2009
Dalhin Mo Ako sa Templo
Hulyo 2009


Dalhin Mo Ako sa Templo

Isang Sabado ng umaga habang naglilingkod ako sa Lima Peru Temple, isang grupo ng mga 20 bata mula sa isa mga stake ng Lima ang bumisita. Matapos magiliw na kamayan ang bawat bata, nagsalita sa kanila ang temple president tungkol sa sagradong gawain sa templo. Binigyang-diin niya ang pagpapatuloy ng mga ugnayan ng pamilya at ang kahulugan ng mga salitang “Ang mga pamilya ay walang hanggan.”

Ang mga bata ay mapitagan at nakinig na mabuti. Isa sa mga bisita ang batang babaeng nagngangalang Rosita, na limang taong gulang. Nang gabing iyon hindi siya natulog hanggang makauwi ang kanyang ama mula sa trabaho, at hinintay niya ito nang nakaupo sa gilid ng kanyang kama.

Pagdating ng ama, nagulat ito nang madatnang gising pa ang kanyang anak. Patalong bumaba ng kama si Rosita at tumakbo sa kanya. Kinarga siya ng ama, at niyakap naman niya ito at hinalikan.

“At kumusta ang bunso kong si Rosa?” tanong nito.

“Mabuti po, Papa.”

“Nagpakabait ka ba ngayon?”

“Opo, Papa.”

“May gusto ka bang ipagawa sa akin para sa iyo?”

Tumango siya.

“Ano iyon?” Ano ang gusto mo, mahal ko?”

“Papa,” sabi niya, at saglit na huminto, “kailan po ninyo ako dadalhin sa templo?”

Ilang sandaling napatigil ang kanyang ama bago sumagot.

“Dadalhin kita roon, Rosa. Kaya lang marami pa akong ginagawa ngayon, at abala talaga ako. Pero pangako dadalhin kita.”

“Salamat, Papa,” sabi ni Rosita, at muling niyakap at hinalikan ang kanyang ama.

“Humiga ka na at pilitin mong matulog.”

Ilang buwan pagkaraan, nagtipon ang pamilya ni Rosa sa isa sa mga silid-bukluran sa templo. Mga sandali ng malaking kagalakan ang sumunod sa pagbubuklod. Ang ama ni Rosa, sa malaking pagmamahal at pagtingin, ay niyakap ang bawat isa sa kanyang mga anak, hanggang sa bunso—si Rosita.

“Ilang buwan na ang nakararaan pumunta sa templo ang batang musmos na ito kasama ang mga batang Primary mula sa stake namin,” sabi ng ama ni Rosita sa nagbuklod. “Nang gabing iyon hinintay niya akong makauwi mula sa trabaho at tinanong ako kung kailan ko siya dadalhin sa templo. Alam kong hindi lang niya gustong makita ang labas ng templo, kaya kinailangan kong ayusin ang buhay ko at talikuran ang masasamang gawi ko. Hindi iyon madali, pero sa wakas ay nagtagumpay ako. Ngayon ang pinakamasayang naranasan ko dahil ngayo’y pinag-isa na ang pamilya ko hanggang sa kawalang-hanggan.”