araw, at bagama’t hindi pa natin nararating nang lubusan ang lahat ng nais nating kahinatnan, tapat tayo sa ating pagnanais na maging Kanyang tunay na mga disipulo.
Palakasin ang Ating Pananampalataya kay Jesucristo
Natatanto natin na habang nadaragdagan ang kasamaan sa mundo, ang ating espirituwal na kaligtasan, at ang espirituwal na kaligtasan ng mga minamahal natin, ay mangangailangan ng ating lubos na pangangalaga, pagpapatibay, at pagpapalakas ng mga ugat ng ating pananampalataya kay Jesucristo. Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo na mag-ugat,9 maging matatag, at matibay10 sa ating pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa ating determinasyong sundan Siya. Kailangan ngayon at sa mga araw na darating ang mas nakatuon at nakatutok na pagsisikap, na umiiwas sa mga paglihis at kapabayaan.11
Ngunit maging sa tumitinding mga makamundong impluwensya sa ating paligid, hindi tayo kailangang matakot. Hindi kailanman pababayaan ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao. May katumbas na kapangyarihan ng mga espirituwal na kaloob at banal na patnubay para sa matwid.12 Ang karagdagang pagpapalang ito ng espirituwal na kapangyarihan, gayunman, ay hindi napapasaatin dahil lang sa bahagi tayo ng henerasyong ito. Dumarating ito habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, habang nakikilala at minamahal natin Siya. “Ito ang buhay na walang hanggan,” pagdarasal ni Jesus, “na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesucristo na iyong sinugo.”13
Tulad ng alam na alam natin, ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagiging isang tunay na disipulo ay higit pa sa minsanang desisyon—higit pa sa minsanang pangyayari. Ito ay isang sagrado at patuloy na prosesong lumalago at lumalawak sa iba’t ibang yugto ng ating buhay, na nagpapatuloy hanggang sa lumuhod tayo sa Kanyang paanan.
Habang sabay na tumutubo ang trigo at mga damo sa mundo, paano natin mapapalalim at mapapalakas ang ating katapatan sa Tagapagligtas sa mga araw na darating?
Narito ang tatlong ideya:
Ituon ang Ating Sarili sa Buhay ni Jesus
Una, maaari nating ituon nang mas lubusan ang ating sarili sa buhay, mga turo, karingalan, kapangyarihan, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus. Sabi ng Tagapagligtas, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.”14 Ipinapaalala sa atin ni Apostol Juan, “Tayo’y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”15 Habang lalo nating nararanasan ang Kanyang pagmamahal, lalo pa natin Siyang minamahal at, natural na natural, higit nating sinusundan ang Kanyang halimbawa ng pagmamahal at pangangalaga sa mga tao sa ating paligid. Sa bawat matwid na pagsulong palapit sa Kanya, nakikita natin Siya nang mas malinaw.16 Sinasamba natin Siya, at sinisikap natin sa ating mumunting paraan na tularan Siya.17
Makipagtipan sa Panginoon
Sumunod, habang lalo nating nakikilala at minamahal ang Tagapagligtas, lalo pa nating ninanais na ipangako sa Kanya ang ating katapatan at tiwala. Nakikipagtipan tayo sa Kanya. Nagsisimula ito sa ating mga pangako sa binyag, at pinagtitibay natin ang mga pangakong ito at ang iba pa kapag nagsisisi tayo araw-araw, humihingi ng tawad, at sabik na umaasam na tumanggap ng sakramento bawat linggo. Nangangako tayo na “lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan.”18
Kapag handa na tayo, tinatanggap natin ang mga ordenansa at tipan ng templo. Nadarama ang impluwensya ng kawalang-hanggan sa ating mga sagrado at tahimik na sandali sa bahay ng Panginoon, masaya tayong nakikipagtipan sa Diyos at pinatitibay natin ang ating pagpapasiya na tuparin ang mga iyon.
Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagtutulot na mas tumimo sa ating puso ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Sa isyu ng Liahona sa buwang ito, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Aakayin tayo ng [ating mga tipan] palapit sa Kanya. … Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya.”19 Tulad ng napakagandang sinabi ni Pangulong Nelson kaninang umaga, “Sa paglalaan ng bawat bagong templo, dagdag na kapangyarihan ng Diyos ang dumarating sa mundo para patatagin tayo at nilalabanan ang tumitinding pagsisikap ng kaaway.”20
Nakikita ba natin kung bakit inaatasan ng Panginoon ang Kanyang propeta na mas ilapit ang mga banal na templo sa atin at bigyan tayo ng pagkakataong pumunta nang mas madalas sa Kanyang tahanan?
Sa pagpasok natin sa templo, pansamantala tayong nagiging malaya mula sa mga makamundong impluwensya na dumidikdik sa atin habang natututuhan natin ang ating layunin sa buhay at ang mga walang-hanggang kaloob na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Pangalagaan ang Kaloob na Espiritu Santo
Sa huli, ang ikatlo kong ideya: sa sagradong hangaring ito, pinahahalagahan, pinoprotektahan, ipinagtatanggol, at iniingatan natin ang kaloob na Espiritu Santo. Binanggit ni Pangulong M. Russell Ballard kanina at ni Elder Kevin W. Pearson kani-kanina lang ang babala ng propetang si Pangulong Nelson na muli kong uulitin: “Hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”21 Ito ay isang kaloob na walang katumbas ang halaga. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para protektahan ang ating mga pang-araw-araw na karanasan upang manatili sa atin ang impluwensya ng Espiritu Santo. Tayo ay isang ilaw sa sanlibutan, at kung kinakailangan, kusa nating pinipiling maiba sa iba. Tinanong kamakailan ni Pangulong Dallin H. Oaks ang mga young adult: “[Kayo] ba ay ‘may lakas ng loob na maiba?’ … [Talagang mahalaga] ang mga pagpiling ginagawa ninyo sa inyong personal na buhay. … Nilalabanan ba ninyo ang pagsalungat ng mundo?”22
Pilling Maiba sa Mundo
Sa isang social media post kamakailan, hiniling ko sa aking mga kapwa disipulo na ibahagi ang mga pagpiling nagawa nila na kinailangan nilang maiba sa mundo. Daan-daan ang natanggap kong tugon.23 Narito ang ilan:
Amanda: Isa akong nars na nagtatrabaho sa isang lokal na bilangguan. Sinisikap kong pangalagaan ang mga bilanggo na tulad ng gagawin ni Cristo.
Rachel: Isa akong opera singer, at madalas nilang ipalagay na susuutin ko ang anumang costume na ipasuot sa akin, disente man iyon o hindi. [Dahil na-endow na ako,] sinabi ko [sa mga producer] na kailangan ay [disente] ang costume. Hindi sila natuwa … pero atubiling ginawa nila ang mga pagbabago. Hindi ko ipagpapalit ang kapayapaang nagmumula sa pagtayo bilang isang saksi ni Cristo sa lahat ng oras.
Chriss: Isa akong lasenggero [na nagpapagaling], karapat-dapat sa templo, at miyembro ng Simbahan. Hindi ko inililihim ang mga karanasan ko sa adiksyon at pagkakaroon ng patotoo sa Pagbabayad-sala [ni Jesucristo].
Lauren: Sumusulat kami ng mga kaklase ko sa high school ng isang maikling palabas. Gusto nila na biglang magsalita ng kabastusan ang tahimik at mahinahong tauhang gagampanan ko. Hindi sila tumigil sa pamimilit sa akin, pero tumanggi ako at nanindigan.
Adam: Maraming taong hindi naniniwala sa akin kapag sinasabi ko na sinusunod ko ang batas ng kalinisang-puri at pinipili kong umiwas sa pornograpiya. Hindi nila nauunawaan ang kagalakan at kapayapaan ng isipan na ibinibigay nito sa akin.
Ella: Ang tatay ko ay miyembro ng LGBTQ community. Palagi kong sinisikap na isaalang-alang ang damdamin ng ibang mga tao habang tumatayo ako bilang saksi ni Cristo at naninindigan sa pinaniniwalaan ko.
Andrade: Nagpasiya akong patuloy na magsimba kahit nagpasiya ang pamilya ko na hindi na magsimba.
At ang huli, mula kay Sherry: Dumalo kami sa isang okasyon sa mansyon ng gobernador. Nagsimula silang magbigay ng champagne para sa “toast.” Iginiit ko na tubig ang sa akin, bagama’t sinabi ng kawani na nakakainsulto iyon. Nag-toast kami para sa gobernador, at itinaas ko nang husto ang aking baso ng tubig! Hindi nainsulto ang gobernador.
Sabi ni Pangulong Nelson, “Oo, kayo ay nabubuhay sa mundo, ngunit mayroon kayong kaibang pamantayan sa mundo upang tulungan kayong maiwasan ang mantsa ng mundo.”24
Si Anastasia, isang bata pang ina sa Ukraine, ay nasa ospital dahil kapapanganak lang niya sa isang sanggol na lalaki nang magsimula ang mga pambobomba sa Kyiv nitong nakaraang Pebrero. Binuksan ng isang nars ang pinto ng kuwarto sa ospital at agarang sinabi, “Kunin mo ang anak mo, ibalot mo siya sa kumot, at pumunta ka sa pasilyo—ngayon din!”
Kalaunan, sinabi ni Anastasia:
“Hindi ko akalain na magiging napakahirap ng mga unang araw ko bilang ina, … pero … nagtutuon ako sa … mga pagpapala at himalang nakita ko. …
“Sa ngayon, … maaaring tila imposibleng mapatawad ang mga taong nagsanhi ng napakatinding pagkawasak at pinsala … , pero bilang isang disipulo ni Cristo, may pananampalataya ako na magagawa kong [magpatawad]. …
“Hindi ko alam ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, … pero alam ko na ang pagtupad sa ating mga tipan ay magtutulot na patuloy na mapasaatin ang Espiritu, … upang makadama tayo ng kagalakan at pag-asa, … kahit sa mahihirap na panahon.”25
Ang Pangako na Buhay na Walang Hanggan at Kaluwalhatiang Selestiyal
Mga kapatid ko, naging mapalad akong matanggap nang sagana ang pagmamahal ng ating mahal na Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam ko na Siya ay buhay at ginagabayan Niya ang Kanyang banal na gawain. Hindi ko lubos na maipahayag sa salita ang pagmamahal ko sa Kanya.
Lahat tayo ay “mga anak ng tipan” na nasa iba’t ibang dako ng mundo sa mga bansa at kultura sa bawat kontinente, na milyun-milyon ang bilang, habang hinihintay natin ang maluwalhating pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Habang nagsisilbing ilaw sa mga tao sa paligid natin, sadya nating hinuhubog ang ating mga hangarin, iniisip, pinipili, at ikinikillos. Sa paghahangad na kilalanin at mahalin ang Tagapagligtas, inihihiwalay natin ang ating sarili sa mundo sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos, pagiging naiiba, di-pangkaraniwan, at espesyal, habang iginagalang natin Siya at ang Kanyang mga turo nang hindi inilalayo ang ating sarili sa ibang mga tao na iba ang paniniwala.
Isang napakagandang paglalakbay ang maging trigo sa gitna ng mga damo, kung minsa’y punung-puno ng dalamhati ngunit laging pinapayapa ng tumatatag at tumitiyak na pagpapanatag ng ating pananampalataya. Habang tinutulutan ninyong tumimo nang malalim sa puso ninyo ang inyong pagmamahal para sa Tagapagligtas at ang Kanyang pagmamahal sa inyo, ipinapangako ko na magkakaroon kayo ng dagdag na tiwala, kapayapaan, at kagalakan sa pagharap sa mga hamon ninyo sa buhay. At nangangako sa atin ang Tagapagligtas: “[Titipunin] kong … magkakasama ang aking mga tao, alinsunod sa talinghaga ng trigo at ng mga [damo], upang ang trigo ay maging ligtas sa mga bangan upang matamo ang buhay na walang hanggan, at maputungan ng kaluwalhatiang selestiyal.”26 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.