Liahona
Paano Ako Namuhay nang Wala ang Aklat ni Mormon?
Pebrero 2024


“Paano Ako Namuhay nang Wala ang Aklat ni Mormon?,” Liahona, Pebrero 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Paano Ako Namuhay nang Wala ang Aklat ni Mormon?

Ang sarili kong pag-aaral at pag-aaral ng aming pamilya ng Aklat ni Mormon ay nakatulong sa akin na makadama ng kapanatagan, lakas-ng-loob, at pag-asa.

Larawan
pamilyang sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ilang taon na ang nakararaan, nag-apply kami ng isa kong kaibigan para sa isang educational program. Tiwala ako na mapipili ako. Nang lumabas ang mga resulta, nalungkot ako na napili ang kaibigan ko pero hindi ako napili. Sumama ang loob ko dahil sa palagay ko ay mas nararapat akong mapili kaysa sa kaibigan ko.

Sa sandaling iyon, ang tingin ko sa kaibigan ko ay isang kalaban o isang taong inagawan ako ng isang bagay na nararapat para sa akin. Makalipas ang ilang araw, habang pinag-aaralan ko ang Jacob 2 sa Aklat ni Mormon, nabasa ko kung paano kinagalitan ni Jacob ang kanyang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan. Isa sa mga kasalanang iyon ang pagmamalaki.

Natanto ko sa mga turo ni Jacob na nagkasala ako ng pagmamalaki sa aking kaibigan nang isipin ko na mas nararapat para sa akin ang isang bagay na ibinigay sa kanya. Ang mga salita ni Jacob ay isang paghahayag sa akin:

“Huwag hayaang wasakin ng inyong mapagpalalong puso ang inyong mga kaluluwa!

“Ituring ang inyong mga kapatid nang tulad sa inyong sarili” (Jacob 2:16–17).

Nanalangin ako sa Ama sa Langit na patawarin ako at tulungan akong iwasan ang kasalanang pagmamalaki sa hinaharap. Pagkatapos ay kinausap ko ang kaibigan ko tungkol sa nadama ko at humingi ako ng tawad sa kanya. Nakadama ako ng kapayapaan at kagalakan sa paggawa nito at sa pagtanggap ng kapatawaran niya at ng Ama sa Langit.

Ang sarili kong pag-aaral at pag-aaral ng aming pamilya ng Aklat ni Mormon ay nagbigay sa akin ng direksyon sa buhay at nakatulong sa akin na makadama ng kapanatagan, lakas-ng-loob, at pag-asa. Kung minsa’y iniisip ko kung paano ako namuhay nang maraming taon nang wala ang Aklat ni Mormon!

Kung wala ang Aklat ni Mormon, hindi ako magkakaroon ng pag-asa na maaari akong maging mas mabuting tao. Magiging walang-saysay at walang malinaw na layunin ang buhay ko. Hindi ko malalaman na may plano ng kaligtasan ang Diyos para sa Kanyang mga anak. Hindi ko mauunawaan nang malinaw ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hindi ako magkakaroon ng pag-asa para sa mas magandang mundo. Hindi ko paniniwalaan ang mga bagay na pinaniniwalaan ko, hindi ko gagawin ang mga bagay na ginagawa ko, hindi ako mag-iisip sa paraan ng pag-iisip ko, at hindi ako magiging ganito.

Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, nakatanggap ako ng katiyakan na mahal at pinangangalagaan ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak sa lahat ng dako ng mundo. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay na isa pang tipan ni Jesucristo.

Print