Institute
25 Lumipat sa Kanluran


“Lumipat sa Kanluran,” kabanata 25 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 25: “Lumipat sa Kanluran”

Kabanata 25

Mga Taong Nakasakay sa Kabayo

Lumipat sa Kanluran

Nang magpunta si Jennetta Richards sa Preston, England noong Agosto 1837 para sa isang maikling paglalakbay, ang mga kaibigan niyang sina Ann at Thomas Walmesley ay maraming nais sabihin tungkol sa isang grupo ng mga misyonero mula sa Amerika.

Ilang taon nang maysakit si Ann at dahan-dahan siyang nangangayayat hanggang sa halos buto’t balat na lamang ito. Nang mangaral si Heber Kimball sa kanya, ipinangako niya na gagaling siya kung siya ay mananampalataya, magsisisi, at lulusong sa tubig ng binyag. Di nagtagal ay bininyagan si Ann sa bagong simbahan pagkatapos noon, kasama ang walong iba pa, at nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbuti ng kanyang kalusugan.

Marami sa mga taong nabinyagan ay kasapi sa kongregasyon ni James Fielding. Bagamat pinahintulutan ni Reverend Fielding ang mga misyonero na mangaral sa kanyang simbahan, tumanggi siyang magpabinyag at naghihinanakit sa pagkawala ng kanyang mga parokyano.1

Natawag ang pansin ni Jenetta sa mensahe ng mga Amerikanong misyonero. Nakatira siya sa isang maliit na nayon na tinatawag na Walkerfold, labinlimang milya ang layo mula sa mga tsimenea at mataong mga kalsada ng Preston. Ang kanyang ama ay isang Kristiyanong pastor sa nayon, kaya lumaki siyang naririnig ang salita ng Diyos sa kanyang tahanan.

Ngayon, ilang linggo na lamang bago ang kanyang ikadalawampung kaarawan, interesado siya na malaman pa ang tungkol sa katotohanan ng Diyos. Nang binisita niya ang mga Walmesley, nakilala niya si Heber at nagulat sa sinabi nito tungkol sa mga anghel, sa sinaunang tala na nakasulat sa mga laminang ginto, at sa buhay na propeta na tumanggap ng mga paghahayag mula sa Diyos, tulad ng mga propeta noong unang panahon.

Inanyayahan ni Heber si Jennetta na makinig sa kanyang pangangaral nang gabing iyon. Pumunta siya at nakinig at gusto pang makarinig. Kinabukasan, narinig niya si Heber na muling nangaral at nalaman na ang kanyang mga sinabi ay totoo.

Kinaumagahan, hiniling ni Jennetta kay Heber na binyagan siya. Sinundan siya ni Heber at Orson Hyde papunta sa pampang ng River Ribble, at inilubog siya ni Heber sa tubig. Pagkatapos ay kinumpirma nila siya sa gilid ng ilog.

Nais ni Jennetta na manatili sa Preston kasama ng iba pang mga Banal pagkatapos ng kanyang binyag, subalit kailangan niyang bumalik sa kanyang mga magulang sa Walkerfold. Sabik siyang ibahagi ang kanyang bagong relihiyon sa kanila, subalit hindi siya sigurado kung ano ang magiging tugon ng kanyang ama sa kanyang desisyon na sumama sa mga Banal.

“Palalambutin ng Panginoon ang puso ng iyong ama,” sabi ni Heber sa kanya. “Magkaroon muli ako ng pribilehiyong mangaral sa kanyang kapilya.”

Umaasang tama si Heber, hiniling ni Jennetta sa kanya na ipagdasal siya.2


Naglakbay si Joseph sa Canada noong tag-init ding iyon para bisitahin ang mga Banal sa Toronto. Sa kanyang pag-alis, nagsalita si Joseph Sr. sa isang pulong sa araw ng Linggo sa Kirtland temple tungkol sa naghihingalong Safety Society. Ipinagtanggol niya ang pagkatao ng kanyang anak at kinondena ang mga ginawa ng mga bumabatikos, na nakaupo sa kabilang dulo ng silid.

Habang nagsasalita ang patriyarka sa mga Banal, tumayo si Warren Parrish at nagpumilit na magsalita. Sinabihan siya ni Joseph Sr. na huwag manggambala, ngunit mabilis na nagpunta si Warren sa kabilang panig ng silid at nagpumilit na pumunta sa pulpito. Hinablot niya si Joseph Sr. at sinubukang hatakin ito palayo sa pulpito. Humiyaw ang patriyarka upang tawagin si Oliver Cowdery, na siyang lokal na justice of the peace o huwes, ngunit walang ginawa si Oliver para tulungan ang kanyang matandang kaibigan.

Nakikitang nasa panganib ang kanyang ama, mabilis na tumayo si William Smith, niyapos si Warren, at hinila siyang palayo sa pulpito. Lumusob si John Boynton, at hinugot ang kanyang espada. Itinuro niya ang talim sa dibdib ni William at nagbantang sasaksakin niya ang kanyang kapwa apostol kung gagawa pa ito ng isa pang hakbang. Ang ibang mga bumabatikos ay bumunot ng mga kutsilyo at pistola sa kanilang mga bulsa at pinalibutan si William.

Nagkagulo sa templo. Nagsitakbuhan ang mga tao papunta sa mga pinto o tumakas sa mga kalapit na bintana. Pumasok ang mga constable o pulis sa silid, nakipaggitgitan sa mga lumalabas na mga tao, at nakipaglaban sa mga armadong lalaki.3

Nang bumalik si Joseph sa Kirtland pagkaraan ng ilang linggo at nalaman ang nangyari, nagpatawag siya ng isang madaliang kumperensiya ng mga Banal at nanawagan para sa pagsang-ayong boto para sa bawat pinuno ng simbahan.4 Siya ay sinang-ayunan ng mga Banal at ng Unang Panguluhan ngunit hindi tinanggap sina John Boynton, Luke Johnson, at Lyman Johnson bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa.5

Pinalubag ng boto ng pagtitiwala ang kanyang kalooban, bagamat batid ni Joseph na ang mga problema sa Kirtland ay matatagalan pa bago matapos. Bilang tanging stake sa simbahan, ang Kirtland dapat ang maging lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Subalit ang bayan ay naghihirap sa ekonomiya at espirituwal—at ang mga bumabatikos ay nanghihikayat sa mga mahihinang kasapi ng simbahan na talikuran siya. Para sa maraming tao, ang Kirtland ay hindi na isang lugar ng kapayapaan at espirituwal na lakas.

Kamakailan lamang, sa isang pangitain, hinimok ng Panginoon si Joseph na lumikha ng mga bagong stake ng Sion, at palakihin ang hangganan ng simbahan. Naniniwala na ngayon sina Joseph at Sidney na panahon na para pumunta sa Missouri, bisitahin ang bagong pamayanan sa Far West, at magtatag ng iba pang stake bilang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal.6

Kailangan ding bisitahin ni Joseph ang Missouri para sa iba pang mga kadahilanan. Nag-alala siya na ang apostasiya sa Kirtland ay umabot na sa mga lider ng simbahan sa Sion. Nang itatag nila ang Far West, hindi nakipagsanggunian sina John Whitmer at William Phelps sa bishopric o sa high council, gaya nang nakaatas sa paghahayag. Bumili rin sila ng mga lupa gamit ang mga donasyong pera at ipinangalan ang mga ito sa kanilang pangalan para sa personal na interes.

Bagamat parehong inamin ng dalawa ang kanilang pagkakamali, naghinala si Joseph at ang ibang mga pinuno ng simbahan na patuloy sila sa kanilang kawalang-katapatan sa pangangasiwa ng mga lupain sa Missouri.7

Nag-alala rin si Joseph tungkol sa impluwensya ng mga miyembro ng kanyang Unang Panguluhan na naghahandang lumipat sa Far West. Hindi sila nagkasundo ni Frederick Williams sa pamamahala ng Kirtland Safety Society, at nasira nito ang kanilang pagkakaibigan.8 Samantala, hindi na komportable si Oliver na maging aktibo pa si Joseph sa pamamahala ng lokal na ekonomiya at politika. Nadama nila ni David Whitmer, na pangulo ng simbahan sa Missouri, na gumamit nang labis na impluwensiya si Joseph sa mga temporal na bagay bilang isang propeta.9

Bagamat hindi umaayon ang mga kalalakihang ito kay Warren Parrish at sa iba pang mga bumabatikos, nabawasan na ang kanilang katapatan kay Joseph sa nagdaang walong buwan, at nag-alala siya na magdudulot sila ng mga problema sa Sion.

Bago lisanin ang Kirtland, hiniling ni Joseph sa kanyang kapatid na si Hyrum at kay Thomas Marsh na maunang magpunta sa Far West para balaan ang mga matatapat na Banal tungkol sa lumalaking hidwaan sa pagitan niya at ng mga taong ito.10 Tinanggap ni Hyrum ang misyon, kahit na nangangahulugan ito na iiwan niya ang kanyang asawang si Jerusha na ilang linggo na lamang ay magsisilang na ng kanilang ikaanim na anak.11


Ang hidwaan ni Oliver sa propeta ay hindi lamang dahil sa mga di-pagkakasundo sa pamumuno sa simbahan. Mula nang mapag-alaman ang tungkol sa maramihang pagpapakasal sa kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, nalaman ni Joseph na kung minsan ay nag-uutos ang Diyos sa kanyang mga tao na gawin ang alituntuning ito. Hindi kaagad kumilos si Joseph ayon sa kaalamang ito, ngunit pagkalipas ng ilang taon, inutusan siya ng isang anghel ng Panginoon na pakasalan ang isa pang asawa.12

Matapos matanggap ang utos, nahirapan si Joseph na paglabanan ang likas na pagtanggi sa ideyang tio. Nakikinita niya ang mga pagsubok na darating mula sa maramihang pag-aasawa, at gusto niyang iwasan ang mga ito. Ngunit hinimok siya ng anghel na magpatuloy at binilinan siyang ibahagi lamang ang paghahayag sa mga taong may di-matitinag na integridad. Inutusan din ng anghel si Joseph na panatilihin itong pribado hanggang sa marapatin ng Panginoon na ipaalam sa publiko ang ipinagagawang ito sa pamamagitan ng Kanyang mga piling lingkod.13

Sa mga taong nanirahan si Joseph sa Kirtland, ang dalagang si Fanny Alger ay nagtrabaho sa bahay ng mga Smith. Kilalang-kilala ni Joseph ang kanyang pamilya at nagtitiwala sa kanila. Ang kanyang mga magulang ay tapat na mga Banal na sumapi sa simbahan sa unang taon nito. Ang kanyang tiyo, si Levi Hancock ay kasama sa Kampo ng Israel.14

Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inalok ni Joseph ng kasal si Fanny sa tulong ni Levi at nang may pahintulot ng kanyang mga magulang.15 Tinanggap ni Fanny ang mga turo at ang alok ni Joseph, at isinagawa ng kanyang tiyo ang seremonya.16

Dahil hindi pa dumarating ang panahon para ituro ang maramihang pagpapakasal sa simbahan, pinanatiling pribado nina Joseph at Fanny ang tungkol sa kanilang kasal, tulad ng iniutos ng anghel.17 Ngunit kumalat ang usap-usapan sa ilang tao sa Kirtland.18 Pagsapit ng taglagas ng 1836, lumipat si Fanny ng bahay.19

Lubhang kritikal si Oliver sa kaugnayan ni Joseph kay Fanny, bagamat hindi malinaw kung gaano karami ang nalalaman niya tungkol dito.20 Hindi rin tiyak kung ano ang nalalaman ni Emma tungkol sa kasal. Paglipas ng panahon, nagpakasal si Fanny sa ibang lalaki at namuhay nang malayo sa karamihan ng mga Banal. Kalaunan sa kanyang buhay, tumanggap siya ng isang liham mula sa kanyang kapatid na nagtatanong tungkol sa kanyang maramihang pagpapakasal kay Joseph.

“Ang lahat ng bagay na iyan ay sa aking sarili na lamang,” tugon ni Fanny, “at wala na akong dapat sabihin.”21


Noong taglagas ng 1837, nang lumisan sina Joseph at Sidney papuntang Far West, si Wilford Woodruff naman ay nakatira bilang isang misyonero kasama ng mga mangingisda at mga nanghuhuli ng mga balyena sa Fox Islands sa hilagang Atlantic Ocean.22 Siya at ang kanyang kasama na si Jonathan Hale ay dumating sa isa sa mga binabagyong isla noong mga huling linggo ng Agosto. Wala silang alam tungkol sa lugar, na puno ng malalagong puno ng evergreen, ngunit gusto nilang makatulong na isakatuparan ang propesiya ni Isaias na nagsasabing titipunin ng Panginoon ang mga tao mula sa mga pulo ng dagat.23

Bago lisanin ng dalawang lalaki ang Kirtland, sinubukan ng ilan sa mga bumabatikos na himukin si Jonathan na huwag nang pumunta sa Fox Islands, hinuhulaang hindi siya makapagbibinyag ng sinuman doon. Gusto niyang patunayang mali sila.24

Ilang buwan nang magkasamang nagtatrabaho sina Wilford at Jonathan. Matapos lisanin ang Kirtland, sinubukan nilang ibahagi ang ebanghelyo sa pamilya ni Wilford sa estado ng Connecticut, ngunit tanging ang kanyang tiyo, tiya, at pinsan lamang ang nabinyagan.25 Di nagtagal ay sinamahan sila ni Phebe Woodruff, at naglakbay sila pahilaga papunta sa tahanan ng mga magulang ni Phebe sa Maine, kung saan siya nanirahan habang nagpatuloy sila sa kanilang misyon.26

Ang isa sa mga unang nakilala nina Wilford at Jonathan ay ang isang ministro na nagngangalang Gideon Newton. Kumain sina Wilford at Jonathan kasama ng kanyang pamilya at binigyan siya ng kopya ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos nito, nagpunta ang mga missionary sa kanyang simbahan at nangaral si Wilford mula sa Bagong Tipan.27

Nang sumunod na ilang araw, sina Wilford at Jonathan ay araw-araw na nangaral at kadalasan ito ay ginaganap sa mga paaralan. Nalaman nila na ang mga tao sa mga isla ay matatalino, masisipag, at mababait. Karamihan sa kanilang mga pagpupulong ay dinaluhan nina Gideon at ng kanyang pamilya. Pinag-aralan ng ministro ang Aklat ni Mormon at nadama ang Espiritu na nagpapatotoo sa katotohanan nito. Ngunit hindi niya alam kung tatanggapin niya ito—lalo na’t kung ang ibig sabihin nito ay ang iwanan ng kanyang kongregasyon.28

Isang umaga, matapos ang mahigit na isang linggo sa kapuluan, nangaral si Wilford ng isang sermon sa isang malaking kongregasyon sa simbahan ni Gideon. Nag-alala ang ministro dahil sa malugod na pagtanggap ng mga tao sa sermon, at hinarap ang mga misyonero kinalaunan ng araw na iyon. Sinabi niya sa kanila na sapat na ang kanyang nabasa sa Aklat ni Mormon at hindi niya ito matatanggap. Balak niyang gamitin ang kanyang impluwensiya sa mga isla upang ipatigil ang kanilang pangangaral.

Nagpunta si Gideon sa simbahan upang mangaral ng kanyang sariling sermon na nagbigay ng dahilan kina Wilford at Jonathan na magduda tungkol sa kanilang magiging tagumpay sa isla. Ngunit nang dumating si Gideon sa kanyang simbahan, wala siyang nakitang tao. Walang dumating upang pakinggan siyang mangaral.29

Nang gabing iyon, nanatili sina Wilford at si Jonathan sa bahay ng isang kapitan ng barko na nagngangalang Justus Eames at ng kanyang asawang si Betsy. Ang mga Eames ay nagkainteres sa mensahe ng mga misyonero, at pagkatapos ng isa pang pulong sa araw ng Linggo, inanyayahan sila ni Wilford na magpabinyag. Sa kanyang kagalakan, tinatanggap nila ito.30

Bumaling si Wilford kay Jonathan at ginunita ang hula ng mga bumabatikos sa Kirtland na mabibigo sila sa mga isla. “Humayo at binyagan siya,” sabi ni Wilford habang itinuturo si Justus, “at patunayan na huwad na mga propeta ang mga taong iyon.”31


Habang nagsasagawa ng kanyang gawain sa Far West, hinintay ni Hyrum ang pagdating ng kanyang kapatid, umaasa araw-araw na may dalang sulat si Joseph mula kay Jerusha. Nakita nina Hyrum at Thomas na lumalago ang Far West. Nagplano ang mga Banal ng malalawak na kalye at maluluwang na lote sa lunsod para sa mga bahay at halamanan. Nagtatawanan at naglalaro ang mga bata sa lansangan, umiiwas sa mga kabayo, karwahe, at kariton na maingay na dumaraan sa kanila. Ang bayan ay mayroong mga bahay at dampa, isang hotel, at ilang pagawaan at tindahan, kabilang na ang bishop’s storehouse. Sa gitna ng bayan ay ang pagtatayuan ng templo.32

Pumunta sina Joseph at Sidney sa Far West noong simula ng Nobyembre, ngunit wala silang balita para kay Hyrum. Nang lisanin nila ang Kirtland ilang linggo na ang nakararaan, hindi pa nanganganak si Jerusha.33

Mabilis na nagpatawag si Joseph ng isang kumperensiya sa Far West para talakayin ang mga paraan kung paano palalawakin ang pamayanan para sa pag-unlad sa hinaharap. Nakita nila ni Sidney na may puwang sa lugar para magtipon at lumago ang mga Banal nang hindi makasisikip sa mga kapitbahay at manganganib mula sa mga karahasan. Sa kumperensya, ipinahayag ni Joseph ang kanilang mga plano para sa pagpapalawak at ang pagpapaliban ng karagdagang trabaho sa bagong templo hangga’t hindi pa inihahayag ng Panginoon ang kanyang kalooban hinggil sa gusali.

Nanawagan din ang propeta para sa pagboto ng mga Banal sa Far West upang sang-ayunan ang mga pinuno ng simbahan. Sa pagkakataong ito, inalis si Frederick Williams sa kanyang katungkulan sa Unang Panguluhan, at iminungkahi ni Sidney Rigdon na si Hyrum ang pupuno sa iniwang katungkulan. Inaprubahan ng mga Banal ang mungkahing ito.34

Makalipas ang ilang araw, natanggap ni Hyrum ang pinakahihintay na balita sa isang liham mula sa Kirtland. Ngunit ito ay isinulat ng kanyang kapatid na si Samuel at hindi ni Jerusha. “Mahal kong kapatid na Hyrum,” simula nito, “ngayong gabi ako ay umupo upang sumulat sa iyo para gampanan ang isang tungkulin, batid na nais ng bawat makatwirang tao na malaman kung ano talaga ang kalagayan ng kanyang pamilya.”

Taas-baba ang mga mata ni Hyrum sa pahina. Isinilang ni Jerusha ang isang malusog na sanggol na babae, ngunit nanghina siya dahil sa hirap sa panganganak. Sinikap ng pamilya Smith na tulungan siyang makabawi ng lakas, ngunit pumanaw siya pagkaraan ng ilang araw.35


Kaagad na naghanda si Hyrum at Joseph na bumalik sa Kirtland. Bago umalis, nakipag-usap nang sarilinan si Joseph kina Thomas at Oliver.36 Pinag-usapan nila ang pagtutol ni Oliver sa kasal nina Joseph at Fanny Alger, ngunit hindi nalutas ang kanilang di-pagkakasundo.37 Sa huli, iniabot ni Joseph ang kanyang kamay kay Oliver at sinabing gusto niyang mawala na ang anumang di-pagkakasundo na namagitan sa kanila. Kinamayan siya ni Oliver, at naghiwalay na sila ng landas.38

Dumating sa Kirtland sina Joseph, Sidney, at Hyrum pagkaraan ng ilang linggo. Sa tahanan ng mga kamag-anak, nakita ni Hyrum ang kanyang limang anak na patuloy na nagdadalamhati dahil sa biglang pagkawala ng kanilang ina, na inilibing sa isang sementeryo sa tabi ng templo. Dahil sa pagkakaroon ng bagong tungkulin sa Unang Panguluhan, hindi maisip ni Hyrum kung paano niya sila aalagaan nang nag-iisa.39

Hinikayat ni Joseph ang kanyang kapatid na muling magpakasal at inirerekomenda niya si Mary Fielding.40 Siya ay mabait, edukado, at matapat sa simbahan. Siya ay magiging isang mahusay na kabiyak para kay Hyrum at mapagmahal na ina sa kanyang mga anak.

Hindi nagtagal ay inalok ni Hyrum si Mary ng kasal. Sa edad na tatlumpu’t anim, hindi lamang isang alok sa kasal ang natanggap niya, ngunit palagi niyang tinatanggihan ang mga ito. Minsan, nagbabala ang kanyang ina na huwag magpakasal sa isang balo na mayroong mga anak. Kung papayag siyang magpakasal kay Hyrum, siya ay kaagad na magiging ina ng anim na mga bata.

Pinag-isipan ni Mary ang alok at tinanggap ito. Humahanga na siya sa pamilya Smith, itinuring na kapatid si Joseph, at iginalang si Hyrum dahil sa kanyang kababaang-loob.41 Ikinasal sila noong bisperas ng Pasko.42


Guminhawa ang pakiramdam ng maraming Banal na nakabalik na si Joseph sa Kirtland, subalit ang anumang pag-asa na maipanunumbalik niya ang pagkakaisa sa simbahan ay agad na naglaho. Sina Warren Parrish, Luke Johnson, at John Boynton ay linggu-linggong nakikipagpulong kay Grandison Newell at sa iba pang mga kaaway ng simbahan para tuligsain ang Unang Panguluhan. Di naglaon, ang mga dating matatatag na tulad ni Martin Harris ay sumama sa kanila, at sa katapusan ng taon, ang mga pinuno ng mga bumabatikos ay gumawa ng kanilang sariling simbahan.43

Pagkaraan ng maikling panahon, sinulatan ni Vilate Kimball ang kanyang asawa sa England tungkol sa kalagayan ng simbahan sa Ohio. Dahil batid ang pagmamahal ni Heber kina Luke Johnson at John Boynton, na naging mga kasamang miyembro ng kanyang korum, nag-atubili si Vilate na sabihin sa kanya ang kagimbal-gimbal na balita.44

“Wala akong duda na masasaktan ang iyong puso,” isinulat niya kay Heber. “Sinasabi nilang sila ay naniniwala sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan subalit itinatatwa ang mga ito sa kanilang mga gawa.”45

Sa pagtatapos ng liham, si Marinda Hyde ay nagdagdag ng mensahe sa kanyang asawang si Orson. Kuya ni Marinda si Luke Johnson, at ang lubusang pagtalikod sa katotohanan na ito ay napakasakit din para sa kanya. “Hindi mo nasaksihan ang ganitong panahon sa Kirtland na nararanasan namin ngayon,” sulat niya, “na tila ang lahat ng tiwala sa isa’t-isa ay nawala na.” Kinailangan niyang magmasid at manalangin upang malaman para sa kanyang sarili ang tamang landas na tatakahin sa mapanganib na mga panahon.

“Kung gugustuhin ko mang makita ka sa aking buhay,” wika niya kay Orson, “ngayon ito.”46

Tila walang makapagpahupa sa damdamin ng mga bumabatikos. Sinasabi nilang naging mali ang pamamahala nina Joseph at Sidney sa Kirtland Safety Society at dinaya nila ang mga Banal. Naniwala si Warren na ang isang propeta ay dapat na maging mas banal kaysa sa ibang tao, at ginamit niya ang pagbaksak ng Safety Society para ipakita na hindi naabot ni Joseph sa pamantayang ito.47

Makalipas ang mga buwan ng pagsisikap na makipagkasundo sa mga nangungunang bumabatikos, itiniwalag sila ng Kirtland high council. Inagaw ng mga bumabatikos ang templo para sa kanilang sariling mga pansimbahang pulong at nagbantang palalayasin sa Kirtland ang sinumang nananatiling matapat kay Joseph.

Naniniwala si Vilate na mali ang mga bumabatikos na talikuran ang mga Banal, subalit siya ay nalungkot para sa kanila sa halip na magalit. “Sa kabila ng lahat ng aking sinabi tungkol sa bumabatikos na partidong ito,” isinulat niya kay Heber, “mayroong ilan sa kanila na mahal ko, at nakadarama ako ng masidhing damdamin at awa para sa kanila.”48 Alam niya na ang pagbagsak ng Safety Society ay sumubok sa kanila sa espirituwal at temporal. Naisip din niya na nakagawa ng pagkakamali si Joseph sa pangangasiwa sa institusyon, subalit hindi siya nawalan ng tiwala sa propeta.

“Nasa akin ang lahat ng dahilan para maniwala na si Joseph ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon at nagsisi,” sinabi niya kay Heber. At nagtiwala siyang makaliligtas ang simbahan mula sa unos.

“Sinabi ng Panginoon, ang hindi makatatagal sa pagpaparusa, sa halip itinatatwa ako, ay hindi mapababanal,” isinulat niya. Maaari itong mangahulugan ng pagharap sa pagkapoot sa Kirtland nang mag-isa habang hinihintay niya at ng mga bata si Heber na bumalik mula sa kanyang misyon. O kung lumala man ang mga pangyayari, maaari itong mangahulugan ng pag-iwan ng kanilang tahanan at paglipat sa Missouri.

“Kung kailangan naming tumakas,” sinabi niya sa Heber, “gagawin ko ito.”49


Ang mga bumabatikos sa Kirtland ay lalong nagalit at naging agresibo sa pagpasok ng bagong taon. Ang mga banta ng mga mandurumog ay nakaabang sa simbahan, at tinugis ng pagkakautang at mga pekeng kasong legal ang propeta. Hindi nagtagal ay isang lokal na sheriff, na may dalang arrest warrant, ang nagsimulang hanapin siya. Kung madarakip, maaaring harapin ni Joseph ang isang magastos na paglilitis at posibleng pagkabilanggo.50

Noong Enero 12, 1838, ang propeta ay humingi ng tulong sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag. “Sabihan ang panguluhan ng aking simbahan na dalhin ang pamilya nila,” utos ng Panginoon, “at lumipat sa kanluran na kasing bilis ng malinaw na pagsasabi ng daan.”

Hinimok ng Panginoon ang mga kaibigan ni Joseph at ang kanilang mga pamilya na magtipon din sa Missouri. “Maging mapayapa sa inyong sarili, O kayong mga naninirahan sa Sion,” sinabi Niya, “o hindi magkakaroon ng kaligtasan para sa inyo.”51

Kaagad na nagplano ang mga Smith at Rigdon para sa kanilang pagtakas. Ang dalawang lalaki ay tatalilis mula sa Kirtland sa gabing iyon, at kaagad na susunod ang kanilang mga pamilya na lulan ng mga bagon.

Nang gabing iyon, nang lumalim na ang gabi sa Kirtland, sumakay sina Joseph at Sidney sa kanilang mga kabayo at naglakbay palabas ng bayan.52 Sila ay naglakbay papuntang timog hanggang mag-umaga, sa layo na halos animnapung milya. Nang mapagod na ang kanilang mga kabayo, huminto ang mga lalaki para hintayin ang kanilang mga asawa at mga anak.

Hindi na inaasahan ni Joseph at Sidney na makita pa nilang muli ang Kirtland. Nang dumating ang kanilang pamilya, sumama sila sa kanilang mga bagon at humayo patungong Far West.53