“Paglilingkuran Ko Muna ang Panginoon,” Liahona, Peb. 2024.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Paglilingkuran Ko Muna ang Panginoon
Ang paglilingkod sa Panginoon bilang missionary ay nakatulong sa akin na itatag ang aking pananampalataya sa isang matibay na pundasyon na nakatulong sa akin na gumawa ng mga tamang desisyon noong naharap ako sa mahihirap na pagpapasiya. Pagkatapos ng aking misyon, naging mas handa ako sa aking pag-aaral, trabaho, at iba’t ibang katungkulan sa Simbahan, kabilang na bilang bishop.
Mula noong bata pa ako, talagang inasam ko nang makapag-aral sa kolehiyo. Ang pag-aaral sa kolehiyo ay magtutulot sa akin na makakuha ng magandang edukasyon at aakayin ako nito kalaunan sa isang magandang trabaho na magbibigay-kakayahan sa akin na bumuhay ng pamilya.
Pero noong nasa hustong gulang na ako para mag-aral sa kolehiyo, hindi ako sigurado kung paano ko mababayaran ang matrikula. Wala akong sapat na mapagkukunan. Pumanaw na ang tatay ko noong nakaraang taon, at nakitira kami ng ate ko sa tito ko. Noong panahong iyon, walang sapat na kabuhayan ang tito namin para matulungan ako dahil tinutulungan niya ang lima sa sarili niyang mga anak sa kolehiyo.
Mula noong bata pa ako, hinangad ko ring paglingkuran ang Diyos sa isa o iba pang paraan, pero hindi ko alam kung paano. Bago ako sumapi sa Simbahan sa edad na 19, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong gawin iyon.
Nang sumapi ako sa Simbahan noong 2004, ninais ko pa ring ituloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo, pero nagdesisyon akong magmisyon muna. Hindi ko pa rin alam kung paano ko makakamit ang aking mga pangarap at mithiing makapag-aral sa kolehiyo pagkatapos ng misyon ko, pero nanalig ako na kalaunan ay magiging maayos ang lahat para sa akin. Sinabi ko sa sarili ko, “Magtitiwala ako sa Panginoon. Paglilingkuran ko muna Siya. Saka na ang iba pang mga bagay.” Kaya, ako ay sumulong nang may pananampalataya at nagsimulang maglingkod para makatulong sa bayad ko sa aking misyon.
Sinabi sa akin ng ilan sa mga kaibigan ko na masasayang lamang ang oras ko sa pagmimisyon. Pero nanalig ako na pagmimisyon ang tamang gawin, na hindi pagsasayang ng oras ang paglilingkod sa Panginoon.
Ang isa sa mga talata sa banal na kasulatan na nagbigay-inspirasyon sa akin na maglingkod ay matatagpuan sa Bagong Tipan: “Ngunit hanapin muna ninyo ang [kaharian ng Diyos] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).
Hindi nagtagal ay tinawag ako sa Ghana Cape Coast Mission. Binigyan ako ng aking misyon ng mga di-malilimutang karanasan at naglatag ito ng pundasyon para sa mga darating na oportunidad at responsibilidad. Pagkatapos ng aking misyon, naging mas handa ako sa aking pag-aaral, trabaho, at iba’t ibang katungkulan sa Simbahan, kabilang na bilang bishop.
Pag-uwi ko, nakatapos na ng pag-aaral ang ilan sa mga pinsan ko. Kaya may kabuhayan na ang butihin kong tito para matulungan akong ituloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo. Kumuha ako ng kurso sa certified public accounting at pagkatapos ay nag-enroll ako sa isang bachelor’s degree program. Limang taon pagkatapos ng aking misyon, nagtapos ako sa accounting and finance.
Totoo ngang tulad ng nakita ko sa aking buhay pagkatapos ng misyon, idinagdag ng Panginoon ang “lahat ng mga bagay na ito” sa aking pamilya. Bago ako nagmisyon, nag-alala ako na kung hindi ako makapag-aaral, kung hindi ako makakukuha ng magandang edukasyon, maghihirap ako. Pero hindi masukat ang pagpapala ng Panginoon sa aking pamilya at medyo naging komportable ang buhay namin.
Hindi ko pinagsisihan kailanman ang pagmimisyon bago ako nagkolehiyo. Ang pagpapakita ng pananampalatayang magmisyon ang naging pundasyon ng maraming desisyong nagawa ko sa buhay. Nakatulong ang paglilingkod sa Panginoon upang maitatag ko ang aking pananampalataya sa isang matibay na pundasyon. Nakatulong ang pundasyong iyon upang makagawa ako ng mga tamang desisyon noong naharap ako sa mahihirap na pagpapasiya.
Para sa mga nababalisa tungkol sa paglilingkod sa misyon, ibibigay ko rin ang payong natanggap ko mula sa mga banal na kasulatan: “Hanapin muna ninyo ang [kaharian ng Diyos] at ang kanyang katuwiran,” at ang lahat ng bagay na ito na iniisip ninyong hindi darating sa inyo ay darating kalaunan alinsunod sa kalooban ng Diyos—nang makasampung ulit. Iyan ang naranasan ko.