Liahona
Paano Tayo Tinutulungan ng Pasasalamat na Magtiis na Mabuti?
Pebrero 2024


“Paano Tayo Tinutulungan ng Pasasalamat na Magtiis na Mabuti?,” Liahona, Peb. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

1 Nephi 16–22

Paano Tayo Tinutulungan ng Pasasalamat na Magtiis na Mabuti?

ipinapakita ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang nabali niyang busog o pana kay Lehi

Dumarating ang mga pagsubok sa lahat ng tao mabuti man sila o masama. Malaki ang kaibhang magagawa ng kung paano natin pinipiling tumugon sa mga pagsubok at kung saan tayo nagtutuon.

Pagtutuon sa Pasasalamat

Nang mamatay si Ismael, nagdalamhati ang kanyang mga anak na babae sa kanyang pagkamatay, pero nagdalamhati rin sila “dahil sa kanilang mga paghihirap sa ilang” (1 Nephi 16:35). Ang mga kababaihang ito ay nagtiis ng matitinding hirap, pero dahil patuloy silang nagtuon sa kanilang mga pagsubok ay bumulung-bulong sila laban sa propeta (na si Lehi) at nakaligtaan nila ang kanilang mga pagpapala (tingnan sa 1 Nephi 16:36).

Nagdaan din si Nephi sa mga hirap na iyon pero hindi siya bumulung-bulong, maging noong nabali ang kanyang busog o pana at pansamantalang walang makain ang grupo (tingnan sa 1 Nephi 16:18–22). Tumugon siya nang may tiyaga at pananampalataya.

Nang parusahan ng Panginoon ang mga anak na babae ni Ismael at ang kanilang mga asawa, saka lamang sila nagsisi at “iwinaksi nila ang kanilang galit” (tingnan sa 1 Nephi 16:39). Pagkatapos, kahit nang kumain sila ng hilaw na karne sa ilang, ang mga anak na babae ni Ismael ay nagbigay ng saganang nutrisyon sa kanilang mga anak at naging “malalakas, oo, maging katulad ng kalalakihan, at [sinimulan] nilang batahin ang kanilang mga paglalakbay nang walang mga karaingan” (1 Nephi 17:2).

Bagama’t ang grupo ay patuloy na “nagdanas ng maraming kahirapan sa ilang” (1 Nephi 17:1), napansin ni Nephi na “napakalaki ng [mga] pagpapala ng Panginoon sa [kanila]” (1 Nephi 17:2).

Ang pasasalamat ay tumutulong sa atin na makita ang mga pagpapala ng Panginoon anuman ang ating mga pagsubok.