“Paano Tayo Maaaring Mamuhay ‘nang Maligaya’?,” Liahona, Peb. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano Tayo Maaaring Mamuhay “nang Maligaya”?
Kadalasan sa buhay ay maaari tayong magkamaling maniwala na ang kaligayahan ay kinapapalooban lamang ng pagsasaya o hindi pagkakaroon ng mga problema. Gayunpaman, ayon sa Aklat ni Mormon, ang nagtatagal na kaligayahan bilang alagad ni Jesucristo ay kinapapalooban ng marami pang iba.
Sabi ni Nephi, “Kami ay namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Ngunit ang ibig bang sabihin niyon ay naging maligaya sila dahil hindi sila nahirapan sa buhay? Siyempre hindi! Sa 2 Nephi 4, inilarawan ni Nephi ang mga problemang ikinalungkot niya. Sa kabanata 5 malalaman natin kung ano ang nakapaloob sa tunay na kaligayahan.
Mga Pinagmumulan ng Kaligayahan
Paano makapaghahatid sa atin ng kaligayahan ang bawat isa sa mga sumusunod?
-
Pamilya at malalapit na relasyon (tingnan sa 2 Nephi 5:6)
-
Pagsunod sa mga kautusan (tingnan sa 2 Nephi 5:10)
-
Trabaho at pag-asa sa sarili (tingnan sa 2 Nephi 5:11, 14, 15, 17)
-
Pagsamba sa templo (tingnan sa 2 Nephi 5:16)
-
Paglilingkod (tingnan sa 2 Nephi 5:26)
Ano ang Tunay na Kaligayahan?
“Maraming taong nagsisikap na makasumpong ng kaligayahan at kasiyahan sa mga aktibidad na salungat sa mga kautusan ng Panginoon. …
“Ang iba ay naghahangad lamang na magsaya sa buhay. Dahil ito ang kanilang pangunahing mithiin, tinutulutan nila ang pansamantalang kasiyahan na ilihis sila mula sa nagtatagal na kaligayahan. Ipinagkakait nila sa kanilang sarili ang mga nagtatagal na kagalakan ng espirituwal na paglago, paglilingkod, at kasipagan.
“Sa paghahangad nating lumigaya, dapat nating tandaan na ang tanging paraan upang tunay na lumigaya ay isabuhay ang ebanghelyo. Makasusumpong tayo ng payapa at walang-hanggang kaligayahan habang nagsisikap tayong sumunod sa mga kautusan, manalangin para sa lakas, magsisi sa ating mga kasalanan, makilahok sa mga kasiya-siyang aktibidad, at magbigay ng makabuluhang paglilingkod.”1