Ang Hindi NakikitaBisitang
“Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila” (Mateo 7:12).
Kinabahan si Julia pagsilip niya sa bakanteng silid. Ang kuwarto ng Primary, na may mga upuang natitiklop na nakaayos nang kalahating-bilog at maalikabok na pisara, ay katulad na katulad ng sa kanya sa ward nila. Pero dahil sa nerbiyos nasira ang tiyan ni Julia pagpasok niya sa pintuan. Mukhang pareho lang sa tingin, pero alam ni Julia na hindi. Ngayon ay isa siyang bisita.
Naupo si Julia sa upuang pinakamalayo sa pintuan. Gustung-gusto niya ang pagbisita ng kanyang pamilya sa mga pinsan at lolo’t lola niya tuwing tag-init, maliban sa pagbisita nila sa ibang ward. Masayang kumanta ng mga awit ng Primary at matuto tungkol sa Tagapagligtas, pero ayaw niyang maupo nang nag-iisa at walang kakilala.
Ayaw ding makinig ni Julia sa pag-uusap at tawanan ng ibang mga bata dahil wala man lang pumansin sa kanya. Para sa kanya, parang balewala sa iba kung naroon man siya o wala. Parang walang nakakakita—Julia, ang kamangha-manghang bisitang hindi nakikita!
Inikot ni Julia ang mahabang tirintas ng kanyang blonde na buhok at pinangarap na makauwi sa kanyang titser sa Primary na si Sister Johansson at kanyang matalik na kaibigang si Hanna. “Siguro ngayon iba na,” sabi niya sa sarili habang inaayos ang kanyang salamin sa mata at minsan pang inunat ang kanyang palda. “Siguro kung pagsisikapan ko talaga, kaya kong ibahin ito.”
Napaigtad si Julia nang bumukas ang pinto. Tatlong batang babae ang pumasok sa kuwarto, at masayang nag-uusap. Dalawang batang lalaki ang sumunod. Huminga nang malalim si Julia at pinilit na ngumiti.
“Hi!” bulalas niya. Biglang napatingin ang lahat sa kanya. Namula si Julia.
“Ah, hi,” bulong ng isa sa mga batang babae.
“Bago ka ba?” tanong ng isa pang batang babae.
Umehem si Julia. “Hindi, binibisita ko lang ang lola ko.”
“Ah.”
Nagsipili silang lahat ng upuan. Napawi ang ngiti ni Julia nang matalos niyang may nakaupo na sa lahat ng silya maliban sa silyang katabi niya. Walang kumausap kay Julia. Tinitigan niya ang kanyang mga kamay. “Narito na ang kamangha-manghang bisitang hindi nakikita,” naisip niya. Tumulo ang luha sa kanyang pisngi.
Makalipas ang isang linggo masaya si Julia habang humahangos pababa sa pasilyo ng simbahan. Salamat at nakauwi na rin ako! Pagpasok niya sa kanyang klase, naroon na si Hanna.
“Hi, Julia! Mabuti’t nakabalik ka na!” sabi ni Hanna.
Umupo si Julia sa tabi ni Hanna. Di nagtagal nagtatawanan na sila at nag-uusap. Nagkukuwento pa lang si Julia kay Hanna tungkol sa buong linggo niya sa Lola niya nang pumasok ang isang matangkad at balingkinitang batang babae na mamula-mula ang ginintuang buhok. Minasdan ni Julia ang pag-upo ng bata sa silyang pinakamalayo sa pintuan at mag-isa lang siya roon.
“Bisita siguro,” naisip ni Julia. “Mabuti na lang, hindi na ako iyon!” Inilibot ng batang babae ang kanyang tingin pagkatapos ay tinitigan ang kanyang mga kamay. Nag-alala si Julia dahil walang kumakausap sa bisita. “Sana hindi ganoon kahirap maging bisita,” naisip niya. “Hindi sana ganito!” Saglit na sumagi sa isipan niya ang nagdaang Linggo nang maalala niyang nalungkot siya, ang bisitang hindi nakikita. Napakurap siya. Sandali lang—kaya niya itong ibahin ngayon!
Tumayo si Julia. “Hi,” nakangiting sabi niya. Tumawid siya sa kabilang panig ng kuwarto at naupo silang katabi ng batang babae. “Bumibisita ka ba ngayon?”
Mulagat na tumingala ang bata, pagkatapos ay sumaya ang mukha. “Oo, binibisita ko ang tita ko. Ikaw rin ba?”
Umiling si Julia. “Hindi, pero alam ko ang pakiramdam,” paliwanag niya. “Ako si Julia. Ano’ng pangalan mo?”
“Ella.”
“Gusto mong lumipat at maupo sa tabi namin ni Hanna?”
Ngumiti si Ella at tumango. Habang tumatawid ang dalawang bata pabalik sa kabilang panig ng silid, sumigla ang pakiramdam ni Julia. “Bawal ang bisitang hindi nakikita!” naisip niya. “Titiyakin ko ito!”