“Bawat Patibong,” kabanata 23 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 23: “Bawat Patibong”
Kabanata 23
Bawat Patibong
Nagtrabaho si Jonathan Crosby sa kanyang bagong tahanan sa Kirtland sa kabuuan ng taglagas ng 1836. Pagsapit ng Nobyembre, naitayo na niya ang mga pader at bubong, ngunit hindi pa rin niya natatapos ang sahig ng bahay at wala pang mga bintana o pintuan. Dahil malapit nang isilang ang sanggol, hinihimok siya ni Caroline na tapusin kaagad hangga’t maaari ang paggawa ng bahay. Bagamat maayos naman ang pagsasamahan nila ng kanilang kaserang si Sister Granger, nasasabik na si Caroline na lumipat sa kanilang bagong bahay mula sa kanilang masikip na tirahan.1
Habang mabilis na nagtrabaho si Jonathan para maging kaaya-ayang tirhan ang bahay bago isilang ang sanggol, ibinalita ng mga lider ng simbahan ang kanilang plano na simulan ang Kirtland Safety Society, isang bangko sa nayon na naglalayong palakasin ang mahinang ekonomiya ng Kirtland at makalikom ng pera para sa simbahan. Tulad ng ibang maliliit na bangko sa Estados Unidos, ito ay magpapautang sa mga manghihiram para makabili ng ari-arian at mga kalakal, na siyang tutulong upang lumago ang ekonomiya. Habang binabayaran ng mga humiram ang mga pagkakautang na ito nang may interes, magkakaroon ng tubo ang bangko.2
Ang mga mangungutang ay bibigyan ng mga papel de bangko na ginagarantiyahan ng Safety Society gamit ang limitadong reserba ng pilak at gintong barya nito. Upang palakihin ang reserbang ito ng salapi, magbebenta ang bangko ng stock sa mga mamumuhunan, na nangakong magbabayad sa kanilang mga stock sa paglipas ng panahon.3
Pagdating ng simula ng Nobyembre, mayroong higit sa tatlumpung stockholder ang Kirtland Safety Society, kabilang na sina Joseph at Sidney, na ipinuhunan ang karamihan ng sarili nilang pera sa bangko.4 Ihinalal ng mga stockholder si Sidney bilang pangulo ng institusyon at si Joseph bilang kahero, na siyang responsable sa mga tala ng bangko.5
Matapos magawa ang plano para sa bangko, nagtungo si Oliver sa silangan para makabili ng mga materyales para sa pagpapalimbag ng mga papel de bangko, at si Orson Hyde ay gumawa ng rekisisyon upang makakuha ng charter o lisensiya mula sa lehislatura ng estado upang maging legal ang operasyon ng bangko. Samantala, hinimok naman ni Joseph ang lahat ng mga Banal na mamuhunan sa Safety Society sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga talata sa Lumang Tipan na naghihirang sa mga sinaunang Israelita na dalhin ang kanilang mga ginto at pilak sa Panginoon.6
Nadama ni Joseph na pinagtibay ng Diyos ang kanilang mga pagsisikap, at nangako siya na magiging maayos ang lahat kung diringgin ng mga Banal ang mga utos ng Panginoon.7 Nagtitiwala sa salita ng mga propeta, ang iba pang mga Banal ay namuhunan sa Safety Society, bagamat ang iba ay higit na nag-iingat sa pagbili ng stock sa isang institusyong wala pang napatutunayan. Naisip ng mga Crosby na bumili ng mga share, pero wala na silang magagamit na pera dahil sa mataas na halaga ng pagtatayo ng kanilang bahay.8
Sa bandang simula ng Disyembre, nakapaglagay na sa wakas si Jonathan ng mga bintana at pinto para sa bahay, kung kaya’t nakalipat na sila ni Caroline. Hindi pa tapos gawin ang loob ng bahay, ngunit mayroon silang maayos na kalan na makapagbibigay sa kanila ng init at mapaglulutuan. Nakapaghukay na rin si Jonathan ng isang balon sa malapit kung saan ay madali silang makapag-iigib ng tubig.
Masaya si Caroline na magkaroon ng sariling bahay, at noong Disyembre 19, nagsilang siya ng isang malusog na sanggol na lalaki habang matindi ang pag-ulan ng niyebe sa labas.9
Binalot ng taglamig ang Kirtland, at noong Enero 1837, ang Kirtland Safety Society ay binuksan para sa negosyo.10 Sa unang araw nito, nagpalabas si Joseph ng malulutong na papel de bangko, bagung-bago mula sa limbagan, na may pangalan ng institusyon at ng kanyang lagda sa harap.11 Sa pagdami ng mga Banal na umuutang, madalas ay ginagamit ang kanilang lupain bilang panggarantiya, nagsimulang lumaganap ang mga papel de bangko sa Kirtland at sa ibang lugar.12
Si Phebe Carter, na kamakailan lamang lumipat sa Kirtland mula sa hilagang-silangang Estados Unidos, ay hindi namuhunan sa Safety Society o kaya ay umutang dito. Ngunit nakinabang siya sa kaunlarang ipinangako nito. Halos tatlumpung taong gulang na siya at walang asawa, at wala siyang kapamilya sa Kirtland na masasandalan kung kailangan niya ng suporta. Tulad ng ibang babae na nasa kanyang sitwasyon, kakaunti lamang ang maaari niyang maging trabaho, pero maaari siyang magkaroon ng maayos na kita sa pamamagitan ng pananahi at pagtuturo sa paaralan, tulad ng ginawa niya noong bago siya lumipat sa Ohio.13 Kung gumanda ang ekonomiya ng Kirtland, mas maraming tao ang magkakaroon ng perang pambili ng bagong damit at pambayad sa edukasyon.
Gayunman, para kay Phebe, ang desisyon na pumunta sa Kirtland ay espirituwal at hindi dahil sa ekonomiya. Sinalungat ang kanyang mga magulang sa kanyang pagpapabinyag, at nang ibalita niya ang kanyang plano na sumama sa mga Banal, tumutol ang kanyang ina. “Phebe,” sabi niya, “babalik ka ba sa akin kung malaman mo na hindi totoo ang Mormonismo?”
“Oo, Inay, babalik ako,” pangako ni Phebe.14
Subalit alam niya na natagpuan niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ilang buwan matapos dumating sa Kirtland, tumanggap siya ng patriarchal blessing mula kay Joseph Smith Sr. na nagbigay sa kanya ng katiyakan sa mga dakilang gantimpala sa lupa at sa langit. “Mapanatag, sapagka’t ang iyong mga suliranin ay tapos na,” sinabi sa kanya ng Panginoon. “Ikaw ay magkaroon ng mahabang buhay at makikita ang magagandang araw.”15
Pinagtibay ng basbas ang mga naramdaman ni Phebe nang nilisan niya ang kanilang tahanan. Nalulungkot na magpaalam nang personal, sumulat siya ng liham at iniwan ito sa ibabaw ng mesa sa pamilya. “Huwag kayong mag-alala sa inyong anak,” sabi nito. “Naniniwala akong aalagaan ako ng Panginoon at ibibigay sa akin ang pinakamainam.”16
Nanalig si Phebe sa mga pangako ng kanyang patriarchal blessing. Sinabi rito na siya ay magiging ina ng maraming anak at magpapakasal sa isang lalaki na may karunungan, kaalaman, at pag-unawa.17 Ngunit wala pang napipisil na maaaring mapangasawa si Phebe, at alam niyang mas nakatatanda siya kaysa sa karamihan ng babaeng nagpakasal na at nagsimula nang magkaanak.
Isang gabi noong Enero 1837, bumibisita si Phebe sa mga kaibigan nang makita niya ang isang lalaking may maitim na buhok at may mapusyaw na asul na mga mata. Ito ay mas matanda sa kanya ng ilang araw at kauuwi lang sa Kirtland matapos magmartsa kasama ng Kampo ng Israel at pagkatapos ay nagmisyon sa katimugang Estados Unidos.
Ang pangalan nito, nalaman niya, ay Wilford Woodruff.18
Sa buong taglamig, patuloy na humiram ng malalaking halaga ng pera ang mga Banal para ipambili ng mga ari-arian at kalakal. Kung minsan, ang mga empleyado ay binabayaran ng kanilang mga amo gamit ang mga papel de bangko, na maaaring magamit bilang pera o maipalit sa totoong pera sa opisina ng Kirtland Safety Society.19
Matapos magbukas sa negosyo ang Safety Society, isang lalaking nagngangalang Grandison Newell ang nagsimulang mag-imbak ng mga papel de bangko. Matagal nang naninirahan sa isang kalapit na bayan, si Grandison ay namumuhi kay Joseph at sa mga Banal. Bahagyang tinamasa niya ang kasikatan sa county hanggang sa dumating ang mga Banal, at ngayon ay madalas siyang humahanap ng mga paraan, legal man o hindi, upang ligaligin ang mga ito.20
Kapag pumunta sa kanya ang mga miyembro ng simbahan para humanap ng trabaho, hindi niya tinatanggap ang mga ito. Kung nangangaral ang mga misyonero malapit sa kanilang tahanan, bubuo siya ng isang grupo ng mga kalalakihan para pukulin ang mga ito ng mga itlog. Nang si Doctor Philastus Hurlbut ay nagsimulang magtipon ng mga mapanirang-puring pahayag laban kay Joseph, tumulong si Grandison na tustusan ng pananalapi ang kanyang gawain.21
Gayunman sa kabila ng kanyang mga pagsisikap, patuloy na nagtipon ang mga Banal sa lugar.22
Ang pagbubukas ng Kirtland Safety Society ay nagbigay kay Grandison ng panibagong pagkakataon para umatake. Nag-aalala sa tumataas na bilang ng mga bangko sa Ohio, tumanggi ang lehislatura ng estado na magkaloob kay Orson Hyde ng charter. Kung wala ang pahintulot na ito, hindi matatawag ng Safety Society ang kanyang sarili na isang bangko, bagamat maaari pa rin itong kumuha ng mga deposito at magpautang. Ang tagumpay nito ay nakasalalay sa pagbabayad ng share ng mga stockholder para mapanatili ng institusyon ang mga reserba nito. Gayunman, iilang stockholder lamang ang may pera para gawin ito, at inisip ni Grandison na napakaliit ng mga reserba ng Safety Society kaya’t hindi ito magtatagal.23
Umaasang babagsak ang negosyo kung may sapat na bilang ng mga tao na tutubos ng mga ginto at pilak na barya kapalit mga papel de bangko, naglakbay si Grandison sa buong kanayunan para bumili ng mga papel de bangko.24 Pagkatapos ay dinala niya ang bunton ng papel de bangko sa opisina ng Safety Society at humingi ng pera bilang kapalit. Kung hindi papalitan ang mga ito ng mga opisyal, pagbabanta niya, magsasampa siya ng kaso.25
Puwersado, sina Joseph at ang mga opisyal ng Safety Society ay walang nagawa kundi palitan ang mga papel de bangko at manalangin para sa mas maraming mamumuhunan.
Kahit kakaunti lamang ang kaniyang pera, bumili si Wilford Woodruff dalawampung share ng stock sa Kirtland Safety Society.26 Ang kanyang matalik na kaibigang si Warren Parrish ang kalihim ng Safety Society. Naglakbay si Wilford pakanluran kasama si Warren at ang asawa nitong si Betsy, bilang bahagi ng Kampo ng Israel. Matapos mamatay si Betsy dahil sa paglaganap ng kolera, magkasamang nagmisyon sina Warren at Wilford bago bumalik sa Kirtland si Warren at naging tagasulat at pinagkakatiwalaang kaibigan ni Joseph.27
Simula pa ng kanyang misyon, lumipat si Wilford sa iba’t-ibang lugar, madalas na umaasa sa kabaitan ng mga kaibigang katulad si Warren. Ngunit matapos makilala si Phebe Carter, nagsimula na siyang mag-isip na mag-asawa, at ang pamumuhunan sa Safety Society ang isa sa mga paraan para mapatatag niya ang kanyang sarili sa aspetong pinansiyal bago magsimula ng isang pamilya.
Gayunman, sa katapusan ng Enero, ang Safety Society ay nahaharap sa isang krisis. Habang ang mga reserba nito ay sinusubukang ubusin ni Grandison Newell, naglathala ang mga pahayagan sa lugar ng mga artikulo na kumukuwestiyon sa pagiging lehitimo nito. Tulad ng iba sa buong bansa, ang ilang Banal ay nagbakasakali sa lupain at ari-arian, umaasang yumaman sa kaunting pagsisikap. Ang iba ay hindi nakapagbigay ng mga kinakailangang bayad sa kanilang stock. Di nagtagal, maraming manggagawa at negosyo sa loob at paligid ng Kirtland ang tumangging tanggapin ang papel de bangko ng Safety Society.28
Natatakot sa pagkabigo, pansamantalang isinara nina Joseph at Sidney ang Safety Society at nagpunta sa isa pang bayan para subukang makisosyo sa isang matatag na bangko roon.29 Subalit ang hindi magandang pagsisimula ng Safety Society ay nagpahina sa pananampalataya ng maraming Banal, nagdudulot sa kanila na pagdudahan ang espirituwal na pamumuno ng propeta na nag-udyok sa kanilang pamumuhunan.30
Noon, inihayag ng Panginoon ang banal na kasulatan sa pamamagitan ni Joseph, na dahilan kaya madali para sa kanilang manampalataya na siya ay isang propeta ng Diyos. Subalit nang tila hindi natutupad ang kanyang mga pahayag tungkol sa Safety Society, at ang kanilang mga ipinuhunan ay nagsimulang mawala, maraming mga Banal ang naging balisa at kritikal kay Joseph.
Nagpatuloy si Wilford na magtiwala na ang Safety Society ay magtatagumpay. Pagkatapos makipagsosyo ng propeta sa isa pang bangko, bumalik siya sa Kirtland at tumugon sa mga reklamo ng mga bumabatikos sa kanya.31 Kalaunan, sa pangkalahatang kumperensya ng simbahan, nagsalita si Joseph sa mga Banal kung bakit nanghiram ng pera ang simbahan at nagtatag ng mga institusyong tulad ng Safety Society.
Sinimulan ng mga Banal ang gawain sa mga huling araw nang mahirap at hikahos, paalala niya sa kanila, subalit iniutos ng Panginoon sa kanila na isakripisyo ang kanilang panahon at mga talento upang magtipon sa Sion at magtayo ng templo. Ang mga pagsisikap na ito, bagamat magastos, ay mahalaga para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos.32 Upang isulong ang gawain ng Panginoon, kailangang humanap ang mga lider ng simbahan ng paraan para tustusan ito.
Gayunman, nanghinayang si Joseph sa laki ng kanilang pagkakautang sa mga nagpapahiram. “Totoong may pagkakautang tayo sa kanila,” pag-amin niya, “subalit ang ating mga kapatid mula sa ibang bansa ay makakarating lamang sa pamamagitan ng kanilang salapi.” Naniniwala siya na kung ang mga Banal ay magtitipon sa Kirtland at ilalaan ang kanilang mga ari-arian sa Panginoon, malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang pasanin ng simbahan sa pagkakautang.33
Habang nagsasalita si Joseph, nadama ni Wilford ang kapangyarihan ng kanyang mga salita. “Ah, maisulat nawa ang mga ito sa ating mga puso gamit ang isang bakal na panulat,” naisip niya, “upang manatili magpakailanman nang maisagawa natin ang mga ito sa ating buhay.” Inisip niya kung paanong magdududa pa rin ang kahit sinong nakaririnig na nagsasalita ang propeta na siya ay tinawag ng Diyos.34
Subalit patuloy pa rin ang pag-aalinlangan. Sa kalagitnaan ng Abril, lumala ang ekonomiya ng Kirtland habang pinahina ng krisis sa pananalapi ang buong bansa. Ang maraming taon ng pagpapahiram ay labis na nagpahina sa mga bangko sa England at Estados Unidos, na naging dahilan ng laganap na pangamba na baka bumagsak ang ekonomiya. Naningil ang mga bangko ng mga pautang, at ang ilan ay tuluyan nang huminto sa pagpapautang. Mabilis na kumalat ang pagkataranta sa bawat bayan sa pagsasara ng mga bangko, pagkalugi ng mga negosyo, at pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.35
Sa ganitong sitwasyon, maliit lamang ang pag-asa ng isang nahihirapang institusyon tulad ng Kirtlan Safety Society. Walang gaanong magawa si Joseph upang maayos ang problema, gayunman ay mas madali sa ilan na sisihin siya sa halip na ang kaguluhan sa ekonomiya ng bansa.
Hindi nagtagal ay palagi nang tinutugis ng mga nagpautang sina Joseph at Sidney. Isang tao ang nagsampa ng kaso laban sa kanila dahil sa isang utang na hindi nabayaran, at naghain si Grandison Newell ng mga kasong kriminal na hindi naman totoo laban kay Joseph, sinasabing ang propeta ay nakikipagsabwatan laban sa kanya. Sa paglipas ng bawat araw, tumindi ang pag-aalala ng propeta na siya ay darakpin o papatayin.36
Magpapakasal na ngayon sina Wilford at Phebe, at hiniling nila na si Joseph ang magkasal sa kanila. Pero sa araw ng kanilang kasal, hindi malaman kung nasaan siya kaya si Frederick Williams ang nagsagawa ng seremonya.37
Di nagtagal matapos ang biglaang pagkawala ni Joseph, nakatanggap ng sulat si Emma na nagbibigay sa kanya ng katiyakan na siya ay ligtas.38 Sila ni Sidney ay tumakas mula sa Kirtland, lumalayo sa mga taong nagtatangkang saktan sila. Lihim ang kanilang lokasyon, subalit alam nina Newel Whitney at Hyrum kung paano sila makakausap at nagpapayo sa kanila mula sa malayo.39
Naunawaan ni Emma ang mga panganib na kinakaharap ni Joseph. Nang dumating ang kanyang liham, ilang mga lalaki—marahil ay mga kaibigan ni Grandison Newell—ay sinuri ang tatak-koreo nito, sinusubukang malaman kung saan siya naroon. Ang iba ay nag-eespiya sa kanyang naghihirap na tindahan.
Bagamat nanatili ang kanyang positibong pananaw, nag-alala si Emma sa mga bata. Ang kanilang isang taong gulang na anak, si Frederick, ay napakabata pa para maintindihan ang nangyayari, ngunit ang anim na taong gulang na si Julia at apat na taong gulang na si Joseph ay naging balisa nang malaman nila na ang kanilang ama ay hindi kaagad makauuwi sa bahay.40
Alam ni Emma na kailangan niyang magtiwala sa Panginoon, lalo na ngayon na maraming tao sa Kirtland ang bumabaling sa pagdududa at kawalang-tiwala. “Kung wala akong tiwala sa Diyos na higit sa ilang taong mapapangalanan ko, ako ay tiyak na malalagay sa isang malungkot na kalagayan,” isinulat ni Emma kay Joseph noong katapusan ng Abril. “Subalit naniniwala pa rin ako na kung magpapakumbaba tayo at magiging matapat hanggang sa ating makakaya, tayo ay maliligtas mula sa bawat patibong na maaaring ilatag sa ating paanan.”41
Gayunman, nag-alala siya na sasamantalahin ng mga nagpautang kay Joseph ang kanyang pagkawala at kuhanin ang anumang ari-arian o pera na makukuha nila. “Imposible para sa akin na gawin ang anumang bagay,” panaghoy niya, “kung ang lahat ng tao ay mas may karapatan kaysa sa akin sa mga itinuturing na sa iyo.”
Handa na si Emma na umuwi si Joseph. Kakaunting tao na lamang ngayon ang pinagkakatiwalaan niya, at nag-aatubili siyang ibigay kaninuman ang anumang bagay kung hindi ito makatutulong sa pagbabayad ng mga pagkakautang ni Joseph. At ang mas nagpalala rito, nangangamba siyang nalantad ang kanilang mga anak sa tigdas.
“Hinihiling kong sana ay posible para sa iyo na umuwi sa bahay kapag sila ay may sakit,” pagsulat niya. “Alalahanin mo sila, sapagkat naaalala ka nilang lahat.”42
Sa gitna ng kaguluhang ito, sina Parley at Thankful ay bumalik sa Kirtland para sa pagsilang ng kanilang sanggol. Tulad ng iprinopesiya ni Heber, nagsilang si Thankful ng isang anak na lalaki, na isinunod ang pangalan kay Parley. Subalit dumanas siya ng matinding pagdurusa sa kaniyang panganganak, at namatay siya makalipas ang ilang oras. Dahil hindi kayang alagaan ang kanyang sanggol na lalaki nang mag-isa, inilagay ni Parley sa mga bisig ng isang babaeng makapag-aalaga sa sanggol at bumalik sa Canada. Nagsimula siyang magplano roon na magmisyon sa England sa tulong ng mga Banal na tulad ni Joseph Fielding, na sumusulat tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga kaibigan at kamag-anak sa ibayong dagat.43
Pagkatapos ng kanyang misyon sa Canada, bumalik sa Ohio si Parley at pinakasalan ang isang batang balo sa Kirtland na nagngangalang Mary Ann Frost. Tumanggap din siya ng liham mula kay Thomas Marsh, pangulo ng Korum ng Labindalawa, na humihimok sa kanyang ipagpaliban ang misyon sa England hanggang sa magpulong ang mga apostol bilang isang korum sa tag-init na iyon sa Kirtland.44
Habang hinihintay ni Parley ang iba pang mga apostol na matipon, bumalik sina Joseph at Sidney sa Kirtland at sinubukang masolusyunan ang kanilang mga pagkakautang at pahupain ang tensyon sa mga Banal.45
Pagkaraan ng ilang araw, binisita ni Sidney si Parley at sinabi sa kanya na dumating siya upang mangolekta ng bayad para sa lagpas na sa taning na pagkakautang. Mga ilang panahon bago nito, pinautang ni Joseph si Parley ng $2,000 para makabili ng ilang lupain sa Kirtland. Upang mabawasan ang kanyang mga sariling pagkakautang, ibinenta ni Joseph ang utang ni Parley sa Safety Society, at kinokolekta na ngayon ni Sidney ang pera.
Sinabi ng Parley kay Sidney na wala siyang $2,000 ngunit nag-alok siyang ibalik ang lupain bilang kabayaran. Sinabi sa kanya ni Sidney na kailangan niyang isuko ang kanyang bahay kasama ng lupain para mabayaran nang buo ang pagkakautang.46
Labis na nagalit si Parley. Noong ibinenta ni Joseph sa kanya ang lupain, sinabi nito kay Parley na hindi siya masasaktan sa kasunduan. At paano na ang basbas ni Heber Kimball na nangako sa kanya ng hindi mabilang na kayamanan at kalayaan mula sa pagkakautang? Ngayon, ang pakiramdam ni Parley ay kinukuha nina Joseph at Sidney ang lahat ng bagay na mayroon siya. Kung mawawala sa kanya ang kanyang lupain at bahay, ano ang gagawin nila ng kanyang pamilya?47
Kinabukasan, nagpadala si Parley ng sulat na puno ng galit kay Joseph. “Nang maglaon ako ay lubusang naniniwala na ang buong sitwasyon ng mga haka-haka kung saan tayo ay napasama ay sa diyablo,” isinulat niya, “na nagpaibayo sa pagsisinungaling, panlilinlang, at pagsasamantala sa kapwa.” Sinabi ni Parley kay Joseph na naniniwala pa rin siya sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan, ngunit siya ay nabalisa sa mga ginawa ng propeta.
Mariin niyang hiniling na magsisi si Joseph at tanggapin ang lupa bilang kabayaran sa kanyang utang. Kung hindi, kailangan niyang gumawa ng legal na aksyon.
“Kakailanganin kong gawin ang napakasakit na bagay ng pagsasampa ng kaso laban sa iyo,” babala niya, “dahil sa sapilitang pagkuha, kasakiman, at sa pagsasamantala sa iyong kapatid.”48
Noong Mayo 28, ilang araw matapos ipadala ni Parley ang sulat niya kay Joseph, pumunta si Wilford Woodruff sa templo para sa isang pulong sa araw ng Linggo. Habang tumitindi ang pambabatikos sa Kirtland, isa sa pinakamatatag na kakampi ni Joseph si Wilford. Ngunit si Warren Parrish, na nakipagtulungan kay Joseph sa loob ng maraming taon, ay nagsimulang pintasan ang propeta dahil sa kanyang ginampanang papel sa krisis sa pananalapi at mabilis na naging pinuno ng mga bumabatikos.
Nagdasal si Wilford na mawala ang diwa ng pagtatalu-talo sa simbahan.49 Pero hindi na siya gaanong magtatagal sa Kirtland upang tumulong. Kamakailan lamang, nadama niyang kailangan niyang dalhin ang ebanghelyo sa Fox Islands, sa hilagang-silangan ng estado ng Maine, malapit sa tahanan ng mga magulang ni Phebe. Umaasa siya na habang papunta roon, magkakaroon siya ng pagkakataon na ituro sa kanyang sariling mga magulang at nakababatang kapatid na babae ang ebanghelyo. Sasamahan siya ni Phebe para makilala nito ang kanyang pamilya at dadalhin naman siya ni Phebe pahilaga para makikila naman niya ang pamilya ni Phebe.50
Sabik man siyang makasama ang kanyang pamilya, hindi mapigilan ni Wilford na mag-aalala para kay Joseph at sa kalagayan ng simbahan sa Kirtland. Umupo sa loob ng templo, nakita niya si Joseph sa pulpito. Sa harap ng napakaraming oposisyon, makikita ang pagkabigo sa propeta. Nawalan siya ng libu-libong dolyar sa pagbagsak ng Safety Society, nang higit kaninuman.51 At, hindi tulad ng iba, hindi niya iniwan ang institusyon nang magsimula itong bumagsak.
Nakatingin sa lahat ng nasa kongregasyon, ipinagtanggol ni Joseph ang sarili laban sa mga bumabatikos sa kanya, nagsasalita sa ngalan ng Panginoon.
Habang nakikinig si Wilford, nakita niya na ang kapangyarihan at Espiritu ng Diyos ay na kay Joseph. Nadama rin niya itong bumaba kay Sidney at sa iba pa nang tumayo sila at nagpatotoo tungkol sa katapatan ni Joseph.52 Ngunit bago matapos ang pulong, tumayo si Warren at tinuligsa si Joseph sa harap ng kongregasyon.
Nalungkot si Wilford habang pinakikinggan niya ang pambabatikos. “O, Warren, Warren,” ang paghinagpis niya.53