Mula sa Ilalim Hanggang sa Tugatog ng Tagumpay
Alam ng dalagang ito mula sa Uruguay kung paano makarating sa nais niyang puntahan.
Kapag may talento kayo, kung minsan ay sinasabi sa inyo ng mga tao na ihahatid kayo niyan sa tugatog ng tagumpay. Ngunit sa kaso ni Joselén Cabrera, inihatid siya ng kanyang talento sa ilalim ng mundo—sa Antarctica. At habang daan natutuhan niya na ang karapat-dapat na mga pangarap ay nararapat ituloy, at sa mga pangarap na iyon may mga taong tutulong kapag kailangan sila.
Noong 14 anyos siya, nanalo si Joselén sa drawing contest na itinaguyod ng Asociación Civil Antarkos sa kanyang bayang sinilangan, Uruguay. Ang premyo: isang paglalakbay sa Antarctica para sa kanya at sa kanyang guro, kasama ang isang grupo ng iba pang mga estudyante at guro. Ang kanyang ama at ang babaeng nagturo sa kanya ng sining ang nagpakita kay Joselén kung paano tapusin ang drowing na napangarap niya.
Ang biyahe niya ay isang nakatutuwang tatlong-bahaging paglalakbay: una, isang military transport flight mula Montevideo, Uruguay, papuntang Punta Arenas, Chile, pagkatapos ay isang overwater flight papuntang Chilean base sa Antarctica, na sinundan ng overland trip papuntang Uruguayan outpost, Artigas Antarctica Scientific Base, mga 3,000 kilometro mula Montevideo. Ang ilang bansang may scientific base ay nagkumpulan sa King George Island sa may baybayin ng Antarctica.
Ang drowing ni Joselén at ang salaysay niya tungkol sa kanyang biyahe ay itinampok sa isang magasing pang-internasyonal, ang Uruguay Natural.
Ang Antarctica ay hindi tulad ng nasa isip niya, sabi ni Joselén na nakangiti. Makikita sa kanyang drowing ang mga penguin at yelo. Tag-init nang bumisita siya—paunti-unting snow sa tigang na lupa at ilang penguin. Ngunit binigyan siya nito ng oportunidad na makita ang ilan pang tanawin dito. Nagustuhan niya ang hiking sa baybayin, kung saan niya nakita ang Collins Glacier, Drake Passage, at Lake Uruguay, na pinagkukunan ng malinis na tubig ng kanyang bansa. Nabisita rin niya ang iba pang mga base.
Ang biyahe ay katuparan ng isang pangarap para kay Joselén, na ngayo’y 19 anyos at miyembro ng Colonia Suiza Branch, Colonia Uruguay District. Mula nang magbiyahe, natupad din niya ang iba pa niyang mga pangarap. Ang isa sa mga iyon ay kumpletuhin ang kanyang mga karanasan sa Pansariling Pag-unlad at tanggapin ang kanyang Pagkilala sa Pagdadalaga. Suot ni Joselén ang kanyang medalyon, sabi niya, para maalala niya kung ano ang natanggap niya at maaaring kahinatnan bilang anak ng Diyos. Ngayong tapos na ng hayskul si Joselén, plano niyang mag-aral ng architecture sa kolehiyo.
Sa ngayon, walang gaanong oportunidad para magbahagi ng kanyang patotoo sa paaralan. Kahit iginagalang ng kanyang mga kaibigan ang kanyang mga paniniwala, hindi nila gaanong pinag-uusapan ang relihiyon. Tahimik si Joselén pero hindi siya takot na panindigan ang tama kailanman. Nangyari iyan minsan nang sabihin ng isang estudyante sa iba nilang kaklase na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinipilit magbayad ng ikapu. Hindi, hindi ganoon, pagtatama niya. “Kusa kaming nagbibigay,” wika niya, na nagpapaliwanag na ang ikapu ay boluntaryong alay sa Diyos.
Si Joselén ay lumaki sa Simbahan, ngunit nagkaroon ng sariling patotoo noong mga 12 anyos siya at naunawaan na hindi siya laging makasasandig sa kaalaman ng kanyang mga magulang. Sabi niya ang pagtatamo ng patotoo “ay hindi isang ‘Wow!’ na sandali. Pero alam kong nagalak ako sa ebanghelyo.”
Madalas siyang sumama sa mga sister missionary kapag nakabakasyon siya. Paminsan-minsan, may mga oportunidad na magpatotoo sa mga taong kilala niya. Isang araw naturuan niya ng ebanghelyo ang pinakamatalik niyang kaibigan sa paaralan. “Sinabi ko sa kanya ang tunay kong nadarama,” sabi ni Joselén. Natutuwang makapagbahagi ng patotoo si Joselén sa kanyang kaibigan.
“Gusto ko ang kuwento tungkol kay Joseph Smith, nang mahirapan siya sa Sagradong Kakahuyan at magpatuloy pa rin sa pagdarasal,” sabi niya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17). “Mangha ako sa kanyang katapangan.” Hanga siya sa pananatiling tapat ng batang propeta sa nalaman nito, kahit pinagtawanan pa ito ng iba.
Isa pa si Nephi sa kanyang mga bayani. “Hanga ako sa kagitingan ni Nephi nang hindi siya nagpapigil sa kanyang mga kapatid,” wika niya (tingnan sa 1 Nephi 3:14–21; 4:1–4).
May isa pa siyang pangarap na sinisikap niyang tuparin ngayon, at isa ito sa kanyang mga paboritong libangan: musika. Nakuha ni Joselén at ng kapatid niyang si Ileana ang kanilang sertipiko bilang mga guro sa pagtugtog ng organo. Gustung-gustong tumugtog ni Joselén—mula sa mga awitin sa Primary hanggang sa tugtuging pampelikula—at mahilig siyang makinig sa musika, lalo na sa Mormon Tabernacle Choir.
“Kapag may problema ako, may naiisip akong himno,” wika niya. “Tinutulungan ako ng mga himno na makahanap ng mga sagot.” Dumadalo siya sa seminary sa branch meetinghouse na di kalayuan sa bahay nila tuwing may pasok sa paaralan. “Kung minsan maaga akong dumarating at tumutugtog ng mga himno sa piyano,” wika niya.
Kapag may brodkast ng pangkalahatang kumperensya, maaga siyang dumarating para maupo at makinig sa prelude music ng Tabernacle Choir.
Ngayong nakarating na si Joselén sa Antarctica—isang lugar na iilang tao lang sa daigdig ang makakakita nang personal—may ibang espesyal na lugar pa ba siyang gustong bisitahin?
“Gusto kong dumalo sa pangkalahatang kumperensya at makinig sa pagkanta ng koro,” wika niya.
Malay mo? Kung nakarating si Joselén sa ilalim ng mundo, walang makahahadlang sa kanya na makarating sa tugatog ng tagumpay anuman ang naisin niyang gawin.