“Lagi Ko Siyang Kasama,” Liahona, Pebrero 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Lagi Ko Siyang Kasama
Ang pagiging tapat sa Panginoon ay nagpala sa akin kalaunan nang higit kaysa sa mga isinakripisyo ko.
Tatlong buwan matapos isilang ang aming panlimang anak, minabuti ng asawa ko na tumanggap ng mas mababang suweldo upang makapagsimula ng isang bagong propesyon at makapasok sa graduate school. Kinailangan naming lumipat ng tirahan na dalawang estado ang layo. Nadaramang paubos na ang aming pera at lakas, at hirap makihalubilo sa mga tao sa bagong lugar, masyado akong nalungkot.
Ang hirap magsimba. Atubili akong pumunta, pero umaalis ako kaagad nang walang paalam sa mga miting para maiwasan ang masasayang pangungumusta ng mga kakilala tungkol sa pag-a-adjust namin. Inasahan nila na masaya rin kaming sasagot, pero hindi iyon nangyari. Madalas pag-usapan ng mga miyembro ng ward kung gaano sila kapalad at kaligaya na napasakanila ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang mali sa akin?
Ginampanan ko ang katungkulan ko, at walang sigla akong nagdasal at nagbasa ng mga banal na kasulatan. Pero pakiramdam ko ay hindi naman “napakaganda ng nagagawa” ng mga pagsisikap ko para sa akin.1
Halos isang taon kalaunan, nagsimulang maglaho ang aking kalungkutan. Sa sunud-sunod na maliliit na pagbabago sa kaisipan, pisikal, pakikisalamuha, at espirituwal, unti-unting bumuti ang pakiramdam ko.
Makalipas ang ilang buwan, na naglaho na ang aking kalungkutan, habang nagdarasal ako ay napuspos ako ng pagkamangha at pasasalamat sa mga pagpapala ng pagsasabuhay ng ebanghelyo. Pakiramdam ko ay hindi makatwiran na mapagpala ako nang lubos. Ang Diyos ang nagkaloob sa akin ng espirituwal na kaloob na pananampalataya at ng hangaring makilala Siya. Kumilos lamang ako ayon sa hangaring ibinigay Niya sa akin.
“Bakit ako nararapat na makatanggap ng mga pagpapala,” pagdarasal ko, “dahil lamang sa paggawa ng itinanim Ninyo sa puso ko na naising gawin?”
Nagulat ako nang sagutin Niya kaagad ang aking panalangin ng mga alaala mula sa aking nakaraan.
“Paano naman ang mga pagkakataon na hinanap mo ako kahit masakit at mahirap? Noong isinuko mo ang iyong kagustuhan sa aking kalooban, nagsimba ka pa rin, at naglingkod ka pa rin sa aking mga anak? Anak ko,” nahiwatigan ko sa pamamagitan ng Espiritu, “ikaw ay pinagpapala nang sagana dahil sa iyong katapatan—sa pagpili sa akin kahit sa mga panahong ayaw mo.”
Akala ko ang pagiging tapat ay nangangahulugan ng pag-ani palagi ng mga bunga ng Kanyang Espiritu. Alam ko na ngayon na ang kahulugan ng pagiging tapat ay katapatan at mahigpit na pagsunod sa Kanya—anuman ang mangyari. Ang pagiging totoo ng Diyos ay hindi binabago ng kung naririnig ko Siya o nadarama ko Siya. Sa mga panahon ng kagalakan o kalungkutan, kung mananatili ako sa Kanya, palagi ko Siyang makakasama.