“Nagkakaisa sa Walang Hanggang Tipan,” kabanata 40 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 40: “Nagkakaisa sa Walang Hanggang Tipan”
Kabanata 40
Nagkakaisa sa Walang Hanggang Tipan
Nang bumalik si Joseph sa Nauvoo noong Enero 10, 1843, nagpuntahan ang mga kaibigan at kamag-anak sa kanyang bahay para batiin siya. Maya-maya pa, nagdaos sila ni Emma ng party sa hapunan para ipagdiwang ang kanyang tagumpay at ang kanilang ikalabing-anim na anibersaryo ng kasal. Bumuo ng awitin sina Wilson Law at Eliza Snow para sa okasyon, at naghain sina Joseph at Emma ng pagkain habang nagtatawanan at nagkukuwentuhan ang kanilang mga bisita.1
Masaya si Joseph na makasama ang mga mahal sa buhay. “Kung hindi ko inaasahang makikita kong muli ang aking ina, mga kapatid, at kaibigan,” pagbubulay-bulay niya, “sasabog ang puso ko sa isang iglap.”2 Napanatag siya sa kaalaman na ang mga pagbibinyag para sa mga buhay at patay, ang endowment, at walang hanggang kasal ay nagbigay sa mga Banal ng daan para gumawa ng mga sagradong tipan na nagbuklod sa kanila sa isa’t isa at nagtitiyak na magpapatuloy ang kanilang ugnayan sa kabilang-buhay.
Subalit hanggang ngayon ay wala pang babae at kakaunting mga lalaki lamang ang nakatanggap ng endowment, at wala pa ring alam ang maraming Banal tungkol sa walang hanggang tipan ng kasal. Pinanghawakan ni Joseph ang pangako na siya ay mabubuhay hanggang sa matapos niya ang kanyang misyon, at inasam niyang matapos ang templo para mapasimulan niya sa mga Banal ang mga ordenansang ito. Patuloy niyang nadama na parang nauubos na ang oras.
Binilisan pa rin niya ang pagkilos habang hinihimok ang mga Banal na makipagsabayan. Naniwala siya sa pambihirang mga pagpapala na makakamtan ng mga taong tumanggap ng mga sagradong ordenansa at sumunod sa mga batas ng Diyos. Ngayon, higit kailanman, ang mithiin niya’y ipaabot ang banal na kaalaman na natanggap niya sa mas marami pang mga Banal, para tulungan silang gumawa at tumupad ng mga tipan na magpapasigla at magpapadakila sa kanila.3
Ang Mississippi River ay nagyelo noong taglamig na iyon, at naharangan ang karaniwang pagdaan ng mga balsa at bangka sa tubig. Madalas umulan ng niyebe noon, at napakalamig ng ihip ng hangin sa mga kapatagan at sa mga burol. Ilang Banal lang ang nanatili sa labas nang matagal dahil ang suot lang ng marami sa kanila ay sapatos na mababa, manipis na jacket, at maninipis na alampay para maprotektahan sila mula sa lamig at natutunaw na yelo at putik.4
Nang malapit nang matapos ang taglamig, dama pa rin ang matinding ginaw sa hangin habang naglalaba si Emily Partridge at inaalagaan ang mga bata sa tahanan ng mga Smith. Sa loob ng mahigit na dalawang taon, siya at ang ate niyang si Eliza ay nakatira at nagtatrabaho sa mga Smith, hindi kalayuan sa tirahan ng kanilang ina at ng bagong asawa nito.5
Si Emily ay kabilang sa Relief Society at madalas kausap ang mga babae sa kanyang paligid. Paminsan-minsan nakaririnig siya ng mga bulung-bulungan tungkol sa maramihang pag-aasawa. Mahigit tatlumpung mga Banal ang tahimik na sumunod sa gawaing ito, kabilang ang dalawa sa kanyang mga stepsister at isa sa kanyang mga stepbrother. Mismong si Emily ay walang alam tungkol dito.6
Gayunman, isang taon bago iyon, nabanggit ni Joseph na may sasabihin ito sa kanya. Nag-alok si Joseph na isulat ito sa isang liham, ngunit hiniling ni Emily na huwag gawin ito, sa pag-aalala na baka may mabanggit dito tungkol sa maramihang pag-aasawa. Pagkatapos, pinagsisihan niya ang kanyang desisyon at sinabi niya sa kanyang kapatid ang tungkol sa usapan, na binabanggit ang kaunting nalalaman niya tungkol sa gawain. Nagalit si Eliza, kaya wala nang sinabi si Emily.7
Dahil walang mapagtapatan, nadama ni Emily na parang mag-isa siyang lumulusong sa malalim na tubig. Bumaling siya sa Panginoon at nanalangin upang malaman kung ano ang gagawin, at pagkaraan ng ilang buwan, nakatanggap siya ng banal na pagpapatibay na dapat niyang pakinggan ang sasabihin ni Joseph sa kanya—kahit na ito may kinalaman sa maramihang pag-aasawa.8
Noong Marso 4, ilang araw pagkatapos ng kanyang ikalabingsiyam na kaarawan, hiniling ni Joseph na makausap si Emily sa bahay ni Heber Kimball. Umalis siya kaagad pagkatapos ng kanyang gawain na handa ang isip tungkol sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa. Tulad ng inaasahan, itinuro ito sa kanya ni Joseph at tinanong siya kung gugustuhin niyang mabuklod kay Joseph. Pumayag siya, at si Heber ay nagsagawa ng ordenansa.9
Pagkaraan ng apat na araw, ang kapatid niyang si Eliza ay nabuklod din kay Joseph. Nakakapag-usap na ngayon ang magkapatid at naibabahagi ang kanilang naunawaan at nadama tungkol sa mga tipang ginawa nila.10
Patuloy na ipinagtanggol ng mga Banal si Joseph laban sa mga paratang sa paglalantad ni John Bennett. Karamihan sa isinulat ni John ay pinalamutian o talagang hindi totoo, pero ang sinasabi niya na si Joseph ay nagpakasal sa maraming babae ay tama. Dahil walang alam tungkol sa katotohanang ito, buong tapang na itinanggi nina Hyrum Smith at William Law ang lahat ng pahayag ni John at hindi namalayan na kinokondena nila ang ginagawa ng mga Banal na masunuring nagsagawa ng maramihang pag-aasawa.11
Ikinabalisa ito ni Brigham Young. Hangga’t walang nalalaman ang mga miyembro ng Unang Panguluhan tungkol sa gawain, naniwala siya na ang kanilang pagkondena sa poligamya ay makahahadlang kay Joseph at sa iba pa sa pagtupad sa mga utos ng Panginoon.
Sinubukan na ni Joseph, at hindi siya nagtagumpay, na ituro sa kanyang kapatid at kay William ang tungkol sa maramihang pag-aasawa. Minsan, sa isang council meeting, sinisimulan pa lang niya ang isyu nang sumabad si William. “Kung ihahayag sa akin ng isang anghel mula sa langit na ang isang tao ay dapat magkaroon ng mahigit sa isang asawa,” sabi niya, “papatayin ko siya!”
Nakikita ni Brigham na pagod na si Joseph sa mga ginagawa nina Hyrum at William. Isang araw ng Linggo, pagkatapos ng mga gawain ni Brigham sa gabi, dumating sa kanyang pintuan si Joseph nang di-inaasahan. “Gusto kong pumunta ka sa bahay namin at mangaral,” sabi ni Joseph.
Karaniwang masaya si Brigham na makasama ang mga Banal, ngunit alam niya na mangangaral din si Hyrum sa gabing iyon. “Mas gugustuhin kong hindi pumunta,” sabi niya.12
Nalaman kapwa ni Brigham at ng kanyang asawang si Mary Ann sa pamamagitan ng panalangin at inspirasyon na dapat nilang gawin ang maramihang pag-aasawa. Sa pahintulot ni Mary Ann, si Brigham ay nabuklod sa isang babaing nagngangalang Lucy Ann Decker noong Hunyo 1842, isang taon matapos unang ituro sa kanya ni Joseph ang alituntunin. Hiwalay si Lucy sa kanyang unang asawa at may maliliit pang anak na aalagaan.13
“Brother Brigham,” giit ni Joseph, “kung hindi ka sasama sa akin, hindi ako uuwi sa bahay namin ngayong gabi.”
Atubili, pumayag si Brigham na mangaral, at naglakad siyang papunta sa bahay kasama ng propeta. Inabutan nila si Hyrum na nakatayo sa tabi ng fireplace, at nagsasalita sa mga tao na nasa bahay. Hawak niya ang Biblia, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan at sinabing ang mga ito ang batas ng Diyos na ibinigay sa kanila upang itayo ang Kanyang kaharian.
“Lahat ng bagay na higit pa rito,” sabi si Hyrum, “ay sa tao at hindi sa Diyos.”
Nakinig si Brigham sa sermon ni Hyrum, at tumitindi ang kanyang emosyon. Nakaupo sa tabi niya si Joseph na nakasapo sa kanyang mga kamay ang kanyang mukha. Nang matapos si Hyrum, kinalabit ni Joseph si Brigham at sinabing, “Tumayo ka na.”
Tumayo si Brigham at dinampot ang mga banal na kasulatan na inilapag ni Hyrum. Isa-isa niyang inilatag ang mga aklat sa kanyang harapan, para makita ng lahat ng nasa silid. “Hindi ko ipagpapalit ang mga abo ng dayami ng trigo sa tatlong aklat na ito,” pahayag niya, “kung wala ang mga buhay na orakulo ng Diyos.”14 Kung walang propeta sa mga huling araw, sabi niya, ang mga Banal ay parang tulad pa rin noong bago inihayag ng Diyos ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith.
Nang matapos siya, napansin ni Brigham na naantig sa kanyang sermon si Hyrum. Nang siya ay tumayo, buong pagpapakumbabang hiniling ni Hyrum sa mga Banal na patawarin siya. Tama si Brigham, sabi niya. Bagaman napakahalaga ng mga banal na kasulatan, ang mga ito ay hindi pamalit sa buhay na propeta.15
Nang tagsibol na iyon, madalas umalis si Joseph sa Nauvoo para bisitahin ang kalapit na maliliit na stake ng simbahan. Saanman siya magpunta, sinasamahan siya ng kanyang bagong klerk na si William Clayton, isang matalinong bata pang lalaki mula sa England. Nagpunta si William sa Nauvoo kasama ang kanyang asawang si Ruth noong 1840 at kaagad kinuha ng propeta para magtrabaho.16
Noong Abril 1, si William ay naglakbay ng kalahating araw kasama sina Joseph at Orson Hyde, na kauuwi lang mula sa Jerusalem, papunta sa pulong sa isang bayan na tinatawag sa Ramus.17 Kinaumagahan, nakinig si William habang ipinapangaral ni Orson na pribilehiyo ng mga Banal na manahan sa kanilang mga puso ang Ama at ang Anak hanggang sa Ikalawang Pagparito.18
Kalaunan, habang sila ay masayang kumakain sa tahanan ng kapatid ni Joseph na si Sophronia, sinabi ni Joseph, “Elder Hyde, may imumungkahi lang akong ilang pagwawasto sa iyo.”
“Buong pasasalamat kong tatanggapin iyan,” sagot ni Orson.
“Ang pagsasabi na ang Ama at ang Anak ay nananahanan sa puso ng isang tao ay isang sinaunang paniniwala ng ibang sekta, at hindi ito tama,” sabi ni Joseph. “Makikita natin Siya bilang Siya. Ating makikita na Siya ay isang tao tulad ng ating sarili.”19
Marami pang sinabi si Joseph ukol sa bagay na ito nang magpatuloy ang kumperensya kalaunan nang gabing iyon. “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din,” itinuro niya, “subalit ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.”20
Habang nagsasalita si Joseph, isinulat ni William ang lahat ng maaari niyang isulat tungkol sa sermon sa kanyang diary. Humanga siya sa malalalim na katotohanang ibinahagi ni Joseph at gustung-gustong malaman pa ang iba.
Itinala ni William ang turo ni Joseph na ang kaalaman at katalinuhan na nakukuha ng mga tao sa buhay ay kasama nilang babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli. “Kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba,” paliwanag ni Joseph, “siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.”21
Makalipas ang isang buwan, bumalik sina Joseph at William sa Ramus at tumuloy sa tahanan nina Benjamin at Melissa Johnson. Itinuro ni Joseph sa mga Johnson na ang isang babae at isang lalaki ay maaaring magkasamang mabuklod sa kawalang-hanggan sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Itinuro niya na tanging sa pagpasok sa tipang ito, na isang orden ng priesthood, sila magkakamit ng kadakilaan. Kung hindi, ang relasyon nila ay hindi na magpapatuloy sa kabilang-buhay, magbibigay wakas sa kanilang walang hanggang pag-unlad at pagdami o pagkakaroon ng mga anak.
Ang paglalarawan ni Joseph sa walang hanggang kasal ay ikinamangha ni William. “Gusto kong makasama sa isang walang hanggang tipan ang aking asawa,” isinulat niya sa kanyang diary, “at dalangin ko na mangyari na ito.”22
Ang pagbabalik ni Orson Hyde mula sa Jerusalem ay nangahulugan na kailangan nang umalis sina Peter at Mary Maughan at ang kanilang pamilya sa tahanan ng mga Hyde sa Nauvoo. Dahil wala silang matirahan, namalagi sila sa isang lote sa lunsod na nakuha nila mula sa komite ng templo, sa kasunduan na magtatrabaho si Peter sa templo para mabayaran ang lupa. Samantala, ipinagpalit ni Mary ang mga ikarete ng sinulod na cotton na dala niya mula sa England para sa pagkain.
Di nagtagal nagsimula na si Peter na magtrabaho bilang kantero, nagpuputol at naghuhubog ng mga bloke ng batong-apog para sa templo.23 Sa ngayon, ang mga pader ay labindalawang talampakan na ang taas sa ilang bahagi, at naglagay ng pansamantalang palapag para makapagdaos ang mga Banal ng mga pulong sa templo.24
Ang gusali ay magiging mas malaki at mas marangya kaysa sa templong napuntahan nina Peter at Mary sa Kirtland. Mayroon pa rin itong mga silid ng pagtitipon sa una at ikalawang palapag nito. Ngunit ang labas ng templo sa Nauvoo ay papalamutian ng mga nililok na bato ng mga bituin, buwan, at araw, bilang paalala sa mga kaharian ng kaluwalhatian na inilarawan sa pangitain ni Joseph tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at gayundin ng paglalarawan ni Juan ang Tagahayag tungkol sa simbahan bilang “isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na labingdalawang bituin.”25
Linggu-linggo, gumamit ang mga manggagawa ng pulbura para makakuha ng mga bato mula sa mga quarry o tibagan ng bato sa hilaga ng bayan. Pagkatapos ay tinatabas nila ang bato para maging magaspang na mga bloke at gumagamit ng mga kariton na hila ng mga baka para hakutin ang mga ito papunta sa isang workshop malapit sa templo. Doon, pinuputol at kinikinis ng mga lalaking gaya ni Peter ang mga bloke sa tamang sukat nito samantalang ang mahuhusay na manggagawa ay inuukit at nilililok ang mga batong gamit na pampalamuti. Kapag handa na ang bato, ikinakabit ito ng mga manggagawa sa isang mataas na crane at inilalagay ito sa lugar.26
Dahil may matatag na trabaho at may sariling lupa, sina Peter at Mary ay nagtanim ng mga gulay, sinikap na itayo ang kanilang bahay, at inasam ang komportableng mga araw na darating.27
Dalawang buwan matapos siyang mabuklod kay Joseph, si Emily Partridge ay nagtrabaho pa rin araw-araw sa tahanan ng mga Smith, naglalaba at nagtatahi ng mga damit at nag-aalaga sa mga bata. Si Julia Smith ay naging labingdalawa nang tagsibol na iyon at nag-aral ng pagpipinta.28 Lumalaki na rin ang mga batang lalaki. Ang batang si Joseph ay sampung taon, si Frederick ay anim na taon, at si Alexander ay halos limang taon. Ang nakatatandang mga bata ay nag-aral sa paaralan kasama ang nakababatang kapatid ni Emily na si Lydia. Ang batang si Joseph ay nakikipaglaro din sa kanyang siyam na taong gulang na kapatid na si Edward Jr.29
Sa pagpiling mabuklod kay Joseph, nagtiwala si Emily sa kanyang patotoo na siya ay kumikilos bilang pagsunod sa utos ng Panginoon. Siya at ang kanyang kapatid na si Eliza ay patuloy na pinanatiling pribado ang tungkol sa kanilang pag-aasawa. Sila at ang iba pa na naging bahagi ng maramihang pag-aasawa ay hindi ito itinuring kailanman bilang poligamya, na itinuturing nilang makamundong kataga, na hindi isang ordenansa ng priesthood.30 Kapag kinokondena ni Joseph o ng sinuman ang “poligamya” o “espirituwal na pag-aasawa” sa publiko, nauunawaan ng mga taong nagsasagawa ng maramihang pag-aasawa na hindi nito tinutukoy ang kanilang mga ugnayan sa tipan.31
Bukod sa Biblia, si Joseph ay walang modelo o huwarang susundan, at ang Panginoon ay hindi palaging nagbibigay sa kanya ng eksaktong mga tagubilin kung paano susundin ang Kanyang salita. Tulad sa iba pang mga kautusan at paghahayag, kinailangan ni Joseph na sumulong ayon sa kanyang matalinong paghatol. Pagkaraan lamang ng maraming taon naisulat ni Emily at ng iba pa ang kanilang mga alaala tungkol sa pagsunod ni Joseph sa alituntunin at tungkol sa sarili nilang mga karanasan sa maramihang pag-aasawa sa Nauvoo. Ang kanilang mga tala ay kadalasang maikli at hindi kumpleto.32
Dahil hindi isinulat ni Joseph o ni Emma ang nadama nila tungkol sa maramihang pag-aasawa, maraming katanungan ang hindi pa nasasagot. Sa kanyang mga pagsulat, itinala ni Emily ang ilan sa kanilang mga pakikibaka ukol sa gawaing ito. Kung minsan lubos itong tinatanggihan ni Emma samantalang sa ibang pagkakataon ay may pag-aatubili niya itong tinatanggap bilang isang kautusan. Dahil nalilito sa pagitan ng utos ng Panginoon na mag-asawa ng marami at sa pagtutol ni Emma, minsan ay pinipili ni Joseph na pakasalan ang mga babae nang lingid sa kaalaman ni Emma, na lumilikha ng pagkabalisa para sa lahat ng sangkot dito.33
Sa pagsisimula ng Mayo, kinausap ni Emma nang sarilinan sina Emily at Eliza at ipinaliwanag ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa.34 Sinabihan niya si Joseph na papayag siyang mabuklod ito sa dalawa pang asawa basta siya ang pipili sa mga ito, at pinili niya sina Emily at Eliza, tila hindi alam na nabuklod na si Joseph sa kanila.35
Sa halip na banggitin ang kanyang pagkakabuklod, naniwala si Emily na ang pananahimik ukol sa bagay na ito ang pinakamabuti niyang gawin.36 Makaraan ang ilang araw, siya at si Eliza ay muling ibinuklod kay Joseph, sa pagkakataong ito ay kasama si Emma bilang saksi.37
Noong Mayo 14, habang si Joseph ay dumadalo sa isa pang kumperensya, si Hyrum ay nangaral sa templo laban sa mga lalaking mayroong mahigit sa isang asawa. Tinutukoy ang pagkondena ni Jacob tungkol sa hindi awtorisadong maramihang pag-aasawa sa Aklat ni Mormon, tinawag ni Hyrum na karumal-dumal ang gawaing ito sa harap ng Diyos.38
Pagkatapos ng sermon, nagsimulang pagdudahan ni Hyrum ang kanyang katiyakan tungkol sa itinuro niya. Puno ng mga talakayan tungkol sa maramihang pag-aasawa sa Nauvoo, at ang mga tsismis na si Joseph ay nagkaroon ng maraming asawa ay karaniwan na rin.39
Gustong maniwala ni Hyrum na hindi ito totoo, ngunit naisip niya na baka may hindi sinasabi sa kanya si Joseph. Nagkaroon ng mga pagkakataon, pagkatapos ng lahat, na si Joseph ay nagpahiwatig na ginagawa niya ito, marahil para tingnan kung ano ang magiging reaksyon ni Hyrum. At nahiwatigan ni Hyrum na may ilang bagay na sinabi si Joseph sa Labindalawa na hindi nito itinuro sa kanya.
Isang araw pagkatapos ng sermon, nakita ni Hyrum si Brigham malapit sa kanyang tahanan at itinanong kung puwede silang mag-usap. “Alam kong may isang bagay o iba pa na hindi ko naiintindihan na ipinahayag sa Labindalawa,” sabi niya. “Totoo ba?”
Umupo silang dalawa sa bunton ng mga kahoy na gagawing bakod. “Hindi ko alam kung ano ang alam mo,” ang maingat na sagot ni Brigham, “pero alam ko kung ano ang alam ko.”
“Matagal kong pinagdudahan na nakatanggap si Joseph ng paghahayag na ang isang lalaki ay dapat magkaroon ng mahigit sa isang asawa,” sabi si Hyrum.
“Sasabihin ko sa iyo ang tungkol dito,” sabi ni Brigham, “kung manunumpa ka nang nakataas ang kamay sa harapan ng Diyos na hindi ka na magsasalita pa laban kay Joseph at sa kanyang mga gawain at sa mga doktrina na ipinapangaral niya.”
Tumindig si Hyrum. “Gagawin ko ito nang buong puso,” sabi niya. “Gusto kong malaman ang katotohanan.”
Habang itinuturo sa kanya ni Brigham ang tungkol sa paghahayag ng Panginoon kay Joseph tungkol sa maramihang pag-aasawa, umiyak si Hyrum, kumbinsido na tumalima si Joseph ayon sa kautusan.40
Sa huling bahagi ng Mayo, 1843, sina Emma at Joseph ay ibinuklod sa kawalang-hanggan sa isang silid sa itaas ng tindahan ni Joseph, isinagawa sa wakas ang matagal na nilang hinahangad.41 Pagkatapos ay inanyayahan ni Joseph sina Brigham at Mary Ann Young, Willard at Jennetta Richards, Hyrum at Mary Fielding Smith, at ang balong kapatid ni Mary na si Mercy Thompson, na makipagkita sa kanya kinabukasan para tanggapin ang ordenansa ring iyon.42
Bago ang pulong, nag-alala si Hyrum sa kumplikadong sitwasyon ng kanyang pamilya. Kung ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal ay para lamang sa mga taong ibinuklod sa pamamagitan ng priesthood, ano ang mangyayari sa kanyang unang asawang si Jerusha, na namatay anim na taon na ang nakalipas?
“Maaari mo siyang maipabuklod sa iyo gaya rin ng alituntunin na maaari kang magpabinyag para sa mga patay,” sabi ni Joseph.
“Ano ang magagawa ko para sa pangalawang asawa ko?” tanong ni Hyrum.
“Maaari ka ring makipagtipan sa kanya sa kawalang-hanggan,” sabi ni Joseph.
Pumayag si Mary na maging proxy ni Jerusha sa espesyal na pagbubuklod. “At ako mismo ay mabubuklod sa iyo para sa kawalang-hanggan,” sabi niya kay Hyrum. “Mahal kita at ayaw kong mawalay sa iyo.”43
Noong umaga ng Mayo 29, si Joseph at ang iba ay nagkita-kita sa itaas ng kanyang tindahan, at bawat pares ay magkasamang ibinuklod, pinag-isa sila para sa kawalang-hanggan. Bilang nag-iisang balo sa silid, hindi maiwasang maging kaiba ang pakiramdam ni Mercy Thompson. Ngunit nang malaman na siya ay maaari pa ring mabuklod sa kanyang asawang si Robert, na namatay sa lagnat na dulot ng malarya ilang taon na ang nakalipas, nadama niyang ang Diyos ay nagmamalasakit sa kanya at sa kanyang sitwasyon.44
Nang si Mercy na ang tatanggap ng ordenansa, sinabi ni Joseph na naisip niyang walang mas mainam na kumatawan kay Robert kundi ang kanyang bayaw na si Hyrum. Ibinuklod niya si Mercy kay Robert, pagkatapos ay ibinuklod si Hyrum kay Jerusha at si Mary ang nagsilbing proxy.45
Winakasan ni Brigham ang kanilang pulong sa isang himno at panalangin, at buong umagang pinag-usapan ng mga magkakaibigan ang mga bagay ng Diyos. Isang kaaya-ayang pagkakasundo ang tila nagpatahimik sa lahat ng nagdulot ng kaguluhan sa mga Banal sa nakalipas na ilang taon.46