Liahona
Ang Hamon ng Bishop Ko tungkol sa Aklat ni Mormon
Pebrero 2024


“Ang Hamon ng Bishop Ko tungkol sa Aklat ni Mormon,” Liahona, Peb. 2024.

Ang Hamon ng Bishop Ko tungkol sa Aklat ni Mormon

Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, ang Aklat ni Mormon ay naging bahagi ng aking pagkatao at ng pinaniwalaan ko.

Larawan
iba’t ibang eksena ng binatilyong nagbabasa ng Aklat ni Mormon

Mga paglalarawan ni David Miles

Noong 11 taong gulang ako, inanyayahan ako at ang ilan pang kabataang lalaking kaedad ko ng aking bishop na makipagkita sa kanya upang talakayin ang aming mga responsibilidad kapag natanggap namin ang priesthood. Pinatotohanan niya rin sa amin ang Aklat ni Mormon at may hiniling siya sa amin. Wala akong ideya noon kung gaano kalaki ang magiging impluwensya ng kanyang mga salita sa buhay ko.

Inanyayahan kami ng bishop namin na basahin ang buong Aklat ni Mormon nang limang beses bago kami magmisyon. Mayroon kaming mga walong taon upang makumpleto ang gawain. Tila napakahirap, dahil hindi talaga ako mahilig magbasa, lalo na ng tekstong kasinghirap ng banal na kasulatan. Gayunpaman, sa mga kadahilanang hindi ko maalala o lubos na maipaliwanag, nagpasiya ang 11 taong gulang kong isipan na seryosohin ang hamong ito. Nagsimula ako nang gabing iyon sa pagbabasa ng kabanata 1 ng 1 Nephi.

Hindi ko naunawaan ang karamihan sa kabanata, pero nadama ko na tama ang ginagawa ko. Kinabukasan ay nagbasa ako ng isa pang kabanata, at bagama’t hindi ko pa rin naunawaan ang lahat ng salita ni Nephi, gayon din ang nadama ko.

Sa paglipas ng panahon, nagbabasa ako ng kaunti sa Aklat ni Mormon araw-araw. Kalaunan noong taong iyon, isinara ko ang aklat matapos basahin ang Moroni 10 at natuwa ako sa nagawa ko. Nang makita ko ulit ang bishop ko, sabik na sabik kong sinabi sa kanya na tapos ko nang basahin ang buong Aklat ni Mormon. Ngumiti siya at pinuri niya ang aking mga pagsisikap pero pagkatapos ay nagsabing, “Huwag mong kalimutan—kailangan mong basahin iyon nang apat na beses pa bago ka magmisyon!”

Kalaunan nang gabing iyon, dinampot kong muli ang Aklat ni Mormon at binuklat-buklat ko ang mga pahina nito. Natagalan akong basahin ito. Matatagalan kaya ulit ako sa pangalawang pagbabasa? Sulit ba ito? Habang nagninilay-nilay ako, bumaling ako sa 1 Nephi kabanata 1. Sinimulan kong basahin ang unang ilang talata, at muling pinagtibay sa akin ng Espiritu na ito ang tamang gawin. Kaya, patuloy akong nagbasa. Ito ang panahon na naging gawi para sa akin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa halip na isang minsanang mithiin.

Sa sumunod na ilang buwan, tila naging mas pamilyar at mas makatuturan ang mga kuwento. Nakita ko ang ilang makabuluhang talata mula sa unang pagbabasa ko nito, at nilagyan ko ng marka ang mga iyon. Nang may magturo mula sa Aklat ni Mormon sa simbahan, nakilala ko ang ilang kuwento at turo.

Habang nagbabasa ako, unti-unti akong binago ng aklat. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, unti-unti ko itong naunawaan at mas napalapit ako sa Tagapagligtas. Ang mga turo mula sa Aklat ni Mormon ay naging bahagi ng aking pagkatao at ng pinaniwalaan ko. Patuloy kong binasa ang Aklat ni Mormon nang sumunod na ilang taon, at sa tuwing matatapos kong basahin ang Moroni 10, naglalagay ako ng marka ng bilang sa loob ng pabalat ng aking aklat.

Kalaunan, dumating ang panahon na natanggap ko ang aking mission call. Matapos magdiwang kasama ang pamilya at mga kaibigan, nakahanap ako ng kaunting panahon upang mapag-isa at binuksan ko ang loob ng pabalat ng aking Aklat ni Mormon. Naisakatuparan ko ang aking mithiin. Gayunpaman, ang mas mahalaga, nakilala ko ang aking Tagapagligtas.

Larawan
lalaking nagbabasa ng Aklat ni Mormon kasama ang kanyang mga anak, na may larawan ng Tagapagligtas na nagtuturo sa background

Mga Aral na Natutuhan

Mula nang makauwi ako mula sa aking misyon, napagnilayan ko na ang hamon ng bishop ko tungkol sa Aklat ni Mormon. Naturuan ako nito ng tatlong mahahalagang aral.

Una, natutuhan ko na kung minsa’y hindi lamang minsanang pagbabasa ang kailangan upang magkaroon ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Marami na akong narinig na kuwento ng mga taong nagbasa ng Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon at nagkaroon ng matinding espirituwal na karanasan na nagpapatunay na ang aklat ay totoo. Sa akin, iba ang nangyari. Kinailangan ko ng maraming taon ng masigasig na pagbabasa. Ang aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay hindi dumating sa minsanang pagbabasa ng Aklat ni Mormon; sa halip, dumating iyon nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin sa paglipas ng panahon.

Pangalawa, natutuhan ko na kailangan nating patuloy na anyayahan ang iba, kahit tila walang nakikinig. Noong kabataan ko, nakatitiyak ako na nakatanggap ako ng daan-daang paanyaya mula sa mga lider ng mga kabataan, bishop, magulang, seminary teacher, at iba pa. Ang karamihan ay pumasok sa isang tainga at lumabas sa kabila. Pero sa anumang kadahilanan, nagpasiya akong seryosohin ang paanyayang ito ng bishop ko, at ang paanyayang iyon ang naging susi sa pagkakaroon ko ng personal na patotoo. Napakahalaga na tayo (bilang mga lider, magulang, kaibigan) ay patuloy na mag-anyaya. Baka ang susunod na paanyayang ibibigay natin ang siyang makagawa ng malaking kaibhan sa taong tinuturuan natin.

Pangatlo, tiwala ako na anuman ang edad ng ating mga anak, madarama nila ang Banal na Espiritu habang binabasa o pinakikinggan nila ang Aklat ni Mormon, kahit hindi nila nauunawaan ang mga salita nito. Ang isa sa pinakamalalaking hangarin ko para sa aking mga anak ay basahin nila ang Aklat ni Mormon at matutuhan nila ang mga turo nito tungkol sa Tagapagligtas. Kapag natatakot ako para sa kinabukasan ng aking mga anak, nagkakaroon ako ng lakas-ng-loob sa kaalaman na ang Aklat ni Mormon ay isang gabay na bakal na aakay sa kanila sa landas patungo sa buhay na walang-hanggan.

Ang karanasan ko sa Aklat ni Mormon ay batay sa pangako ni Joseph Smith na matatagpuan sa pambungad ng aklat. Ako ay “mas [napalapit] sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.” Pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ang pangakong ito ay totoo.

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Print