Laging Magsikap
Noong 15 anyos ako, madalas kumain ang mga misyonero sa ilang kapitbahay namin. Nakita sila ng ate ko na pabalik-balik araw-araw, at tinanong niya sila kung may ibinebenta sila. Sabi nila wala, at naging daan iyon para maipakilala sila sa aming pamilya. Tinanggap ng aking ama, ina, at mga kapatid ang mga itinuro nila at nabinyagan silang lahat. Pero hindi ako sumapi. Noon ay ibang simbahan ang sinisiyasat ko, at tapat akong nagsasaliksik.
Ang ika-10 ng Mayo sa Mexico ay Mother’s Day. Sa araw na iyon, tinanong ako ng nanay ko kung mahal ko siya. Sabi ko, “Opo, mahal ko kayo.”
Nagpatotoo siya sa akin at nakiusap na magpabinyag ako. Nagpasiya akong magpabinyag sa araw na iyon. Nang sumunod na Linggo, kinumpirma ako at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Sa sandaling iyon ganap na nagbago ang buhay ko. Sinimulan kong basahin ang lahat ng mababasa ko tungkol sa Simbahan, lalo na ang mga turo ni Joseph Smith. Sumampalataya ako, at habang nag-aaral ako, tinanggap ko ang mga turo ng Simbahan. Lumago ang pananampalataya ko habang umuunlad ako sa ebanghelyo.
Pagsusumikap
Bago ko ibahagi sa inyo ang dalawang kuwento sa buhay ko, gusto kong bigyang-diin ang isang bagay na madalas kong sabihin sa aking mga misyonero noong mission president pa ako. Sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, binanggit ito ni Pangulong EzraTaft Benson (1899–1994): “Madalas kong sinasabi na isa sa pinakamalalaking sekreto ng gawaing misyonero ay ang pagtatrabaho! Kung nagtatrabaho ang misyonero, mapapasakanya ang Espiritu; kung mapapasakanya ang Espiritu, magtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu; at kung magtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu, maaantig Niya ang mga puso ng mga tao at magagalak siya. Hindi na siya mangungulila sa tahanan, hindi mag-aalala tungkol sa pamilya, dahil ang lahat ng panahon at talino at interes ay nakasentro sa paglilingkod. Trabaho, trabaho,trabaho—walang ibang kapalit na makasisiya, lalo na sa gawaing misyonero.”1
Sa Spanish version ng Missionary Guide, na ginamit natin bago ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ang pagkasalin sa salitang trabaho ay pagsisikap. Bukod sa pagsusumikap, kailangan ninyong ituon ang inyong buong panahon, talento, at mga interes. Kailangan ang pagtutuong ito para magtagumpay. At kung masayahin ka sa halip na magagalitin o maramdamin, hahantong sa mabubuting bagay ang trabaho mo.
Natutuhan ko ang pormulang ito sa sarili kong buhay. Nagtrabaho ako sa isang malaking kumpanya ng langis matapos akong mabinyagan. Sumapit sa buhay ko ang mga katotohanang ito tungkol sa trabaho at umasenso ako sa kumpanya.
Nagbibigay ng mga Oportunidad ang Pagsasanay
May isang tagapamahala sa kumpanyang iyon na malaki ang impluwensya. Hiniling niyang magpadala ang bawat departamento ng dalawang taong tutulong sa kanya na mag-imbentaryo. At sabi niya ang kailangan lang ay may alam ang mga taong iyon tungkol sa accounting.
Nag-aral ako sa trade school, at may sertipiko ako na nakapag-aral ako ng accounting. Sabi ng department boss ko, “Sabihin mo sa kanya tutulong kang mag-imbentaryo at accountant ka.” Gusto niyang makita ang reaksyon ng taong iyon dahil napakabata ko.
Pagdating ko, tinanong ng manedyer kung ano ang kailangan ko. Ang sagot ko, “Tutulungan ko po kayong mag-imbentaryo.” Sinunod ko ang bilin sa akin ng boss ko at sinabi ko sa kanya na accountant ako. Natawa siya.
Pagkatapos ay sinabi niya, “Kung gayon, Mr. Accountant, maupo ka sa silya ko. Gamitin mo itong adding machine, at sumahin mong lahat ang nasa bawat hanay nang mabilis hangga’t kaya mo.”
Nagsimula ako sa isang daliri, napakabagal. Pinaalis niya ako sa silya at sinabi, “Wala kang alam; parurusahan kita. Uupo ka sa silyang iyan sa harapan ko nang dalawang linggo, habang pinanonood mo kung paano ko ginagawa ito.”
Lumipat ako sa ibang silya. Sabi niya, “Panoorin mo ako.” Nagsuma siya nang napakabilis, at ni hindi nakatingin sa mga kamay niya. Namangha ako. Akala ko nagbibiro siya na panoorin ko siyang magtrabaho nang dalawang linggo, pero hindi pala.
Sa unang araw na iyon anim o pitong oras akong nakaupo roon. Kinagabihan hindi ako umuwi at hinintay kong makalabas ang lahat sa gusali. Pagkatapos ay nagpunta ako sa kanyang opisina at pinalitan ko ang rolyo ng papel sa adding machine at pinraktis kong sumahin ang mga isinuma niya. Ilang oras akong nagtrabaho at pabilis ako nang pabilis. Nang matiyak kong nagagawa ko na ito nang kasimbilis niya o mas mabilis pa, natulog ako nang isa o dalawang oras.
Kinabukasan naghilamos lang ako at lumabas sa pintuan sa harapan nang magbukas sila nang maaga, pagkatapos ay pumasok ako ulit pagkarating ng manedyer. Kumatok ako sa pintuan niya. Sabi niya, “OK, maupo ka riyan at panoorin mo ang ginagawa ko.”
Nang magsuma na siya sa adding machine, tila mabagal siya para sa akin. Nagpraktis ako nang pitong oras na tuluy-tuloy. Marahan ko siyang pinatabi at sinabihang maupo sa silya ko. Nagsimula akong magsuma nang napakabilis. Nagulat siya.
Sabi niya, “Ano’ng ginawa mo?” Pinilit niya akong sagutin siya. Sabi niya, “Mula ngayon, dahil natutuhan mo iyan, magtatrabaho ka sa akin, at ituturo ko sa iyo ang lahat ng alam ko.”
Nalipat ako ng departamento. Makalipas ang ilang taon nagbitiw siya sa trabaho, at ako ang pumalit sa lugar niya dahil sa kanyang rekomendasyon. Nagsikap ako at nagtuon, at masaya ako sa ginagawa ko. Hindi ako nagalit nang parusahan niya ako noong una.
Ang Sekreto ng Tagumpay
Magagawa mo ang anumang mabuting bagay. Kailangan mo lang magsikap, magtuon, at maging masaya.
Nagsara ang kumpanyang pinagtrabahuhan ko. Lumipat ako sa Mexico City, at dahil gusto kong magtrabaho, nag-aplay ako sa pansamantalang trabaho sa isang pang-internasyonal na kumpanyang editoryal. Gusto nilang mag-imbentaryo ako, na isang espesyalidad ko na. Dalawang linggo kong ginawa ang imbentaryo. Inalok nila ako ng permanenteng trabaho at magandang suweldo, at tinanggap ko ito.
Hindi ako marunong mag-Ingles noon. Sinabi ng direktor namin, na taga-Texas na hindi marunong mag-Espanyol, sa boss ko, “Mahusay magtrabaho ang batang ito. Kung marunong siyang mag-Ingles, lalakihan natin ang suweldo niya. Ipadadala natin siya sa New York para maturuan, at maaari pa siyang maging manedyer dito.”
Nang sabihin ito sa akin ng boss ko, itinanong ko, “Kailangan ko lang pong matuto ng Ingles?”
May asawa na ako noon. Marunong mag-Ingles ang asawa ko dahil isinilang siya sa mga teritoryo ng Simbahan sa Mexico. Noong una kong subukang magsalita ng ilang salita sa Ingles, may nagsabi sa akin na huwag ko nang ituloy. Wala akong talento roon.
Ngayon ay naganyak ako ng ideyang umasenso sa katungkulan ko sa trabaho at magkaroon ng mga pagkakataon tulad ng pagpunta sa New York. Pumasok ako sa isang language school at sinabi kong gusto kong matutong mag-Ingles sa lalong madaling panahon.
Itinanong nila, “Gaano na ba ang alam mo?”
Sabi ko, “Wala ni isang salita. Kahit na ‘Good morning.’”
Sabi nila, “May masinsinang kurso kami: dalawang linggo, 16 na oras bawat araw. Walong oras sa mga titser dito at walong oras sa bahay mo gamit ang mga tape. Ang bayad ay $1,000.”
Sabi ko, “Kaya ko iyan. Hihingi ako ng bakasyon, at mag-aaral nang 16 na oras bawat araw sa loob ng dalawang linggo.”
Pinuntahan ko ang boss ko at sinabi ko, “Mag-aaral ako ng Ingles sa loob ng dalawang linggo, at $1,000 lang ang babayaran ninyo.” Tumawa siya at sinabi, “Imposible iyan. Dalawang taon bago ako natuto.”
Sabi ko sa boss ko, “Hilingin ninyo sa direktor na pagbakasyunin ako nang dalawang linggo at bayaran ang kurso. Kung hindi ko siya makausap sa Ingles pagkaraan ng dalawang linggo, ibawas ninyo sa suweldo ko ang bayad.”
Pinayagan niya ako.
Nag-aral ako. Kada 45 minuto sa loob ng walong oras, nagpapalit sila ng mga titser. Paulit-ulit silang nagsanay sa bokabularyo, mga pangungusap, at pag-uusap.
Pagkaraan ng walong oras sa eskuwela, naglibot ako sa lansangan para kumausap ng mga turistang nagsasalita ng Ingles. Pagkatapos ay walong oras pa akong nakinig sa mga tape.
Ang talagang dahilan kaya ako nag-aral ay hindi para matuto ng Ingles. Gusto kong maging manedyer at pumunta sa New York City. Dahil mataas ang inaasam, hindi mahirap para sa akin na matuto ng Ingles. Nagalak ako sa bawat sandali nito.
Pagkatapos ko ng 224 oras na pag-aaral, marunong na akong makipag-usap sa Ingles kahit paano. Alam ko na ang pagsubok ay nasa pakikipag-usap sa direktor ko. Kung hindi ko makaya, kailangan kong bayaran ang $1,000. Kaya may balak ako. Sasabihin ko sa kanya ang lahat ng natutuhan ko. Pagpasok ko sa opisina niya, 20 minuto akong nagsalita nang nagsalita at nang hindi siya makasingit. Sabi niya, “Tama na. Ipadala siya sa New York.” At pumunta ako sa New York!
Isang Karanasan sa Pagkatuto
Masasabi ko sa inyo na kung nais ninyong magtagumpay sa anuman, kailangan ninyong magtuon, magsikap, at maging masaya sa inyong ginagawa. Ang paraang ito ay magkakaloob sa inyo ng lahat. Marami kayong matututuhan at magtatagumpay kayo sa anumang marapat na mithiin. Maging masaya sa inyong ginagawa, kahit mahirap ito. Gawin ito sa misyon o sa anumang aspeto ng buhay ninyo. Tulad ng sabi ni Pangulong Benson, “Trabaho, trabaho, trabaho.”