“Pagpapalakas sa Mahihinang Bagay,” Liahona, Peb. 2024.
Pagpapalakas sa Mahihinang Bagay
Ipinakita sa atin ni Nephi kung paano kumilos ayon sa pangako ng Panginoon na “gagawin [Niya] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa [atin]” (Eter 12:27).
Tulad ng marami sa atin, nahihirapan akong malaman kung minsan na may halaga ako at na maaari akong mahalin—at talagang minamahal ako—ng Panginoon. Iniisip ko ang aking kinabukasan at kung matutupad ba ang mga ipinangakong pagpapala. Nag-aalala ako kung magagawa kong daigin ang aking mga kahinaan upang maging ang uri ng tao na nais ng Diyos na kahinatnan ko. Kung minsan, tila nakapanghihina-ng-loob ang buhay, at nakasisira ang mahihinang bagay sa buhay ko sa kaligayahang matatagpuan ko sa pamamagitan ng aking Tagapagligtas.
Gayunpaman, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, natututo ako tungkol sa mga propeta na nahirapang malaman ang kanilang halaga sa pangangaral ng ebanghelyo (tingnan sa Moises 6:31), madama na may nagmamahal at nakakaalala sa kanila (tingnan sa Mosias 24:10–12; Doktrina at mga Tipan 121:1, 6), madaig ang kalungkutan (tingnan sa Mosias 24:15–16; Doktrina at mga Tipan 3:1–3, 9–10), at makita ang kanilang layunin sa plano ng Ama sa Langit (tingnan sa Moises 1:19–20; Abraham 1:4, 16–19; Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–20). Sa kanilang mga kuwento, nagkakaroon ako ng pag-asa. Sa paghahanap ko sa Panginoon, maaari kong mapaghandaan at madaig ang lahat ng mga hamon. Alam ko na maaari akong makaranas ng mga problema at kalungkutan, pero maaari akong matuto, gumawa, at umunlad sa pamamagitan ng aking Tagapagligtas.
Mga Kahinaan
Bagama’t ang mortalidad ay isang kaloob, marami tayong kahinaang nararanasan sa buhay na ito. Kung kikilalanin natin ang ating mga kahinaan at magpapakumbaba tayo, ang ating “mga kahinaan”—na madalas makita sa anyo ng kayabangan, katamaran, o marahil ay sa hindi pagsisisi—ay maaaring madaig sa pamamagitan ng Panginoon at mas maglalapit sa atin sa Kanya (tingnan sa Eter 12:27–28). Tulad ng sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ipakikita ng Diyos sa atin ang ating mga kahinaan at pagkakamali, ngunit tutulungan din Niya tayo na madaig ang ating mga kahinaan.”1
Nalungkot si Nephi nang magpadaig ang kanyang pamilya sa likas na kahinaan nila sa buhay (tingnan sa 1 Nephi 2:18; 15:4; 2 Nephi 4:13; 5:1). Pero ikinalungkot din ni Nephi ang kanyang mga sariling kahinaan. Bagama’t minahal niya ang Panginoon, binanggit ni Nephi ang “[mga] kasalanang madaling bumibihag sa akin” (2 Nephi 4:18), kaya siya dumaing, nanangis, at yumuko sa kasalanan (tingnan sa mga talata 19, 26, 28). Nadama niya na napalilibutan siya ng mga alaala tungkol sa kanyang mga kasalanan kaya nasaktan siya (tingnan sa mga talata 17–19).
Pero hindi siya “[namalagi] sa lambak ng kalungkutan” at hindi niya tinulutan ang kanyang “katawan [na manlambot]” o ang kanyang “lakas [na manghina]” (talata 26). Pinili niyang magtiwala sa Panginoon at maging mas mabuti. Nang piliin ni Nephi na talikuran ang kasalanan at ang sakit na idinulot nito, nakasumpong siya ng bagong lakas: kaluguran, tiwala, kaalaman, kasiyahan, pagtubos, at kaligtasan (tingnan sa mga talata 15–20, 26–34). Nakasumpong ng kagalakan si Nephi kay Jesucristo. Alam ko na makasusumpong tayong lahat ng kagalakan sa Tagapagligtas. Kapag isinabuhay natin ang Kanyang ebanghelyo, “ang mahihinang bagay [ay magiging] malalakas” sa ating buhay (Eter 12:27).
Mga Kalakasan
Ang pagkaalam kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos ay magtutulot sa atin na makita ang ating halaga at maghahatid ng Espiritu sa ating buhay. Naunawaan ito ni Nephi. Matapos niyang ipaliwanag ang lahat ng kamaliang nagawa niya, nahiwatigan niya na siya ay minamahal, kilala, at mahalaga. Ang pagkatantong ito ang nagbigay sa kanya ng lakas na gawin ang mga pagpapasiyang ito at kumilos ayon sa mga ito:
“Gumising, kaluluwa ko! Huwag nang yumuko sa kasalanan. Magsaya, O aking puso, at huwag nang magbigay-puwang kailanman sa kaaway ng aking kaluluwa.
“Huwag nang muling magalit. … Huwag nang manghina ang aking lakas. …
“Magsaya … at magsumamo sa Panginoon, at sabihin: O Panginoon, pupurihin ko kayo magpakailanman. …
“O Panginoon, maaari bang tubusin ninyo ang aking kaluluwa [at] iligtas ninyo ako mula sa mga kamay ng aking mga kaaway [at] gawin ninyong ako ay manginig sa paglitaw ng kasalanan? …
“O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman” (2 Nephi 4:28–31, 34).
“Ako, si Nephi, ay labis na nagsumamo sa Panginoon kong Diyos. …
“At aming pinagsikapang sundin ang mga kahatulan, at ang mga batas, at ang mga kautusan ng Panginoon sa lahat ng bagay. …
“At ang Panginoon ay sumaamin” (2 Nephi 5:1, 10–11).
Tulad ni Nephi, mas marami tayong magagawa sa pamamagitan ni Jesucristo. Ibinuod ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang prosesong ito: “Ang mga taong hindi nakikita ang kanilang mga kahinaan ay hindi umuunlad. Ang pagkabatid sa inyong kahinaan ay isang pagpapala, dahil pinananatili kayo nitong mapagpakumbaba at ibinabaling kayo palagi sa Tagapagligtas. Hindi lamang kayo inaaliw ng Espiritu, kundi kumikilos din Siya para mabago ng Pagbabayad-sala ang inyong likas na pagkatao. Sa gayon ay nagiging malakas ang mahihinang bagay.”2
Maaari nating piliin ngayon na maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo, na mapanibago sa pamamagitan Niya. Tulad ni Nephi, ang pagkilala sa ating mga kahinaan ay umaakay sa atin na mapagpakumbabang humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pagdaig sa mga kahinaang iyon. Sa pamamagitan ng Panginoon, nadaraig ang mga kahinaan at pag-aalinlangan, natutuklasan ang halaga, at lumalago ang ating pang-unawa. Bagama’t maaaring hindi ko alam ang lahat ng sagot at maaaring nahihirapan pa rin ako, nagtitiwala ako na tutulungan ako ng Panginoon na malagpasan ito, na tutulungan Niya akong madaig ang aking mga kahinaan at magkaroon ng mga kalakasan.
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.