“Napalitan ng Kapayapaan ang Aming Pasakit,” Liahona, Pebrero 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Napalitan ng Kapayapaan ang Aming Pasakit
Hindi ako handang mawalan ng ama, pero nagkaroon ako ng kapayapaan dahil sa plano ng Diyos.
Tila walang imposible para sa aking ama. Kahit bali ang binti, nagtayo siya ng isang kongkretong bahay na may dalawang palapag para sa aming pamilya habang nakasaklay siya. Ni hindi siya napigilan ng baling binti sa pagtupad sa kanyang mga responsibilidad sa priesthood o sa paglilingkod sa iba.
Nang ibalita ni Pangulong Russell M. Nelson noong 2020 na ang sacrament meeting ay gaganapin sa ating mga tahanan, tuwing Linggo ay lumuluhod ang aking ama, na bali ang binti, na puno ng integridad at pagmamahal sa Panginoon, sa konkretong sahig upang basbasan ang sakramento. Sabi niya mahalaga raw na lumuhod upang magpakita ng paggalang sa sagradong ordenansang ito.
Noong Mayo 18, 2020, namatay ang mahal kong ama, na aking idolo, dahil sa COVID-19. Biglaan ang kanyang pagkamatay kaya hindi kami handa. Siya ay 61 taong gulang lamang noon. Natutuhan ko na tulad ng paggalang ng Diyos sa kalayaang pumili, dapat nating igalang ang takdang panahon ng Diyos. Kaya nga nagpapasalamat ako sa Kanyang pangako, na itinuro ng propetang si Alma, “na ang espiritu ng lahat ng tao matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, oo, ang espiritu ng lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay” (Alma 40:11). Lahat ng lalaki at babae!
Maliit at sagrado ang naging burol ng tatay ko. Labindalawa sa amin ang kumanta ng masasayang himno ng pasasalamat sa Diyos para sa buhay ng aking ama sa mortalidad. Nang simulan naming kantahin ang “May Liwanag sa ‘King Kaluluwa,”1 natahimik ang pamilyang katabi namin, na umiiyak kanina dahil sa sarili nilang kawalan. Tila nagulat sila na hindi kami masyadong nalungkot sa pagkamatay ng aming ama, kundi sa halip ay nakaranas ng kapayapaan sa kaalamang may plano para sa amin. Naniniwala ako na nadama rin nila ang kapayapaang ibinibigay ni Jesus.
Hindi madali ang buhay nang wala ang aking ama, pero may kapayapaan kay Cristo. Talagang malapit kami ng aking ama, pero dama ko na mas malapit siya sa akin ngayon kaysa noon. Nabuklod ako sa kanya at sa aking ina para sa kawalang-hanggan, at alam kong buhay ang aking ama. Labis akong nangungulila sa kanya, pero ngayon ay may dalawang ama na ako sa kabilang panig ng tabing—ang aking Ama sa Langit at ang aking ama sa lupa. Alam ko na gagabayan ako ng Ama sa Langit hanggang sa aming muling pagkikita.