“Siya ay Naglaan ng Aming Ikabubuhay,” Liahona, Peb. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
1 Nephi 16–2 Nephi 10
“Siya ay Naglaan ng Aming Ikabubuhay”
Nagtiis ng mahihirap na pagsubok si Nephi at ang kanyang pamilya nang lisanin nila ang Jerusalem at hanapin ang lupang pangako. Tulad natin, hindi sila palaging inililigtas ng Panginoon sa pagtitiis ng mga pagsubok. Pero, tulad natin, kapag tunay silang nangangailangan, naroon ang Ama sa Langit para maglaan.
Noong si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay nakagawa na ng ilang bigong pagtatangkang makuha ang mga laminang tanso, naubusan ng iba pang mga opsiyon, at nangailangan ng tulong mula sa langit, si Nephi ay “pinatnubayan ng Espiritu” (1 Nephi 4:6) at nakuha niya ang mga lamina.
Noong kailanganin ng pamilya na tumuloy sa ilang pero hindi nila alam kung saan pupunta, naglaan ang Panginoon ng isang kompas (tingnan sa 1 Nephi 16:10).
Noong nagutom sila sandali dahil sa pagkasira ng busog o pana ni Nephi, gumawa si Nephi ng sarili niyang busog at pana at ginabayan siya ng Panginoon na malaman kung saan makahahanap ng pagkain (tingnan sa 1 Nephi 16:18–24).
Noong nakarating sila sa dagat, ipinakita ng Panginoon kay Nephi kung paano gumawa ng sasakyang-dagat (tingnan sa 1 Nephi 17:8).
Ginamit nang mali nina Laman at Lemuel ang kanilang kalayaang pumili upang bugbugin sina Nephi at Sam (tingnan sa 1 Nephi 3:28), pero nang hangarin nilang kitlin ang buhay ni Nephi, hindi pa tapos ang misyon niya sa buhay, kaya binalaan ng Panginoon si Nephi na lumisan papunta sa ilang. Noong nangailangan sila ng tulong, iniligtas si Nephi at ang kanyang pamilya. (Tingnan sa 2 Nephi 5:4–5.)
Mula noong nilisan ni Nephi ang Jerusalem hanggang sa kailanganin niyang layuan sina Laman at Lemuel, siya ay naglakbay nang malayo, hinataw ng pamalo, kumain ng hilaw na karne, iginapos nang tatlong araw sa isang sasakyang-dagat, at namatayan ng kanyang biyenan at ng kanyang ama. Tulad natin, hindi siya iniligtas ng kanyang kabutihan sa pagdurusa. Tulad natin, tiniis niya ang mga pagsubok sa buhay. Pero noong kailanganin ni Nephi ang Panginoon—sa oras ng kanyang tunay na pangangailangan—naroon palagi ang Panginoon.
Nagtitiis tayo ng mga paghihirap—kung minsa’y dahil sa ating sitwasyon o mga pagpapasiya at kung minsa’y sa kagagawan ng iba. Dumaranas tayo ng kalungkutan, pagdurusa, at maging ng kamatayan. Ngunit tulad ni Nephi, kung makikinig at magtitiwala tayo sa Espiritu Santo, ipagkakaloob ng Ama sa Langit, ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon, ang tunay nating kailangan.