2009
Napuspos ng Pag-ibig sa Kapwa ang Aming mga Puso
Hulyo 2009


Napuspos ng Pag-big sa Kapwa ang Aming mga Puso

Ang aking mga anak, edad 8 at 10, ay tila lalong nagkakalayo ang damdamin. Bilang kanilang ina, nasasaktan ako na makita silang nag-aaway at madalas ay matalim ang tingin sa isa’t isa.

Sa panahong ito marubdob akong nanalangin sa Panginoon na tulungan ako sa sarili kong mga kahinaan. Ipinagdasal ko na tulungan Niya akong matutuhan ang dapat kong matutuhan tungkol sa pag-ibig sa kapwa, at humantong ako sa ilang magagandang talata sa banal na kasulatan.

Isang gabi umabot na sa sukdulan ang alitan ng mga anak ko. Hindi ako nakapagtimpi at, matapos ko silang sigawan at kagalitan, dali-dali akong lumabas para magpalamig ng ulo at mag-isip. Pagkaraan ng ilang minuto, pinalambot ng Espiritu ang puso ko, na hinihikayat akong pumasok at humingi ng paumanhin sa panganay kong anak, na siya kong binagsakan ng galit.

Pagpasok ko sa kuwarto niya, nakita kong nakaluhod sa tabi ng kanyang kama ang 10-taong-gulang kong anak, at umiiyak. Tumingin siya sa akin na may luha sa mga mata at sinabi, “Hindi ko alam ang gagawin ko.” Sinabi niya na gusto niyang manalangin at basahin ang kanyang mga banal na kasulatan para gumaan ang pakiramdam niya, pero hindi niya magawa dahil masamang-masama ang loob niya.

Nang sabihin niya sa akin kung gaano siya nalungkot sa pakikipagtalo sa akin at sabihing hindi ako ang dapat sisihin, hiyang-hiya ako. Nag-usap kami sandali at saka namin binuklat ang mga banal na kasulatan, kung saan binasa ko sa kanya ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa, ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47), at ibinahagi ko ang ilang natutuhan ko. Sa puntong iyan sumilip sa kuwarto ang nakababata niyang kapatid, at pinasali namin siya. Pagkatapos ay ipinaliwanag ko, sa mga salitang mauunawaan ng isang walong-taong gulang, ang nabasa namin tungkol sa pag-ibig sa kapwa.

Pagkatapos ko, kapwa tumingin sa akin ang dalawang batang ito at nagpahayag ng hangaring mapuspos ng dakilang pag-ibig na ito na binanggit sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay lumuhod kami at, tulad nang payo ni Moroni, mapagkumbabang hiniling sa Ama na puspusin kami ng pag-ibig na ito (tingnan sa Moroni 7:48).

Inantig kami ng Espiritu, kaya hindi namin napigilang umiyak. Tumayo kami mula sa pagkakaluhod, nagyakap, at ipinadama ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Sa sandaling iyon nakita ko ang walang hanggang kapatiran at pagkakaibigang nagsimulang umusbong sa aking mga anak, at napanatag ako.

Patuloy na tumibay ang relasyon nila mula noon. Mas matindi na ang hangarin nilang ayusin ang hindi nila pagkakasundo, magpakita ng higit na pasensya, at magpahiraman ng mga gamit. Nagpapasalamat ako sa kanilang mga matwid na hangarin at pagsisikap.

Lagi kong itatangi ang karanasang iyon, at dalangin ko na marami pang tulad nito ang maganap habang patuloy naming pinatitibay ang bigkis ng pag-ibig at pagmamahalan sa aming tahanan.