2009
Maaalis Ba ng Ikapu ang mga Pag-aalala Ko?
Hulyo 2009


Maaalis Ba ng Ikapu ang mga Pag-aalala Ko?

Habang nasa eskuwela ang nakatatanda kong mga anak at nakaidlip naman ang mga nakababata, inilatag ko sa mesa sa kusina ang mga bayarin sa bahay. Sinimulan kong gawin ang napakahirap na gawaing ito buwan-buwan sa pagdarasal na bigyan ako ng talino at kakayahang mapagkasya ang kaunti naming kita. Ang tseke para sa ikapu, tulad ng dati, ang lagi kong inuuna.

Pagsapi ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong bata pa akong maybahay at ina, nangako akong magbabayad ng ikapu. Hindi ako kailanman nasira sa pangakong iyan. Gayunman, balisang-balisa ako sa kakulangan sa pambayad sa isa na namang buwang bayarin sa tubig at kuryente, hulog sa bahay, at seguro.

Ngayon mag-isa kong itinataguyod ang anim kong anak. Madalas akong malula sa dami ng trabaho, problema sa pera, at walang katapusang pagpapasiya sa pagsisikap kong maging ina at ama na walang kamag-anak na tutulong o susuporta.

Habang nakaupo ako sa mesa na nagsusumamo ng tulong at awa sa Panginoon, ipinakita sa akin ng Espiritu Santo ang magiliw at nagpapanatag na pag-ibig ng Tagapagligtas. Nag-iba ang pananaw ko sa perang ipambabayad sa mga gastusin sa bahay nang maalala ko ang mga sagrado kong priyoridad sa buhay. Alam ko na nais ng Ama sa Langit na makamit ko ang mga pagpapalang ipinangako sa matatapat magbayad ng ikapu at mga handog. Nalaman ko rin na ang pagbabayad ng ikapu ay dapat maging isang masayang pagpapakita ng pagmamahal, na walang takot at pag-aalala.

Nang puspusin ako ng Espiritu ng Panginoon, pinatotohanan ko ang mga paniniwalang noon ko pa itinuring na matibay at sagrado. Binasag ng tinig ko ang katahimikan ng kusina nang ipahayag ko na pipiliin ko pang mawalan ng tubig sa bahay ko kaysa mawalan ng tubig na buhay na alay ng Tagapagligtas. Pipiliin ko pang mawalan ng pagkain sa mesa namin kaysa mawalan ng Tinapay ng Kabuhayan. Pipiliin ko pang tiisin ang dilim at hirap ng mawalan ng kuryente kaysa mawalan ng Liwanag ni Cristo sa buhay ko. Pipiliin ko pang tumira kami ng mga anak ko sa tolda kaysa mawalan ng pribilehiyong makapasok sa bahay ng Panginoon.

Agad napawi ang bigat ng pag-aalala. Nadaig ng pagmamahal ko sa Panginoon ang kahinaang dulot ng aking takot. Ang ating Ama sa Langit ang ating tagapagligtas, tagapagpala, at tagapagtanggol. Tunay Niyang ibinibigay ang lahat ng kailangan natin. Ang Kanyang mga pangako ay tiyak at walang maliw. Iniutos Niyang magbayad tayo ng ating ikapu mula sa ating kita nang maibuhos Niya sa atin ang mga pagpapala mula sa langit—kabilang na ang kapayapaan ng isipan, kalayaan sa alalahanin at problema ng mundo, at pananalig sa Kanyang banal na pangalan.

Mula noon itinuring ko nang kagalakan ang pagbabayad ng aking ikapu, nang walang pag-aalinlangan o takot, sa Kanya at para sa Kanya na una muna akong minahal.