Liahona
Pagtulong sa mga Kabataan na Maghandang Tumanggap ng Patriarchal Blessing
Pebrero 2024


“Pagtulong sa mga Kabataan na Maghandang Tumanggap ng Patriarchal Blessing,” Liahona, Peb. 2024.

Pagtulong sa mga Kabataan na Maghandang Tumanggap ng Patriarchal Blessing

Ang mga patriarchal blessing ay makatutulong sa mga kabataan na maunawaan ang kanilang walang-hanggang identidad at manatili sa landas ng tipan.

isang patriarch na nagbibigay ng basbas sa isang dalagita

Nakatanggap ng inspirasyon ang dalawang miyembro ng Pitumpu—sina Elder Randall K. Bennett at Elder Kazuhiko Yamashita—na magsalita tungkol sa mga patriarchal blessing sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2023. Si Elder Bennett ay tumanggap ng patriarchal blessing sa edad na 12 at nagsabing “napakahalaga” nito sa kanya noong bata pa siya. Natulungan siya nitong maunawaan ang kanyang walang-hanggang identidad at malaman na siya ay “mahal … ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas at Sila ay may personal na kinalaman sa buhay ko.”

Nang pag-aralan niya ito, ito ay nakatulong sa kanya na madama ang Espiritu Santo at nagbigay-inspirasyon sa kanya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, manalangin araw-araw, at sundin ang mga turo ng mga propeta. “Mahalaga noon para sa akin na matanggap ang aking patriarchal blessing habang bata pa ako at habang lumalago pa ang aking patotoo.”1

Natanggap ni Elder Yamashita ang kanyang patriarchal blessing sa edad na 19, dalawang taon matapos siyang mabinyagan. Itinuro ni Elder Yamashita na inihahayag ng mga patriarchal blessing ang ating angkan sa sambahayan ni Israel, na nagpapaalala sa atin na “tayo ay mga anak ng tipan. Tinatanggap natin ang mga pagpapala ng tipang Abraham kapag sinusunod natin ang mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo.” Itinuro rin niya na ang paghahandang tumanggap ng patriarchal blessing ay makatutulong sa mga kabataan na madagdagan ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.2

Dahil ang mga patriarchal blessing ay maaaring magsilbing lakas sa buhay ng mga mas nakababatang miyembro ng Simbahan, maaaring talakayin ng mga magulang at lider ang ilan sa mga tanong na ito sa mga kabataan habang naghahanda silang tumanggap ng patriarchal blessing.

Mga Tanong at mga Sagot

Ano ang patriarchal blessing?

Ang patriarchal blessing ay isang espesyal na basbas na ibinibigay ng isang inorden na patriarch sa karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Naglalaman ito ng payo mula sa Ama sa Langit upang magabayan ang tao sa buong buhay niya. Ipinapaalam nito sa miyembro kung anong lipi ng Israel ang kinabibilangan niya. “Ang inyong lipi ay hindi kinakailangang nakaugnay sa lahi o nasyonalidad. Sa halip, nakaugnay ito sa isang grupo ng mga espirituwal na responsibilidad at ng mga ipinangakong pagpapala.”3 Ipinapaalala nito sa miyembro na, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, “kayo ay mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:26).

“Ang patriarchal blessing mula sa isang inorden na patriarch ay makapagbibigay sa atin ng isang tala na susundan, na isang personal na paghahayag mula sa Diyos sa bawat indibiduwal. Kung susundan natin ang talang ito, mas malamang na hindi tayo magkamali at maligaw ng landas. …

“… Ang ating mga patriarchal blessing ay nagsasaad ng inaasahan [ng Diyos] sa atin at kung ano ang ating potensyal.”4

Kailangan bang nasa isang partikular na edad ang mga miyembro para makatanggap ng patriarchal blessing?

Ang taong tumatanggap ng basbas ay dapat na “sapat ang antas ng kaalaman at pag-unawa … para maunawaan ang kahalagahan at kasagraduhan ng basbas. Hangga’t maaari, dapat ay bata pa ang miyembro na may marami pang mahahalagang desisyon na gagawin sa buhay.”5

Walang kinakailangang minimum na edad maliban sa pagtiyak na nauunawaan ng mga kabataan ang kasagraduhan ng basbas, at dapat nauunawaan ng mga bagong miyembro “ang pangunahing doktrina ng ebanghelyo.”6 Ang pagtanggap ng basbas sa medyo bata pang edad ay makatutulong sa kanila na gumawa ng mahahalagang desisyon sa buhay habang tinedyer at young adult sila.

Anong payo ang ibibigay sa patriarchal blessing?

“Ang patriarchal blessing ay isang sagradong patnubay na kinapapalooban ng mga payo, pangako, at impormasyon mula sa Panginoon; gayunman, hindi dapat asahan ng isang tao na idedetalye ng basbas ang lahat ng mangyayari sa kanya o na masasagot nito ang lahat ng tanong.”7

Maaari nitong mabanggit ang ilan pero hindi ang lahat ng mahahalagang aspeto ng buhay ng miyembro. Kung hindi nito mababanggit ang isang bagay (tulad ng pag-aasawa o full-time mission, halimbawa), hindi ito nangangahulugan na hindi maaaring gawin ng tao ang mga bagay na iyon, siyempre.

Pero ang patriarchal blessing ay partikular na patnubay para sa tao na tuwirang nagmumula sa Ama sa Langit. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na ang patriarchal blessing ay “naglalaman ng mga kabanata mula sa inyong aklat ng mga walang-hanggang posibilidad” at na ito ay “isang personal na Liahona upang maiplano ang inyong landas at magabayan kayo sa daan.”8

Matutupad ba ang lahat ng pagpapala sa patriarchal blessing sa buhay na ito?

Ipinangako ni Pangulong James E. Faust (1920–2007): “Ang patriarchal blessing ay magiging isang angkla sa ating kaluluwa, at kung tayo’y karapat-dapat, hindi maaaring ipagkait sa atin ng kamatayan ni ng diyablo ang mga pagpapalang ipinahayag. Mga pagpapala ito na maaari nating tamasahin ngayon at magpakailanman.”9

Ang pagtanggap ng mga ipinangakong pagpapala ay nakasalalay sa ating pagsisikap at kabutihan. Kung sisikapin nating piliin ang tama, ang lahat ng ipinangakong pagpapala ay mapapasaatin. Pero maaaring dumating ang ilang pagpapala sa kawalang-hanggan.

Paano natatanggap ng mga kabataan ang patriarchal blessing?

Una, kailangan nilang magtakda ng appointment upang makausap ang bishop o branch president. Magsasagawa siya ng interbyu at magbibigay ng Patriarchal Blessing Recommend. Pagkatapos ay magtatakda naman sila ng appointment sa patriarch. Maaaring dumalo ang malalapit na miyembro ng pamilya sa pagbabasbas.

Sa isang araw sa hinaharap kasunod ng pagbabasbas, bibigyan ng kopya ng basbas ang tumanggap. Maaari rin itong ma-access sa ChurchofJesusChrist.org sa ilalim ng “Tools.”

Para sa mga nasa partikular na sitwasyon, tulad ng naglilingkod sa militar o sa misyon, nasa Pangkalahatang Hanbuk ang iba pang mga detalye kung paano tumanggap ng basbas.10

Maaari bang ibahagi ng mga magulang ang mga bahagi ng sarili nilang patriarchal blessing sa kanilang mga anak?

Sabi sa Pangkalahatang Hanbuk: “Hindi dapat ibahagi [ng mga miyembro ng Simbahan] ang mga ito maliban sa malalapit na kapamilya. Hindi dapat basahin ang mga patriarchal blessing sa mga pulong ng Simbahan o sa iba pang pampublikong pagtitipon.”11

Matutulungan ng mga magulang at lolo’t lola ang kanilang mga anak at apo na maghandang tumanggap ng patriarchal blessing sa pamamagitan ng pagbabahagi kung paano sila nabigyang-inspirasyon at nagabayan ng sarili nilang patriarchal blessing.

binatilyong nagbabasa ng kanyang patriarchal blessing

Ang mga Pagpapala ng Patriarchal Blessing

Ang patriarchal blessing ay maaaring maging isang magandang sanggunian sa buhay ng ating mga kabataan. Matutulungan sila nitong humarap sa mga hamon ng buhay. Sa mga panahon ng pagsubok, mabibigyan sila nito ng pag-asa at matutulungan sila nitong makahugot ng lakas sa Tagapagligtas. At matutulungan sila nito sa buong buhay nila na maunawaan ang katotohanan tungkol sa kanilang pagkatao at sa maaari nilang kahinatnan.

Itinuro ni Elder Bennett: “Ang madalas na pag-aaral ko ng aking patriarchal blessing ay nagpaibayo sa hangarin kong mapaglabanan ang tukso. Tinulungan ako nitong magkaroon ng hangarin at lakas-ng-loob na magsisi, at ang pagsisisi ay lalong naging isang masayang proseso.”12

Ipinayo ni Pangulong Monson: “Ang inyong [patriarchal] blessing ay hindi dapat itupi nang maayos at itago. Hindi ito dapat ikuwadro o ipagsabi. Sa halip, dapat itong basahin. Dapat itong mahalin. Dapat itong sundin.”13

Habang nagsisimulang mag-isip ang inyong mga anak tungkol sa pagtanggap ng kanilang patriarchal blessing, tulungan silang maunawaan ang likas na kasagraduhan at layunin ng basbas. Hikayatin sila na mapanalanging magpasiya para sa kanilang sarili kung kailan sila tatanggap nito. Huwag maliitin ang kakayahan nilang matuto at lumago gamit ang kanilang patriarchal blessing kahit na bata pa sila, lalo na sa tulong ninyo.