Institute
24 Mananaig ang Katotohanan


“Mananaig ang Katotohanan,” kabanata 24 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 24: “Mananaig ang Katotohanan”

Kabanata 24

Vauxhall

Mananaig ang Katotohanan

Sa huling bahagi ng tagsibol ng 1837, nilisan nina Thomas Marsh, David Patten, at William Smith ang kanilang tahanan sa Missouri at nagtungo sa Kirtland. Marami na ngayon sa mga Banal sa Sion ang nakatira sa tabi ng isang sapa na kung tawagin ay Shoal Creek, mga limampung milya sa hilagang-silangan ng Independence. Itinatag nila roon ang isang bayan na tinatawag na Far West, gamit ang plano ni Joseph para sa lunsod ng Sion bilang kanilang gabay sa pagtatatag ng pamayanan. Umaasang makakahanap ng isang mapayapang solusyon sa patuloy na problema ng mga Banal sa kanilang mga kapitbahay, binuo ng lehislatura ng Missouri ang Caldwell County, na sumasakop sa lupain sa palibot ng Far West at Shoal Creek, para gawing tirahan ng mga Banal.1

Nasasabik si Thomas na muling makasama ang iba pa sa Labindalawa, lalo na nang malaman niya ang pagnanais ni Parley na dalhin ang ebanghelyo sa England. Ang pangangaral ng ebanghelyo sa ibang bansa ay isang mahalagang hakbang sa gawain ng Panginoon, at bilang pangulo ng korum, nais ni Thomas na tipunin ang mga apostol at planuhin ang misyon nang magkakasama.

Nag-alala rin siya sa mga ulat na kanyang tinanggap tungkol sa mga pambabatikos sa Kirtland. Tatlo sa mga bumabatikos—sina Luke at Lyman Johnson, at John Boynton—ay mga miyembro ng kanyang korum. Maliban na lamang kung ang Labindalawa ay mas nagkakaisa, natakot si Thomas na hindi magtatagumpay ang misyon sa England.2


Sa Ohio, nakita ni Heber Kimball kung gaano nagkawatak-watak ang Korum ng Labindalawa mula nang buksan ang Kirtland Safety Society anim na buwan na ang nakakaraan. Dahil hindi nagtagumpay ang pagsisikap ni Joseph na iahon ang simbahan mula sa pagkakautang, nagsimulang magalit sa kanya sina Orson Hyde, William McLellin, at Orson Pratt. Nang magsimulang magsalita nang laban kay Joseph si Parley Pratt, tanging sina Brigham Young at Heber na lamang ang mga natitirang tapat na apostol sa Kirtland.3

Isang araw, habang nakaupo si Heber katabi ng propeta sa mga pulpito ng templo, lumapit si Joseph sa kanya at nagsabing, “Brother Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin: ‘Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa England at ipahayag ang aking ebanghelyo at buksan ang pintuan ng kaligtasan sa bansang iyon.’”

Natigilan si Heber. Siya ay isang simpleng magpapalayok at walang gaanong pinag-aralan. Ang England ang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo, at ang mga tao roon ay bantog sa kanilang kaalaman at katapatan sa relihiyon. “O, Panginoon,” dalangin niya, “Ako po ay isang tao na pautal-utal magsalita, at talagang hindi nararapat sa gayong gawain.” Paano ako makakapunta para mangaral sa lupaing iyon?”4

At paano naman ang kanyang pamilya? Halos hindi maatim ng Heber ang ideyang iwan si Vilate at ang kanilang mga anak upang mangaral sa ibang bansa. Nakatitiyak siyang ang ibang mga apostol ay mas kwalipikado para pamunuan ang misyon. Si Thomas Marsh ang pinakaunang tinawag sa mga apostol at isa sa mga unang nagbasa ng Aklat ni Mormon at sumapi sa simbahan. Bakit hindi siya ang isugo ng Panginoon?

O bakit hindi si Brigham? Tinanong ni Heber si Joseph kung maaaring samahan man lang siya si Brigham sa England. Si Brigham ay mas may kataasan ng tungkulin sa korum dahil mas matanda siya kay Heber.

Hindi, tugon ni Joseph. Nais niyang manatili si Brigham sa Kirtland.5

Nang may pag-aatubili, tinanggap ni Heber ang tungkulin at naghandang umalis. Nanalangin siya sa templo araw-araw, hinihiling ang pangangalaga at kapangyarihan ng Panginoon. Agad na kumalat ang balita sa Kirtland tungkol sa kanyang pagkakahirang, at si Brigham at ang iba pa ay masugid na sumuporta sa desisyon niyang pumunta. “Gawin ang ipinapagawa sa iyo ng propeta,” sinabi nila kay Heber, “at mabibiyayaan ka ng kapangyarihan na gawin ang isang maluwalhating gawain.”

Hindi gaanong nagbigay ng pag-asa si John Boynton. “Kung ikaw ay isang mapapahamak na mangmang na hahayo dahil sa tawag ng isang bumagsak na propeta,” panghahamak niya, “hindi ako gagawa nang kahit ano para tulungan ka.” Tutol din si Lyman Johnson, ngunit matapos makita ang determinasyon ni Heber na magpunta, inalis niya ang kanyang balabal at ipinatong ito sa balikat ni Heber.6

Di nagtagal ay dumating si Joseph Fielding sa Kirtland kasama ang isang grupo ng mga Banal na taga-Canada, at siya at ang iba ay itinalaga rin sa misyon, tinutupad ang propesiya ni Heber na ang misyon ni Parley sa Canada ay magtatatag ng pundasyon para sa misyon sa England. Pinagsisihan ni Orson Hyde ang kanyang kawalang-katapatan at sumama sa misyon. Sa huli, inanyayahan ni Heber ang pinsan ni Brigham na si Willard Richards na sumama sa kanila.7

Sa araw ng kanyang paglisan, lumuhod si Heber na kasama si Vilate at ang kanilang mga anak. Nanalangin siya sa Diyos na gawing ligtas ang kanyang paglalayag sa karagatan, gawin siyang kapaki-pakinabang sa misyon, at tustusan ang kanyang pamilya habang wala siya. Pagkatapos, nang may mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi, binasbasan Niya ang bawat isa sa kanyang mga anak at nagpunta sa British Isles.8


Ang pambansang krisis sa ekonomiya ay nagpatuloy hanggang sa tag-init ng 1837. Dahil wala nang pera at kakaunti na lang ang pagkain, tumigil si Jonathan Crosby sa paggawa sa kanyang bahay para sumama sa mga manggagawang nagtatayo ng bahay para kina Joseph at Emma. Ngunit papel de bangko lamang ng Safety Society ang kayang ibayad ni Joseph sa mga manggagawa, at paunti na nang paunti ang mga negosyo sa Kirtland na tumatanggap nito. Hindi magtatagal ay mawawalan na ng halaga ang mga papel de bangko.

Unti-unting umalis ang mga manggagawa para makakuha ng trabahong may mas mataas na suweldo. Subalit dahil sa kaguluhan sa pananalapi, kakaunti na lamang ang mga trabaho sa loob at paligid ng Kirtland—o kahit saanman sa buong bansa. Dahil dito, tumaas ang halaga ng mga bilihin at ang halaga ng mga lupain ay napakalaki ang ibinagsak. Kakaunting tao lamang sa Kirtland ang may kakayahang suportahan ang kanilang mga sarili o ang mga manggagawa. Upang mabayaran ang utang ng simbahan, kinailangan ni Joseph na isangla ang templo, inilalagay ito sa panganib na maiilit.9

Habang gumagawa si Jonathan sa bahay ng propeta, ang kanyang asawa, si Caroline, ay madalas na nakaratay sa kama, nagpapagaling mula sa matinding pag-ubo. Hindi siya makapagpasuso sa kanyang anak na lalaki dahil sa isang impeksyon sa kanyang suso, at dahil kumakaunti na ang kanilang suplay ng pagkain, inaalala niya kung saan kukunin ng pamilya ang kanilang susunod na kakainin. Sila ay may isang maliit na gulayan na nakapagbibigay sa kanila ng ilang makakain, ngunit walang baka, kaya napilitan silang bumili ng gatas mula sa mga kapitbahay para mapasuso ang kanilang anak.

Alam ni Caroline na marami sa kanilang mga kaibigan ang nasa parehong sitwasyon. Paminsan-minsan, mayroong nagbibigay sa kanila ng pagkain, ngunit sa dami ng mga Banal na nahihirapang pagkasyahin ang kanilang kinikita, tila wala nang may sapat na pagkain na maiibabahagi.

Sa paglipas ng panahon, pinanood ni Caroline si Parley Pratt, ang mga Boynton, at ang iba pang malalapit na kaibigan na sinisisi ang simbahan dahil sa kanilang mga paghihirap. Hindi sila nawalan ni Jonathan ng pera dahil sa Safety Society, ngunit hindi rin naman sila nakaligtas sa krisis. Tulad ng marami pang iba, sila ay nahihirapang makaraos, gayunpaman, hindi nila ninais ni Jonathan na iwan ang simbahan o talikdan ang propeta.

Sa katunayan, gumawa si Jonathan sa bahay ng mga Smith hanggang sa siya na lamang ang naiwan sa mga manggagawa. Nang naubusan sila ni Caroline ng pagkain, lumiban siya ng isang araw sa trabaho para humanap ng mga panustos para sa kanyang pamilya, subalit umuwi siyang walang dala.10

“Ano na ang gagawin natin?” Tanong ni Caroline.

Alam ni Jonathan na sa kabila ng sariling mga problema sa pananalapi nina Joseph at Emma, kung minsan ay nagbibigay sila ng pagkain sa mga taong mas naghihirap. “Sa umaga,” sabi niya, “aalis ako at sasabihin ko kay Sister Emma ang kalagayan natin.”

Kinabukasan, bumalik si Jonathan sa bahay ng mga Smith, ngunit bago pa man siya nagkaroon ng pagkakataong makipag-usap kay Emma, lumapit ito sa kanya. “Hindi ko alam kung gaano karami ang inyong mga panustos,” sabi niya, “pero tumigil ka at nagtrabaho habang ang iba ay umalis na.” Hawak niya sa kanyang kamay ang isang malaking hamon. “Naisip kong igawa ka ng isang handog.”11

Nagulat, pinasalamatan siya ni Jonathan at binanggit ang tungkol sa kanilang paminggalang walang laman at ang pagkakasakit ni Caroline. Nang marinig ito ni Emma, sinabi niya kay Jonathan na kumuha ng isang sako at mag-uwi ng arinang kaya niyang mabuhat.

Iniuwi ni Jonathan ang pagkain sa bahay kinalaunan noong araw na iyon, at nang kinain ni Caroline ang unang kumpletong pagkain nila sa loob ng ilang araw, naisip niyang wala nang pagkaing mas sasarap pa kaysa rito.12


Sa katapusan ng Hunyo, naging mas agresibo ang mga bumabatikos sa Kirtland. Sa pamumuno ni Warren Parrish, ginambala nila ang mga pulong sa araw ng Linggo sa templo at inakusahan si Joseph ng lahat ng uri ng kasalanan. Kung sumubok ang sinuman sa mga Banal na ipagtanggol ang propeta, sila ay sinisigawan ng mga bumabatikos at pinagbabantaan ang kanilang buhay.13

Si Mary Fielding, na lumipat sa Kirtland kasama ng kanyang kapatid bago ito umalis patungong England, ay nabagabag dahil sa kaguluhan sa Ohio. Sa isang pulong sa templo isang umaga, pinagsisisi ni Parley Pratt si Joseph at ipinahayag na halos lahat sa simbahan ay lumayo na sa Diyos.

Nasaktan si Mary sa mga sinabi ni Parley.14 Ang parehong tinig na nagturo sa kanya ng ebanghelyo ay naging tinig na tumutuligsa na ngayon sa propeta ng Diyos at isinusumpa ang simbahan. Ang galit na liham ni Parley kay Joseph ay kumalat sa buong Kirtland, at mismong si Parley ay hindi naglilihim ng kanyang mga hinaing. Noong nasa bayan si John Taylor, kinausap siya ni Parley at binalaan na huwag nang sundin pa si Joseph.

“Bago umalis patungong Canada, nagbigay ka ng malakas na patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos,” paalala sa kanya ni John, “at sinabi mo na nalaman mo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahayag at ng kaloob na Espiritu Santo.”

Pagkatapos ay nagpatotoo si John, “Ngayon ay mayroon na ako ng parehong patotoo na ipinagbubunyi mo noon. Kung ang gawain ay totoo anim na buwan na ang nakararaan, ito ay totoo ngayon. Kung si Joseph Smith ay isang propeta noon, siya ay isang propeta ngayon.”15

Samantala, si Joseph ay nagkasakit at naratay sa kanyang higaan. Napakasakit ng kanyang katawan, at labis siyang nanghina na hindi na niya maiangat pa ang kanyang ulo. Nanatili sa kanyang tabi sina Emma at ang kanyang doktor habang pabalik-balik siyang nagkakaroon at nawawalan ng malay. Sinabi ni Sidney na naniniwala siyang hindi na magtatagal ang buhay ni Joseph.16

Ikinatuwa ng mga kritiko ni Joseph ang kanyang mga paghihirap, sinasabing pinarurusahan siya ng Diyos sa kanyang mga kasalanan. Gayunman, ang marami sa mga kaibigan ng propeta ay nagpunta sa templo at nagdasal nang buong gabi para sa kanyang paggaling.17

Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimulang gumaling si Joseph, at binisita siya ni Mary na kasama si Vilate Kimball. Sinabi niyang inalo siya ng Panginoon sa panahon ng kanyang pagkakasakit. Ikinagalak ni Mary na makita siyang gumagaling at inanyayahan siyang bisitahin ang mga Banal na nakatira sa Canada kapag naging maayos na ang kanyang kalagayan.

Noong sumunod na Linggo, dumalo si Mary sa isa pang pulong sa templo. Napakahina pa ni Joseph para makadalo, kaya mabilis na nagtungo sa pulpito si Warren Parrish at naupo sa upuan ng propeta. Si Hyrum, na pinamumunuan ang pulong, ay hindi tumugon sa panggagalit na ito, ngunit nangaral siya ng isang mahabang sermon tungkol sa kalagayan ng simbahan. Humanga si Mary sa pagpapakumbaba ni Hyrum habang ipinaalala nito sa mga Banal ang kanilang mga tipan.

“Ang aking puso ay malambot,” sinabi ni Hyrum sa kongregasyon, “at pakiramdam ko ay isa akong munting bata.” Sa kanyang tinig na puno ng emosyon, ipinangako niya sa mga Banal na ang simbahan ay magsisimulang bumangon mula sa mismong oras na iyon.

Sumulat si Mary sa kanyang kapatid na si Mercy makalipas ang ilang araw. “Tunay akong nahikayat na umasa na hindi magtatagal ay manunumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa simbahan,” sabi niya. “Magkaisa tayong lahat na manalangin nang buong puso para rito.”18


Pagkalipas ng isang buwan, ang kapatid ni Mary na si Joseph Fielding ay bumaba mula sa isang karwahe papunta sa mga kalsada ng Preston. Ang bayan ay isang sentro ng industriya sa kanlurang England, na nasa gitna ng mga luntiang pastulan. Ang matataas na tsimenea ng maraming pabrika at gilingan ay nagbuga ng mga kulay abong usok sa hangin, pinapalabo sa paningin ang maraming taluktok ng mga simbahan sa likod ng mga ito. Tumatagos sa gitna ng bayan ang River Ribble at umaagos patungo sa dagat.19

Dumating ang mga misyonero sa England sa daungan ng Liverpool dalawang araw lamang bago niyon. Sumusunod sa panghihikayat ng Espiritu, iniutusan ni Heber ang mga kalalakihan na pumunta sa Preston, kung saan nangangaral ang kapatid ni Joseph Fielding na si James.20 Si Joseph at ang kanyang mga kapatid na babae ay nakikipagsulatan kay James, ikinukuwento ang kanilang pagbabalik-loob at pinatototohanan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Cristo. Tila interesado si James sa kanilang isinulat at sinabi sa kanyang kongregasyon ang tungkol kay Joseph Smith at sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Dumating ang mga misyonero sa Preston sa araw ng isang halalan, at habang naglalakad sila sa kalye, iniladlad ng mga manggagawa ang isang pangkampanyang watawat sa labas ng isang bintana sa ibabaw lamang ng kanilang ulunan. Ang mensahe nito na nakasulat sa mga gintong titik ay hindi nilayon para sa mga misyonero, ngunit sila ay nahikayat din nito: mananaig ang katotohanan.

“Amen!” naghiyawan sila sa tuwa. “Salamat sa Diyos, mananaig ang katotohanan!”21

Kaagad umalis si Joseph Fielding para hanapin ang kanyang kapatid. Mula nang lisanin ang Kirtland, ipinagdasal niya na ihanda ng Panginoon si James na tanggapin ang ebanghelyo. Tulad ni Joseph, minahal ni James ang Bagong Tipan at hinangad na ipamuhay ang mga tuntunin nito. Kung tatanggapin niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo, malaki ang maitutulong niya sa mga misyonero at sa gawain ng Panginoon.

Nang matagpuan ni Joseph at ng mga missionary si James sa kanyang bahay, inanyayahan niya silang mangaral sa kanyang pulpito sa Vauxhall Chapel kinabukasan. Naniwala si Joseph na ang interes ng kanyang kapatid sa kanilang mensahe ay gawa ng Panginoon, ngunit nauunawaan din niya ang lahat ng maaaring mawala sa kanyang kapatid kung bubuksan niya ang kanyang pintuan sa kanila.

Pangangaral ang ikinabubuhay ni James. Kung tatanggapin niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo, mawawalan siya ng trabaho.22


Sa daan mula sa Far West papuntang Kirtland, sina Thomas Marsh, David Patten, at William Smith ay nagulat na makita si Parley Pratt na papunta sa kabilang direksyon. Sinusubukang makabawi mula sa kanyang pagkalugi, ibinenta ni Parley ang ilang lupain, kinuha ang perang katumbas ng kanyang mga share sa Safety Society, at mag-isang naglalakbay patungong Missouri.23

Determinado pa rin na pagkaisahin ang Korum ng Labindalawa, hinikayat ni Thomas si Parley na bumalik na kasama nila sa Kirtland. Hindi na nais bumalik ni Parley sa isang lugar kung saan siya nakaranas ng napakaraming pighati at pagkabigo.24 Subalit hinimok siya ni Thomas na pag-isipan itong muli, tiwala na magkakabati sila ng propeta.

Nag-isip nang mabuti si Parley. Nang sumulat siya ng liham sa propeta, sinabi niya sa kanyang sarili na ang liham ay para sa ikabubuti ng propeta. Ngunit alam ni Parley na nililinlang niya ang kanyang sarili. Wala sa kanya ang pagiging maamo nang sinabi niya kay Joseph na magsisi. Sa halip, tinuligsa niya ito, naghahangad ng paghihiganti.

Natanto rin Parley na ang pakiramdam na siya ay pinagkanulo ay bumulag sa kanya para hindi makita ang mga personal na paghihirap ni Joseph. Ang pagsasalita laban sa propeta at pag-akusa sa kanya ng pagiging makasarili at kasakiman ay mali.25

Nahihiya, nagpasiya si Parley na bumalik sa Kirtland kasama ni Thomas at ng iba pang mga apostol. Pagdating nila, nagpunta siya sa tahanan ng propeta. Nagpapagaling pa rin si Joseph mula sa kanyang karamdaman, ngunit siya ay mas lumalakas na. Tumangis si Parley nang makita siya at humingi ng tawad para sa lahat ng sinabi at ginawa niya na nakasakit sa kanya. Pinatawad siya ni Joseph, ipinagdasal, at binasbasan.26

Samantala, sinubukan ni Thomas na muling magka-isa ang iba pang mga miyembro ng Labindalawa. Nagtagumpay siyang pagkasunduin sina Orson Pratt at Joseph, ngunit lumipat na si William McLellin at ang magkapatid na Johnson at si John Boynton ay hindi niya masuyo.27

Nagsimulang dumaing si Thomas nang malaman niyang ipinadala ni Joseph si Heber Kimball at Orson Hyde sa England nang hindi siya kinokonsulta. Bilang pangulo ng Labindalawa, hindi ba niya responsibilidad na pangasiwaan ang gawaing misyonero at pamunuan ang misyon sa England? Hindi ba’t nagpunta siya sa Kirtland upang tipunin ang Labindalawa at ipadala sila sa ibayong dagat?28

Ipinagdasal niya sina Heber at Orson at ang gawaing kanilang ginagawa sa ibang bansa, ngunit ang kanyang galit at nasaktang pagpapahalaga sa sarili ay mahirap pigilin.29

Noong Hulyo 23, tinalakay ni Thomas ang bagay na ito kay Joseph. Sa kanilang pagkikita, nilutas nila ang kanilang di-pagkakasundo at tumanggap si Joseph ng paghahayag para kay Thomas.30 “Ikaw ang taong aking pinili na humawak ng mga susi ng aking kaharian, na nauukol sa Labindalawa, sa ibang mga lugar sa lahat ng bansa” pagtitiyak ng Panginoon sa kanya. Pinatawad ni Joseph ang kanyang mga kasalanan at hinikayat siyang magalak.

Subalit pinagtibay ng Panginoon na kumikilos ang Labindalawa sa ilalim ng awtoridad ni Joseph at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, maging sa mga bagay na nauugnay sa gawaing misyonero. “Saan ka man nila isugo, humayo ka,” sabi ng Panginoon, “at ako ay mapasasaiyo.” Sinabi Niya kay Thomas na ang pagsunod sa tagubilin ng Unang Panguluhan ay hahantong sa mas malaking tagumpay sa misyon.31

“Saan mang lugar ka mangaral ng aking pangalan,” pangako Niya, “isang mapakikinabangang pintuan ang bubuksan sa iyo.”

Tinulungan din ng Panginoon si Thomas na malaman kung paano aayusin ang kanyang napilayang korum. “Maging mapagpakumbaba ka,” wika Niya, “at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”

Hinikayat Niya si Thomas at ang Labindalawa na isantabi ang mga di-pagkakasundo nila ni Joseph at magtuon sa kanilang misyon. “Tiyakin na hindi ninyo babagabagin ang inyong sarli tungkol sa mga gawain ng aking simbahan sa lugar na ito,” pagpapatuloy Niya, “bagkus padalisayin ang inyong mga puso sa harapan ko at pagkatapos ay humayo sa buong daigdig at mangaral ng aking ebanghelyo sa lahat ng nilikha.”

“Masdan,” sabi ng Panginoon, “napakahalaga ng inyong tungkulin.”32