Mensahe sa Visiting Teaching
Maging Marapat at Makibahagi sa Pagsamba sa Templo
Ituro ang mga banal na kasulatan at siping ito o, kung kailangan, isa pang alituntuning magpapala sa mga kababaihang inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.
Paano Ako Maghahanda sa Pagsamba sa Templo?
Silvia H. Allred, unang tagapayo sa Relief Society general presidency: “Ang templo ay bahay ng Panginoon. Siya ang nagsasabi ng mga kundisyong gagamitan nito, mga ordenansang dapat ibigay, at mga pamantayang nagbibigay sa atin ng pagkakataong makapasok. … Mahalagang maging karapat-dapat upang matamasa ang mga pagpapala ng templo. Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos at pagnanais na sundin ang kalooban ng Diyos” (“Mga Banal na Templo, mga Sagradong Tipan,” Liahona, Nob. 2008, 113).
Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayong mga dadalo sa templo ay nararapat mamuhay sa paraang makakatulong sa atin na maging karapat-dapat na makapasok at lubos na makibahagi. … Sinusuri natin ang ating pagkamarapat na makapasok sa templo sa … mga interbyu ng mga lider ng priesthood. Ang ating lagda, at ang kanila, sa ating temple recommend ay nagpapatunay ng ating pagkamarapat na makapasok sa templo” (“Come to the House of the Lord,” Ensign, Mayo 1992, 15).
Ano ang mga Pagpapala ng Pagiging Karapat-dapat at Pakikibahagi sa Pagsamba sa Templo?
D at T 110:7: “Ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito.”
Pangulong Howard W. Hunter (1907–95): “Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at paraan at sitwasyon. Pumunta tayo hindi lamang para sa ating mga kamag-anak na namatay, kundi para din sa personal na pagpapala ng pagsamba sa templo, para sa kabanalan at kaligtasang laan ng mga pinabanal at sagradong mga dingding niyon. Ang templo ay isang lugar na maganda, isang lugar ng paghahayag, isang lugar ng kapayapaan” (“The Great Symbol of Our Membership,” Tambuli, Nob. 1994, 6).
D at T 38:32: “Bibigyan kita ng aking batas; at doon ikaw ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (tingnan din sa D at T 95:8).
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga pagpapala ng endowment sa templo ay mahalaga sa bawat isa sa atin na tulad ng ating binyag. Dahil dito dapat nating ihanda ang ating sarili na maging malinis para makapasok sa templo ng Diyos. Ang gawain sa templo ay oportunidad na maisagawa ang mga personal nating endowment at tipan para sa mga buhay at maisagawa rin ang gayong mga ordenansa para matubos ang mga patay. Ito ang dahilan kaya tayo pinagbilinan sa mga banal na kasulatan na magtayo ng mga templo at ihanda ang ating buhay na maging karapat-dapat na makibahagi sa mga sagradong ordenansa at tipan sa templo. …
“Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga kailangang ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay ginagabayan tayo patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (“Temple Blessings,” sa Brigham Young University 2005–2006 Speeches [2006], 1, 4).
Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Bawat lalaki o babaeng nagpupunta sa templo sa diwa ng katapatan at pananampalataya ay nililisan ang bahay ng Panginoon na mas mabuting lalaki o babae. Kailangan nating palagiang mapabuti ang buhay nating lahat. Kailangan nating lisanin paminsan-minsan ang ingay at gulo ng mundo at pumasok sa loob ng mga dingding ng sagradong bahay ng Diyos, doo’y madama ang Kanyang espiritu sa isang kapaligiran ng kabanalan at kapayapaan” (“Of Missions, Temples, and Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 53).