Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatanbilang mga Huwaran sa Ating Buhay
Nagkaroon ako ng huwaran sa makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makakatulong sa atin na higit na maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Habang binabasa naming mga bata pang magulang ang mga banal na kasulatan sa aming mga anak, nahirapan kaming mag-asawa na gawing makatotohanan at makahulugan sa kanila ang mga banal na salitang ito. Kung minsa’y may tagumpay kaming mga karanasan, at kung minsan nama’y wala. Isang umaga sinabi ng isang anak namin, “Itay, nakakabagot! Hindi ko maintindihan ang binabasa natin.” Siguro naranasan na ninyo ang mga ito. Mabuti na lang, mula noo’y nagkaroon na ako ng huwaran sa makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nakatulong sa bawat isa sa amin at bilang pamilya na higit na maunawaan ang mga banal na kasulatan.
Pag-uugnay
Natutuhan ko ang huwarang ito noong ikalawang taon ko ng pagtuturo sa seminary program ng Simbahan. Ipinaalam sa amin na bibisitahin kami ni Leland Andersen, isang master teacher at professional in-service trainer sa seminary at institute program, sa mga klase namin sa araw na iyon. Alam namin na iimbitahan lang namin siyang magsalita ng ilang bagay sa mga estudyante at ilang minuto rin ang makukuha niya sa oras ng klase. Gayon ang nangyari pagdating niya sa klase ko sa Lumang Tipan nang umagang iyon. Hinawakan niya ang isang tsok at nagsimulang magkuwento tungkol kina David at Goliath. Sa loob ng ilang sandali nakuha niya ang buong pansin ng klase, pero ang mas mahalaga, alam kong pinanonood ko ang trabaho ng isang master teacher habang itinuturo niya sa klase at sa akin ang isang huwaran para maging makabuluhan ang mga banal na kasulatan gamit ang isang konseptong tinatawag kong “pag-uugnay.”
Wariin ninyo ang isang tulay. Ang isang panig ng tulay ay nakaangkla sa nakaraan at may tatlong bahagi: (1) sila—ang mga propeta at tao noon, (2) doon—ang lugar na tinirhan ng mga taong ito, at (3) noon—ang panahon ng buhay nila.
Ang kabilang panig ng tulay ay nakaangkla sa kasalukuyan at may tatlong bahaging katulad nito: (1) Ako—na nabubuhay sa kasalukuyan, (2) dito—ang lugar na tinitirhan ko, at (3) ngayon—ang panahon ng buhay ko.
Ang mithiin ay magtayo ng isang tulay mula sila-doon-noon papuntang Ako-dito-ngayon, na tinutukoy ang mga pagkakatulad ng kanilang panahon sa ating panahon.
Ganito ang ginawa ni Brother Andersen nang magkuwento siya tungkol kina David at Goliath. Una, ibinaling niya kami sa I Samuel 17 at itinuro ang tagpo ng labanan ng mga Israelita at mga Filisteo. Ipinaalala niya sa amin ang hamon na humanap ng isang tao sa Israel na lalaban kay Goliath. Lubos ang pananampalataya, nagboluntaryo ang batang si David. Sa salaysay na iyon, tinukoy ni Brother Andersen ang isang huwarang binubuo ng apat na parirala mula sa kabanatang iyon na katulad sa ating panahon. Lumikha sila ng isang tulay mula nakaraan papunta sa kasalukuyan (tingnan sa table 1).
Table 1. Pagpapatunay ng Sandata ng Diyos sa Kanyang Dahilan (tingnan sa I Samuel 17) | ||
---|---|---|
Mga Talata |
Mga Parirala mula sa mga Banal na Kasulatan |
Mga Pagkakatulad sa Ating Panahon |
37 |
“Ililigtas Niya ako” |
Ililigtas tayo ng Panginoon ngayon sa ating panahon. |
39 |
“Hindi ko pa [nasusubukan ang sandata].” |
Anong sandata na ba ang napatunayan ko, o nasubukan? |
45 |
“Ako’y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon.” |
Bilang pinagtipanang mga tao, tayo’y dumarating at humahayo sa pangalan ng Panginoon. |
46 |
“Maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel.” |
Ang ating layunin ay ipaalam sa iba na may Diyos sa Israel. |
Pagtukoy sa mga Pagkakatulad sa mga Kuwento
Masusunod natin ang gayong huwaran sa ating pagtuturo. Ang pagtukoy sa mga pagkakatulad sa mga kuwento ay isang espirituwal na bagay. Habang nagbabasa at nag-aaral kayo ng mga banal na kasulatan, manalangin nang madalas. Manalangin bago kayo magsimulang mag-aral at, mangyari pa, pagkatapos mag-aral. Tumigil-tigil habang nag-aaral, at magpasalamat sa natutuhan ninyo. Humiling ng karagdagang liwanag at katotohanan. Kapag nagbabasa kayo ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan, ipagdasal na makakita ng mga pagkakatulad na mag-uugnay ng nakaraan sa kasalukuyan. Karamihan sa mga nakita ko ay gawa ng pagdarasal, pag-aaral, pagsasaliksik, pagbubulay, at pakikinig sa Espiritu.
Lumikha ng apat na pagkakatulad si Brother Andersen mula sa salaysay tungkol kina David at Goliath sa pagbibigay-diin sa mahahalagang parirala, at saka niya inilarawan ang mga ito sa mga halimbawa ngayon. Ang panonood sa paglikha ng isang master teacher sa apat na puntong ito ay nagbukas ng pintuan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para sa akin—ang pagsasaliksik sa isang huwaran ng mga pagkakatulad sa mga kuwento.
Ang sumusunod na mga elemento ay karaniwang naglalahad ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan at madaling iugnay sa ating panahon:
-
May sinusundang kuwento.
-
May simula at wakas ang kuwento.
-
Ang mga parirala o pangungusap sa kuwento ay mga alituntuning naglalarawan ng mga walang hanggang katotohanan.
-
Ang mga parirala o pangungusap ay nagpapakita ng mga katotohanang angkop kapwa sa nakaraan at sa ating panahon.
Isang Kuwento ng Pagtutulad mula sa Bagong Tipan
Naisip ko ang isang napakalaking tulong sa paglalarawan ng kuwento nang tumulong akong sumulat ng isang aralin sa Bagong Tipan para sa mga guro sa seminary. Nang simulan ng Tagapagligtas ang Kanyang ministeryo, nag-ayuno Siya nang 40 araw at 40 gabi at nagtungo sa ilang para manalangin sa Diyos (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1–11). Ang dinanas Niya ay naging tunay kong huwaran sa espirituwal na pag-unlad:
-
Naunawaan Niya ang Kanyang sagradong responsibilidad at nanalangin sa Diyos.
-
Dumating sa Kanya ang paghahayag at kaliwanagan.
-
Lubha Siyang sinubukan.
-
Nang makapasa sa pagsubok, nagpatuloy Siya nang may higit na kaliwanagan at katotohanan.1
Ang huwarang ito ay matatagpuan sa marami pang ibang kuwento sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, humingi ng tulong si Lehi (tingnan sa 1 Nephi 1:5); dumating ang tulong (tingnan sa 1 Nephi 1:6); lubha siyang sinubukan (tingnan sa 1 Nephi 1:19–20); at nagpatuloy siya nang may higit na kaliwanagan at katotohanan (tingnan sa 1 Nephi 2:1).
Naranasan din ito ni Propetang Joseph Smith:
-
Nanalangin siya (Aling simbahan ang totoo?).
-
Dumating ang sagot matapos niyang basahin ang Santiago 1:5 at manalangin.
-
Lubha siyang sinubukan.
-
Nakapasa Siya sa pagsubok at nagpatuloy nang may higit na kaliwanagan at katotohanan.
Kahit marami akong karanasan sa buhay na katulad nito, maipapaliwanag ito ng tungkulin ko bilang miyembro ng Pitumpu. Dumating ang tawag noong unang linggo ng Hunyo 1992, at ang unang tungkulin ko ay maglingkod bilang miyembro ng Central America Area Presidency mula Agosto 1. Nang magbakasyon ako noong Hulyo, isinubsob ko ang aking sarili sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, lalo na ng Aklat ni Mormon, at maraming oras akong nag-aral, nanalangin, at nagbulay na tulungan akong maghanda at madaig ang aking damdamin ng kakulangan.
Batay sa Mateo 4:1–11 at sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4:1–11, naisip ko ang mga pagkakatulad na makikita sa table 2.
Table 2. Isang Huwaran sa Espirituwal na Pag-unlad (tingnan sa Mateo 4) | ||
---|---|---|
Mga Talata |
Mga Parirala mula sa mga Banal na Kasulatan |
Mga Pagkakatulad sa Ating Panahon |
1 |
Naunawaan ng Tagapagligtas ang Kanyang sagradong responsibilidad at nanalangin sa Diyos. |
Naunawaan ko ang aking sagradong responsibilidad at nanalangin ako sa Diyos. |
1 |
Nanalangin Siya sa Diyos. |
Dumating ang kaliwanagan nang ako ay mag-aral, mag-ayuno, magbulay, at manalangin. |
3–10 |
Siya ay tinukso at hinamon. |
Ako ay hinamon ng damdamin ng kakulangan at di-pagkamarapat. |
11 |
Naglingkod sa Kanya ang mga anghel. |
Ako ay inalo, tinuruan, naliwanagan at pinalakas ng Espiritu Santo na sumulong sa tulong ng langit. |
Malaki ang pagkakaiba ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4:11 sa Mateo 4:11; gayunman, ang katotohanang itinuro sa huli—“nagsidating ang mga anghel at siya’y pinaglingkuran”—ay isang tunay na alituntunin.
Masusuri din ninyo ang inyong sariling buhay at mapagbubulay ang mga panahon na naranasan ninyo ang huwarang ito sa espirituwal na pag-unlad.
Isang Kuwento ng Pagtutulad mula sa Aklat ni Mormon
Noong bishop ako, isang miyembro ng ward na nakagawa ng mabigat na kasalanan ang nanghingi sa akin ng payo at gabay. Nanganganib ang katayuan niya sa Simbahan, at ang pagtatapat sa akin, na isang hukom sa Israel, ay makakatulong sa kanya sa pagsisisi. Isang kuwento ng pagtutulad mula sa Alma 36 ang nakatulong sa miyembrong ito ng ward na magsimulang magsisi (tingnan sa table 3).
Table 3. Pagsisisi at Kapatawaran (tingnan sa Alma 36) | ||
---|---|---|
Mga Talata |
Mga Parirala mula sa mga Banal na Kasulatan |
Mga Pagkakatulad sa Ating Panahon |
6 |
Si Alma ay humayo sa kanyang hangaring wasakin ang Simbahan. |
Ang miyembrong ito ay patuloy na nagkasala. |
6–11 |
Isinugo ng Diyos ang Kanyang anghel para pigilin si Alma. |
Siya ay nahuling nagkakasala. |
11–16 |
Si Alma ay natakot; nagiyagis siya ng pagdurusa. |
Siya ay nagdusa, natakot, nagiyagis, at nagsisi. |
17 |
Naalala ni Alma na narinig niyang nagpropesiya ang kanyang ama tungkol sa Pagbabayad-sala. |
Naalala niya na tinuruan siya ng kanyang ama’t ina sa family home evening tungkol sa Pagbabayad-sala. |
18 |
Si Alma ay humiling ng awa sa panalangin. |
Siya ay humingi ng patawad. |
19 |
Hindi na naalala pa ni Alma ang kanyang mga pasakit. |
Siya ay hindi na sinaktan ng alaala ng kanyang mga kasalanan. |
21–23 |
Si Alma ay nakadama ng galak, liwanag, at lakas. |
Siya ay nakadama ng galak, liwanag, at lakas. |
24 |
Si Alma ay walang-humpay na nagsikap na magligtas ng mga kaluluwa. |
Siya ay nagsikap na magligtas ng mga kaluluwa. |
27 |
Si Alma ay sinuportahan sa kanyang mga pagsubok. |
Siya ay sinuportahan sa kanyang mga pagsubok. |
Pansinin na matapos mapatawad si Alma, hindi na niya naalala ang kanyang mga pasakit, ni hindi na siya sinaktan ng alaala ng kanyang mga kasalanan. Gayunman, naalala pa niya ang kanyang mga kasalanan (tingnan sa t. 16). Ngunit nang maalala niya ang mga ito, hindi na siya binagabag nito. Ipinapaalala sa atin ng Panginoon ang ating mga kasalanan para hindi na ito muling mangyari, ngunit pinapawi Niya talaga ang sakit at pait.
Para sa Ating Kapakinabangan at Kaalaman
Ang mga kuwento ng pagtutulad ay nagsisimula sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan o mula sa mga kaganapang nakapaligid dito. Sa pagbabasa at pag-aaral ninyo ng mga kuwentong ito, makikita ninyo ang isang salita, isang parirala, o isang alituntuning tila angkop ngayon tulad noon. Kapag patuloy kayong nag-aral nang may panalangin, lilitaw ang iba pang mga alituntunin. Kapag pinagsama-sama ninyo ang alituntunin, makikita ninyo ang kaugnayan ng mga propeta at ng mga taong nabuhay noong araw—sila-doon-noon—at sa ating panahon—ako-dito-ngayon. Ito marahil ang ibig sabihin ni Nephi nang sabihin niyang “inihahalintulad [niya] sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Bukod pa rito, sa paggawa nito ay pinahahalagahan natin ang mga salita ng Panginoon (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37).