Liahona
Kapayapaan at Kagalakan, Hindi Kalungkutan, ang Namayani sa Puso Ko. Bakit?
Pebrero 2024


Digital Lamang

Kapayapaan at Kagalakan, Hindi Kalungkutan, ang Namayani sa Puso Ko. Bakit?

Sa mga huling araw ng aking asawa at pagkamatay niya, nakasumpong ako ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Larawan
si Jesucristo na pinapayapa ang bagyo

Pumayapa Ka, Tumahimik Ka, ni Yonsung Kim

Hindi ko naintindihan ang dalamhating madarama ko sa loob ng limang linggo na minasdan ko ang unti-unting pagkamatay sa gutom ng aking asawang si John dahil hindi na siya makakain. Ni hindi ko naintindihan kung paano maiibsan ng kapayapaan at kagalakang pumuspos sa aming tahanan ang sakit na nadarama ko habang papalapit ang kanyang kamatayan.

Mga Pakikibaka sa Kalusugan at Tuluy-tuloy na Paghina

Sa loob ng mahigit isang dekada, unti-unting nawalan si John ng kakayahang kumilos, malinaw na pagsasalita, at kalayaan dahil sa Parkinson’s disease. Malungkot kong minasdan ang kanyang pagdurusa hindi lamang sa bawat bagong kakayahang nawala sa kanya dahil sa Parkinson’s disease kundi dahil din sa dalawang atake sa puso, dalawang rotator cuff surgery, at patuloy na sakit mula sa iba pang mga pisikal na karamdaman. Kalaunan, dumepende si John sa akin para makagalaw, makakain, makapagbihis, at makaligo. Sa huli, tumigil sa paggana ang mga kalamnan sa kanyang bibig at lalamunan, at hindi siya makalunok ng pagkain o likido nang hindi nabubulunan.

Pagsapit ng Marso, sinabi sa amin ng doktor na may dalawang opsyon si John: (1) magpasok ng feeding tube, na maaaring magpahaba sa buhay ni John nang ilang buwan pero kakailanganin niyang manatiling nakahiga sa kama; o (2) patuloy na mabuhay si John nang walang feeding tube at magtiis ng mga paghihirap na kalakip ng kawalan niya ng kakayahang kumain. Sabi ng doktor, “Buhay mo ‘yan. Ikaw ang dapat magdesisyon. Ano ang gusto mong gawin?” Mahinahon at kapansin-pansin na malinaw na sumagot si John, “Walang tube.”

Napaluha ako nang lisanin namin ang opisina ng doktor. Pumasok sa isip ko ang mga alaala ng mga huling sinabi at ikinilos ni John, na nagpalinaw na alam niyang darating ito at tanggap na niya ito. Ang pagmamahal ko kay John ang nagtulak sa akin na suportahan ang kanyang pasiya.

Naniwala ako na alam ko ang kahulugan niyon. Ang totoo, hindi ko talaga alam. Hindi ko rin alam kung paano maiibsan ng pasasalamat ang aking pasakit.

Ang Bisa ng Pagpapasalamat

Sa buong buhay niya, gustung-gusto ni John ang mga salita sa 1 Tesalonica 5:18: “Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” Bago kumain, halimbawa, hindi kailanman hinilingan ni John ang iba na “basbasan ang pagkain.” Sa halip, lagi niyang sinasabing, “Magpasalamat tayo.” Alam ni John na mahalaga ang pasasalamat sa kaligayahan. Alam niya, tulad ng iba pang mga sinasabi sa talatang iyon mula sa Tesalonica tungkol sa pasasalamat, na “sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.”

Kinilala ni John na ang kamatayan ay bahagi ng plano ng Diyos (tingnan sa Alma 42:8–9) at na para sa kanya, nalalapit na ang kamatayan. Pero patuloy siyang naging tapat sa pasasalamat kay Cristo.

Matapos lisanin ang opisina ng doktor, nagpatawag kami ni John ng family council. Sumali sa amin ang aming mga kapamilyang nakatira sa malayo sa pamamagitan ng video conferencing. Nagsimula kami sa panalangin. Pagkatapos, habang hawak ko ang kamay ni John, ibinahagi ko ang kanyang desisyon at kung ano ang sinabi ng doktor sa amin na dapat asahan. Binanggit ko ang kapayapaang nadama namin pareho at ipinaalala sa aming pamilya ang nakaaaliw na damdaming naranasan ng lahat nang ilang buwan. Natanto naming lahat, pati na ng mga apo, na hindi na magtatagal ang buhay ni Papa (ang tawag nila kay John).

Nagpasalamat kami sa Diyos sa pagpapaalam sa amin na maikli na ang panahon na makakasama namin si John at sa pagbibigay sa amin ng pagkakataong maihanda ang aming mga damdamin. Ilang linggo bago sumapit ang araw na ito, tinanong si John ng anak naming si Spencer kung ano ang nadarama niya tungkol sa pagkamatay. Sumagot si John, “Naging maganda ang buhay ko, at sinisikap ko pa ring gawin iyon. Nagpapasalamat ako para sa buhay ko! Basta’t nasa tabi ko si Carma Lee, hindi ako sabik na mamatay, pero hindi rin ako takot.” Handa na si John at, dahil diyan, nakadama siya ng kapayapaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:30).

Paghahanda para sa Pagkawala

Nakaupo kami sa family council, kumikirot ang aming puso at tumutulo ang mga luha, subalit nakadama rin kami ng kapayapaan. Tinanong namin si John kung may huli pa siyang mga kahilingan. Tiningnan niya kami nang may pagmamahal at pananabik sa kanyang mga mata; pagkatapos, bagama’t ilang linggo na siyang pabulong lang kung magsalita, malinaw niyang sinabi ang isang salita: “Templo.” Agad tumugon ang kanyang mga anak, “Gagawin namin ‘yan, Dad!”

Natapos ang aming family council kasama ng aming mga anak na lalaki, na personal naming kasama, sa pagbibigay sa aming dalawa ni John ng priesthood blessing. Nang ipatong nila ang kanilang mga kamay sa aking ulo, napuspos ako ng pasasalamat. Nakadama ako ng init, na parang isang mapagmahal na yakap. Alam ko na tutulungan kami ng Diyos na malampasan ang mga hamon sa hinaharap. Iibsan Niya ang kalungkutan at tutulungan kaming makasumpong ng kagalakan.

Iyon mismo ang nangyari! Hindi nagtagal ay muli kaming dumalo sa templo, kasama ang aming mga anak na lalaki na tumulong kay John sa buong endowment session. Ang laki ng pasasalamat ko! Napuspos ng Espiritu ang aming puso.

Nang lumala ang kalagayan ni John, ipinagpatuloy namin ang aming gawi na simulan at wakasan ang bawat araw sa pasasalamat sa panalangin. Nang gawin namin ito, nalaman namin na kami o ang aming mga inapo ay hindi nadaig ng kalungkutan. Bawat isa ay nagkaroon ng mga pagkakataong yakapin si Papa at ipahayag ang kanilang pagmamahal at pasasalamat sa kanya. Nagkaroon kami ng mga sandali ng kagalakan. Namayani ang kapayapaan sa kalooban ng aming mga inapo at ng iba pang bumisita, na nagpalakas sa kanila at nakabawas din sa kanilang kalungkutan.

Gayunman, sa kabila ng kapayapaang nanaig sa aming tahanan, napakasakit na makita ang aking masigla at napakaaktibong asawa na manghina at mabawasan ng 50 libra sa loob ng isang buwan. Noong hatinggabi ng Abril 21, nakahiga si John sa kama. Napapaligiran namin siya ng kanyang mga anak. Nadama namin na lilisanin na ng kanyang espiritu ang kanyang katawan anumang sandali. Nahiga ako sa tabi niya, na nakahawak sa kanyang kamay at bumubulong ng mga salita ng pagmamahal at pasasalamat para sa aming buhay. Pinasalamatan ko siya sa nagbibigay-inspirasyong halimbawang ipinakita niya sa pagtugon niya sa kanyang mga paghihirap sa pamamagitan ng pagbaling sa Panginoon nang may pananampalataya at pasasalamat. Hinagkan ko siya. Sa loob ng ilang sandali, wala na siya.

Damdamin ng Kapayapaan at Kagalakan

Matapos kunin ang bangkay ni John, sama-samang umupo ang aming pamilya sa aming tahanan. Tumulo ang mga luha sa aming mga mata nang magpasalamat kami na nagwakas na ang pagdurusa ni John sa buhay na ito. Umusal ako ng pasasalamat nang maisip ko ang maraming magiliw na awang naibigay sa amin ng Ama sa Langit (tingnan sa 1 Nephi 1:20). Nabigyan ako ng Diyos ng kakayahang alagaan si John sa aming tahanan, sa kabila ng sarili kong mga problema sa katawan (na totoong kinailangan ng maraming operasyon matapos mamatay si John).

Nang mag-usap kami, napanatag ako nang magpasalamat ako para sa mga walang-hanggang pangako ng ating mga tipan sa templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20). Sinabi ko sa aking mga anak na parang yakap ako ni Johnny, na pinagtitibay ang sinasabi ko nang magpasalamat ako. Napakasayang damdamin! Ipinaalala ko sa pamilya ko ang mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson noong Nobyembre 2020: “Ang pasasalamat ay maaaring hindi makahadlang sa atin sa pagdanas ng kalungkutan, galit, o pasakit, ngunit makakatulong ito sa atin na asamin ang hinaharap nang may pag-asa.”1

Bigla, nakadama ako ng matinding yakap ng langit kaya napuspos ako ng pagkamangha. Nadama ko rin na maayos at masaya si John at na dapat ay masaya rin ako. Noon mismo, nangako ako sa sarili ko—at sa aking mahal—na magiging masaya ako.

Sa paglipas ng mga linggo, namangha ako na kadalasa’y kapayapaan at kagalakan, hindi kalungkutan, ang namayani sa puso ko. Pinagnilayan ko kung bakit. Isang araw, nagpasiya akong saliksikin ang mga salita ng ating mga propeta at apostol na may kaugnayan sa kalungkutan at pasasalamat. Pinagtibay nila ang naging konklusyon ko: na napalakas ako ng nakaaaliw na kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, pati na ng pasasalamat ko.

Nagkaroon ng malaking impluwensya sa akin ang pamagat ng artikulo ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) sa Liahona noong 2005. Ang pamagat noon ay “Ang Napakalaking Kapangyarihan ng Pasasalamat.” Sa artikulong iyon, sinabi ni Pangulong Monson:

“Ang Diyos sa Kanyang walang hanggang awa ay hindi pinabayaang magtaka na lamang ang mga nagdadalamhati. Nagkaloob Siya ng katotohanan. [M]agbibigay Siya ng inspirasyon na hanapin Siya, at yayakapin tayo ng Kanyang mga bisig. Ipinapangako ni Jesus sa bawat isa at sa lahat ng nagdadalamhati na, ‘Hindi ko kayo iiwanang magisa: ako’y paririto sa inyo’ [Juan 14:18].”2

Natanto ko na nararanasan ko ang pag-alo at yakap ng Diyos. Matindi at makapangyarihan ang mga ito! Binigyan ako nito ng kakayahang tingnan ang larawan ni John tuwing umaga at ngumiti habang sinasabi kong, “Salamat!” sa kanya at sa Diyos!

Lubos na nailarawan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang naranasan ko: “Kapag nagpapasalamat tayo sa Diyos sa ating mga kalagayan, makadarama tayo ng magiliw na kapayapaan sa gitna ng paghihirap. Sa kapighatian, maitataas pa rin natin ang ating mga puso sa pasasalamat. Sa mga pasakit, maaari nating luwalhatiin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Sa labis na kapighatian, maaari nating madama ang init at pagmamahal ng yakap ng langit.”3

Ang mga pagpapalang ito ang nadama ko ilang minuto pagkamatay ni John at sa mga araw na sumunod mula noon! Nagpapasalamat ako sa kapayapaan sa puso ko at kung paano ko patuloy na nadarama ang yakap ng Diyos. Ayaw kong mawala ang mga damdaming iyon! Kaya nga, patuloy akong nagpapasalamat araw-araw para sa aking mga sagradong karanasan, para sa kaalaman sa ebanghelyo na mas naglalapit sa akin kay Jesucristo, sa nagpapalakas na pag-aliw na naging posible dahil sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at para sa walang-hanggang pananaw at pag-asang makapiling ang aking Johnny sa kawalang-hanggan.

Print