2009
Isang Pagsubok sa Katapatan
Hulyo 2009


Isang Pagsubok sa Katapatan

Hindi iyon pagsubok sa galing namin sa matematika o sa aming pagkakaibigan; iyo’y pagsubok sa aming katapatan.

Patricia: Kami ng pinakamatalik kong kaibigang si Francini ay ilan sa mga tanging miyembro ng Simbahan sa paaralan namin sa Brazil, at madalas naming makita na malaki ang kaibhang nagagawa ng maliliit na bagay na ginagawa namin.

Isa sa maliliit na bagay na iyon ang nangyari isang Sabado sa klase namin ni Francini sa matematika. Sa araw na iyon, hindi pumasok si Francini. Sa klase, ibinalik na ang mga papel ng pagsusulit namin ilang araw na ang nakararaan. Hindi ko gaanong napansin na inilagay ng guro ang papel ni Francini sa mesa ko at sinabing ibigay ko ito sa kanya.

Dahil napag-usapan na namin ni Francini kung ano ang inaakala naming nakayanan namin, nagulat ako na mas mataas ang marka niya kaysa inasahan namin. Tiningnan ko ang papel niya at nakita kong hindi naekisan ng guro ang isang maling sagot niya. Hindi na ako nag-isip, at sinabi ko sa guro na napakataas ng marka ni Francini.

Hindi ko naisip na nakatingin ang buong klase. Pagkatapos kong magsalita, pinulaan ako ng mga kaklase ko, at sabi’y mali ang ginawa ko sa isang kaibigan at gusto ko lang mataasan ang marka niya.

Nalito ako at nagalit sa pagtugon nila. Tiyak kong gagawin din ni Francini ang ginawa ko. Pero may nagsabi na imposibleng maging tapat ang sinuman kahit bumaba ang sarili niyang marka. Ang tingin sa akin ng lahat ay traidor ako sa aking kaibigan. Sinikap kong sabihin sa kanila na magiging tapat si Francini tungkol sa kanyang marka at may mga tapat na tao pa rin sa mundo.

Matapos ang pagtatalo, ipinasiya ng guro at klase na subukin kami. Sinabi ng guro na hindi niya babaguhin ang marka ni Francini at hihintayin naming makita ang reaksyon nito sa Lunes.

Hindi ko nagustuhan ang ideya. Nadama kong hindi patas na subukin si Francini. Pero nakapagpasiya na ang guro, at hindi ko na ito mabago.

Noong Sabado at Linggong iyon nag-alala ako sa mangyayari, kahit tiwala ako na gagawin ni Francini ang tama. Taimtim akong nanalangin na mapansin sana niya ang mali sa papel niya.

Sa klase sa matematika pagsapit ng Lunes, alisto ang buong klase habang nakamasid sa pagkuha ni Francini sa papel niya.

Francini: Sa pagsisimula ng klase noong Lunes, ibinalik sa akin ng guro ang papel ko sa matematika. Itatabi ko na sana iyon nang hindi ito tinitingnan, pero napansin ko na mas mataas ang marka ko kaysa inaasahan ko. Nagtaas ako ng kamay at lumapit sa mesa ng guro. Tinanong ko kung tama ang marka niya sa papel ko, at tama naman daw. Tumuro ako sa papel ko at saka ko sinabing, “Pero may mali ako.” Sa sandaling iyon lumapit din si Patricia sa mesa ng guro at sinabi ritong may mali rin siyang sagot na hindi nito naekisan sa papel niya at sa kalituhan noong Sabado, hindi niya ito napansin.

Agad nagkagulo sa klase. Nagsimulang magbulungan ang ilan tungkol sa pagsusumbong ni Patricia tungkol sa akin, ang ilan naman ay nahihiyang ngumiti na lang. Nalito ako sa lahat ng iba’t ibang reaksyon sa mga nangyaring ito.

Kalaunan, ipinaliwanag ni Patricia ang nangyari noong Sabado. Nagulat akong malaman na dumaan ako sa pagsubok na walang kinalaman sa matematika at gayon ang pagtugon ng mga kaklase ko sa kaibigan ko. Gayunman, masaya ako na naging tapat ako at ang mga dalangin ni Patricia ay nakatulong sa akin na mapansin ang mali sa papel ko. Nagpapasalamat din ako na may pagtitiwala sa akin ang kaibigan ko.

Patricia at Francini: Kapwa kami natuto ng magandang aral sa karanasang ito. Lumakas ang aming patotoo sa mahalagang tungkuling ginagampanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagiging saksi ni Jesucristo at pagiging halimbawa ng Kanyang mga alituntunin. Nagpapasalamat kami sa Panginoon sa Kanyang ebanghelyo, na nagbibigay sa atin ng oportunidad na makagawa ng kaibhan.

Paglalarawan ni Natalie Malan