2009
Ang Aming Maliit na Piraso ng Langit
Hulyo 2009


Ang Aming Maliit na Piraso ng Langit

Matapos kaming mabinyagan noong 1992, ginawa ng aking pamilya ang lahat nang sama-sama, pati na ang pagdalo sa mga miting tuwing Linggo, pagdalo sa mga kumperensya ng Simbahan, at iba pang mga aktibidad. Pero sa paglipas ng panahon, nagbago ang mga bagay-bagay, at nalaman kong ako na lang ang nagsisimba—hindi na nagsisimba ang ibang mga kapamilya ko. Mula noon, tuwing may maririnig akong nagtuturo sa simbahan tungkol sa mga walang hanggang pamilya, nasasaktan ako at lubhang nalulungkot.

Noong 1995 ipinasiya kong humingi ng patriarchal blessing para malaman ko ang inaasahan sa akin ng Panginoon at makatanggap ng lakas. Nakapaloob sa blessing ko ang sumusunod na pangako: sa pag-aayuno, pagdarasal, at family home evening, madadala ko ang aking pamilya “sa ebanghelyo.” Patuloy kong ipinagdasal at ipinag-ayuno ang pamilya ko, pero hindi ko sinunod ang payo na magdaos ng family home evening.

Kalaunan umalis ako sa bahay ko sa São Paulo, Brazil, para magmisyon. Habang naglilingkod, marami akong nakitang pamilyang watak-watak, pero nang pag-aralan ko ang patriarchal blessing ko, nakahanap ako ng lunas para sa mga tahanang iyon: family home evening. Sa pamamagitan ng pagtuturo ng family home evening sa mga tao, nakita kong tumatag ang mga pamilya, nagkabati ang mga mag-asawa, at nagkaisa ang magkakapatid. Sa madaling salita, nakita kong naging maliliit na piraso ng langit ang mga tahanan.

“Kung puwedeng mangyari ito sa mga pamilya sa misyon ko,” naisip ko, “bakit hindi sa sarili kong pamilya?”

Pagkatapos ng misyon ko nagpasiya akong magdaos ng family home evening sa pamilya ko. Noong una, masama ang loob na nakibahagi ang lahat, at nahirapan akong tapusin ang mga lesson ayon sa plano ko. Pero alam kong hindi ako papayuhan ng Panginoon na gawin ang isang bagay kung hindi ito magpapala, kaya hindi ako sumuko. Sa huli, natupad ang pangako sa patriarchal blessing ko.

Kapag hindi ako nagdaraos ng family home evening, nagrereklamo sila. Lahat ng kapamilya ko ay nagbigay ng mga opinyon, ideya, at payo, at nakinig silang mabuti sa mensahe. Kahit hindi na kami bata, kapag oras na ng laro, ang saya-saya namin!

Dahil dito, muling sinunod ng mga kapamilya ko ang mga kautusang binalewala nila noon, at higit silang naging aktibo sa Simbahan.

Talagang masasabi ko na naging isang piraso ng langit ang aking tahanan, salamat sa inspiradong programang dapat makaugalian sa bawat tahanan: family home evening.