2011
Paghahanap sa Mabuti
Marso 2011


Mensahe ng Unang Panguluhan

Paghahanap sa Mabuti

President Dieter F. Uchtdorf

Habang naghahanap ng bagong matitirhan, kinausap ng bata pang mag-asawang Banal sa mga Huling Araw ang maaari nilang maging mga kapitbahay tungkol sa paligid at mga paaralan sa lugar.

Sabi ng isang babaeng nakausap nila tungkol sa pinapasukang paaralan ng kanyang mga anak: “Ito ang pinakamagandang paaralan! Magaling at mabait ang prinsipal; mahuhusay, mababait, at magigiliw ang mga guro. Natutuwa ako at nakakapag-aral ang mga anak namin sa magandang paaralang ito. Magugustuhan ninyo rito!”

Sabi naman ng isang babae sa paaralan ng kanyang mga anak: “Napakapangit ng paaralang iyan. Sarili lang niya ang iniisip ng prinsipal; ang mga guro ay hindi mahuhusay, walang-galang, at masusungit. Kung kaya ko lang lumipat ng ibang lugar, gagawin ko iyon kaagad!”

Ang kapansin-pansin ay iisang prinsipal, mga guro, at paaralan ang tinutukoy ng dalawang babaeng ito.

Napansin na ba ninyo na karaniwan ay nakikita ng mga tao ang hinahanap nila? Tingnan ninyong maigi, at matutuklasan ninyo kapwa ang mabuti at masama sa halos sinuman at anumang bagay. Nagawa na ito ng mga tao sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noon pang magsimula ito. Yaong naghahanap sa mabuti ay makikita ang mga taong mababait at mahabagin—mga taong mahal ang Panginoon at hangad Siyang paglingkuran at tulungan ang kanilang kapwa. Ngunit totoo rin na yaong naghahanap sa masama ay tiyak na makikita ang mga bagay na di-gaanong nakasisiya.

Ang nakakalungkot, nangyayari ito kung minsan maging sa loob ng Simbahan. Palaging may naiisip, naiimbento, at iginigiit ang mga yaong naghahanap ng mga maipipintas. Tila hindi nila malimutan ang kanilang mga hinanakit. Sinisiraan at hinahanapan nila ng mali ang iba. Matagal silang nagkikimkim ng sama ng loob, sinasamantala ang bawat pagkakataong siraan at hamakin ang iba. Hindi ito kasiya-siya sa Panginoon, “sapagka’t kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama” (Santiago 3:16).

Kilalang-kilala ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) si Pangulong Brigham Young (1801–77), dahil nakasama niya ito nang maraming taon, kapwa bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at bilang tagapayo nito sa Unang Panguluhan. Nang pumanaw si Pangulong Young, isinulat ni Pangulong Cannon sa kanyang journal: “Hindi ko kailanman pinintasan o hinanapan ng mali ang ugali, payo o mga turo [ni Brigham Young] sa puso ko, at lalo na sa salita o sa gawa. Ito ay kasiya-siya sa akin ngayon. Ang laging nasasaisip ko ay: Kung pipintasan o hahanapan ko ng mali, o huhusgahan si Brother Brigham, hanggang saan ako aabot; kung magsisimula ako, saan ako titigil? Hindi ko tinangkang gawin ang bagay na iyon. Alam ko na ang apostasiya kadalasan ay bunga ng walang-sawang pamimintas at paghahanap ng kamalian. Ang iba, na mas malakas, matalino at bihasa kaysa akin, ay maaaring gumawa ng maraming bagay at takasan ang masasamang kahihinatnan na hindi ko tatangkaing gawin.”1

Ang magandang payo ni Pangulong Cannon ay isang bagay na dapat nating pag-isipang mabuti bilang mga miyembro ng Simbahan. Ang salita ng Diyos ay nagpapayo sa mga alagad ni Cristo na maging “malinis, … mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.” Sa mga yaong nakikipagkasundo, “ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan” (Santiago 3:17, 18)

Makakapili tayo. Maaari nating hanapin ang masama sa iba. O makipagkasundo at sikapin nating ipaabot sa iba ang pag-unawa, pantay na pagtingin, at pagpapatawad na labis nating hangad na gawin din nila sa atin. Tayo ang pipili; sapagkat anuman ang hanapin natin, tiyak natin itong makikita.

Tala

  1. George Q. Cannon, Journal, Ene. 17, 1878; ginawang makabago ang pagbabaybay.

Ang tingin ng ilan sa laman ng basong ito ay kalahati na ang laman. Ang tingin naman ng iba ay walang laman ang kalahati. Ang tingin ninyo rito ay nasasainyo.

Larawang kuha ni Matthew Reier

Paglalarawan ni Adam Koford