2009
Mga Pamantayan: Isang Sukat na Akma sa Lahat
Hulyo 2009


Mga Pamantayan: Isang Sukat na Akma sa Lahat

Ang mga nasa hustong gulang sa isang stake sa England ay natutuklasan sa kanilang sarili ang mga pagpapalang hatid ng mas matamang pagpansin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Gustung-gustong mamili nina Sarah Edwards, Emily Bowles, at Eleanor McKee, at kapag namimili sila ng damit sa Northampton, England, nagdadala kapwa ng pera at isang buklet ang mga miyembrong dalagang ito. Ang buklet ding iyon ang gumagabay sa kanilang mga magulang sa pagbili ng mga damit o paghanap ng pelikulang panonoorin.

Sa Northampton England Stake, ipinamumuhay ng mga nasa hustong gulang at maging ng mga tinedyer ang Para sa Lakas ng mga Kabataan. Nakatulong ito sa mga magulang na masuri ang mga pelikula at programa sa TV na pinanonod nila at mga aktibidad na sinasalihan nila. Nakatulong ito sa iba na sundin nang mas ganap at masaya ang Sabbath sa kanilang pamilya. Katunayan, ang mga nasa hustong gulang sa stake ay sinimulan itong tawaging “Para sa Lakas Ninyo” dahil para din iyon sa kanila.

Sabi ni President Clive Joliffe, na na-release bilang stake president noong isang taon, “Tinalakay at ipinagdasal namin ang pagtulong sa mga pamilya na umunlad sa ebanghelyo at ihanda ang aming mga anak para sa misyon at kasal sa templo, at nagkainspirasyon kaming gamitin ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Nais naming maunawaan ng buong pamilya ang mga pamantayang maghahatid ng kaligayahan at galak sa lahat ng miyembro ng pamilya.”

Napansin—at pinasalamatan— ng mga kabataan sa stake ang kaibhang nagawa ng pagtutuon na ito sa sarili nilang pamilya. “Talagang mahalagang sundin ang mga pamantayan at bilang mga kabataan tinitingala namin ang mga nasa hustong gulang, kaya ipinaaalala sa kanila ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ang mga pamantayang dapat naming sundin,” sabi ni Eleanor McKee, 19. “Makabubuti sa aming lahat na mapaalalahanan kung ano ang inaasahan sa amin at tiyakin na hindi namin iniaakma sa tao ang aming mga pamantayan.”

Dagdag pa ng labimpitong taong gulang na si Daniel Kitsell ng Huntingdon Ward, “Gusto ko ang Para sa Lakas ng mga Kabataan dahil hindi lamang ito para sa mga kabataan, kundi alam kong naririnig din ito ng mga magulang ko, at nakakatulong ito para masunod nila ang mga pamantayan.”

Ang isang pamilyang nakaranas ng mga epekto ng pagsunod sa payong ito ay ang pamilya ni Bishop Richard Auger ng Banbury Ward; kanyang asawang si Gill; at dalawa nilang anak na sina Hannah at Charlotte, na kapwa ikinasal kamakailan sa London England Temple. Alam na alam ni Bishop Auger, isang inspektor sa Thames Valley Police, ang mababang mga pamantayan ng mundo at mga epekto nito sa mga kabataan at sa kanilang pag-uugali. “Ginamit namin ni Gill ang Para sa Lakas ng mga Kabataan para matuto tungkol sa pagiging magulang nang sa gayo’y makasunod at makaayon kami sa mga banal na kasulatan,” wika niya.

“Sa buong panahon ng pagka-tinedyer ng mga bata, ginamit namin ito bilang handang gabay at sa iba’t ibang paraan. Nang gustong mamili ng sarili nilang damit ang mga bata, nag-alala kami, kaya ipinadala namin sa kanila ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan para masangguni nila ito kapag nagpapasiya.”

Sabi ni Hannah, 21, “Nasa bag namin lagi ang buklet dahil malinaw na nakasaad doon kung ano ang angkop at hindi.” Nalaman ng mga kababaihan na magagawa nilang mas disente ang ilang damit sa kaunting pananahi o pagdaragdag ng mga borloloy. Dagdag pa ni Charlotte, 19, “Hindi namin nadama ni Hannah kailanman na nagdesisyon ang aming mga magulang para sa amin. Alam namin na sinunod ng aming mga magulang ang propeta at ang Tagapagligtas, kaya nga sa pagsunod sa aming mga magulang, lagi rin naming ipamumuhay ang mga turo ng Tagapagligtas.”

May ilang nasa hustong gulang na nagsasabi na bukod pa sa paglalaan ng mga pamantayan ng pagiging disente at matalinong pagpili ng media, nakikinabang sila sa buklet kapag nakinig sila sa payo ng propeta na igalang ang araw ng Sabbath. Nalaman ni Sue Preece, Relief Society president sa Kettering Ward, na ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay isang “kasangkapang magagamit natin para maging perpekto. Hindi tayo humihinto sa pangangailangan sa mga patnubay na iyon kapag 18 anyos na tayo. Inuudyukan ako nitong suriin kung ano na ang nagawa ko, at may ilang pagbabago sa buhay ko na maglalapit lamang sa akin sa aking Ama sa Langit. Halimbawa, naging tunay na kapahingahan ang Sabbath sa akin, sa paggawa lamang ng kaunting pagbabago sa paraan ng paggalang ko sa araw na ito.”

Ikinuwento ni Sister A. J. Hough, na mula rin sa Kettering Ward, kung paano nakatulong sa kanya ang pagtutuon sa Para sa Lakas ng mga Kabataan para maging mas mabuting magulang: “Dahil may mga tinedyer ako, gusto kong matiyak na lubos ko ring ipinamumuhay ang mga pamantayan. Masigasig akong naghanap ng mga paraan na ‘maitaas ang pamantayan’ at maging magandang halimbawa. Nagpasiya ako sa bahaging ‘Paggalang sa Araw ng Sabbath’ at nagplano ng mga bagong mithiin para maging mas maganda akong halimbawa. Sana ay maging mas maganda akong impluwensya sa mga pinakamamahal ko—ang aking pamilya. Ginagamit namin ngayon ang buklet sa family home evening. At malikhain man kami sa mga aktibidad ng aming pamilya o nagpaplano nang maaga para lubos na maigalang ang araw ng Sabbath, gabay sa amin ang mga pamantayang ito.”

Ang gayong uri ng mga halimbawa ay hindi nawawala sa mga kabataan ng stake. Gaya ng maraming kabataang lalaki, mahilig sa football ang 16-na-taong-gulang na priest na si Josh Reynolds mula sa Kettering Ward at naging tagumpay sa una noong bata pa siya. Pero nagsimula ang problema nang gustuhin niyang maglaro sa panig ng ilan sa kanyang mga kaibigan sa lokal na team na ang mga laro ay idinaraos tuwing Linggo. “Ipinaliwanag ng aking ama’t ina kung bakit at paano natin kailangang panatilihing banal ang araw ng Sabbath bilang mga miyembro ng Simbahan. Tinanggap ko ito at pagkaraan ay hindi na ako nayamot. Labis akong nagpapasalamat sa aking mga magulang na naging mabuting halimbawa sa akin at nagturo sa akin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.”

Sabi ng isang ina ng limang anak, si Heather Slattery, ng Kettering Ward, “Kung minsan bilang mga magulang at matatanda iniisip natin na ang mga pamantayang ito ay mga pinahahalagahan ng mga kabataan at nalilimutan natin na natutukso rin tayong tulad ng mga kabataan. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay palagiang paalala na dapat tayong kumapit sa gabay na bakal kasabay ng ating mga kabataan at tulungan, palakasin at suportahan natin ang isa’t isa bilang mga anak ng ating Ama sa Langit.”

Walang duda na nadarama ng mga miyembro ng Northampton stake na mas matatag sila bilang mga tao at pamilya sa pagsunod sa mga patnubay sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ibinuod ni President Joliffe ang kanyang nadarama: “Ang polyetong ito ay binigyang-inspirasyon at sinimplihan upang malinawan ng bawat isa sa atin ang mga inaasahan ng Ama sa Langit mula sa Kanyang mga anak. Sinikap ko nang mamuhay ayon sa mga pamantayan upang mahikayat ang aking mga anak na sundan ang aking halimbawa. Malakas ang aking patotoo na pinagpala tayong makatanggap ng malinaw na payo kung paano tayo dapat mamuhay upang maging karapat-dapat sa lahat ng handang ibigay ng Ama sa atin.”

Nang kinailangang magpasiya ni Josh Reynolds kung sasali sa laro sa araw ng Linggo, nakatulong sa kanya ang mabubuting halimbawa ng kanyang mga magulang para makagawa ng tamang pasiya.

Nalaman nina Sarah Edwards, Eleanor McKee, at Emily Bowles na gabay na madaling dalhin ang Para sa Lakas ng mga Kabataan kapag namimili sila ng damit.

Matagal nang alam ng pamilya Auger—sina Charlotte, Gill, Richard, at Hannah—na mahalagang magkaunawaan ang mga magulang at mga bata pagdating sa mga pamantayan.

Mga larawang kuha ni Simon Jones