“Ang Kampo ng Israel,” kabanata 18 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 18: “Ang Kampo ng Israel”
Kabanata 18
Ang Kampo ng Israel
Sa loob ng ilang araw matapos ang paglitaw ng mga bulalakaw, inasahan ni Joseph na may himalang mangyayari. Ngunit patuloy ang normal na pagdaloy ng buhay, at walang iba pang tanda ang lumitaw sa kalangitan. “Ang aking puso ay nalungkot nang kaunti,” pagtatapat niya sa kanyang journal. Mahigit tatlong buwan na ang lumipas simula nang inihayag ng Panginoon ang anumang bagay para sa mga Banal sa Sion, at hindi pa rin alam ni Joseph kung paano sila tutulungan. Tila sarado ang kalangitan.1
Bilang dagdag sa pag-aalala ni Joseph, kailan lamang ay bumalik mula sa Palmyra at Manchester si Doctor Philastus Hurlbut na may dalang mga kuwento—huwad ang ilan, sobra naman ang iba—tungkol sa kuwento ng pagkabata ni Joseph. Habang lumalaganap ang mga kuwento sa paligid ng Kirtland, isinumpa rin ni Hurlbut na ipanghuhugas niya sa kanyang mga kamay ang dugo ni Joseph. Hindi nagtagal ay nagsimula ang propeta na gumamit ng mga bodyguard.2
Noong Nobyembre 25, 1833, mahigit isang linggo matapos ang pag-ulan ng mga bulalakaw, dumating sa Kirtland si Orson Hyde at iniulat ang pagpapaalis sa mga Banal sa Jackson County.3 Nakapanlulumo ang balitang iyon. Hindi maunawaan ni Joseph kung bakit hinayaan ng Diyos na magdusa ang mga Banal at mawala sa kanila ang lupang pangako. Hindi rin niya makita ang kahihinatnan ng Sion. Nagdasal siya para sa patnubay, ngunit ang tanging sinabi ng Panginoon ay manatili lamang at magtiwala sa Kanya.
Agad na sinulatan ni Joseph si Edward Partridge. “Alam ko na ang Sion, sa takdang panahon ng Panginoon, ay matutubos,” kanyang patotoo, “ngunit hindi ipinaalam sa akin ng Panginoon kung ilang araw daranas ng pagpapa-dalisay, paghihinagpis, at paghihirap ang Sion.”
Wala nang ibang maibibigay, sinikap ni Joseph na aliwin ang kanyang mga kaibigan sa Missouri, sa kabila ng mga walong daang milya na namamagitan sa kanila. “Nang nalaman namin ang tungkol sa inyong mga pagdurusa, pinupukaw nito ang bawat simpatiya ng aming mga puso,” sulat niya. “Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na sa kabila ng inyong labis na paghihirap at pagdurusa, walang makapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo.”4
Patuloy na nagdasal si Joseph, at pagsapit ng Disyembre sa wakas ay tumanggap siya ng paghahayag para sa mga Banal sa Sion. Ipinahayag ng Panginoon na sila ay naghihirap dahil sa kanilang mga kasalanan, ngunit Siya ay nahabag sa kanila at nangako na hindi sila pababayaan. “Sila ay talagang kinakailangang parusahan at subukan, maging gaya ni Abraham,” paliwanag Niya kay Joseph, “sapagkat lahat ng yaong hindi makatitiis ng pagpaparusa, sa halip itinatatwa ako, ay hindi mapababanal.”
Tulad ng Kanyang naunang ginawa, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na bumili ng mga lupain sa Sion at maghanap ng legal at mapayapang paraan upang mabawi kung ano ang nawala sa kanila. “Ang Sion ay hindi matitinag sa kanyang kinaroroonan,” pahayag Niya. “Sila na naiwan, at dalisay ang puso, ay babalik, at babalik sa kanilang mga mana.”5
Bagama’t ang paghahayag ay hinimok ang mga mapayapang negosasyon sa mga mamamayan ng Independence, sinabi rin ng Panginoon na maaaring mabawi sa pamamagitan ng kapangyarihan ang Sion. Ikinuwento Niya ang talinghaga ng isang ubasan na nakuha mula sa mga tamad na lingkod at winasak ng kaaway. Nang makita ng panginoon ng ubasan ang pagkawasak, kinastigo niya ang mga tagapaglingkod sa kanilang kapabayaan at inutusan ang mga ito na kumilos.
“Humayo at sama-samang tipunin ang natira sa aking mga tagapaglingkod, at dalhin ang lahat ng lakas ng aking sambahayan,” kanyang utos, “at magtungo ka kaagad sa lupain ng aking ubasan, at tubusin ang aking ubasan.” Hindi ipinaliwanag ng Panginoon ang talinghagang ito, ngunit sinabi Niya sa mga Banal na ito ay sumasalamin sa Kanyang kalooban para sa pagtubos ng Sion.6
Pagkalipas ng dalawang buwan, sina Parley Pratt at Lyman Wight ay nagtungo sa Kirtland dala ang iba pang mga balita mula sa Missouri. Ang mga palakaibigang tao sa kabilang panig ng ilog mula sa Jackson County ay nagbigay sa mga Banal ng pagkain at mga damit kapalit ng pagtatrabaho, ngunit sila ay nagkalat pa rin at pinanghihinaan ng loob. Nais nilang malaman kung kailan at paano maliligtas ang Sion mula sa mga kaaway nito.7
Matapos marinig ang ulat, tumayo si Joseph sa kanyang kinauupuan at inihayag na pupunta siya sa Sion. Sa loob ng anim na buwan, naghandog siya ng nakahihikayat na mga salita at pag-asa sa mga Banal doon habang hinarap niya ang iba pang mga hamon sa Kirtland.
Ngayon ay nais niyang gumawa ng isang bagay para sa kanila—at gusto niyang malaman kung sino ang sasama sa kanya.8
Noong Abril 1834, sa isang pulong ng isang maliit na branch ng simbahan sa New York, ang dalawampu’t-pitong taong gulang na si Wilford Woodruff ay nakinig kay Parley Pratt na magsalaysay sa mga pinakabagong paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith. Tumatawag ito sa mga Banal na magtipon ng limang daang kalalakihan na maglalakbay kasama ng propeta papunta sa Missouri. “Ang pagtubos ng Sion ay talagang kinakailangang dumating sa pamamagitan ng kapangyarihan,” paghayag ng Panginoon. “Huwag matakot ang sinuman na ialay ang kanyang buhay para sa aking kapakanan.”9
Inanyayahan ni Parley ang mga bata at nasa katanghaliang-gulang na kalalakihan sa branch na magtungo sa Sion. Ang bawat lalaki na maaaring sumama ay inaasahang sumama.
Sa pagtatapos ng pulong, ipinakilala ni Wilford ang sarili kay Parley. Siya at ang kanyang kuya na si Azmon ay sumapi sa simbahan tatlong buwan na ang nakalipas, at kapwa sila mga teacher sa Aaronic Priesthood. Sinabi ni Wilford na siya ay handang magpunta sa Sion, ngunit mayroon siyang mga bayarin at pautang na dapat singilin bago siya makaalis. Sinabi sa kanya ni Parley na kanyang tungkuling isaayos ang kanyang pananalapi at sumama sa paglalakbay.10
Kalaunan, kinausap ni Wilford si Azmon tungkol sa pagpunta sa Sion. Bagama’t tinawag ng Panginoon ang bawat lalaki sa simbahan na malakas ang pangangatawan na sumama sa paglalakbay, nagpasiya si Azmon na manatili, atubiling lisanin ang kanyang tahanan, pamilya, at sakahan. Subalit binata pa si Wilford, at sabik siyang magpunta sa Sion kasama ang propeta.11
Dumating si Wilford sa Kirtland makalipas ang ilang linggo at nakilala sina Brigham Young at Heber Kimball, na kamakailan lamang ay lumipat sa Ohio kasama ang kanilang mga pamilya. Nagtatrabaho si Heber bilang isang magpapalayok, at siya at ang kanyang asawang si Vilate, ay may dalawang anak. Si Brigham ay isang karpintero na may dalawang maliit na anak na babae. Kamakailan, pinakasalan niya ang isang bagong binyag na si Mary Ann Angell matapos pumanaw ang kanyang unang asawa, si Miriam.12 Ang dalawang lalaki ay kapwa handang sumama sa paglalakbay, sa kabila ng mga sakripisyo na kailangang gawin ng kanilang mga pamilya.
Ang mga pinsan ni Mary Ann, sina Joseph at Chandler Holbrook, ay kasama rin sa paglalakbay, maging ang kanilang mga asawa, sina Nancy at Eunice, at ang kanilang maliliit na anak. Nagplano sina Nancy at Eunice na tulungan ang iba pang kababaihan sa kampo, na magluluto, maglalaba ng mga damit, at aalagaan ang mga maysakit at sugatan sa daan patungong Missouri.13
Ang mga babae na nanatili sa kanilang tahanan ay naghanap ng iba pang mga paraan upang matustusan ang paglalakbay. Ilang sandali bago siya umalis papunta sa Sion, sinabi ni Joseph, “Kailangan ko ng pera para ipangtustos sa Sion, at alam ko na magkakaroon ako nito.” Kinabukasan, tumanggap siya ng $150 mula sa isang Sister Vose sa Boston.14
Si Wilford at iilang mga Banal ay naglakbay patungong Sion noong Mayo 1. Sina Joseph, Brigham, Heber at ang mga Holbrook—pati na ang halos isang daang iba pang boluntaryo—ay umalis sa Kirtland makalipas ang ilang araw at sumama kina Wilford sa daan.
Nang matipon, ang puwersa ay maliit na bahagi lamang ng limang daang tinawag ng Panginoon.15 Gayunman, masaya silang naglakbay pakanluran, determinadong tuparin ang salita ng Panginoon.
Mataas ang inaasahan ni Joseph sa kanyang maliit na grupo, na tinawag niyang Kampo ng Israel. Bagama’t sila ay armado at handang makipaglaban, na tulad ng mga sinaunang Israelita noong nakibaka sila para sa lupain ng Canaan, nais ni Joseph na lutasin ang alitan nang mapayapa. Ang mga opisyal ng pamahalaan sa Missouri ay sinabi sa mga lider ng simbahan doon na si Gobernador Dunklin ay handang ipadala ang militia ng estado para samahan ang mga Banal pabalik sa kanilang mga nawalang lupain. Siya, gayunpaman, ay hindi makapapangako na mapipigilan niya ang mga mandurumog na muli silang palayasin.16
Binalak ni Joseph na humingi ng tulong mula sa gobernador sa oras na dumating ang Kampo ng Israel sa Missouri, at pagkatapos ay makipagtulungan sa militia na ibalik ang mga Banal sa Jackson County. Mananatili ang kampo ng isang taon sa Sion upang panatilihing ligtas ang mga Banal mula sa kanilang mga kaaway.17
Upang matiyak na lahat ng tao sa kampo ay may mapagkukunan, inilagay ng mga miyembro ng kampo ang kanilang salapi sa isang pangkalahatang pondo. Alinsunod sa huwaran ng Lumang Tipan, hinati ni Joseph ang mga lalaki sa mga pangkat, kung saan ang bawat grupo ay pipili ng isang kapitan.18
Habang papalapit sa kanluran ang Kampo ng Israel, nag-alala si Joseph tungkol sa pagpasok sa teritoryo ng kaaway kasama ang kanyang maliit na puwersa. Ang kanyang kapatid na si Hyrum at si Lyman Wight ay nangalap ng karagdagang mga lalaki sa mga branch ng simbahan sa hilagang-kanluran ng Kirtland, subalit sila ay hindi pa sumasama sa Kampo ng Israel at hindi alam ni Joseph kung nasaan na sila. Nag-alala rin siya na may mga espiyang nagmamasid sa mga galaw ng kampo at binibilang ang kanilang dami.19
Noong Hunyo 4, pagkatapos ng isang buwang paglalakbay, narating ng kampo ang Ilog Mississippi. Si Joseph ay pagod at masakit ang katawan dahil sa paglalakbay, ngunit dama niya na handa niyang harapin ang mga hamon na naghihintay sa hinaharap.20 Nalaman niya na ang mga ulat at sabi-sabi tungkol sa mga galaw ng kampo ay nakaabot na sa Missouri, at naghahanda ang daan-daang mamamayan para sa isang sagupaan. Pinag-iisipan niya kung ang mga Banal ba ay may sapat na lakas upang harapin ang mga ito.
“Ang kampo ay nasa mabuting katayuan tulad ng inaasahan,” isinulat niya kay Emma habang nakaupo sa tabing-ilog, “ngunit ang aming bilang at mapagkukunan ay lubhang kakaunti.”21
Kinabukasan ang araw ay mainit at maalinsangan habang naghihintay ang Kampo ng Israel na tumawid ng ilog papunta sa Missouri. Ang Mississippi ay mahigit isang milya ang lapad, at ang kampo ay may iisang bangka lamang na magagamit para sa kanilang pagtawid. Habang naghihintay sila, ilang miyembro ng kampo ang nangaso at nangisda samantalang ang iba ay pinaglabanan ang pagkainip at naghanap ng lilim para makatakas sa init ng araw.
Gumugol ang kampo ng dalawang nakapapagod na araw sa pagtawid sa ilog. Sa pagtatapos ng ikalawang araw, sila ay pagod at ninenerbiyos. Ngayong sila ay nasa Missouri na, marami sa kanila ay takot sa biglaang pag-atake. Nang gabing iyon, ang asong bantay ni Joseph ay gumulat sa lahat nang magsimula itong tumahol sa huling pangkat na dumating sa kampo.
Si Sylvester Smith, ang kapitan ng dumarating na pangkat, ay nagbantang papatayin ang aso kung hindi ito hihinto sa pagtahol. Pinayapa ni Joseph ang hayop, ngunit sina Sylvester at ang kanyang mga kasama ay inirereklamo pa rin ito kinabukasan ng umaga.22
Narinig ang kanilang mga reklamo, tinipon ni Joseph ang mga miyembro ng kampo. “Bababa ako sa diwa na nasa kampo,” ipinahayag niya, “sapagkat nais kong maalis ito mula sa kampo.” Nagsimula siyang gayahin ang inasal ni Sylvester noong nakaraang gabi, inuulit ang mga banta ng kapitan laban sa aso. “Ang diwang ito ang nagpapanatili ng paghahati-hati at pagdanak ng dugo sa buong mundo,” sabi niya.
Si Sylvester, na walang kaugnayan kay Joseph, ay hindi natuwa. “Kapag kinagat ako ng asong iyan,” sabi niya, “Ako ang papatay sa kanya.”
“Kung papatayin mo ang asong iyan,” sabi ni Joseph, “Lalatiguhin kita.”
“Kung gagawin mo iyan,” sabi ni Sylvester, “ipagtatanggol ko ang aking sarili!”23
Pinanood ng kampo ang dalawang lalaki na masama ang tingin sa isa’t isa. Sa ngayon, walang pag-aaway na nabubuo sa pagitan nila, ngunit ang ilang linggong paglalakbay ay lubhang nagpabawas ng pasensya ng lahat.
Sa huli, tumalikod si Joseph kay Sylvester at tinanong sa mga Banal kung sila ay nahihiya rin ba na tulad niya sa damdaming umiiral sa kampo. Sinabi niya na kumikilos sila na parang aso kaysa sa mga tao. “Ang mga tao ay hindi nararapat na ipantay ang kanilang sarili sa mga hayop,” sabi niya. “Dapat sila ay nasa itaas ng mga ito.”24
Ang tensiyon sa kampo ay kumalma pagkatapos niyon, at ang maliit na grupo ay naglakad papasok sa kaloob-looban ng Missouri. Sina Nancy at Eunice Holbrook ay nanatiling abala sa pag-aasikaso sa kanilang mga pang-araw-araw na tungkulin, gayunman naunawaan nila na ang bawat hakbang na gawin nila patungo sa Jackson County ay naglalagay sa kanila sa tumitinding panganib.25
Hindi nagtagal matapos makatawid sa Mississippi ang pinakamalaking pangkat ng kampo, sina Hyrum Smith at Lyman Wight ay dumating kasama ang kanilang mga nakalap na tauhan, na nagdagdag sa bilang ng kampo at naging higit dalawang daang boluntaryo.26 Ang mga pinuno ng kampo ay nag-aalala pa rin sa isang pagsalakay, gayunman, at sinabi ni Joseph sa mga lalaki na kasama ang mga pamilya na humanap ng masisilungan para sa kanilang mga asawa at anak.
Ilang kababaihan sa kampo ay tumutol na maiwan. Ngunit nang ang mga lalaki ay malapit nang umalis, tinipon ni Joseph ang lahat. “Kung ang mga kapatid na babae ay handang dumanas ng isang paglusob sa kampo,” sabi niya, “lahat sila ay maaaring sumama rito.”27
Sina Nancy, Eunice, at ang iba pang mga kababaihan sa kampo ay nagsabi na sila ay handang sumama, masaya na pinahintulutan sila ni Joseph na pumili na ipagpatuloy ang paglalakbay.28
Ilang araw kalaunan, sina Parley Pratt at Orson Hyde ay dumating sa kampo dala ang hindi magandang balita: tumanggi si Gobernador Dunklin na magbigay ng suportang militia para sa mga Banal.29 Kapag wala ang tulong ng gobernador, batid ng kampo, hindi nila magagawang makatulong sa mga Banal sa Missouri na bumalik sa kanilang mga lupain sa Sion nang mapayapa. Nagpasiya si Joseph at kanyang mga kapitan na magpatuloy. Umasa sila na maabot ang mga ipinatapong Banal sa Clay County, na nasa hilaga ng Ilog Missouri, at tulungan silang makipag-ayos sa isang kompromiso sa mga tao ng Jackson County.30
Ang Kampo ng Israel ay tumawid sa kaparangan ng gitnang Missouri. Halos isang araw na paglalakbay mula sa kanilang destinasyon, isang babaeng itim—marahil isang alipin—ay ninenerbiyos silang tinawag. “May isang grupo ng kalalakihan dito na nagpaplanong patayin kayo ngayong umaga kapag dumaan kayo,” sabi niya.31
Maingat na nagpatuloy ang kampo sa paglalakad. Ginambala ng mga problema sa bagon, napilitan silang tumigil para sa magdamag sa isang burol kung saan tanaw ang krus na daan sa Ilog Fishing, sampung milya ang layo mula sa ipinatapong mga Banal. Habang itinatayo nila ang kanilang mga tolda, narinig nila ang mga dumadagundong na kabayo habang limang lalaki ang pumasok sa kampo. Iwinasiwas ng mga dayuhan ang kanilang mga sandata at nagyabang na higit sa tatlong daang kalalakihan ang papunta na upang lipulin ang mga Banal.32
Nanaig ang takot sa Kampo ng Israel. Alam na nahihigitan sila sa bilang, nagtalaga ng mga bantay si Joseph sa paligid ng lugar, tiyak na ang pagsalakay ay nalalapit na. Isang lalaki ang nakiusap sa kanya na una silang umatake sa mga mandurumog.
“Hindi,” sagot ni Joseph. “Tumayo nang hindi natitinag at masdan ang pagliligtas ng Diyos.”33
Sa langit ang mga ulap ay mukhang makapal at kulay-abo. Pagkalipas ng dalawampung minuto, ang malalakas na ulan ay bumuhos sa kampo, itinataboy ang kalalakihan sa kanilang mga tolda habang nagkandarapa sila na makahanap ng mas maayos na masisilungan. Ang mga pampang ng Ilog Fishing ay naglaho habang tumataas ang tubig at rumagasa.34 Humampas ang hangin sa kampo, tinutumba ang mga puno at binabaklas ang mga tolda. Matatalim na kidlat ang gumuhit sa kalangitan.
Si Wilford Woodruff at ang iba pa sa kampo ay nakatagpo ng isang maliit na simbahan sa kalapit na lugar at nagsiksikan sa loob habang hinahagupit ng ulang may yelo ang bubong.35 Pagkaraan ng ilang sandali, biglang pumasok si Joseph sa simbahan, pinapagpag ang tubig sa kanyang sombrero at damit. “Mga kasama, may ilang kahulugan ito,” sabi niya. “Ang Diyos ay narito sa bagyo!”
Hindi makatulog, ang mga Banal ay nahiga sa mahahabang bangko at kumanta ng mga himno sa buong magdamag.36 Kinaumagahan, natagpuan nila ang kanilang mga tolda at gamit na basang-basa at nakakalat sa buong kampo, ngunit walang nasira na hindi na maisasalba pa at walang pagsalakay na naganap.
Ang mga ilog ay nanatiling matataas ang tubig, inihihiwalay ang kampo mula sa kanilang mga kaaway sa kabilang pampang.37
Nang sumunod na ilang araw, ang Kampo ng Israel ay nakipag-ugnayan sa mga Banal sa Clay County habang si Joseph ay nakipagkita sa mga opisyal mula sa mga karatig na county upang ipaliwanag ang layunin ng paglalakbay at magmakaawa para sa mga Banal sa Sion. “Kami ay nasasabik na makipag-ayos sa mga problemang namamagitan sa atin,” sinabi ni Joseph sa kanila. “Nais naming makipamuhay nang mapayapa sa lahat ng tao, at pantay na karapatan para sa lahat ang tanging hiling namin.”38
Ang mga opisyal ay pumayag na tumulong pahupahin ang galit ng kanilang mga kababayan, pero nagbabala sila sa kampo na huwag pumunta sa Jackson County. Kung ang mga Banal ay susubok na pumunta sa Independence, isang madugong labanan ang maaaring magsimula.39
Kinabukasan, Hunyo 22, sa isang kapulungan ng mga lider ng simbahan, nakatanggap si Joseph ng paghahayag para sa Kampo ng Israel. Tinanggap ng Panginoon ang mga sakripisyo ng mga miyembro nito ngunit itinuon ang kanilang mga pagsisikap sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan. “Ang Sion ay hindi maitatayo,” Kanyang pahayag, “kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal.”
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na dapat silang maghintay na tubusin ang Sion hanggang naihanda nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at karanasan upang gawin ang kalooban ng Diyos. “At ito ay hindi maaaring maisakatuparan,” paliwanag Niya, “hanggang sa ang aking mga elder ay mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.” Ang kaloob o endowment na ito ay dadalhin sa bahay ng Panginoon, ang templo sa Kirtland.
Nalulugod ang Panginoon, gayunman, sa mga taong naglakbay sa Kampo ng Israel. “Aking narinig ang kanilang mga panalangin, at tatanggapin ang kanilang mga handog,” Kanyang sinabi, “at kapaki-pakinabang sa akin na sila ay dalhin sa ganito bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya.”40
Matapos nilang marinig ang paghahayag, ang ilang miyembro ng kampo ay tinanggap ito bilang salita ng Panginoon. Ang iba ay tumutol, pakiramdam na ipinagkait nito sa kanila ang pagkakataong makagawa nang higit pa para sa mga Banal sa Missouri. Ang ilang tao ay nagalit at nahihiya na magsisiuwi sila nang walang labanang nangyari.41
Nabuwag ang kampo pagkatapos nito, at ang kaunting natira sa pangkalahatang pondo ay hinati sa mga miyembro nito. Ang ilang tao sa kampo ay nagplano na mamalagi sa Missouri upang magtrabaho at tumulong sa mga Banal na muling magsimula, samantalang sina Brigham, Heber at ang iba pa ay hinanda ang kanilang sarili na bumalik sa kanilang mga pamilya, tapusin ang templo, at maghandang tanggapin ang kaloob na kapangyarihan.42
Kahit na hindi natubos ng kampo ang Sion, si Wilford Woodruff ay nagpapasalamat sa kaalamang nakamtan niya sa paglalakbay. Naglakbay siya nang halos isang libong milya kasama ang propeta at nakita siya na naghahayag ng salita ng Diyos.43 Ang karanasan ay iniwan siya na may hangaring ipangaral ang ebanghelyo.
Hindi pa alam ni Wilford kung ang pangangaral ay nasa kanyang kinabukasan, ngunit nagdesisyon siyang manatili sa Missouri at gawin ang anumang hilingin sa kanya ng Panginoon.44