“Ang Diyos na ang Hahatol,” kabanata 41 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 41: “Ang Diyos na ang Hahatol”
Kabanata 41
Ang Diyos na ang Hahatol
Noong Hunyo 1, 1843, sina Addison at Louisa Pratt ay naglakad na kasama ang kanilang mga anak na babae papunta sa isa sa mga daungan ng bapor sa Nauvoo. Paalis si Addison nang araw na iyon para sa tatlong taong misyon sa Hawaiian Islands. Hawak-hawak niya si Anne, ang kanilang bunsong anak, habang ang kanyang mga ate na sina Ellen, Frances, at Lois, ay malungkot na nakasunod sa hulihan, natatakot sa paglisan ng kanilang ama.1
Kamakailan, habang nakikipag-usap kay Brigham Young, masayang nabanggit ni Addison ang tungkol sa Hawaii at ang kanyang ilang tanong karanasan bilang isang batang whaler sa Pacific Ocean. Dahil wala pang sangay ang Simbahan sa mga islang iyon, itinanong ni Brigham kung handa ba si Addison na magbukas ng mission doon. Sinabi ni Addison na handa siya kung may makakasama siya. Di nagtagal pagkatapos niyon, tinawag siya ni Joseph at ng Labindalawa na pamunuan ang isang grupo ng mga elder papunta sa mga isla.2
Tatlong araw na umiyak si Louisa nang malaman niya ang tungkol sa asaynment ni Addison. Ang Hawaii ay libu-libong milya ang layo, sa isang bahagi ng mundo na tila kakaiba at mapanganib. Walang sariling tahanan sa Nauvoo si Louisa, walang pera, at kaunti lang ang kalakal na maipagpapalit niya. Kakailanganin ng mga anak niya ang damit at pag-aaral, at kung wala si Addison, siya ang kailangang magsustento ng lahat ng bagay sa kanila.
Habang naglalakad si Louisa papunta sa bapor kasama ang kanyang pamilya, nanghihina pa rin ang kanyang puso, ngunit nagagalak siya na si Addison ay karapat-dapat sa pagtawag sa kanya. Hindi lang siya ang babae sa lunsod na mapag-iisa habang paalis ang kanyang asawa para ipangaral ang ebanghelyo. Paalis ang mga misyonero papunta sa lahat ng dako sa tag-init na iyon, at nagpasiya si Louisa na harapin ang mga pagsubok at magtiwala sa Panginoon.
Nahirapan si Addison na pigilan ang kanyang damdamin. Pagtuntong sa kubyerta ng bapor na magdadala sa kanya palayo sa kanyang pamilya, kumuha siya ng panyo para pahirin ang mga luha sa kanyang mata. Sa pampang, ang kanyang mga anak ay nagsimula ring umiyak. Sinabi ni Frances na hindi niya inisip na makikita niyang muli ang kanyang ama.3
Dahil sanay siya sa dagat, naunawaan ni Addison ang mga panganib na naghihintay sa kanya. Ngunit nang i-set apart siya ng Labindalawa para sa kanyang misyon, binasbasan nila siya na magkaroon ng kapangyarihang sasaklaw sa mga elemento at ng lakas-ng-loob sa harap ng mga unos. Kung siya ay mananatiling tapat, nangako sila sa pamamagitan ng Espiritu, siya ay ligtas na makakauwi sa kanyang pamilya.4
Ilang araw kalaunan, nilisan nina Emma, Joseph, at ng kanilang mga anak ang Nauvoo para bisitahin ang kapatid na babae ni Emma sa Dixon, Illinois, na ilang araw na paglalakbay papunta sa hilaga. Bago umalis, sinabihan niya si Ann Whitney na hikayatin ang kababaihan ng Relief Society na patuloy na tulungan ang mga maralita at alalayan ang kalalakihan sa pagtatayo ng templo.5
Kamakailan, nagsalita si Joseph sa mga Banal tungkol sa mga ordenansa ng templo, itinuturo sa kanila na itinatayo nila ito para maibigay sa kanila ng Panginoon ang endowment. Nasabi ni Emma kay Ann na mula noon ay naging interesado na siya sa templo at gusto na talakayin ng Relief Society kung ano ang magagawa nila para mapadali ang gawain.
“Maaari nating kausapin ang komite ng templo,” mungkahi ni Emma, “at anuman ang ibig nila at magagawa naman natin, ay maaari nating gawin.”6
Sa bilin na ito, nanawagan si Ann para sa unang pulong ng Relief Society sa taong iyon at hiniling sa kababaihan na magmungkahi ng mga paraan para makatulong sa pagtatayo ng templo. Sinabi ng ilan na handa silang humingi ng mga donasyon at mangolekta ng lana o mga balahibo ng tupa at iba pang mga materyal para gumawa ng mga bagong damit. Sinabi naman ng iba na handa silang gumawa ng tela, manahi, o ayusin ang mga lumang damit kung kinakailangan. Iminungkahi ng isang babae na bigyan ang matatandang kababaihan ng yarn para gumawa ng mga medyas para sa mga manggagawa sa templo sa taglamig.
Sinabi nina Polly Stringham at Louisa Beaman na gagawa sila ng kasuotan para sa mga manggagawa. Sinabi ni Mary Felshaw na maaari siyang magbigay ng sabon. Iminungkahi ni Philinda Stanley na mag-aambag siya ng flax para sa paggawa ng linen at magbibigay ng isang quart ng gatas araw-araw para sa gawain. Nag-alok naman si Esther Gheen na mag-ambag ng sinulid na sarili niyang gawa.
“Ang mga anghel ay nagagalak sa inyo!” pagpapatotoo ni Sister Chase, pinupuri ang kahandaan ng kababaihan na tumulong sa pagtatayo ng bahay ng Panginoon.
Sa pagtatapos ng miting, hinimok ni Ann ang mga ina na nasa silid na ihanda ang kanilang mga anak na babae sa pagpasok sa templo. Turuan sila nang may pagmamahal, payo niya, at turuan silang kumilos nang mahinahon at may kaangkupan sa loob ng sagradong templo.7
Dalawang daang milya ang layo, ang pagdalaw ng mga Smith sa kapatid ni Emma noong Hunyo 21 ay naudlot nang dumating sina William Clayton at Stephen Markham na may dalang nakababahalang balita. Muling hinihiling ng gobernador ng Missouri na humarap si Joseph sa paglilitis sa Missouri, sa pagkakataong ito ay dahil sa lumang paratang ng pagtataksil, at si Governor Ford ng Illinois ay nagpalabas pa lang ng isa pang warrant para dakpin ang propeta.
“Hindi ako natatakot,” sabi ni Joseph. “Hindi ako masasaktan ng mga taga-Missouri.”8
Makalipas ang ilang araw, dalawang lalaki na nagpapanggap na mga elder na Banal sa mga Huling Araw ang kumatok sa pinto habang kumakain ng hapunan ang pamilya. Sinabi sa kanila ng bayaw ni Emma na si Joseph ay lumabas sa bakuran, malapit sa kamalig.
Pagkaraan ng ilang sandali nakarinig ng ingay sa labas si Emma at ang pamilya. Nagmamadali papunta sa pinto, nakita nila ang mga lalaki na nagtutok ng baril sa dibdib ni Joseph. Hawak ng isang lalaki si Joseph sa kwelyo ng damit nito. “Kung gagalaw ka kahit kaunti,” pagalit na sabi niya, “Babarilin kita!”
“Kung gayon barilin mo na ako!” sabi ni Joseph, na inilalantad ang kanyang dibdib. “Hindi ako takot sa mga baril ninyo.”
Tumakbo si Stephen Markham palabas at sinugod ang mga lalaki. Sa kabiglaanan, itinutok nila ang kanilang mga baril sa kanya pero mabilis na ibinalik ang pagtutok nito kay Joseph, na idinidiin ang dulo nito sa kanyang tadyang. “Diyan ka lang!” sigaw nila kay Stephen.
Nakipagbuno sila kay Joseph papunta sa likod ng kanilang bagon at inilagay siya doon. “Mga Ginoo,” sabi ni Joseph, “gusto ko sanang makakuha ng writ of habeas corpus.” Ang writ o kasulatan ay magpapahintulot sa isang lokal na hukom na magpasiya kung legal ang pagdakip kay Joseph.
“Letse ka!” sabi nila, minsan pang hinampas ng kanilang baril ang kanyang tadyang. “Hindi ka mabibigyan!”
Mabilis na tumakbo si Stephen papunta sa bagon at hinablot ang mga kabayo sa tali sa bibig ng mga ito habang tumakbo si Emma papunta sa bahay at kinuha ang coat at sombrero ni Joseph. Sa sandaling iyon, nakita ni Joseph ang isang tao na dumaraan. “Dinudukot ako ng mga lalaking ito!” sigaw niya. Habang patuloy sa paglakad ang tao, bumaling si Joseph kay Stephen at sinabi sa kanya na humingi ng tulong.
“Takbo na!” sigaw niya.9
Ang mga humuli kay Joseph ay mga pulis na mula sa Illinois at Missouri. Nang hapong iyon, ikinulong nila siya sa isang kalapit na bahay-tuluyan at hindi siya pinayagang makipagkita sa isang abogado. Sa mabilis na pagkilos, inireport kaagad ni Stephen sa mga lokal na awtoridad ang pagmamalupit na ginawa kay Joseph, na di nagtagal ay hiniling na maaresto ang mga opisyal dahil sa pagdukot at pang-aabuso. Pagkatapos ay tumulong si Stephen sa pagkuha ng writ of habeas corpus mula sa isang opisyal ng kalapit na korte. Hinihingi ng writ o kasulatan na dumalo si Joseph sa isang pagdinig na animnapung milya ang layo.
Nang nalaman nilang wala sa bayan ang hukom, si Joseph, ang mga humuli sa kanya, at ang mga humili sa mga humili sa kanya ay naghanap ng ibang korte na lulutas sa kaguluhang ito.10
Sa Nauvoo, nalaman nina Wilson Law at Hyrum ang tungkol sa pagdakip kay Joseph at nagtawag ng mahigit sa isang daang tao para sagipin siya. Nagpadala sila ng ilang kalalakihan sa ilog sakay ng bapor samantalang inutusan ang iba na sumakay sa mga kabayo sa bawat direksyon at hanapin ang propeta.
Nang matanaw ni Joseph ang unang dalawang sasagip sa kanya, napanatag si Joseph. “Hindi ako pupunta sa Missouri sa pagkakataong ito,” sabi niya sa mga humuli sa kanya. “Ito ang mga bata ko.” Hindi nagtagal ang dalawang sumaklolo ay naging dalawampu—at nadagdagan pa. Pinapunta nila ang grupo sa Nauvoo, kung saan naniniwala silang mapagpapasiyahan ng municipal court ang legalidad ng warrant.11
Pagsapit ng tanghali ang propeta ay papasok na sa lunsod, napaliligiran ng ilang pulis at ng kanyang mga tagasagip na sakay ng kabayo. Si Emma, na nakabalik na sa Nauvoo kasama ang mga bata, ay sumabay kay Hyrum para salubungin si Joseph habang tumutugtog ang Nauvoo Brass Band ng mga makabayang awitin at nagpaputok ng mga baril at kanyon ang mga tao bilang pagdiriwang. Di nagtagal ay isang hanay ng mga karwahe ang nakasama nila, hila ng mga kabayo na pinalamutian ng mga bulaklak sa parang.
Ang mga tao ay nakahanay sa magkabilang panig ng kalye para ipagbunyi ang ligtas na pagbalik ng Propeta habang dumaraan sa harapan nila ang prusisyon, na dahan-dahang patungo sa tahanan ni Joseph. Nang dumating ito, niyakap ni Lucy Smith ang kanyang anak, at nagtakbuhan palabas ng bahay ang kanyang mga anak para makita siya.
“Pa,” sabi ng pitong taong gulang na si Frederick, “hindi ka na kukuning muli ng mga taga-Missouri, di ba?”
“Muli akong nakawala sa mga kamay ng mga taga-Missouri, salamat sa Diyos,” sabi ni Joseph, na umakyat sa isang bakod para magsalita sa daan-daang mga Banal na nagtipon sa paligid niya. “Salamat sa inyong lahat sa inyong kabaitan at pagmamahal sa akin,” sigaw niya. “Binabasbasan ko kayong lahat sa pangalan ni Jesucristo.”12
Tulad ng inasahan, idineklara ng korte o hukuman sa Nauvoo na ilegal ang pagdakip kay Joseph. Sa matinding galit, iginiit ng dalawang opisyal na humuli sa kanya na hamunin ng gobernador ang pasiya. Pero tumanggi si Governor Ford na makialam sa desisyon ng korte, na nagpagalit sa mga kritiko ng mga Banal sa buong estado. Nagsimula silang matakot na baka muling matakasan ni Joseph ang pang-uusig.13
Samantala, patuloy na nagtipon ang daan-daang mga Banal sa Nauvoo at sa mga kalapit na stake nito. Sa silangang estado ng Connecticut, isang dalagang nagngangalang Jane Manning ang sumakay sa isang bangka kasama ng kanyang ina, ilang kapatid, at iba pang miyembro ng kanyang branch para simulan ang kanilang paglalakbay papuntang Nauvoo. Pinamunuan sila ni Charles Wandell, isang misyonerong naglingkod bilang pangulo ng kanilang branch.
Hindi tulad ng iba pang mga miyembro ng kanilang branch, na pawang mga puti, si Jane at ang kanyang pamilya ay mga malayang itim na mga Banal. Si Jane ay isinilang at lumaki sa Connecticut at halos buong buhay siyang nagtrabaho para sa isang mayamang mag-asawang puti. Siya ay sumapi sa isang simbahang Kristiyano, pero mabilis siyang nawalan ng gana dito.
Nang malaman niya na may isang Banal sa mga Huling Araw na elder na nangangaral sa lugar, nagpasiya siyang gusto niyang makinig sa kanya. Sinabihan siya ng kanyang pastor na huwag dumalo sa sermon, pero pumunta pa rin si Jane at nakumbinsing natagpuan na niya ang tunay na ebanghelyo. Ang pinakamalaking branch sa lugar ay ilang milya lamang ang layo, at siya ay nabinyagan at nakumpirma ng mga sumunod na Linggo.14
Si Jane ay isang masigasig na bagong miyembro. Tatlong linggo matapos ang kanyang binyag, ang kaloob na mga wika ay napasa kanya habang siya ay nagdarasal. Ngayon, makalipas ang isang taon, siya at ang kanyang pamilya ay magtitipon sa Sion.15
Sa kanal o munting ilog, si Jane at ang kanyang pamilya ay naglakbay nang walang masamang nangyari patawid sa New York. Mula doon ay inasahan nilang maglakbay silang kasama ang kanilang branch papuntang timog hanggang Ohio at papunta sa Illinois, pero hindi pinayagan ng mga opisyal ng kanal na magpatuloy ang mga Manning sa kanilang paglalakbay hangga’t hindi nila nababayaran ang kanilang pamasahe.
Naguluhan si Jane. Akala niya ay hindi kailangang magbayad ang kanyang pamilya hanggang sa makarating sila sa Ohio. Bakit kailangan silang magbayad ngayon? Wala ni isa sa mga puting miyembro ng kanyang branch ang pinagbayad nang maaga ng kanilang pamasahe.
Binilang ng mga Manning ang pera nila, pero wala silang sapat na pambayad para sa paglalakbay. Lumapit sila kay Elder Wandell para humingi ng tulong, pero ayaw niyang tulungan sila.
Habang papalayo ang bangka at nawala na sa paningin, si Jane at ang kanyang pamilya ay halos walang pera at mahigit walong daang milya ang layo sa pagitan nila at ng Nauvoo. Walang ibang gamit kundi ang kanyang mga paa na magdadala sa kanya sa kanluran, nagpasiya si Jane na pamunuan ang maliit na grupo papunta sa Sion.16
Noong umaga ng Hulyo 12, si William Clayton ay nasa opisina ni Joseph nang pumasok ang propeta at si Hyrum. “Kung isusulat mo ang paghahayag,” sabi ni Hyrum kay Joseph, “dadalhin ko ito at babasahin ito kay Emma, at naniniwala akong makukumbinsi ko siya sa katotohanan nito, at pagkatapos ay magkakaroon kayo ng kapayapaan.”
“Hindi mo kilala si Emma gaya ng pagkakakilala ko,” sabi ni Joseph. Sa tagsibol at tag-init na iyon, siya ay nabuklod sa iba pang kababaihan, pati na sa ilan na pinili mismo ni Emma.17 Gayunman ang pagtulong kay Joseph na pumili ng mga asawa ay hindi nagpadali sa pagsunod ni Emma sa alituntunin.
“Napakasimple ng doktrina,” sabi si Hyrum. “Maaari kong makumbinsi ang sinumang makatwirang lalaki o babae tungkol sa katotohanan, kadalisayan, at makalangit na pinagmulan nito.”
“Tingnan natin,” sabi ni Joseph. Hiniling niyang kumuha si William ng papel at magsulat habang binibigkas niya ang mga salita ng Panginoon.18
Karamihan sa mga paghahayag na ito ay alam na ni Joseph. Inilarawan nito ang bago at walang hanggang tipan ng kasal, kaakibat ang kaugnay na mga pagpapala at pangako. Inihayag din nito ang mga tuntuning sumasaklaw sa maramihang pag-aasawa, na nalaman ni Joseph habang isinasalin ang Biblia noong 1831. Ang nalalabing bahagi ng paghahayag ay bagong payo para sa kanya at kay Emma, sinasagot ang kanilang mga tanong at mga hirap na kinakaharap ukol sa maramihang pag-aasawa.
Inihayag ng Panginoon na para magpatuloy ang kasal sa kabilang-buhay, ang lalaki at babae ay kailangang magpakasal sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, maibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ang kanilang mga tipan, at manatiling tapat sa kanilang tipan. Ang mga makasusunod sa mga kundisyong ito ay magmamana ng maluwalhating mga pagpapala ng kadakilaan.19
“Pagkatapos, sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan,” sabi ng Panginoon. “Sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila.”20
Nagpatuloy ang Panginoon sa pagsasalita tungkol sa maramihang pag-aasawa at sa Kanyang tipan na pagkakalooban si Abraham ng hindi mabilang na mga inapo dahil sa kanyang katapatan.21 Mula sa simula, inorden na ng Panginoon ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae para matupad ang Kanyang plano. Gayunman, kung minsan, pinahihintulutan ng Panginoon ang maramihang pag-aasawa bilang paraan upang magkaroon ng mga anak sa matwid na mga pamilya at maisakatuparan ang kanilang kadakilaan.22
Bagama’t ang paghahayag ay para sa mga Banal, natapos ito sa payo para kay Emma tungkol sa maraming asawa ni Joseph. “Tanggapin ng aking katulong na babae, si Emma Smith, ang lahat ng yaong ibinigay sa aking tagapaglingkod na si Joseph,” pag-uutos ng Panginoon. Iniutos Niya kay Emma na patawarin si Joseph, manatiling kasama niya, at tuparin ang kanyang mga tipan, nangangakong pagpapalain at pararamihin siya at bibigyan siya ng dahilan para magalak kung gagawin niya ito. Nagbabala rin Siya kay Emma tungkol sa katakut-takot na kahihinatnan na nangyari sa mga taong sumira sa kanilang mga tipan at sumuway sa batas ng Panginoon.23
Nang matapos idikta ni Joseph ang paghahayag na ito, sampung pahina ang napuno ni William. Inilapag niya ang panulat at binasa kay Joseph ang paghahayag. Sinabi ng propeta na ito ay tama, at dinala ito ni Hyrum kay Emma.24
Nagbalik si Hyrum sa opisina ni Joseph kalaunan nang araw na iyon at sinabi sa kanyang kapatid na sa buong buhay niya ay noon lang siya may nakausap nang gayon katindi. Nang basahin niya kay Emma ang paghahayag, nagalit si Emma at hindi ito tinanggap.
“Sabi ko na sa iyo na hindi mo kilala si Emma gaya ng pagkakakilala ko sa kanya,” ang tahimik na sinabi ni Joseph. Itinupi niya ang paghahayag at inilagay sa kanyang bulsa.25
Kinabukasan, sina Joseph at Emma ay malungkot na nag-usap sa loob ng maraming oras. Bago sumapit ang tanghali, tinawag ni Joseph si William Clayton at pinapasok sa silid para tumulong na mamagitan sa kanila. Sina Joseph at Emma ay tila kapwa nasa isang imposibleng sitwasyon. Kapwa sila nagmamahal at may matinding malasakit sa isa’t isa at gustong igalang ang mga walang hanggang tipan na ginawa nila. Ngunit pinaghihiwalay sila ng pakikibaka nilang sundin ang utos ng Panginoon.26
Si Emma ang tila lalong nag-aalala tungkol sa hinaharap. Paano kung malaman ng mga kaaway ni Joseph ang tungkol sa maramihang pag-aasawa? Muli ba siyang mabibilanggo? Mapapatay ba siya? Siya at ang mga anak niya ay umaasa kay Joseph para sa suporta, pero ang pera ng pamilya ay nakahalo sa pera ng simbahan. Paano silang mabubuhay kung sakaling may mangyari sa kanya?
Umiiyak sina Joseph at Emma habang nag-uusap sila, ngunit sa pagtatapos ng araw nalutas na nila ang kanilang mga problema. Para mabigyan si Emma ng karagdagang pinansyal na seguridad, ipinangalan ni Joseph ang ilang ari-arian sa kanya at sa mga anak nila.27 At pagkatapos ng taglagas na iyon, hindi na siya nag-asawa pa ng iba.28
Sa pagtatapos ng Agosto 1843, lumipat ang mga Smith sa isang dalawang palapag na tahanang malapit sa ilog. Tinawag na Nauvoo Mansion, sapat ang laki ng bagong bahay para tumira doon ang kanilang apat na anak, ang ina ni Joseph na matanda na, at ang mga taong nagtatrabaho para sa kanila at nangangasera sa kanila. Binalak ni Joseph na gamitin ang malaking bahagi ng bahay at gawing parang hotel.29
Pagkaraan ng ilang linggo, nang matapos na ang tag-araw at taglagas na sa Nauvoo, si Jane Manning at ang kanyang pamilya ay dumating sa pintuan nina Joseph at Emma at naghahanap sa propeta at sa isang lugar na matutuluyan. “Tuloy kayo!” sabi ni Emma sa pagod na grupo. Ipinakita ni Joseph sa kanila kung saan sila maaaring matulog nang gabing iyon at nakahanap ng upuan para sa lahat.
“Ikaw ang pinuno ng maliit na grupong ito, ‘di ba?” sabi ni Joseph kay Jane. “Gusto kong ikuwento mo ang inyong karanasan sa inyong paglalakbay.”
Ikinuwento ni Jane kina Joseph at Emma ang kanilang mahabang paglalakbay mula sa New York. “Naglakad kami hanggang sa maluma ang aming mga sapatos at mamaga ang paa namin at masugatan at dumugo,” sabi niya. “Hiniling namin sa Diyos ang Amang Walang Hanggan na pagalingin ang aming mga paa, at nasagot ang mga dasal namin at gumaling ang aming mga paa.”
Natulog sila sa ilalim ng mga bituin o sa mga kamalig na malapit sa daan. Habang nasa daan, nagbanta ang ilang kalalakihan na itatapon sila sa kulungan dahil wala silang “papeles na nagsasaad na malaya sila,” o dokumento na nagpapatunay na sila ay hindi mga takas na alipin.30 Sa isa pang pagkakataon, kinailangan nilang tumawid sa isang malalim na sapa na walang tulay. Tiniis nila ang madidilim na gabi at nagyeyelong mga umaga at tumulong sa iba kapag kaya nila. Hindi kalayuan sa Nauvoo, binasbasan nila ang isang batang maysakit, at gumaling ang bata sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.
“Nagpatuloy kami sa daan,” sabi ni Jane tungkol sa kanilang paglalakbay, “na masaya, umaawit ng mga himno, at nagpapasalamat sa Diyos para sa Kanyang walang hanggang kabutihan at awa sa amin.”
“Pagpalain ka ng Diyos,” sabi ni Joseph. “Kayo ay nasa piling ngayon ng inyong mga kaibigan.”
Ang mga Manning ay nanatili sa bahay ng mga Smith nang isang linggo. Noong panahong iyon, hinahanap ni Jane ang isang trunk [o bagahe] na ipinadala niya sa Nauvoo, pero sa tingin niya ay nawala o ninakaw ito habang nasa daan. Samantala, ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay nakahanap ng mga trabaho at matitirhan at hindi nagtagal ay lumipat na.
Isang umaga, napansin ni Joseph na umiiyak si Jane at tinanong niya ito kung bakit. “Wala na sila at mayroon na silang mga tahanan,” sabi niya, “at ako’y wala.”
“May tahanan ka dito kung gusto mo ito,” pagtiyak sa kanya ni Joseph. Dinala niya si Jane kay Emma at ipinaliwanag ang sitwasyon. “Wala siyang tahanan,” sabi niya. “Wala ka bang tahanan para sa kanya?”
“Mayroon, kung gusto niya,” sabi ni Emma.
Si Jane ay kaagad naging bahagi ng abalang sambahayan, at malugod siyang tinanggap ng iba pang mga miyembro ng pamilya at ng mga nangangasera. Hindi na lumitaw ang kanyang trunk o bagahe, pero kaagad siyang binigyan nina Joseph at Emma ng mga bagong damit mula sa tindahan.31
Noong taglagas na iyon, nang tumira na ang kanyang pamilya sa bagong bahay nila, lalong nabahala si Emma tungkol sa maramihang pag-aasawa.32 Sa paghahayag sa kanya ng Panginoon labintatlong taon na ang nakalipas, nangako ang Panginoon na puputungan siya ng korona ng kabutihan kung tutuparin niya ang kanyang mga tipan at patuloy na susundin ang mga kautusan. “Malibang gawin mo ito,” sabi Niya, “kung nasaan ako ay hindi ka makatutungo.”33
Gusto ni Emma na tuparin ang mga tipang ginawa niya kay Joseph at sa Panginoon. Pero madalas ay parang napakahirap tiisin ng maramihang pag-aasawa. Bagama’t tinanggap niya sa kanyang tahanan ang ilan sa maraming asawa ni Joseph, masama sa loob niya na naroon sila at kung minsan ay ginagawa niyang hindi maganda ang buhay para sa kanila.34
Sa huli, hiniling ni Emma na umalis na ng bahay sina Emily at Eliza Partridge. Katabi si Joseph, tinawag ni Emma ang magkapatid sa kanyang silid at sinabi sa kanila na kailangan nilang wakasan kaagad ang kanilang relasyon kay Joseph.35
Nadaramang hindi na sila kailangan, lumabas si Emily sa silid, na nagagalit kina Emma at Joseph. “Kapag nag-utos ang Panginoon,” sabi niya sa sarili niya, “di dapat ipagwalang-bahala ang Kanyang salita.” Balak niyang gawin ang gusto ni Emma, pero ayaw niyang sirain ang kanyang tipan sa kasal.
Sinundan ni Joseph ang magkapatid sa labas ng silid at nakita niya si Emily sa ibaba ng hagdan. “Anong pakiramdam mo, Emily?” tanong niya.
“Tulad din ng madarama ng kahit sino sa gayong mga kalagayan,” sabi niya, at sumulyap kay Joseph. Parang lulubog sa lupa si Joseph, at nalungkot si Emily para sa kanya. May sasabihin pa sana si Emily, pero lumabas na ng silid si Joseph bago pa siya makapagsalita.36
Makalipas ang mga dekada, nang matanda na si Emily, napag-isip niya ang mapapait na araw na ito. Nang sandaling iyon, mas naunawaan na niya ang kumplikadong damdamin ni Emma noon tungkol sa maramihang pag-aasawa at ang sakit na idinulot nito sa kanya.37
“Alam kong mahirap para kay Emma noon, at sa sinumang babae, na pumasok sa maramihang pag-aasawa noong mga panahong iyon,” pagsulat niya, “at alam kong tulad din ng ginawa ni Emma ang gagawin ng sinuman sa gayong mga kalagayan.”38
“Diyos na ang hahatol,” pagtatapos niya, “hindi ako.”39