Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay magagamit sa loob ng klase gayundin sa tahanan. Maaari ninyong iakma ang mga ideyang ito sa inyong pamilya o sa klase.
“Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan bilang mga Huwaran sa Ating Buhay,” p. 16: Magsimula sa pagbasa ng kuwento tungkol kina David at Goliath, gamit ang halimbawa mula sa artikulo. Sa paglalahad ninyo ng isa pang kuwento sa banal na kasulatan, hanapin ang “sila-doon-noon.” Ilista sa papel ang mga ito. Itanong kung paano natulad sa ating panahon ang kuwento, na inililista ang “ako-dito-ngayon.” Talakayin kung paano makatutulong ang pamamaraang ito sa pag-aaral ninyo at ng pamilya ninyo ng mga banal na kasulatan.
“Pagiging Disente: Isang Walang Kupas na Tuntunin para sa Lahat,” p. 28: Mapanalanging ihanda ang araling ito, dahil maaaring maselan ang paksang ito. Ipaliwanag kung ano ang pagiging disente at kung bakit ito mahalaga, gamit ang mga bahaging “Ano ang Pagiging Disente?” “Bakit Tayo Dapat Maging Disente?” at “Isang Walang Kupas na Tuntunin.” Bigyang-diin ang ideya na ang pagiging disente ay nag-aanyaya ng presensya ng Espiritu Santo. Isalaysay ang kuwento mula sa bahaging “Mga Pagpapalang Nauugnay sa Pagiging Disente,” at magpabahagi sa mga kapamilya ng mga pagpapalang natanggap o naobserbahan nila mula sa pananamit nang disente.
“Magagandang Bagay na Mangyayari,” p. 36: Basahin ang kuwento, at magpalista sa mga kapamilya ng mga sitwasyong nangangailangan ng lakas ng loob. (Maaaring kailanganin ninyong ipaliwanag ang konsepto ng lakas ng loob sa mga nakababata. Ang mga kuwento sa mga pahina K6–K7 ay magagandang halimbawa.) Talakayin kung paano nagkaroon ng lakas ng loob ang misyonero at paano maiaangkop ng mga kapamilya ang gayunding tuntunin sa mga bagay na nasa kanilang listahan.
“Laging Magsikap,” p. 38: Bigyan ng tuwalya ang bawat kapamilya. Ipatupi sa bawat isa ang tuwalya habang nakalagay ang isa niyang kamay sa likod, at tingnan kung sino ang pinakamabilis magtupi. Ibahagi ang mga kuwento mula sa buhay ni Elder Octaviano Tenorio. Talakayin ang mga katangian niya na nakatulong para makamit niya ang kanyang mga mithiin. Ipatupi sa mga kapamilya ang mga tuwalya na nasa harapan ang dalawang kamay nila. Talakayin kung bakit mas maganda ang ibubunga ng buong pagsisikap.