Magagandang Bagay na Mangyayari
“May gising pa ba?” Nang una akong magtanong, may narinig akong dalawang pabulong na sagot na opo. Makalipas ang ilang oras, sumagot ang katahimikan na ako na lamang ang nasa kuwarto na hindi makatulog.
Iyon ang unang araw ko sa Missionary Training Center (MTC). Noong araw na iyon, nagpaalam na ako sa aking mga magulang, nakilala ko ang kompanyon ko at iba pang mga bagong misyonero na papuntang Italy, at nakadalo sa unang grupo ng mga klase. Pagod na pagod ako, pero balisang-balisa ako. “Ano ba itong napasukan ko?” Paulit-ulit na tanong ko sa sarili. Hindi ko alam kung talagang matututo akong maging misyonero. Malakas ba ang loob kong mangibang-bansa at kausapin ang mga taong hindi ko kilala tungkol sa ebanghelyo? Siguro hindi ako dapat naparito. Nagsimulang umagos ang mga luha sa mga pisngi ko.
Pagkatapos ay naalala ko ang kuwento ni Inay tungkol sa kapatid niyang si Larry. Nagmisyon si Tito Larry sa Uruguay at Paraguay noong 1970s. Noong una hindi rin siya nakatulog sa pag-aalala sa mga kakulangan niya. Kapag naramdaman niyang hindi na niya kaya, bumabangon siya sa higaan, pumupunta sa banyo, at lumuluhod para humiling ng kapanatagan sa Ama sa Langit. Kahit paano, sa tulong ng Panginoon, nakaraos si Tito Larry at tapat na nakapagmisyon.
Nakadama ako ng pag-asa nang maisip ko ito at patingkayad akong nagpunta sa banyo. Sa malamlam na ilaw, lumuhod ako sa malamig na semento at humikbi. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na papanatagin ako para lumakas ang loob ko na magpatuloy.
Naghintay ako. Walang nangyari. Naghintay pa ako, na ang tangi kong naririnig ay ang iyak ko. Sa huli, wala na akong nagawa kundi bumalik sa higaan.
Ilang sandali bago ako nakatulog, dumating ang sagot. Pinuspos ng Espiritu ang isipan ko ng isang maliwanag at masayang pangitain ng isang magandang lugar. Bigla kong nalaman na kahit nahihirapan akong alisin ang takot sa simula, kung magpapatuloy ako, hahantong ako sa nais ng Panginoon na kalagyan ko. Napayapa ako sa kaisipang iyon, at nakatulog.
Ipinahiwatig ng Espiritu ang magagandang bagay na mangyayari. Sa mahihirap na sandali ng pamamalagi ko sa MTC, nagpikit ako ng mga mata at ginunita ang nadama ko. Sa panalangin at kasigasigan, nadaig ko ang aking takot.
Di nagtagal nakarating ako sa Genoa, Italy, kasama ang bagong kompanyon ko. Sa kusina ng apartment namin may isang pintuang salamin na sa balkon ang tumbok. Lumabas ako sa balkon at minasdan ang lungsod. Kilala at minahal ko na ang lungsod na ito. Ito ang nakita ko sa aking isipan noong gabing iyon sa MTC. Alam ko na inakay ako ng Panginoon sa sandaling ito, at napunta ako sa dapat kong kalagyan.