Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan
Maghanap ng kapahingahan mula sa kasidhian, kawalang-katiyakan, at kahirapan ng mundong ito sa pagdaig sa mundo sa pamamagitan ng inyong mga tipan sa Diyos.
Mahal kong mga kapatid, salamat at nabati ko kayo sa maluwalhating umagang ito ng Sabbath. Naiisip ko kayo palagi. Namamangha ako sa inyong mabilis na pagkilos sa tuwing nakikita ninyo ang iba na nangangailangan. Namamangha ako sa pananampalataya at patotoo na paulit-ulit ninyong ipinamamalas. Naluluha ako sa inyong mga dalamhati, kabiguan, at pag-aalala. Mahal ko kayo. Tinitiyak ko sa inyo na mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Alam na alam nila ang inyong sitwasyon, inyong kabutihan, inyong mga pangangailangan, at inyong paghingi ng tulong sa inyong mga panalangin. Paulit-ulit akong nananalangin na madama ninyo ang pagmamahal Nila para sa inyo.
Mahalagang maranasan ang Kanilang pagmamahal, dahil tila araw-araw tayong binubugbog ng mga nakapanlulumong balita. Maaaring may mga araw na ninais ninyong isuot ang inyong pantulog, mamaluktot, at magpagising na lamang kapag tapos na ang kaguluhan.
Ngunit, mahal kong mga kapatid, napakaraming magagandang bagay na mangyayari. Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. Mula ngayon hanggang sa oras ng Kanyang pagbalik “na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,”1 magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.
Gayunpaman, kasalukuyan tayong nabubuhay sa tiyak na pinakamagulong panahon sa kasaysayan ng mundo. Ang mga kaguluhan at hamon ay nagpapadama ng kalungkutan at kapaguran sa maraming tao. Gayunpaman, isipin ang isang karanasan kamakailan na maaaring magbigay-liwanag sa kung paano tayo makasusumpong ng kapahingahan.
Sa open house ng Washington D.C. Temple kamakailan, nakasaksi ang isang miyembro ng open house committee ng isang malalim na usapan nang samahan niya ang ilang kilalang mamamahayag sa paglibot sa templo. Hindi sinasadyang napasama sa media tour na ito ang isang pamilya. Panay ang tanong ng isang mamamahayag tungkol sa “paglalakbay” ng isang temple patron habang lumilibot siya sa templo. Gusto niyang malaman kung ang paglalakbay sa templo ay sumisimbolo sa mga hamon sa paglalakbay ng isang tao sa buhay.
Narinig ng isang batang lalaki ng pamilyang iyon ang usapan. Nang pumasok ang grupo sa isang silid para sa endowment, itinuro ng bata ang altar, kung saan lumuluhod ang mga tao upang makipagtipan sa Diyos, at sabi nito, “Uy, ang galing naman. Narito ang isang lugar upang makapahinga ang mga tao sa kanilang paglalakbay sa templo.”
Duda ako kung alam ng bata kung gaano kalalim ang kanyang pahayag. Malamang wala siyang ideya tungkol sa tuwirang ugnayan sa pagitan ng pakikipagtipan sa Diyos sa templo at ng kagila-gilalas na pangako ng Tagapagligtas:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”2
Mahal na mga kapatid, nagdadalamhati ako para sa mga yaong tumatalikod sa Simbahan dahil pakiramdam nila ay napakaraming ipinagagawa sa kanila bilang miyembro. Hindi pa nila natutuklasan na ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay talagang nagpapadali sa buhay! Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. Pagnilayan sana ninyo ang kagila-gilalas na katotohanang iyon!
Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos.
Bago ipinailalim ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa matinding paghihirap sa Getsemani at Calvario, ipinahayag Niya sa Kanyang mga Apostol, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”3 Pagkatapos, nakiusap Siya sa bawat isa sa atin na gayon din ang gawin nang sabihin Niyang, “Aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan.”4
Mahal na mga kapatid, ang aking mensahe sa inyo ngayon na dahil nadaig ni Jesucristo ang masamang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang makasalanan, makasarili, at madalas na nakapapagod na mundong ito.
Dahil, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, tinubos ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo,5 kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.
Madaraig ninyo ang mga nakapapagod na espirituwal at emosyonal na salot ng mundo, pati na ang kayabangan, kapalaluan, galit, imoralidad, pagkamuhi, kasakiman, inggit, at takot. Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinakanakayayamot na problema.
Sa mahalagang katotohanang ito ay umuusbong ang tatlong napakahalagang tanong:
Una, ano ang ibig sabihin ng daigin ang mundo?
Pangalawa, paano natin iyon gagawin?
At pangatlo, paano pinagpapala ng pagdaig sa mundo ang ating buhay?
Ano ang ibig sabihin ng daigin ang mundo? Ang ibig sabihin nito ay pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay pagtitiwala sa doktrina ni Cristo kaysa sa mga pilosopiya ng mga tao. Ang ibig sabihin nito ay pagkalugod sa katotohanan, pagtuligsa sa panlilinlang, at pagiging “mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo.”6 Ang ibig sabihin nito ay pagpiling umiwas sa anumang nagpapalayo sa Espiritu. Ang ibig sabihin nito ay pagiging handang “talikuran” maging ang mga paborito nating kasalanan.7
Ngayon, ang pagdaig sa mundo ay tiyak na hindi nangangahulugang magiging perpekto sa buhay na ito, ni nangangahulugang bigla na lang maglalaho ang inyong mga problema—dahil hindi mangyayari iyon. At hindi ito nangangahulugang hindi na kayo magkakamali pa. Kundi ang pagdaig sa mundo ay nangangahulugang lalo ninyong mapaglalabanan ang kasalanan. Lalambot ang inyong puso habang lumalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo.8 Ang ibig sabihin ng pagdaig sa mundo ay pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak nang higit kaysa sa pagmamahal ninyo sa sinuman o anupaman.
Kung gayon, paano natin madaraig ang mundo? Itinuro sa atin ni Haring Benjamin kung paano. Itinuro niya na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos” at mananatiling gayon magpakailanman “maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.”9 Sa tuwing kayo ay naghahangad ng at sumusunod sa mga pahiwatig ng Espiritu, sa tuwing kayo ay gumagawa ng anumang bagay na mabuti—mga bagay na hindi gagawin ng “likas na tao,”—nadaraig ninyo ang mundo.
Ang pagdaig sa mundo ay hindi isang kaganapang nangyayari sa isa o dalawang araw. Nangyayari iyon sa buong buhay habang paulit-ulit nating niyayakap ang doktrina ni Cristo. Nililinang natin ang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw at pagtupad ng mga tipan na nagkakaloob sa atin ng kapangyarihan. Nananatili tayo sa landas ng tipan at napagpapala ng espirituwal na lakas, personal na paghahayag, pag-iibayo ng pananampalataya, at paglilingkod ng mga anghel. Ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ay maaaring magdulot ng pinakamakapangyarihan at magandang resulta, na lumilikha ng espirituwal na momentum sa ating buhay.10
Habang nagsisikap tayong isabuhay ang mga nakatataas na batas ni Jesucristo, unti-unting nagbabago ang ating puso at mismong likas na pagkatao. Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.
Ngayon, maaaring iniisip ninyo na tila ito ay mas mahirap na espirituwal na gawain sa halip na kapahingahan. Ngunit narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon! Ang talagang idinudulot nila ay walang iba kundi isang hungkag na pamalit sa “pinagpala at maligayang kalagayan” ng mga [taong] “sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.”11
Ang katotohanan ay mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman! Gayunpaman, kapag inilalapit ninyo ang sarili kay Jesucristo at ginagawa ninyo ang espirituwal na gawaing kailangan upang madaig ang mundo, Siya, at Siya lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.
Ngayon, paano pinagpapala ng pagdaig sa mundo ang ating buhay? Malinaw ang sagot: ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay. Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin: Hindi ko sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay. Sa katunayan, asahan ang kabaligtaran nito, dahil ayaw ng kaaway na matuklasan ninyo ang kapangyarihan ni Jesucristo. Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.
Pinagtitibay ko ang malalim na turo ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, … pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan.”12
Ang mga walang katulad na pribilehiyong ito ay sumusunod sa mga naghahangad ng suporta ng langit upang matulungan silang madaig ang mundong ito. Dahil dito, ipinaaabot ko sa mga miyembro ng buong Simbahan ang utos ding ito na ibinigay ko sa ating mga young adult noong Mayo. Hinimok ko sila noon—at pinakikiusapan ko kayo ngayon—na alagaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagsikapan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig. Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.13
Ang pakiusap ko sa inyo ngayong umaga ay maghanap ng kapahingahan mula sa kasidhian, kawalang-katiyakan, at kahirapan ng mundong ito sa pagdaig sa mundo sa pamamagitan ng inyong mga tipan sa Diyos. Ipaalam sa Kanya sa pamamagitan ng inyong mga dalangin at inyong mga kilos na seryoso kayo tungkol sa pagdaig sa mundo. Hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag ang inyong isipan at ipadala ang tulong na kailangan ninyo. Bawat araw, itala ang mga ideyang sumasaisip ninyo habang nananalangin kayo; pagkatapos ay sundin iyon nang buong sigasig. Maggugol ng mas maraming oras sa templo at hangaring maunawaan kung paano itinuturo sa inyo ng templo na madaig ang masamang mundong ito.14
Tulad ng nasabi ko na dati, ang pagtitipon ng Israel ang pinakamahalagang gawaing nangyayari sa mundo ngayon. Ang isang mahalagang elemento ng pagtitipong ito ay ang paggayak sa mga taong may kakayahan, handa, at karapat-dapat na tumanggap sa Panginoon kapag pumarito Siyang muli; mga taong pinili si Jesucristo kaysa sa masamang mundong ito; mga taong nagagalak sa kanilang kalayaang isabuhay ang mga nakatataas at mas banal na batas ni Jesucristo.
Nananawagan ako sa inyo, mahal kong mga kapatid, na kayo ang maging mabubuting taong ito. Itangi at igalang ang inyong mga tipan kaysa sa lahat ng iba pang pangako. Habang hinahayaan ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, nangangako ako sa inyo nang higit na kapayapaan, kumpiyansa, kagalakan, at oo, kapahingahan.
Sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng banal na pagkaapostol, binabasbasan ko kayo sa inyong paghahangad na madaig ang mundong ito. Binabasbasan ko kayo na lalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at mas matututuhan ninyo kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan. Binabasbasan ko kayo na magawa ninyong mahiwatigan kung ano ang katotohanan at ano ang kamalian. Binabasbasan ko kayo na magkaroon ng higit na pagpapahalaga sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundong ito. Binabasbasan ko kayo na makita ang mga pangangailangan ng mga tao sa paligid ninyo at mapalakas ang mga yaong minamahal ninyo. Dahil nadaig ni Jesucristo ang mundong ito, magagawa rin ninyo iyon. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.