“Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem,” Plano sa Pag-aaral sa Pasko ng Pagkabuhay (2024)
Linggo ng Palaspas, Marso 24
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
“Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!” (Mateo 21:9).
Matagumpay na pumasok si Jesucristo sa Jerusalem sa gitna nang pagwagayway ng mga palaspas ng Kanyang mga tagasunod at paglatag ng mga balabal sa Kanyang daraanan. Pinaligiran nila si Jesus nang may pagmamahal at papuri, sumisigaw ng “Hosana”—isang parirala na ibig sabihin ay “iligtas kami.” Marami sa mga tagasunod ni Jesus ang umasa na Kanyang ililigtas sila mula sa pamamahala ng Romano, ngunit ang Kanyang mga mithiin ay mas nakasalig sa kawalang hanggan. Hindi pumarito sa lupa si Jesus para magbigay ng kaligtasan sa pulitika, kundi iligtas ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan.
Mas malugod din nating matatanggap si Jesucristo sa ating buhay sa linggong ito. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf:
Akmang-akma na sa linggong ito, mula Linggo ng Palaspas hanggang umaga ng [Pasko ng Pagkabuhay] ay ibinabaling natin ang ating mga isipan kay Jesucristo, ang pinagmumulan ng liwanag, buhay, at pagmamahal. Maaaring itinuring Siya ng mga tao sa Jerusalem bilang dakilang hari na magpapalaya sa kanila sa mapang-aping pamumuno. Ngunit ang katotohanan ay binigyan Niya tayo ng higit pa riyan. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang ebanghelyo, isang perlas na walang katumbas, ang malaking susi ng kaalaman na, kung uunawain at ipapamuhay, ay magbibigay ng masaya, payapa, at kasiya-siyang buhay. (“Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2009, 75)
Basahin at Pagnilayan
Paano ninyo aanyayahan sa inyong buhay si Jesus at ang kaligayahan at kapayapaan ng Kanyang ebanghelyo sa linggong ito?