2009
Magiging Matatag ang Ating Pamilya
Hulyo 2009


Oras ng Pagbabahagi

Magiging Matatag ang Ating Pamilya

“At hindi kayo maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa” (Mosias 4:13).

Ang lubid ay yari sa maraming hiblang sama-samang hinabi nang mahigpit. Kung maputol ang isang hibla, rurupok ang lubid.

Ang inyong pamilya ay maihahambing sa isang lubid. Bawat miyembro ay maaaring kumatawan sa isang hibla. Kapag nagtutulungan kayo para sa kabutihan, nagiging matatag ang buong pamilya. Bawat kapamilya ay may responsibilidad na mapatatag ang isa’t isa.

Isipin si Nephi at kung paano niya napatatag ang kanyang pamilya. Habang naglalakbay sila sa ilang, nabali ang busog ni Nephi. Hindi sila makakuha ng anumang pagkain, at lahat ay pagod at gutom. Maraming kapamilyang nagalit kay Nephi, at bumulung-bulong sila laban sa Panginoon.

Hindi bumulung-bulong o nagalit si Nephi. Gumawa siya ng isang busog na yari sa kahoy at isang palasong yari sa tuwid na patpat. Tinanong niya ang kanyang amang si Lehi kung saan siya dapat mangaso. Nakakuha ng pagkain si Nephi para sa kanyang pamilya. Masaya sila, at nagpakumbaba ng kanilang sarili at nagpasalamat sa Panginoon. (Tingnan sa 1 Nephi 16:18–32.)

Kayo at ang inyong mga kapamilya ay makapagtutulungang maging matatag kung sama-sama kayong magdarasal, magtutulungan, magpapakita ng kabutihan at pagmamahal, sama-samang magbabasa ng mga banal na kasulatan, magkakatuwaan sa mga aktibidad, at magdaraos ng family home evening.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K5 mula sa magasin, at idikit ito sa makapal na papel. Sa family home evening, pag-usapan ang mga bagay na magpapatatag sa inyong pamilya. Isulat sa tsart ang mga ideyang ito. Dalawang ideya na ang naimungkahi. Isabit ang tsart kung saan ito makikita ng inyong pamilya at mapag-uusapan itong madalas.

Magiging Matatag ang Ating Pamilya

1. Maaaring sama-samang manalangin ang ating pamilya.

2. Maaaring magkasama-sama ang ating pamilya.

3.

4.

5.

6.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Ang panalangin ng pamilya ay nagpapatatag sa aking pamilya. Habang binabasa nang malakas ng klase ng pinakamatatandang bata ang 3 Nephi 18:21, sabihan ang ibang mga bata na pakinggan kung ano ang ipinagagawa sa atin ni Jesucristo (manalangin sa ating mga pamilya). Humingi ng mga sagot. Papuntahin ang anim na bata sa harapan. Idikit sa bawat bata ang isa sa sumusunod na mga wordstrip nang hindi ayon sa pagkakasunud-sunod: ang panalangin, ng pamilya, ay, magpapatatag, sa aking, pamilya. Patulungin ang ibang mga bata na mapagsunud-sunod ang mga bata ayon sa nakadikit na wordstrip sa kanila. Sabay-sabay na bigkasin ang pangungusap. Ipakita ang Gospel Art Picture Kit 606 (Panalangin ng Pamilya), at ipaliwanag na hinihikayat tayong magkaroon ng panalangin ng pamilya tuwing gabi at umaga. Hayaang magmungkahi ang mga bata ng mga bagay na maitutulong nila sa mga panalangin ng kanilang pamilya. Isulat sa pisara ang kanilang mga mungkahi. Papikitin ang mga bata at ipalarawan sa kanilang isipan ang kanilang pamilya na nakaluhod sa panalangin habang kinakanta ninyo ang isang awit o himno tungkol sa panalangin. Mamigay ng mga lapis at papel na may nakasaad na “Ang panalangin ng pamilya ay magpapatatag sa aking pamilya.” Ipadrowing sa mga bata ang kanilang pamilya na nakaluhod sa panalangin. Hikayatin silang iuwi ang drowing at isabit sa lugar na magpapaalala sa kanilang pamilya na sama-samang manalangin.

  2. Nagpapatatag sa aking pamilya ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Idispley ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Maglaro ng hulaan sa pagbibigay ng mga clue para tulungan silang mahulaan ang apat na aklat na tinutukoy ninyo. Halimbawa: “Ang aklat na ito ay nagkukuwento ng kasaysayan ni Joseph Smith at naroon ang Mga Saligan ng Pananampalataya” (Mahalagang Perlas). Kapag natukoy ang bawat banal na kasulatan, sabay-sabay na ipaulit sa mga bata ang pangalan nito. Ituro na ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos. Nagtuturo ang mga ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Mapapatatag ng mga banal na kasulatan ang ating pamilya kung regular nating babasahin ang mga ito. Bigyan ang bawat klase ng isa sa sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Exodo 20:12; Juan 13:34; Mga Taga Efeso 4:32; 1 Nephi 3:7; 3 Nephi 18:21; Doktrina at mga Tipan 59:7. Bigyan ng isang blankong wordstrip at lapis ang bawat bata. Pasunurin ang mga bata sa pagbabasa ng kanilang titser sa banal na kasulatan. Pagkatapos dapat maghanap ang bawat bata ng isang bagay na sinasabi sa banal na kasulatan na makakatulong sa kanyang pamilya na maging matatag at maligaya. Ipasulat ito sa mga bata sa isang wordstrip at ipabahagi sa mga kaklase nila. Anyayahan ang bawat klase na basahin ang kanilang mga wordstrip sa iba pa sa Primary. Magkuwento ng isang karanasan na napatatag ng mga banal na kasulatan ang inyong pamilya. Hikayatin ang mga bata na magbasa ng mga banal na kasulatan nang mag-isa at bilang pamilya.

Paglalarawan ni Dilleen Marsh