Liahona
4 na Alituntuning Maaari Nating Matutuhan mula sa Paraan ng Pagkilos ng Presiding Bishopric
Pebrero 2024


“4 na Alituntuning Maaari Nating Matutuhan mula sa Paraan ng Pagkilos ng Presiding Bishopric,” Liahona, Peb. 2024.

4 na Alituntuning Maaari Nating Matutuhan mula sa Paraan ng Pagkilos ng Presiding Bishopric

Sumusunod ang Presiding Bishopric sa mga espirituwal na alituntunin habang pinangangasiwaan nila ang mga temporal na gawain ng Simbahan.

Larawan
mga miyembro ng Presiding Bishopric na nakaupo sa tabi ng mesa

Noong 1831, isang taon matapos maorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinawag si Edward Partridge bilang unang bishop. Tumanggap siya ng dalawang pangunahing responsibilidad: pangasiwaan ang mga temporal na gawain ng Simbahan at pangalagaan ang mga nangangailangan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42.)

Ang mga responsibilidad na ito ay angkop pa rin ngayon, sabi ni Presiding Bishop Gérald Caussé. “Lumago na ang Simbahan, pero ganoon pa rin ang ginagawa namin: pangasiwaan ang mga temporal na gawain at pangalagaan ang mga nangangailangan.”

Ginagampanan ng Presiding Bishopric ang mga tungkuling ito para sa Simbahan sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Ginagampanan ng mga bishop ang mga tungkuling ito sa kanilang mga ward, paliwanag ni Bishop Caussé.

Ang bishop ang nagko-coordinate sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa ward, kabilang na ang pangangalaga sa mga nangangailangan. Siya rin ang nangangasiwa sa mga talaan, pananalapi, at paggamit ng meetinghouse.1

Itinatalaga ng bishop ang karamihan sa gawain ng paghahanap at pangangalaga sa mga nangangailangan sa mga Relief Society at elders quorum presidency.2 Ang responsibilidad na ito ay angkop para rin sa lahat ng miyembro ng Simbahan habang sila ay nagmi-minister sa isa’t isa.3

Ang responsibilidad ng Presiding Bishopric para sa mga temporal na gawain—o mga pisikal na aspeto—ng Simbahan ay kinabibilangan ng pangangasiwa sa ikapu at mga handog-ayuno, humanitarian aid, mga programang pangkapakanan at pag-asa sa sarili, pagtatayo at pagmentena ng mga meetinghouse at templo, at paggawa at pamamahagi ng resources ng ebanghelyo, tulad ng mga banal na kasulatan at himnaryo.

“Ang lahat ng bagay ay pag-aari ng Panginoon—hindi natin ito pag-aari. Kung kaya’t pinangangasiwaan namin ang resources na ito sa Kanyang paraan,” sabi ni Bishop Caussé.

Ibinahagi ng Presiding Bishopric ang ilan sa maraming alituntuning gumagabay sa kanilang gawain at kung paano maaaring umangkop ang mga alituntuning ito sa mga miyembro ng ward at stake.

Ang Lahat ng Bagay ay Espirituwal sa Diyos

Ipinahayag ng Panginoon: “Ang lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal; ni kanino mang tao, ni sa mga anak ng tao; ni kay Adan, na inyong ama, na aking nilikha” (Doktrina at mga Tipan 29:34).

Ang alituntuning ito ay isa sa maraming bagay na natutuhan ni Bishop W. Christopher Waddell, Unang Tagapayo, habang naglilingkod sa Presiding Bishopric. “Bagama’t kami ang responsable sa mga temporal na gawain ng Simbahan at sa paghahanda ng daan, bumabalik ang banal na kasulatan sa, ang lahat ng bagay ay espirituwal sa Panginoon—hindi Siya nagbigay kailanman ng temporal na kautusan. Ang lahat ng bagay ay espirituwal. At nakita ko na iyan. Upang magawa natin ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon, kailangan nating umasa sa Kanya,” sabi niya.

Angkop ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan habang sadya tayong nagsisikap na gampanang mabuti ang ating mga katungkulan—bilang ministering brother o sister man, Sunday School teacher, nursery leader, o ward building representative.

Ipinaliwanag ni Bishop L. Todd Budge, Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric: “Ang natuklasan ko sa sarili kong buhay ay na maaari ko ring ipagdasal ang aking mga temporal na gawain. Maaari kong ipagdasal ang aking pananalapi. Maaari kong ipagdasal kung bibilhin ko ba ang bahay na ito o ang bahay na iyon o kung mamumuhunan ba ako sa bagay na ito o sa bagay na iyon. Dapat nating isali ang Panginoon hindi lamang sa espirituwal na bahagi ng ating buhay kundi maging sa mga temporal na bagay sa ating buhay dahil ang lahat ng bagay na ito ay nakatutulong sa kakayahan nating mahalin at paglingkuran ang ibang tao.”

Larawan
mga miyembro ng Presiding Bishopric na sama-samang naglalakad

Binisita ng Presiding Bishopric—Bishop Gerald Caussé (gitna); Bishop W. Chistopher Waddell, Unang Tagapayo (kanan); at Bishop L. Todd Budge, Pangalawang Tagapayo (kaliwa)—ang bishops’ storehouse sa Welfare Square sa Salt Lake City. Isa ito sa 124 na mga bishops’ storehouse na mayroon sa buong mundo, na namamahagi ng pagkain sa mga nangangailangan.

Larawang kuha ni Laura Seitz, sa kagandahang-loob ng Church News

Kumilos nang May Pagkakaisa

Nang tawagin si Bishop Budge sa Presiding Bishopric noong Oktubre 2020, inakala niya na magkakaroon siya ng sarili niyang mga assignment at hindi niya natanto na magtutulungan nang husto ang bishopric. Sabi niya nadama raw niya ang patnubay ng Panginoon habang kumikilos sila nang may pagkakaisa, madalas silang sama-samang nagdarasal, sama-samang dumadalo sa templo, at nagsasanggunian.

“Noong una akong mapunta sa bishopric, akala ko ay hahatiin namin ang mundo sa tatlo o anumang tulad niyon at tatanggap kami ng mga responsibilidad at paghahatian namin ang mga iyon,” sabi ni Bishop Budge. “Pero hindi namin iyon ginagawa sa ganoong paraan. Magkakasama naming ginagawa ang lahat nang may pagkakaisa bilang bishopric. At natutuhan ko na may malaking kapangyarihan sa mga pagsasanggunian. May malaking kapangyarihan sa pagkakaisa na dumarating kapag nagtutulungan kami nang may iisang layunin at iisang hangarin.”

Habang nakikibahagi sila sa iba’t ibang executive council at komite sa headquarters ng Simbahan at nagsasanggunian bilang bishopric, ang bawat isa sa kanila ay naghahatid ng mga natatanging talento, background, at karanasan sa buhay—tulad ng alinmang presidency sa isang ward o stake.

“Hindi naman kapag pinagsama-sama ninyo ang isa sa isa sa isa pa ay makukuha ninyo ang pinagsama-samang kakayahan ng tatlong tao. Pero sama-sama kaming kumikilos nang may pagkakaisa. At sa sama-samang pagkilos nang may pagkakaisa, mas marami kaming nagagawa kaysa sa nagagawa ng tatlong tao,” sabi ni Bishop Budge.

Larawan
mga miyembro ng Simbahan na tumutulong sa paglilinis pagkaraan ng bagyo

Matapos tamaan ng bagyo ang Pilipinas noong 2013, hindi lamang tumulong ang mga miyembro ng Simbahan sa paglilinis kundi tumulong din sila sa muling pagtatayo, na nagturo sa kanila ng mga makabuluhang kasanayan.

Magkaroon ng Pag-asa sa Sarili

Isang taon pagkaraang wasakin ng Bagyong Haiyan—isa sa mga pinakamalakas na bagyong naitala—ang Pilipinas noong 2013, binisita ni Bishop Caussé ang lungsod ng Tacloban. Naglaan ng materyales ang Simbahan pagkaraan ng bagyo upang matulungan ang mga Pilipino na muling itayo ang kanilang mga tahanan. Habang muling nagtatayo, marami ang natuto ng mga kasanayan tulad ng pagkakarpintero, pagtutubero, at pangangasiwa sa konstruksyon.

Isang bagong tawag na tagapayo sa Presiding Bishopric noong panahong iyon, si Bishop Caussé ay bumisita sa isang vocational school sa Tacloban at nakita niya mismo ang epekto ng tulong ng Simbahan. “Literal na daan-daan sa ating mga miyembro ang tumanggap ng vocational training upang matuto ng mga kasanayan sa trabaho nang sa gayon ay makahanap ng trabaho o makapagsimula ng sarili nilang negosyo,” paggunita niya.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2021, ibinalita rin ni Pangulong Russell M. Nelson na isang templo ang itatayo sa Tacloban.4 “Isipin na lamang ninyo ang lahat ng nangyari nitong nakaraang ilang taon at kung paano nakatulong ang welfare system ng Simbahan at ang mga alituntuning pangkapakanan sa mga tao na maghanda para sa pagtatayo ng templo,” sabi ni Bishop Caussé.

Ang bawat humanitarian project na kinabibilangan ng Simbahan ay may mithiing isulong ang self-reliance o pag-asa sa sarili, sabi niya. “Para sa atin ang pag-asa sa sarili ay isang alituntunin ng kaligtasan. Ito ay isang espirituwal na alituntunin. Sa tuwina, nagtatanong tayo: ‘Paano natin tinutulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili?’”

Gayundin, habang hinahanap at pinangangalagaan ng mga lider ng ward at stake ang mga may temporal at emosyonal na pangangailangan, sinisikap nilang tulungan ang mga miyembro na mapatatag ang kanilang pag-asa sa sarili. Ang isang paraan na magagawa ito ng mga lider ay sa pag-anyaya sa kanila na makilahok sa isa sa mga grupo ng Simbahan para sa pag-asa sa sarili. Tinuturuan ng mga grupong ito ang mga tao ng mga espirituwal na alituntunin pati na rin ng mga praktikal na kasanayan. Nakatuon ang mga grupo sa isa sa limang aspeto: trabaho, edukasyon, personal na pananalapi, emosyonal na katatagan, at pagsisimula at pagpapalago ng negosyo.5

Sa tulong ng mga grupong ito, naisabuhay ng mga miyembro sa buong mundo ang mga alituntunin ng doktrina at pananampalataya sa Panginoon upang matulungan ang kanilang sarili at ang iba pa na mas umasa sa sarili pagdating sa espirituwal at temporal. Nagkaroon sila ng mas malaking pag-asa, kapayapaan, at pag-unlad.6

Magtuon ng Pansin sa mga Tao

Nakatuon ang Simbahan sa mga tao, pagbibigay-diin ni Bishop Caussé. “Lagi akong nakadarama ng pagpapakumbaba dahil sa matatapat na miyembrong nakikilala namin sa bawat bansa, sa bawat kontinente. Nakatuon ang Simbahan sa mga tao.”

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39), at nais Niyang piliin ng lahat ng Kanyang mga anak na bumalik sa Kanya. Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan upang magawa ito ng mga indibiduwal at pamilya.7

“Ang ebanghelyo ay nasa buhay talaga ng ibang tao,” sabi ni Bishop Caussé. “Nakatuon ito sa isang taong binibinyagan. Nakatuon ito sa isang binatilyong tumatanggap ng priesthood o sa isang dalagitang pumupunta sa templo sa unang pagkakataon at nagpapabinyag para sa isa sa kanyang mga ninuno. Nakatuon ito sa mga pamilyang sama-samang nagtitipon, mga kongregasyong sama-samang nagtitipon, at nakikibahagi sa sakramento tuwing Linggo.

“Sa pagtatapos ng araw, nakatuon ito sa mga simpleng bagay sa buhay—sa dahilan kung bakit tayo narito at kung saan tayo patungo at kung paano tayo makababalik sa ating Ama sa Langit at makatatanggap ng lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa pagiging simple ng ebanghelyo. Pinatototohanan ko na ito ay totoo.”

Print