2022
Alamin ang Kapangyarihan ng Tagapagpagaling
Abril 2022


Digital Lamang

Alamin ang Kapangyarihan ng Tagapagpagaling

Anim na alituntunin na makatutulong sa atin na mas matulungan ang mga nangangailangan.

dalawang babaeng nag-uusap sa isang parke

May kaibigan ka ba na nagkuwento sa iyo tungkol sa isang mahirap na sitwasyon at hindi ka sigurado kung paano ka lubos na makatutulong, o naisip mo kalaunan na sana ay iba ang isinagot mo? Tumanggap ka ba ng isang tungkulin at nag-alala kung gaano mo kahusay na matutulungan ang mga taong iniatas sa iyo na paglingkuran mo?

Ang ikatlong taludtod ng himnong “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 164) ay kahika-hikayat, “At magbibigay-lakas.” Napakagandang pahayag! Bawat isa sa atin, anuman ang ating pinagmulan o sitwasyon, ay maaaring maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-alam kung paano pasiglahin at palakasin ang iba.

Narito ang anim na alituntunin na makatutulong sa iyo na malaman ang kapangyarihan ng Tagapagpagaling. 1

1. Magmahal muna.

Lahat ng anak ng Diyos ay karapat-dapat mahalin at pakitunguhan nang may kabaitan. Maaaring hindi natin maunawaan ang indibiduwal na karanasan ng isang tao, subalit palagi tayong makapagpapakita ng pagmamahal sa kanya. Kapag talagang nagmamalasakit tayo sa iba, malinaw na makikita iyan sa ating mga pakikipag-ugnayan. Lilikha ito ng matibay na pagtitiwala na maaaring makatulong nang lubos habang pinag-uusapan natin ang mahihirap na paksa—lalo na kapag hindi natin nasasabi ang perpektong mga bagay sa perpektong pagkakataon.

2. Makinig upang makaunawa.

Iwasang isipin na alam natin ang nararamdaman ng iba o kung bakit nila ginagawa ang ginagawa nila. Sa halip, magtanong at makinig nang may mithiing maunawaan kung ano ang dinaranas ng isang tao. Tandaan, hindi mo kailangang ayusin ang sitwasyon. Kung magtutuon lamang tayo sa paglutas ng problema, baka hindi sinasadyang maipahiwatig natin na hindi mahalaga ang ibinabahagi ng isang tao.

Sa halip, maaari nating sanayin ang sarili na matiyagang makinig—sinisikap na makaunawa nang hindi nagpaplano ng susunod nating sasabihin. Habang natututo tayong makinig at maupo lang sa tabi ng isang taong nasasaktan, nakakaugnay tayo na maaaring siyang lubos na makapagpagaling.

3. Magturo ng katotohanan.

Matapos nating maunawaan ang sitwasyon, maaari nating madama na ibahagi ang nalalaman natin tungkol sa nakapagpapanatag na mga alituntunin ng ebanghelyo. Mapanalanging hingin ang tulong ng Espiritu para malaman kung ano ang ibabahagi. Magtuon sa mga katotohanan na tutulong sa tao na tumahak sa landas patungo sa walang hanggang kagalakan.

Itinuro ni Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Marahil ang pinakamahahalagang bagay na dapat nating makita nang malinaw ay kung sino ang Diyos at kung sino tayo talaga—mga anak ng mga magulang sa langit na may ‘banal na katangian at walang hanggang tadhana.’” 2

4. Pangalagaan ang pananampalataya.

Mahihikayat natin ang iba na manampalataya sa kanilang Ama sa Langit, na nakakikilala at nagmamahal sa kanila; sa kanilang Tagapagligtas, na lubos na nakauunawa sa kanila; at ang Espiritu Santo, na nais na gabayan sila. Ang isang bagay na kasingsimple ng pagdarasal na kasama nila o sama-samang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay makatutulong para mapalakas ang kanilang pananampalataya.

Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson:

Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo. …

“… Dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay, kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.” 3

Angkop ito sa ating buhay gayundin sa buhay ng mga taong sinisikap nating tulungan.

5. Patuloy na maglingkod.

Kapag bumuo tayo ng mga ugnayan at pinakinggang mabuti ang pangangailangan ng iba, mapagkakatiwalaan natin ang Espiritu na tutulungan tayo na malaman kung paano kumilos—kapwa nang agaran at sa patuloy na paraan. Ang ilang pagsubok at hamon ay tumatagal nang mahabang panahon. Ang mga pinaglilingkuran natin ay maaaring mangailangan ng patuloy na tulong matapos dumating at malutas ang unang krisis. Kapag mapanalangin tayong humingi ng patnubay at pagkatapos ay binuksan ang ating mga mata at puso, tatanggap tayo ng tulong mula sa langit para malaman kung paano matalinong paglilingkuran ang isa’t isa.

6. Ibahagi ang sarili nating mga pasanin.

Marami sa atin ang handang tumulong sa iba. Ngunit ilan sa atin ang handang tumugon sa tapat na tanong na “Kumusta ka?” nang may tapat na sagot? Sapat ba ang tiwala natin sa iba para maging mahina tayo at ibahagi kung ano ang talagang nangyayari sa ating buhay?

Inilalarawan sa mga banal na kasulatan ang ilang pagkakataon na tinanggap at hiniling pa ng Tagapagligtas na mapaglingkuran. Narito ang ilang halimbawa:

  • Kumain Siya sa tahanan ng iba (tingnan sa Marcos 2).

  • Hinayaan Niyang mahugasan ng mamahaling langis ang Kanyang mga paa (tingnan sa Lucas 7).

  • Hiniling Niya sa babae sa may balon na bigyan Siya ng tubig (tingnan sa Juan 4).

  • Hinayaan Niyang makita ng iba na nababagabag Siya (tingnan sa Juan 11).

Marahil ang isang bagay na matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito sa buhay ng Tagapagligtas ay kapag tapat nating ibinabahagi ang ating buhay sa iba, may pagkakataon tayong pagpalain ang iba at kasabay nito, ay mapagpala rin. Maaari tayong magbahagi ng isang bagay na tutulong sa iba na maunawaan na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga paghihirap—at maaaring sila rin ang sagot sa sarili nating mga dalangin.

Hindi tayo kailangang matakot kapag sinasabi sa atin ng iba ang kanilang mga hamon sa buhay. Kapag nagsimula tayo sa pagmamahal at pakikinig, tutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung paano maglingkod at mangalaga ng pananampalataya. Maaari, at dapat din tayong humingi ng tulong. Sa lahat ng paraang ito, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo, na Siyang “daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Siya ang tunay na pinagmumulan ng kapanatagan at pag-asa. Siya ang Dakilang Tagapagpagaling.