Nang marinig ni GayLynn Ribeira, isang estudyante ng sining sa Brigham Young University, ang kamangha-manghang mga kuwento ng mga pioneer sa Ghana, nabatid niyang gusto niyang ipinta ang kanilang mga larawan para sa kanyang bachelor of fine arts illustration project. Noong taglagas ng 2005, gumawa siya ng paraan para maisagawa ito. Nagbunga ito ng gawad na nagtulot sa kanya at sa tatlong iba pang estudyante ng sining—sina Jesse Bushnell, Emmalee Glauser Powell, at Angela Nelson—na gugulin ang Mayo at Hunyo ng 2006 sa Ghana. Si Richard Hull na miyembro ng BYU faculty ang namahala sa proyekto. Nagtipon silang lima ng mga kuwento at larawan hindi lamang ng mga pioneer na Banal kundi ng mga bago ring miyembro. Maraming impormasyong naipinta sa mga buwang kasunod ng biyahe at isinabit sa mga dingding ng B. F. Larsen Gallery sa BYU noong Oktubre 2007. Narito ang ilan sa gawang-sining na iyon.
“Masarap maging miyembro kapag nasa bahay tayo o may kasamang ibang tao,” sabi ni Adjoa Amoa-Ampah, na nag-aaral maging doktor. “Pero matatawag pa ring miyembro ng isang tunay na babaeng Banal sa mga Huling Araw ang kanyang sarili kapag nag-iisa siya. Mali kung minsan ang pagkaunawa sa Simbahan, kaya mahalaga para sa akin ang maging halimbawa ng katotohanan.”
“Nagbuhat sa kanya ang pasasalamat at pagmamahal,” pagsulat ng pintor tungkol kay Brother Johnson ng Cape Coast. “Nagturo siya ng ebanghelyo nang 14 na taon, at mahigit isang libo katao ang handa nang mabinyagan pagdating ng mga misyonero noong 1978. Isa siyang taong ganap na naglaan ng buhay at kaluluwa sa Diyos. Binigyang-inspirasyon niya akong magsikap na gawing bahagi ng pagkatao ko ang mga katangian ng pagmamahal at pag-ibig sa kapwa ni Cristo.”
Isinunod ang pangalan kay Pangulong Gordon Bitner Hinckley, si Bitner Johnson ay anak ni Brigham Johnson at apo ni Joseph William Billy Johnson.
Pinatatatag nina Bishop Kofi Sosu at kanyang maybahay na si Linda, ng Kumasi ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at family home evening.
Noong 1983 inilapit ng isang nagdarahop na babae ang isang napakapayat na bata sa miyembrong doktor na si Emmanuel Kissi para magpatulong. Nagpadala sa kanya ng mga pagkain si Dr. Kissi mula sa Simbahan para gamutin ang mahihina ang katawan. Binigyan niya ito ng libreng bigas, mais, beans, at mantika. Lumuhod sa harapan ng doktor ang babae sa pasasalamat. Itinayo ni Dr. Kissi ang babae at sinabi, “Ang pagkaing ito ay padala ng Diyos sa iyo. Sa Kanya ka dapat magpasalamat.”
“Parang natagpuan namin ang isang kapatid na matagal nang nawawala,” pagsulat ng pintor na si Angela Nelson tungkol sa nakauwi nang misyonerang si Emma Boateng. “Siya ang giya namin sa Kumasi at taglay pa niya ang ningning ng isang misyonera. Si Emma noon ay nag-aaral ng journalism, dumadalo sa institute, may mga problema at pangarap sa pakikipagdeyt, at sinisikap ipamuhay ang ebanghelyo. Dinaranas din niya noon ang dinanas natin noong dalaga pa tayo.”
Matapos ang kanyang misyon, gusto nang umuwi ni Kofi, pero itinakwil na siya ng kanyang ama. Minabuti pa rin niyang umuwi. Pagdating niya, nakita siya ng kanyang ama at sinabi nito, “Hanggang diyan ka lang.” Kaya tumigil siya.
“Sino ka?” tanong ng kanyang ama.
“Anak po ninyo.”
“Anak ko?”
“Opo, ang anak ninyong si Kofi.” Dito’y nakita niyang tumulo ang luha ng kanyang ama. Tumayo ang kanyang ama at niyakap siya.
“Anak ko, anak ko. Patawad. Alam kong tama ang ginawa mo. Tinanggap na kita bilang anak ko.”
Sina William at Charlotte (miyembro sa loob ng 30 taon) ay sabay na lumaki sa ebanghelyo sa maraming taon ng hirap at galak. Dahil dito, nagiging kaisa sila ng Diyos at nagkakaisa sila. Naghahawak-kamay sila para ipakitang nagmamahalan sila—isang bagay na natutuhan ni William sa mga couple missionary na nagturo sa kanyang magdasal at malaman na siya ay anak ng Diyos.
Bininyagan sa payapang dalampasigang ito ang daan-daang taga-Ghana.
Si Theodora ay ikatlong-henerasyong Banal sa mga Huling Araw sa Cape Coast, salamat sa pananampalataya ng kanyang lola na sumapi sa Simbahan at tinuruan ng ebanghelyo ang kanyang mga anak at apo. Bilang bagong binyag na Banal sa mga Huling Araw, minabuti ng lola ni Theodora na walisan ang meetinghouse, mag-igib ng timba-timbang tubig para linisin ang sahig, at siguruhing malinis ang lahat bago ang simba.
“Nang anyayahan kami nina Brother at Sister Kaku sa bahay nila sa Cape Coast, para akong pumapasok sa sarili kong bahay sa Utah,” pagsulat ng pintor na si Angela Nelson. “Ang paborito kong bahagi ay matapos ang ingay ng hapunan, lahat ng bata ay nakapaligid sa mga magulang nila na nakabuklat ang mga banal na kasulatan. Hinding-hindi ko malilimutan na nakasama ko ang pamilyang ito at namasdan ang mga batang umaasa sa patnubay ng kanilang mga magulang at ang kanilang mga magulang naman ay binubuklat ang mga banal na kasulatan para sa mga kasagutan.”
Sa ipinintang ito ni Hannah Bafuh, isang Banal sa mga Huling Araw sa Kumasi, sinabi ng pintor, “Sinikap kong hulihin ang kanyang maningning at masiglang personalidad.”
“Para akong nanonood ng sayaw; sabay na sabay sila,” pagsulat ni Angela Nelson, na inilalarawan kung paano gumawa ang pamilya Boateng ng pangunahing pagkaing fufu mula sa kamoteng-kahoy. “Itataas nang husto ng isang tao ang pamukpok at ibaba ito nang palagapak habang may isa pa na dagling bibilugin ang kamoteng-kahoy para pukpukin naman ng iba. May ritmo sa buhay nila araw-araw, isang kasigasigan sa pagsunod sa mga kautusan. Ang oras dito ay sinusukat sa mga relasyon, sa pagtulong sa mga kaibigan at pamilya, hindi sa mga bagay na nakamtan. Nakikita ko ang matibay na pasiyang maging tapat—lalo na sa kanilang mga patotoo.”