Liahona
Ang Nagtatagal na Kagalakan ng Pagsasabuhay ng Ebanghelyo
Pebrero 2024


“Ang Nagtatagal na Kagalakan ng Pagsasabuhay ng Ebanghelyo,” Liahona, Pebrero 2024.

Ang Nagtatagal na Kagalakan ng Pagsasabuhay ng Ebanghelyo

Ang nagtatagal na kagalakan ay dumarating sa pamamagitan ng patuloy na pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo at pagtulong sa iba na gayon din ang gawin.

sina Adan at Eva na may Halamanan ng Eden sa background

The Garden of Eden [Ang Halamanan ng Eden], ni Grant Romney Clawson; Leaving the Garden of Eden [Paglisan sa Halamanan ng Eden], ni Joseph Brickey

Isang malinaw na pagpapahayag ng layunin ng ating buhay ang matatagpuan sa mga turo ni Lehi bilang propeta tungkol sa simula ng buhay ng tao sa lupa. Sa Halamanan ng Eden, nanirahan sina Adan at Eva sa kalagayan ng kawalang-malay. Kung nanatili sila sa gayong kalagayan, sila ay hindi magkakaroon ng “kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan” (2 Nephi 2:23). Samakatuwid, tulad ng ipinaliwanag ni Lehi, “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25; tingnan din sa Moises 5:10–11).

Habang lumalaki tayo sa isang makasalanang mundo, natututuhan natin ang kaibhan sa pagitan ng mabuti at masama sa pamamagitan ng itinuturo sa atin at nararanasan natin. Ating “matitikman ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55). Ang kagalakan ay dumarating kapag tinatanggihan natin ang kapaitan at lalo nating pinahahalagahan at kinakapitan ang kabutihan.

Pagkakaroon ng Kagalakan

Dahil sa Kanyang sakdal na pag-ibig para sa atin, sabik ang ating Ama sa Langit na ibahagi ang Kanyang sakdal na kagalakan sa atin, kapwa ngayon at sa kawalang-hanggan. Iyan ang nagganyak sa Kanya sa lahat ng bagay mula pa sa simula, kabilang na ang Kanyang maluwalhating plano ng kaligayahan at ang sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak upang tubusin tayo.

Hindi tinatangka ng Diyos na ipilit ang kagalakan o kaligayahan sa atin, kundi itinuturo Niya sa atin kung paano ito masusumpungan. Sinasabi rin Niya sa atin kung saan hindi masusumpungan ang kagalakan—“ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10). Sa pamamagitan ng Kanyang mga kautusan, inihahayag sa atin ng ating Ama sa Langit ang landas tungo sa kagalakan.

Ipinahayag ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa ganitong paraan:

“Narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon! Ang talagang idinudulot nila ay walang iba kundi isang hungkag na pamalit sa ‘pinagpala at maligayang kalagayan ng mga [taong] sumusunod sa mga kautusan ng Diyos’ [Mosias 2:41].

“Ang katotohanan ay mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman! Gayunpaman, kapag inilalapit ninyo ang sarili ninyo kay Jesucristo at ginagawa ninyo ang espirituwal na gawaing kailangan upang madaig ang mundo, Siya, at Siya lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.”1

Samakatuwid, ang nagtatagal na kagalakan ay masusumpungan sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at ang mga kautusan ng Diyos ay matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Pero tayo ang nagpapasiya. Kung dahil sa ating kahinaan ay mabigo tayo sandali na sundin ang mga kautusan, maaari pa rin nating itama ang ating buhay, tanggihan ang kapaitan, at muling hangarin ang kabutihan. Hindi binibigyang-katwiran ng pag-ibig ng Diyos ang kasalanan—iyon ay awa na walang katarungan—pero sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nag-aalok si Jesucristo ng pagtubos mula sa kasalanan:

“Sinabi ni Amulek … na tiyak na paparito ang Panginoon upang tubusin ang kanyang mga tao, subalit hindi siya darating upang tubusin sila sa kanilang mga kasalanan, kundi upang tubusin sila mula sa kanilang mga kasalanan.

“At may kapangyarihan siya na ibinigay sa kanya ng Ama upang sila ay tubusin mula sa kanilang mga kasalanan dahil sa pagsisisi; kaya nga, isinugo niya ang kanyang mga anghel upang ihayag ang masayang balita na mga itinakda ng pagsisisi, na nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa” (Helaman 5:10–11; idinagdag ang diin).

Sinabi ni Jesus:

“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:10–11).

Ito ang nadama ni Lehi sa kanyang panaginip nang matikman niya ang bunga ng punungkahoy ng buhay—na kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos. Sabi niya, “Nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan” (1 Nephi 8:12; tingnan din sa 11:21–23).

Naghayag din si Lehi ng pangalawang paraan na makapaghahatid tayo ng kagalakan sa ating buhay nang sabihin niyang, “Anupa’t nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din [ng bunga] ang aking mag-anak” (1 Nephi 8:12).

isang kamay na nagpapasa ng prutas sa isa pang kamay, na may punungkahoy sa background

Background: Tree of Life [Punungkahoy ng Buhay], ni Kazuto Uota

Pagtulong sa Iba na Magkaroon ng Kagalakan

Tulad ng mga tao ni Haring Benjamin, tayo ay “[napupuspos] ng kagalakan” kapag tumatanggap tayo ng kapatawaran ng ating mga kasalanan at nakararanas ng “katahimikan ng budhi” (Mosias 4:3). Muli natin itong nadarama kapag tinitingnan natin ang iba at hinahangad nating tulungan ang mga kapamilya at iba pa na maranasan din ang kagalakan at kapayapaang iyon.

Noong binata pa siya, naghangad ng kaligayahan si Alma sa lahat ng bagay na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos pagsabihan ng isang anghel, malayo ang narating niya mula sa “kapaitan” tungo sa “kabutihan” sa pamamagitan ng pagsisisi na “halos [ikamatay]” niya (Mosias 27:28) at ng saganang biyaya ng Tagapagligtas. Makalipas ang ilang taon, mariing ipinahayag ni Alma sa kanyang anak na si Helaman:

“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit! …

“Oo, at magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman. …

“Oo, at ngayon masdan, O anak ko, binigyan ako ng Panginoon ng labis na kagalakan sa bunga ng aking mga pagpapagal;

“Sapagkat dahil sa salitang [ang ebanghelyo ni Jesucristo] na ibinahagi niya sa akin, masdan, marami ang isinilang sa Diyos, at nakatikim tulad ng natikman ko” (Alma 36:20, 24–26).

Sa isa pang pagkakataon, nagpatotoo si Alma:

“Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.

“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan” (Alma 29:9–10).

Patuloy na ipinahayag ni Alma ang matinding kagalakang nadama niya nang magtagumpay ang iba sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo:

“Subalit hindi lamang ako nagagalak sa aking sariling tagumpay, kundi higit pang nalubos ang aking kagalakan dahil sa tagumpay ng aking mga kapatid [ang mga anak ni Mosias], na nagtungo sa lupain ng Nephi.

“Masdan, sila ay nagpagal nang labis, at namunga ng maraming bunga; at kaydakila ng kanilang magiging gantimpala!

“Ngayon, kapag naiisip ko ang tagumpay ng aking mga kapatid na ito, ang aking kaluluwa ay natatangay, maging sa paghihiwalay nito mula sa katawan, sa wari’y gayon ito, napakalaki ng aking kagalakan” (Alma 29:14–16).

Masusumpungan din natin ang kagalakang iyon kapag minahal natin ang iba nang may “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47; tingnan din sa talata 48), ibinahagi ang ipinanumbalik na katotohanan sa kanila, at inanyayahan sila na makitipon sa mga pinagtipanang tao.

ang Tagapagligtas sa Getsemani

O My Father [O Ama Ko], ni Simon Dewey

Kagalakan sa Gitna ng Kapighatian

Hindi tayo dapat matakot na ang nararanasan nating mga pagsubok at hamon sa mortalidad ay hahadlang o sisira sa ating kagalakan. Si Alma ay isang tao na ang di-makasariling paglilingkod sa iba ay napakalaki ng naging kapalit. Naranasan niyang mabilanggo, magutom at mauhaw nang napakatagal, mabugbog, mapagbantaan ang buhay, at paulit-ulit na kutyain at itakwil. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay “[nalulon] sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38). Marahil ang pagdurusa ni Alma ay nagdulot pa ng mas malaking kagalakan.

Ipinapaalala sa atin ni Pangulong Nelson na nagkaroon ng papel ang kagalakan sa pagdurusa ng Tagapagligtas—“dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis [Niya] ang krus” (Mga Hebreo 12:2).

“Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!

“At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.

“Kung magtutuon tayo sa kagalakang darating sa atin, o sa mga mahal natin sa buhay, ano ang mapagtitiisan natin na sa ngayon ay tila hindi natin kaya, masakit, nakakatakot, hindi makatwiran, o talagang imposible?”2

Ang nagtatagal na kagalakan ay dumarating sa pamamagitan ng patuloy na pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo at pagtulong sa iba na gayon din ang gawin. Ang nagtatagal na kagalakan ay dumarating kapag tayo ay nananahan sa pag-ibig ng Diyos, sumusunod sa Kanyang mga kautusan at tumatanggap ng biyaya ng Tagapagligtas. Sa landas ng ebanghelyo, may kagalakan sa paglalakbay at may kagalakan din sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang landas tungo sa pang-araw-araw na kagalakan.