2009
Ganap ko bang Naipamumuhay ang Ebanghelyo?
Hulyo 2009


Ganap Ko bang Naipamumuhay ang Ebanghelyo?

Kailangang maghintay ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Gising nang lahat ang tatlong anak naming lalaki—at mas maaga kaysa rati. Ang bunso, si Caden, na 18 buwan noon, ay nagsisisigaw sa kuna niya. Pumasok ako sa kuwarto niya at agad kong nalaman na may sakit siya.

Doon nagsimula ang araw ng Lunes na sunud-sunod ang mga hamon. Minsan, matapos ko lang palitan ng lampin si Caden at subukan siyang pakainin, inihagis niya ang isang malaking garapon sa sahig, at tumapon ang applesauce kung saan-saan at kumalat ang mga bubog sa buong kusina. Habang nililinis ko ang kalat, naisip ko ang lahat ng bagay na hindi ko pa nagagawa: family history, paglilingkod, pag-iimbak ng pagkain sa tahanan, gawaing misyonero.

“Paano ko magagawa ang lahat ng alam kong dapat gawin gayong ni hindi ko magawang tapusin ang mahahalagang gawain ko sa maghapon?” Naisip ko. Bago gumabi pagod na pagod na ako, pero iniwasan kong mag-isip ng nakapanlulumong mga bagay sa oras ng pagkain, family home evening, at paliligo at pagtulog ng mga bata.

Sa wakas, nang mahiga na ang mga bata, umupo ako para gawin ang hindi ko nagawa kanina. Kinuha ko ang Ensign ng Mayo 2006 na nakabuklat sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na pinamagatang “Tulad sa Isang Bata.” Napako ang tingin ko sa talatang namarkahan ko noon: “Para mapanatili ang pagpapala ng [nagbagong likas na pag-uugali] sa ating mga puso, kailangan ng determinasyon, pagsisikap, at pananampalataya. Naituro ni Haring Benjamin ang kahit ilan man lang [na] pangangailangan nito. Sabi niya para mapanatili ang kapatawaran ng ating mga kasalanan sa araw-araw dapat nating pakainin ang nagugutom, damitan ang mga hubad, dalawin ang maysakit, at tulungan ang mga tao sa espirituwal at temporal” (Liahona at Ensign, Mayo 2006, 17).

Kaagad, muli kong nadama na hindi ko ganap na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Naisip ko, “Paano ko mapapakain ang mga nagugutom, madaramtan ang mga hubad, madadalaw ang mga maysakit, at matutulungan ang mga tao sa espirituwal at temporal gayong halos hindi ko maaruga ang sarili kong pamilya?”

Noon ko naranasan ang nakapupuspos na pagsang-ayon ng langit. Napakalinaw, tumpak, at pisikal nito kaya alam kong dapat ko itong isulat para hindi ko malimutan. Nagunita ko ang nangyari sa akin sa buong maghapon—puno ito ng pagpapakain sa mga nagugutom, paglalaba para madamitan ang mga hubad (ilang beses kong pinalitan ng damit si Caden), magiliw na pag-aalaga sa aming maysakit na sanggol, pagtulong sa limang-taong-gulang naming anak na maghanda ng family home evening lesson tungkol sa gawaing misyonero, at pagtalakay sa kapangyarihan ng halimbawa sa aking pamilya—sa madaling salita, pagtulong sa mga tao sa espirituwal at temporal.

Mula sa kaisipang iyon dumaloy ang nakapupuspos na damdamin ng kapayapaan kaya alam kong sinasabi sa akin ng Panginoon na tinanggap Niya ang aking alay. Sa pag-aaruga sa aking pamilya, sinusunod ko ang mga payo nina Haring Benjamin at Pangulong Eyring.