“Isa Pa! Isa Pa! Habambuhay na Pagkatuto,” Liahona, Peb. 2024.
Pagtanda nang May Katapatan
Isa Pa! Isa Pa! Habambuhay na Pagkatuto
Ang habambuhay na pagkatuto ay tuluy-tuloy at kasiya-siya. Hindi tayo kailanman masyadong matanda para matuto ng mga bagong kasanayan, magpaunlad ng ating mga talento, o magkaroon ng mga bagong libangan. At ang natatamo natin sa buhay na ito ay mapakikinabangan natin sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:18–19).
“Nagugulat ang ilang tao na malaman na matanda na ako nang nagsimula ako ng online business,” ang sabi ni Martha Paewai. “Sabi sa akin ng ilang kaibigan noong una akong nagsimula, ‘Ano ang alam ng isang babaeng Samoan na kaswal lamang ang karanasan sa trabaho tungkol sa marketing?’”
Walang limitasyon sa edad ang pag-aaral, palaging sinasabi ni Sister Paewai. Bukod pa riyan, ang pagtatrabaho sa bahay ngayon ay nagbibigay sa kanya ng mas malaking kita at mas magandang kalagayan sa trabaho kaysa noong nagtatrabaho siya bilang katulong sa New Zealand. Mahirap magsimula ng bagong negosyo, pero natuto siya habang nagpapatuloy at handang humingi ng tulong sa iba kapag kailangan. “Ang BYU–Pathway Worldwide ay nagbigay sa akin ng kumpiyansa na sumubok din ng bagong bagay,” sabi niya.
Nagsimula si Jim Ivins ng bagong bagay nang magretiro siya bilang abugado. Sinimulan niyang i-landscape hindi lamang ang sarili niyang bakuran kundi pati na ang marami sa mga bakuran ng kanyang mga anak. Paggunita niya: “Pinag-isipan ko kung ano ang gusto kong iwan sa kanila bilang pamana. Nang pumanaw ang aking asawa, naisip ko na isang bagay ito na magagawa ko para sa kanila. Hindi lamang ako naglipat ng mga bato, kundi sa halip ay nag-aral ako ng mga landscape design at nag-eksperimento sa iba’t ibang pamamaraan. Kapag bumibisita ang aking mga apo o binibisita ko sila, hindi lamang kami nag-uusap; pinag-aaralan namin ang iba’t ibang disenyo at pinagtutulungan naming gawin ang mga iyon.”
Bata pa lamang siya ay nais na ni Laurie Terry na matutong tumugtog ng piyano, pero ang kanyang kapatid na babae lamang ang nakapag-aral ng piyano at siya ay hindi. Kaya nang magretiro siya, nagsimula siyang mag-aral nito. “Tulad ng ibang bagay, kailangan lamang ng ensayo at kahandaang matuto,” sabi niya. Ngayon, pagkaraan lamang ng ilang taon, sinasaliwan na niya ang mga soloista sa simbahan at tinutugtog niya ang piyano para sa sarili niyang kasiyahan. “Hindi kailangang maging pagtatanghal ang lahat,” sabi niya. “Kung minsan, ang pinakamahusay na tagapakinig ay ang sarili mo lamang.”
Nagkuwento si Sister Barbara B. Smith, na nagsasalita bilang Relief Society General President sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1978, tungkol sa isang lalaking nagretiro sa edad na 63 at hindi tiyak kung ano ang maibibigay niya nang walang full-time na trabaho. Sa puntong iyon, sinabi niya, “siya ay walang trabaho, walang mga libangan, walang mga espesyal na interes, at walang mga plano para sa hinaharap.” Pagpapatuloy niya, “Ang pagpipilian niya ay maghanap ng bagong pagkakaabalahan sa buhay o tumanda na lamang at mamatay. Malungkot kong idinaragdag na sa loob ng maikling panahon ay namatay nga siya.”1
Sa kabilang banda, nagsalita si Elder Robert L. Backman tungkol sa kanyang bagong status bilang emeritus General Authority sa huli niyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sinabi niya na ayaw niyang maging katulad ng mga retirado na inilalarawang, “Siya ay namatay sa edad na pitumpu pero naghintay na maging walumpu’t limang taong gulang bago ilibing.” Sa halip, nais niyang patuloy na lumago at matuto at magkaroon ng mas maraming kasanayan at interes.
Pagkatapos ay itinanong ni Elder Backman, “Ano ang dapat gawin?” at sinagot ang mahalagang tanong na iyan sa ganitong paraan:
“May iisang sipi sa buong Bagong Tipan na naglalarawan sa buhay ng Tagapagligtas sa pagitan ng edad labindalawa at noong simulan niya ang kanyang ministeryo. Maraming beses ko nang nabanggit ang siping iyon habang nagsasalita sa mga kabataan. Iniisip ko kung wala itong gaanong aplikasyon sa atin, lalo na sa mga retirado. Isinulat ni Lucas: ‘Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.’ (Lucas 2:52.)”2
Hinikayat ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang ganitong uri ng pagkatuto at paglago, anuman ang edad ng isang tao. Habang nagsasalita sa mga mas nakatatandang miyembro, sinabi niya: “Nawa’y puspos ang inyong mga araw ng mga bagay na gagawin at ng mga paraan na maaari kayong maglingkod sa iba. … Ang pagiging mas matanda ay halos palaging nangangahulugan ng mas mabuti, sapagkat ang yaman ng inyong karunungan at karanasan ay maaaring patuloy na lumawak at madagdagan habang tumutulong kayo sa iba.” Nagpatuloy si Pangulong Benson sa pagsipi mula sa Aklat ni Mormon: “Mabuhay na nagpapasalamat araw-araw, sa maraming awa at pagpapalang ipinagkaloob [ng Diyos] sa inyo” (Alma 34:38).3
Ang gayong mga awa at pagpapala ay dumarating sa pamamagitan ng pag-asam nang may mga pag-asa at pangarap at plano. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala tayo sa walang-hanggang pag-unlad, na kinabibilangan ng pagkakaroon ng mga bagong kasanayan at pagkakaroon ng mga bagong talento sa buhay na ito, hindi lamang sa susunod. Sa katunayan, ang gayong personal na pag-unlad at pag-asam ay maaaring maging susi mismo sa mahabang buhay.4
Pagkaraan ng 40 taon bilang doktor ng medisina at opisyal sa militar, nasugatan si Kerry Patterson habang nasa isang routine mission sa Afghanistan. Napilitang magretiro sa militar dahil sa kapansanan, naghanap siya ng mga bagay na gagawin. Hindi nakuntento sa paggugol ng kanyang mga araw sa pamimingwit, nag-aral silang muli ng kanyang asawang si Linda sa isang lokal na kolehiyo sa komunidad.
“Kumuha ako ng shop class sa high school pero wala na akong iba pang vocational training simula noon,” paliwanag niya. “Gayunpaman, nagpasiya akong mag-aral ng paggawa ng baril. Mahilig akong manggamot ng mga tao bilang doktor at naisip ko na ang pag-aaral kung paano ayusin ang mga bagay-bagay na kailangan ng tumpak na pagmamakinarya ay makatutulong na mapanatiling aktibo ang aking isipan. Mas mahirap kaysa sa inakala ko ang pagsubok ng isang bagay na bago at naiiba.” Pero ngayon sa edad na 71, matapos makumpleto ang lahat ng kinakailangang kurso at makakuha ng mga kinakailangang lisensya, ang kanyang negosyo ay higit pa sa kaya niyang pangasiwaan. Umupa pa nga siya ng isang apprentice upang mapagaan ang trabaho at matutuhan ang negosyo.
Kumuha ng iba pang mga klase si Linda sa kolehiyo sa komunidad kasabay ng kanyang asawa. Dahil malalaki na ang kanilang anim na anak, nagkaroon na siya ng oras na ituloy ang kanyang interes sa paggawa at pagdidisenyo ng muwebles. “Ako ang nag-iisang babae at pinakamatandang miyembro sa klase, pero hindi ko iyon hinayaang makahadlang sa akin,” sabi niya. “Mas natagalan akong kumpletuhin ang ilang proyekto kaysa sa iba pang mga estudyante, pero nagpatuloy ako.” Kasunod ng dalawang taon ng pagsasanay, gumagawa na siya ngayon ng mga pasadyang kabinet para sa mga kapamilya at iba pa. “Ngayo’y natutulungan ko na ang aking mga anak na i-remodel ang kanilang kusina at ang mga miyembro ng komunidad na kailangan lamang ng kaunting tulong sa mga proyekto sa pagre-remodel ng sarili nilang bahay.”
Hindi rin hinayaan ni Pat Morrell na makahadlang ang kanyang edad sa pagsisimula ng bagong bagay. Dahil kailangang madagdagan ang kita ng pamilya, siya ay bumalik sa kolehiyo noong malalaki na ang kanyang mga anak at nag-aral na maging nars. Makalipas ang ilang taon, nagtapos siya sa nursing school at ginagawa na niya ang trabahong noon pa niya gustong gawin. “Hindi ako magaling na estudyante sa high school, kaya hindi ako sigurado kung kaya kong kumpletuhin ang mga kinakailangan sa nursing,” sabi niya. “Inabot ng anim na taon ng pagsisingit ng mga klase sa pagitan ng paglilinis ng mga bahay sa araw at pag-aalaga sa iba bago ko natapos ang aking degree. Bukod pa sa oras, nangailangan din ito ng tiyaga, pasensya, at suporta mula sa iba—at maraming pagpapala.”
Bagama’t maaaring hindi lahat tayo ay makapagsisimula ng mga bagong negosyo o matututong tumugtog ng piyano o gumawa ng mga landscape design, walang limitasyon sa maaari nating matutuhan o sa kung paano natin mapauunlad ang ating sarili sa panahong madalas na mayroon tayo kapag matanda na.
Palagi tayong natututo ng mga bagong katotohanan pero marahil ay hindi ng mga bagong kasanayan. Habang nagkakaedad tayo, maaaring hindi natin madama na maaari tayong magsimulang muli, iniisip na marahil ay nakalampas na sa atin ang panahon at pagkakataong iyon. Hindi pa. Isang bagong mundo ng pagkatuto at pakikipagsapalaran at tagumpay ang naghihintay sa atin kung handa lamang tayong subukan ito.
Ang mga itinuturing ang edad na numero lamang at hindi hadlang ay nakasusumpong ng mas malaking kaligayahan, mas nakakaugnay sa mga apo at kapwa-tao, at nananamnam ang pagkakataon na maging katulad ng Tagapagligtas, “[na naglibot na] gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38) sa buong buhay Niya.
Ang awtor ay isang affiliate associate professor sa Ballard Center for Social Impact sa Brigham Young University.