2009
Pagiging Disente: Isang Walang Kupas na Tuntunin para sa Lahat
Hulyo 2009


Pagiging Disente: Isang Walang Kupas na Tuntunin para sa Lahat

Ang pananamit natin ay nagpapamalas ng ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Silvia H. Allred

Isa sa mga hamon sa mga miyembro ngayon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagsunod sa mga tuntunin ng pagiging disente sa isang mundong nag-iibayo ang kahalayan. Kahit mahirap, maipapakita natin ang ating pagiging disipulo sa Tagapagligtas na si Jesucristo sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan tungkol sa pagiging disente. Sakop ng pagiging disente ang pananamit, pananalita, isipan, at pagkilos, pero dito’y gusto kong magtuon sa pananamit.

Dati-rati, ang pangunahing layunin ng pananamit ay takpan ang ating katawan at protektahan ito mula sa mga elemento. Patuloy pa rin ang mga layuning iyon, bagaman ngayo’y may mas kumplikado na ring mga layunin ang pananamit. Maraming bagay na ang ipinahihiwatig nito ngayon tulad ng yaman, katayuan sa lipunan, kakanyahan, o pagiging bahagi. Ngunit nababanaag din sa pananamit ang ating mga ugali at pinahahalagahan. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang pananamit natin ay nagpapamalas ng ating pag-unawa at katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa mundong laging nagsisikap pasamain ang pagkakilala natin sa ating sarili at sa maaari nating kahinatnan, higit tayong magtitiwala sa sarili kapag sinunod natin ang tuntunin ng pagiging disente. Sa pamumuhay at pagtuturo ng tuntuning ito, makakatulong tayong ikintal sa susunod na henerasyon ang gayong tiwala.

Ano ang ibig sabihin ng Pagiging Disente?

Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagbibigay ng mahahalagang patnubay sa pagiging disente. Ang buklet na ito ay mahalaga kapwa sa mga kabataan at sa mga nasa hustong gulang: “Kabilang sa malaswang pananamit ang napakaiikling shorts at palda, hapit na damit, blusang litaw ang pusod, at iba pang kasuotang humahakab sa katawan. Dapat magsuot ang mga … babae ng damit na natatakpan ang balikat at umiwas sa mga damit na malalim ang tabas sa gawing leeg o likod o humahakab sa katawan. Dapat ding manamit nang disente ang mga … lalaki. Dapat umiwas ang lahat sa sobrang luho sa pananamit, kaanyuan, at pag-aayos ng buhok. Laging maging maayos at malinis at iwasan ang pagkaburara o di-angkop na pananamit, pag-aayos, at pagkilos. Itanong sa inyong sarili, ‘Magiging komportable ba ako sa kaanyuan ko sa harap ng Panginoon?’”1

Hingin ang patnubay ng Espiritu sa pagpili ninyo ng disenteng kasuotan. Bukod dito, kapag inisip ninyo ang mga tuntuning nauugnay sa pagiging disente, baka makinabang din kayo kung tatanungin ninyo ang inyong sarili ng ganito:

  • Masyado bang lantad ang katawan ko kapag nakaupo ako, nakayukod, nagtaas ng kamay, o umakyat ng hagdan?

  • Nagpapapansin ba ako sa pagsusuot ng damit na hakab o nang-aakit?

  • Kailangan ko bang ayusin, isuksok, o baguhin ang temple garments ko para maisuot ko ang isang damit?

Bakit Tayo Dapat Maging Disente?

Kapag higit nating naunawaan ang doktrina sa likod ng mga tuntunin ng pagiging disente, malalaman natin na pagiging disente ang magandang katangiang gumagabay at pumipigil sa ating pagkilos.

Ang doktrina sa likod ng pagiging disente ay nagsisimula sa ating kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos, na nilikha sa Kanyang larawan (tingnan sa Moises 2:27). Ang ating katawan ay mga sagradong kaloob ng Ama sa Langit at may natatanging mga layuning ipinlano Niya. Bilang pasasalamat, kinikilala natin ang kaloob na ito sa pagtrato sa ating katawan ayon sa utos Niya sa atin (tingnan sa D at T 88:33). Natututo tayong sanayin, kontrolin, at pigilan ang ating katawan at ang pisikal na mga gamit nito para maging katulad ng ating Ama sa Langit.

Sa simula pa lamang, inutusan na ng Panginoon ang Kanyang mga anak na takpan ang kanilang katawan. Matapos kainin nina Adan at Eva ang ipinagbawal na bunga, namulat ang kanilang mga mata at nalaman nilang sila ay hubad. Sinikap takpan nina Adan at Eva ang kanilang sarili sa mga simpleng panapi na yari sa mga dahon ng igos. Ngunit hindi sapat ang mga panapi, kaya iginawa sila ng Panginoon ng mas disenteng kasuotang balat. (Tingnan sa Genesis 3:7, 21.)

Mas mataas ang pamantayan ng Diyos noon, tulad ngayon. Ang Kanyang mga pamantayan ay hindi makamundo. Tulad ng sabi Niya sa Isaias 55:8–9:

“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.”

Isang Walang Kupas na Tuntunin

Dahil ang pagiging disente ay isa sa “mas matataas na lakad” ng Panginoon at hindi lumilipas sa uso, itinuro ito sa pagdaan ng mga panahon. Isipin ang iba pang mga halimbawang ito sa banal na kasulatan tungkol sa pananamit at kung ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pagiging disente.

Ang pagiging disente ay nagpapakita ng kapakumbabaan. Binatikos ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob ang kapalaluan at pagmamahal sa kayamanan. Pinayuhan niya ang kanyang mga tao na pigilin ang palalo nilang puso sa pagwasak sa kanilang kaluluwa. Isa sa mga paraan na naipakita nila ang sobra nilang kapalaluan ay sa kanilang pananamit. Sinabi sa kanila ni Jacob, “Dahil ang ilan sa inyo ay nagtamo nang higit na marami kaysa sa inyong mga kapatid, kayo ay iniangat sa kapalaluan ng inyong mga puso, at nagpapatigas ng inyong mga leeg at nagtataas ng mga ulo dahil sa kamahalan ng inyong pananamit, at hinahamak ang inyong mga kapatid sapagkat inaakala ninyo na kayo ay nakahihigit kaysa sa kanila” (Jacob 2:13).

Ang ideya ng pagpapakumbaba sa ating pananamit ay mababasa pa sa Doktrina at mga Tipan 42:40: “Kayo ay hindi nararapat na maging palalo sa inyong puso; maging payak ang lahat ng inyong kasuotan.” Ibig sabihin ba nito ay hindi tayo makakasunod sa uso? Hindi, dapat tayong manamit nang angkop sa okasyon, ngunit huwag tayong padala sa mga tatak o lagi nang sumunod sa pinakabagong uso. Mas mabuting gamitin ang pera sa mas tumatagal at makabuluhang mga layunin.

Ang pananamit natin sa pagsamba ay nagpapakita ng pagpipitagan natin sa Panginoon. Inutusan ng Panginoon si Moises na maghanda ng sagradong kasuotang karapat-dapat gamitin sa Kanyang banal na bahay (tingnan sa Exodo 28:2). Malinaw sa utos na ito na naniniwala ang Panginoon na hindi angkop sa gayong layunin ang pang-araw-araw na pananamit. Mababanaag kaya sa atin, gaya ni Moises, ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit sa angkop nating pananamit sa pagsamba?

Tulad ng ipinapakita ng mga halimbawang ito, “lagi nang pinapayuhan ng mga propeta ng Diyos ang Kanyang mga anak na manamit nang disente.”2 Sa ating panahon ipinaalala sa atin na “mababanaag sa inyong pananamit ang uri ng inyong pagkatao. Ang pananamit at buong kaanyuan ninyo ay nagpapahiwatig sa iba kung ano kayo at naiimpluwensiyahan nito ang kilos ninyo at ng iba. Kapag disente ang inyong ayos at pananamit, inaanyayahan ninyo ang pakikisama ng Espiritu at nagiging mabuting impluwensiya kayo sa mga nasa paligid ninyo.”3

Mga Pagpapalang Nauugnay sa Pagiging Disente

Isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng pagiging disente ay ibayong tiwala sa sarili. Isang miyembrong babae ang nagkuwento tungkol sa isang kaibigang natuto—at pinagpala—ng tuntunin ng pagiging disente sa pag-aaral ng ebanghelyo:

“Ilang tag-init na ang nakararaan, sumamang magsimba ang isa kong kasamahan. Dumating siya sa bahay ko na nakasuot ng damit na karaniwan sa mainit naming klima: walang manggas. Pinasalamatan ko ang pag-alala niya sa okasyon sa pagsusuot ng damit pangsimba, at humayo na kami. Binati siya ng ibang mga miyembro ng aming kongregasyon, at ilang beses siya bumalik sa sumunod na mga linggo. Nagsimula pa siyang dumalo sa mga home, family, and personal enrichment meeting at nagdala ng ilang anak sa Primary at mga aktibidad ng mga kabataan. Sa mga aktibidad na iyon sa mga karaniwang araw noong tag-init na iyon, kadalasan ay walang manggas na blusa at shorts na hanggang gitna ng hita ang suot niya. Hindi naman mahalay ang suot niya, pero mukhang hindi pa niya nauunawaan ang mga pamantayan ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Pagkaraan ng ilang linggo, tinanong ko siya kung interesado siyang mag-aral pa tungkol sa Simbahan mula sa mga misyonero. Sabi niya nahihiya siya at hindi komportableng makipag-usap sa mga taong hindi niya kilala. Gusto lang niyang patuloy na makibahagi sa pagsamba at mga aktibidad ng ward namin at tiniyak niya sa akin na kung may mga tanong siya, tatanungin niya ako o ang ibang miyembro ng ward na kilala na niya.

“Naaaliw ako sa patuloy niyang pagsisimba at pagdalo sa mga aktibidad ng Simbahan, nagsimula siyang magsuot ng mahabang palda, mahabang shorts, at blusang may manggas. Noong una akala ko may kinalaman iyon sa parating na taglagas, pero di naglaon ay natanto ko na minamasdan lang niya kung paano manamit ang kasama niyang mga Banal sa mga Huling Araw.

“Hindi ko alam na ang pagbabago niya ng pananamit ang tanging dahilan ng paglago ng tiwala niya sa sarili na napansin ko sa kanya, pero palagay ko’y bahagi iyon noon. Habang patuloy siyang natututo ng mga tuntunin ng ebanghelyo, tulad ng kanyang banal na pamana bilang anak ng Diyos, lumaki ang pagpapahalaga niya sa sarili. Lumaki ang tiwala niya sa sarili nang higit niyang maunawaan ang mga dahilan sa likod ng ilang bagay na ginagawa natin. At nang lumaki ang tiwala niya sa sarili, nasabik siyang matuto pa tungkol sa ebanghelyo—kabilang na ang pakikipagtalakayan sa mga misyonero, isang bagay na dati’y nagpakaba sa kanya.

“Ang pananamit niya ay isa lamang aspeto ng pagkaalam at pagkaunawa niya sa mga tuntunin at pamantayan ng ebanghelyo, ngunit nang malaman niyang nakaakma siya sa bagay na iyon sa kanyang buhay, nakita niya na makakagawa rin siya ng mas makabuluhang mga pagbabago. Sa huli, ang mga pagbabagong ito ay humantong sa pagbabalik-loob niya sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagsapi sa Simbahan. Kalaunan, nnatanggap niya ang kanyang endowment sa templo, at hindi na niya kinailangang palitan ang kanyang mga damit dahil sinusunod na niya ang mga tuntunin ng pagiging disente.”4

Kapag pagiging disente ang naging magandang katangiang kumokontrol at pumipigil sa mga kilos natin sa buhay, mag-iibayo rin ang pagpapahalaga natin sa sarili. Alalahanin ang mga pangako sa Doktrina at mga Tipan 121:45–46:

“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan.”

Nawa’y sikapin nating lahat na maging marapat sa mga pagpapalang ito.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (polyeto, 2002), 15–16.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 14.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 14–15.

  4. Personal na pakikipagsulatan.

Huwag Maging Tau-tauhan

Isinusuot ng manikin ang anumang ibinebenta ng mundo. Mas mataas kaysa riyan ang inyong mga pamantayan.

Paurong Ba Ang Inyong mga Pamantayan?

Kung masyadong masikip, masyadong maikli, o masyadong hakab, hindi ito akma sa mga pamantayan ng Simbahan. Huwag ninyong iakma sa mundo ang inyong mga pamantayan. (Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 14–16.)

Huwag Ninyong Dayain ang Inyong Sarili

Ang inyong pananamit ay nagpapamalas ng inyong mga pamantayan. Iparating ang tamang mensahe.(Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 15.)

Mga Pamantayan

Hindi ninyo ito makakalakhan kailanman. (Tingnan sa Juan 14:15.)

Manamit para sa Tagumpay

Manamit nang angkop. Huwag magpatisod sa masamang pasiya. (Tingnan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 14–16.)

Hangarin ang Mas Dakila

Inaanyayahan kayo ng Panginoon na ihanda ang inyong sarili sa pagpasok sa Kanyang bahay. Naroon ang dakilang kapayapaan at kamangha-manghang mga pagpapala. (Tingnan sa D at T 88:119.)

Mula kaliwa: larawang kuha ng Busath Photography; larawang kuha ni John Luke; larawang kuha ni Christina Smith

Kaliwa: larawang kuha ni Craig Dimond; kanan: larawang kuha ni Emily Leishman Beus

Mula kaliwa: mga larawang kuha nina Christina Smith at Craig Dimond