Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito
Pag-iingat sa Relasyon Natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Maaari tayong magsikap na ingatan ang relasyon natin sa Kanila para makapanindigan tayo sa mundong ito.
Kamakailan lang, habang nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, nabasa ko ang salitang ingatan, at nagkainteres ako rito sa isang paraan na hindi ko naranasan noon. Isang maliit na binhi ang natanim sa aking isipan. Kalaunan, pakiramdam ko ay parang nakikita ko ang salitang ito kahit saan.
Nadama ko na inanyayahan ako ng Espiritu na pag-isipan ang tatlong tanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng ingatan ang isang bagay?
-
Ano ang sinisikap kong ingatan sa buhay ko?
-
Ano ang kapansin-pansing mga hakbang na ginagawa ko tungo sa pag-iingat na iyon?
Mahuhulaan ninyo na ang unang tanong ay umakay sa akin na hanapin sa diksyunaryo ang salitang ingatan. Nagustuhan ko ang pakahulugang nakita ko roon. Tinulungan ako nitong ilarawan sa aking isipan ang layunin ng pag-iingat. Natutuhan ko, halimbawa, na ang ibig sabihin ng ingatan ay:
-
Alagaan para hindi mapinsala o masaktan
-
Protektahan, panatilihing buhay o buo
-
Bantayan, siguraduhing ligtas, ipagtanggol, kalingain, ipagsanggalang, at bigyan ng kanlungan
Sa huli, malinaw na itinampok ng gawaing ito ang ilang bagay para sa akin:
-
Ang hangarin nating ingatan ang isang bagay ay nagpapahiwatig ng kahalagahan nito sa ating buhay.
-
Nais nating ingatan ang mahahalagang bagay na ito dahil alam natin na madaling mapinsala, mabulok, madurog, o masira pa nga ang mga ito.
-
Hindi sapat ang naisin lang na ingatan ang isang bagay. Kailangan nating gumawa ng kapansin-pansing mga hakbang para protektahan ang mga bagay na pinahahalagahan natin at maiwasan ang anumang nakapipinsalang pagkasira.
Sa pagkaunawang ito, nahiwatigan ko kung ano ang sinisikap sabihin ng Espiritu ng Panginoon sa akin. Nais Niyang alamin ko, bago ang lahat, kung paano ko maiingatan ang aking pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo at ang relasyon ko sa Kanila.
Ang nag-iisang tanong na ito ay naghikayat sa akin na ipamuhay ang lahat ng natututuhan ko tungkol sa pag-iingat sa relasyon ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa mga tipang nagawa ko sa Kanila. Inakay ako nitong alamin kung inuna ko Sila sa aking personal na listahan ng mga pinahahalagahan, na nagtutulot sa lahat ng iba pa sa buhay ko na dumaloy mula sa pinakamahalagang relasyong iyon.
Ang lugar Nila sa ating buhay ay tumutulong sa atin na pangalagaan ang lahat ng iba pa nating relasyon. Ang pag-iingat sa relasyon natin kay Jesucristo ay nagpapaalam sa atin kung paano gamitin ang mabubuting katangian sa paghahangad nating magkaroon ng banal na kaugnayan sa lahat ng mga anak ng Diyos, na ginagawang higit na nakasentro kay Cristo ang mga pinahahalagahang iyon.
Natutuhan ko ring kilalanin na tulad ng paghiling sa atin ng Diyos na unahin Siya sa ating buhay, ginagawa rin Niya iyon para sa akin, sa inyo, at sa lahat ng Kanyang mga anak. Sa Kanyang sariling tinig, sinabi ng Diyos, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao (Moises 1:39).”
Dito at sa iba pang mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 29:9), sinasabi sa atin ng Diyos na ang Kanyang pinakamataas na prayoridad ay tayo, na Kanyang mga anak. Nais Niyang ibahagi sa atin ang Kanyang kaluwalhatian, na magkaroon tayo ng kagalakang layon ng paglikha sa atin na magkaroon tayo (tingnan sa 2 Nephi 2:25), at magtamo ng “buhay na walang hanggan, … [ang] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan, sinabi ni Jesus, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si [Jesucristo] na iyong sinugo” (Juan 17:3).
Habang iniisip ko ang mahahalagang hakbang na ginawa ng Diyos para ingatan ang relasyon Niya sa akin, nahihiwatigan ko ang isang huwaran na nagtuturo sa akin kung paano ko maiingatan ang relasyon ko sa Kanya, na katulad Niya.
Apat na Paraan na Sinisikap ng Diyos na Ingatan ang Relasyon Niya sa Atin
Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak na si Jesucristo para Magbayad-sala para sa Atin
Isinugo sa atin ng isang mapagmahal at matalinong Ama si Jesucristo para tubusin tayo mula sa mga epekto ng kasalanan, na tinitiyak na hindi tayo patuloy na mahihiwalay mula sa Diyos. Sa halip, sa pamamagitan ng kaloob na banal na awa ng ating Tagapagligtas, pinagkalooban tayong lahat nang walang kundisyon na imortalidad at pagkakataong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos para mahatulan (tingnan sa 2 Nephi 2:5–10; Helaman 14:15–17). Sa Halamanan ng Getsemani at sa Kalbaryo, ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan, na ibinigay sa Kanya ng Ama (tingnan sa Helaman 5:11), para magdusa “para sa lahat, upang hindi [tayo] magdusa kung [tayo] ay magsisisi” (Doktrina at mga Tipan 19:16). Pagkatapos ay ipinako Siya sa krus na iyon at nagbuwis ng Kanyang buhay—para sa atin (tingnan sa 1 Pedro 2:24).
Ano, kung gayon, ang gagawin natin para maingatan ang relasyon natin sa Kanya, na buong kapangyarihang nagpakita kung ano ang handa Niyang gawin para sa atin?
-
Mas ganap ba tayong magiging Kanyang matatapat na disipulo?
-
Mas lubusan ba nating tataglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan?
-
Mas mananagot ba tayo at magsisisi kapag nagkukulang tayo?
-
Pangangalagaan ba natin ang ating patotoo?
Ipinadala na ng Diyos ang Kanyang Salita sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan at mga Propeta at Apostol sa Makabagong Panahon
Ang isa pang malinaw na tanda kung gaano tayo pinahahalagahan ng Diyos ay ang pagbibigay Niya sa atin ng nangangalaga at nagpoprotektang kapangyarihan ng Kanyang salita. Tulad ng ipinangako ni Nephi:
“Sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, … ay hindi masasawi [kailanman]; ni ang mga tukso … ng kaaway ay makapananaig sa kanila … upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24).
Inihahatid ng Diyos ang Kanyang buhay na mga salita sa atin sa pamamagitan ng mga tipan sa banal na kasulatan gayundin sa pamamagitan ng mga bibig ng buhay na mga propeta at apostol. Ang Simbahan ni Jesucristo ay may mga pinunong hinirang Niya at binigyan ng kapangyarihan at awtoridad na ipahayag ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga tao.
Ang salita ng Diyos ay maaaring pawiin ang alinman sa ating likas na pagkahilig sa makamundong “kultura, mga gawi, pagkiling, mga akala, at mga pag-aalinlangan.”1 Ang Kanyang salita ay maaaring mangusap nang tuwiran “sa kaibuturan” ng ating puso, anuman ang antas ng ating kabutihan.2 “Maihihiwalay ng salita ng Diyos ang katotohanan sa kamalian” at matutulungan tayong makilala at maalis sa ating isipan ang anumang mga maling turo na maaaring magpalabo sa ating pangangatwiran at pag-unawa “sa pamamagitan ng pagtatakda sa mga ito laban sa malilinaw at mahahalagang katotohanan ng Diyos.”3
Ano, kung gayon, ang magagawa natin para maingatan ang ating pananampalataya sa mga salita ng Diyos, na natanggap sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Kanyang hinirang na mga propeta at apostol?
-
Mas sadya ba tayong “makikinig” sa kanilang mga turo?
-
“Mahigpit [ba tayong] kakapit” sa salita ng Diyos kapag dumating ang mga tukso, pagsubok, o hamon, upang hindi tayo madaig?
Nag-alok ang Diyos ng Pinalalim na Relasyon at Kaligtasan sa Pamamagitan ng mga Tipan sa Kanya
Ang pinakamahahalagang pangakong ginagawa natin sa Diyos ay ang mga ginagawa natin sa pamamagitan ng mga tipan. Ang mga sagradong kasunduang ito ang paraan ng pag-impluwensya ng Diyos sa Kanyang mga anak mula pa sa simula ng panahon. Nakikita natin na ipinapakita ng Diyos sa pinakasimula pa lang ang Kanyang katapatan sa Kanyang mga pinagtipanang anak sa mga banal na kasulatan—simula sa aklat ng Genesis (tingnan sa Genesis 6:18)—at nagpatuloy sa buong kasaysayan ng banal na kasulatan. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay maaaring maging mabisang gabay sa mga pagpapasiyang ginagawa natin.
Ang “mahahalaga at mga dakilang pangako” na ito (2 Pedro 1:4) ay nauugnay sa mga ordenansa at tipan na ginagawa natin sa Diyos Ama sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. At hinihiling ng Diyos na makibahagi tayo rito upang maingatan Niya tayo laban sa katiwalian sa mundo.
Ano, kung gayon, ang magagawa natin para maingatan ang relasyon natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang hinahangad nating tuparin ang ating mga tipan sa Kanila?
-
Maghahangad ba tayo ng higit na kagalakan sa pakikiisa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan?
-
Tatanggap ba tayo ng sakramento ng Panginoon bilang pag-alaala at pagpapanibago ng ating mga tipan?
-
Ihahanda ba natin ang ating sarili na pumasok sa bahay ng Panginoon at tamasahin ang mga tipang inaalok doon?
-
Pagkatapos ay regular ba tayong babalik sa templo?
Isinugo ng Diyos ang Espiritu Santo para Samahan Tayo
Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng personal na patotoo at paghahayag. Maaari Niya tayong gabayan sa ating mga desisyon at protektahan laban sa pisikal at espirituwal na panganib. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan tayo ay pinababanal—o itinatalaga, o ginagawang banal—kapag tayo ay nagsisisi (tingnan sa 3 Nephi 27:20), tumatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa, at tumutupad sa ating mga tipan.
Sa Huling Hapunan ng Tagapagligtas na kasama ng Kanyang mga Apostol, nang mag-alala sila tungkol sa kanilang pagsulong sa landas (tingnan sa Juan 14:5), ibinigay sa kanila ni Jesus ang pangakong ito:
“Ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo” (Juan 14:26).
Ibinigay rin ang pangakong iyan sa inyo at sa akin.
Ano, kung gayon, ang magagawa natin para mapanatili ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo, ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, upang matanggap natin ang ipinangakong pisikal at espirituwal na proteksyon?
-
Ipagdarasal ba natin na magkaroon tayo ng inspirasyong malaman kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Diyos at ang kapangyarihan at kakayahang gawin ito?
-
Mas susundin ba natin ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap natin sa isang paraan na magtutulot sa tinig ng Diyos na manaig sa ating buhay?
-
Hahangarin ba natin, nang may tumitinding katapatan at hangarin, ang nagpapatibay na patotoo ng Espiritu tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at sa nakapagliligtas na mga ordenansa na matatagpuan lamang sa Simbahan ng Tagapagligtas?
Mga kaibigan, pinatototohanan ko sa inyo na palaging sinisikap ng Diyos na kausapin kayo—kahit hindi ninyo ito napapansin. Kadalasa’y sinisikap Niyang sabihin sa inyo na mahal Niya kayo at na kayo ang Kanyang prayoridad. Naglaan na Siya at patuloy na maglalaan ng maraming paraan para ipamalas ang ating kahalagahan at na tayo ang prayoridad. Gantihan natin nang may kagalakan ang Kanyang pagmamahal sa pagpiling gawin Siyang prayoridad sa ating buhay. At pagkatapos ay ingatan natin ang relasyong iyan sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa Kanya bilang Kanyang mga disipulo: na kumakapit nang mahigpit sa Kanyang salita, gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya, at naghahangad ng palagiang patnubay ng Espiritu Santo.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang buhay na Anak ng Diyos at na kusa Niyang ibinuwis ang Kanyang buhay para iligtas ang ating buhay at ialok sa atin ang pinakadakilang kaloob ng Diyos: ang buhay na walang hanggan. Kayo ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian.